Wednesday, February 5, 2014

Hindi Siya Nang-Iwan.


Pagkatagal-tagal kong naghintay. Inip, pangamba at pananabik ang naghalo-halo na sa loob-loob ko. Bakit wala ka pa? Baka bukas o sa makalawa. Aabot ka pa ba? Ilan sa mga tanong na lumulukso-lukso sa isip ko kapag nagsusulat. 


"Bente-otso pesos lang ang Zebra. "


Inikot ko ang patatsulok na silinder ng aking bolpen, hinugot ang plastik na sisidlan ng tinta, pinitik-pitik ang dunggot na nalalabing tinta. Kapag naubos to, ilang araw akong hindi makakapagsulat. Hindi kasi ako nagsusulat ng hindi Zebra 0.5 ang gamit na bolpen. Ayoko ng ibang tatak, mas gusto ko ang kapit ng zebra sa daliri ko. Ang problema: 

a. Sa mall lang ito nabibili. 
b. Sa kasamaang palad, wala pa rin akong pera. 


Kaya gabi-gabi, kasabay ng bawat hagod ng tinta ay kaalinsabay ang usal ng panalangin. Himala ko nang masasabi, na hindi ito lumalabo habang nauubos. 


Hindi aksidenteng papunta noon si Alquin ng mall. Magpapabili na lang ako para menos gastos. Pero sa kasawiang palad, 'wala' raw zebra0.5 dun. E andami kaya ron?! Sabi ko ipagpilitan niyang meron. Pero iginiit daw ng saleslady na wala. Mahirap na lang magkomento pa sa naturang saleslady. Malamang hindi pa panahon para mamahinga ang zebra. 



At kinaya pa nga nitong tumakbo ng 3 linggo pa kahit wala nakong nakikitang tinta sa transparent nitong ubod. Nakabili ako ng kapalit ng makababa ako ng Megamol nang makalagpas ako ng Boni-Pioneer. 


Ibinigay ko ang bolpen kay Alquin para sa kanya na siya abutin ng pagreretiro. 
Pero kahit maubos na ang kanyang tinta, hindi ko iwawaksi ang hindi na makakatakbong Zebra; isasama ko siya sa iba pang mga una nang nagsitakbo at kasama kong nagpagal. Ilan sa kanila ay kasama kong nagkamit ng pagkilala. Mga bolpeng wala ng tinta na nagsisilbing memorabilia ng mga kwento ng pagpupuno at pagtatawid sa mga bagong pahina ng buhay. 

Pasasalamat sa Manunulat na sumusulat ng araw-araw kong kuwento.

No comments: