Si Pamana ay isang Pamana
Agosto 16 - Natagpuang patay si Pamana, isang tatlong taong gulang na Philippine eagle (Pithecopa jefferyi) sa Mt. Hamiguitan na isang protected area.
Maraming nagalit ng pumutok ang balitang ito. Para nga naman kasing ang heartless ng bumaril dito. Maraming naantig sa pagkamatay ng isang ibon na ipinag-ingay pa ng marami mula sa social media hanggang makaabot sa senado. Ngayo'y natabunan na ng hindi pa nga napipisang Eleksyon 2016.
Simbolikal ang pagpapakawala kay Pamana sa Mt. Hamiguitan. Hindi lang dahil pambansang saigisag ang agila kundi dahil naganap ito noong Araw ng Kalayaan. Sana'y hindi lang tayo nag-ingay dati dahil "nakakaawa naman 'yong ibon"; *sad face, *pabebe wave. Hindi lang pagkamatay ng isang critically endangered species ang naganap, kundi pagkawala ng isang pambansang kayamanan. Lahat tayo nawalan dito. Kaya kung may mas nakakaawa rito, e tayo 'yon.
Kasama sa itinuturing na pamana ang mga hayop at halaman (fauna at flora) o biodiversity; tinatawag itong natural heritage. At ang pamana ay hindi dapat ginagamit/inuubos kundi bagkos ay pinagyayaman pa. Ang Mt. Hamiguitan, kung saan pinakawalan at nabaril si Pamana, ay isa namang cultural landscape o kabilang sa geodiveristy na pamanang pambansa, na kasama sa 183 (as of 2011) World Natural Heritage Sites. Ang ibig sabihin, mahalaga ang bundok at kung anumang nasa Bundok Hamiguitan hindi lamang sa'tin kundi pati na rin sa International community.
Ang pagkawala ni Pamana, at ng marami pang nauna sa kanya, ay nagpapakita ng pagiging bulagsak natin (bilang bansang Filipino) sa pamana ng kalikasan. Ang pagkabulok ni Pamana, kung sumasagisag pala ito sa bansa at sinimbolo ang kalayaan, ay nagpapakita ng bulok at agnas nating pagmamahal sa bayan at kalayaan nito.
Nakahawla pa rin tayo sa kamangmangan. Protektado lang ba ang likas na yaman at pambansang pamana ng mga de-numerong Republic Acts? Tapos, bisteng-bisteng aatend tayo ng mga pa-okasyon ng UNESCO. Huwaw! Ano 'to? Hindi kasi natin naiintindihan kung ano ang mga pamana kaya hindi natin pinahahalagahan ang mga ito. Dahil hindi natin pinahahalagahan kaya hindi natin iniingatan.
Sa isyung ito lahat tayo ay stakeholders! Nariyan pa ang Philippine Eagle Foundation, ang Department of Environment, at ang 400 na pares na "Pamana" sa gubat, wag nating hayaang maging ganito ang huni nila:
"Ang mamatay ng dahil sa'yo".
No comments:
Post a Comment