Milyon-milyong Pinoy ang nakatutok sa kalyeserye nito lang Sabado (Setyembre 5, 2015). Malamang milyon ang kinilig, daang libo ang na-teary eyed, at daan-daan ang sari-sari istor at traysikel na nag-temporary strike para lang sa pagkikita nina Yaya Dub at Alden. Kasama na ako sa daang libong na-teary eyed at binugbog ang unan.
Bandang hapon ng parehong araw (Sept. 05, 2015) ay binuklat ko ang mga headlines sa Inquirer at Rappler at na-Eat Bulaga ako sa mga naganap sa Pilipinas habang nag-aabang at kinikilig ako sa kalyeserye. Hindi ko sinasabing masama ang kalyeserye, ang sinasabi ko ay mabuti rin namang maging malay (aware) tayo sa nangyayari sa bansa. Ano ba naman ang isang tweet para ipabatid na ito ang mga mainit-init pang nangyari sa loob ng Aparri hanggang Jolo:
1. Pag-alala sa ika-70 taon ng Pagsuko ng mga Hapon noong World War II ay ginanap sa Camp John Hay (Baguio City) noong Setyembre 3, Huwebes. Ito ay pinangunahan nina US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg at dalawang beterano ng WWII na sina Graciano Clavano at Sabas Hafalla.
Nangyari ang pagsuko ng mga Hapon sa bansa nang pirmahan ni Major General Edmond Leavey at General Tomoyuki Yamashita at Vice Admiral Denhici Ochoki ang katibayan ng pagsuko. Sa loob nga raw ng 70 taon ay hindi ginalaw o binago ang bedroom number five sa tirahan ng Ambassador sa Camp John Hay (na siya ring tuluyan ni Yamashita nang sakupin nila ang bansa).
Mahalaga ang mga ganitong pag-alala bilang pagsaludo sa mga matatapang nating sundalo na ipinaglaban ang ating bansa. Nagpapatibay din ito ng pagkakaibigan natin sa Amerika.
Ang artikulong hinalawan ko ay mula sa Rappler.com sa "In Baguio, remembering the Japanese forces' World War II surrender".
Hindi ko sinasabing masama ang kalyeserye, ang sinasabi ko ay mabuti ang maging malay (aware) tayo sa mga nangyari sa bansa.
2. Kinumpirma ng Kagawaran ng Kalusugan na mayroong kaso ng Ebola Reston Virus (ERV) sa isang pasilidad sa bansa. Ang pasilidad na ito ay isang research lab at breeding center para sa mga unggoy. Sinuri na ng Research for International Tropical Medicine (RITM) ang 25 na staffs ng hindi pinangalanang pasilidad at nakapagpadala na ang RITM ng sample mula sa mga unggoy sa Australia at Japan para sa confirmatory results.
Hindi dapat ikatakot dahil ang ERV ay ang "pinakamabait" na Ebola virus sa tao ayon kay Health Secretary Janette Garin. May mga klase ng Ebola na grabe ang epekto sa hayop pero wala sa tao. Gayunpaman, nililimitahan ang paggalaw ng mga tao sa pasilidad habang patuloy na pinag-aaralan ang kaso.
Sa ngayon, Pilipinas pa lang ang batid na lugar na pinagmulan ng ganitong klaseng Ebola virus na hindi nagdudulot ng sakit sa tao. Noong 1989, nagkaroon ng outbreak sa mga lab monkeys sa US at na-trace ang source nito sa Virginia kung saanay mga infected na unggoy ang inexport mula sa Pilipinas.
Siyempre, ang concern natin dito ay hindi lang ang public health at safety kundi pati na rin ang animal health at welfare ng mga unggoy. Puwede rin itong oportunidad para sa mas malalim na pag-aaral sa nasabing Ebola strain na only in the Philippines.
Hango ito sa artikulo sa Rappler.com na "DOH confirms Ebola Reston Virus case in PH facility" ni Jee Y. Geronimo.
Hindi ko sinasabing masama ang kalyeserye, ang sinasabi ko ay mabuti ang maging alerto tayo sa mga nangyayari sa bansa.
3. Mariing tinutulan at kinundena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpaslang sa isang 'lumad' educator at dalawang tribal leaders. At ang mas kagulat-gulat ay September 1(noong isang Martes) pa ito naganap sa probinsya ng Surigao del Sur.
Ayon sa ulat ng isang advocacy group na Save Our Schools (SOS) ay Martes ng umaga ay pinagbabaril di umano ng Magahat-Bagani, isang paramilitary group; sina Emerito Samarca, executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development; Dionel Campos at Belio Sinzo mga Mapasu.
Pina-iimbestigahan na ni CHR Chair Chito Gascon at pinagpapaliwanag ang Armed Forces sa nangyaring pamamaslang.
Ito ay hango sa artikulo sa Inquirer.net at hindi ko po makita ang by-line.
Alam kong lumikha na ito ng ingay sa mga raliyista upang mapansin. Hindi lamang ang kasong ito kundi ang marami pang kaso ng militarisasyon at violation on human rights lalo na sa mga lumad.
Hindi ko sinasabing masama ang kalyeserye, ang sinasabi ko ay mabuti ang magmalasakit tayo sa mga nangyayaring karahasan at kawalan ng katarungan sa bansa.
Mas marami pang higit na mahalagang bagay kaysa sa pagharang ng isang plywood kina Yaya Dub at Alden.
No comments:
Post a Comment