Friday, September 11, 2015

Setyembre 11, 2015

Setyembre 11, 2015


Namalengke kami nina Mrs. P(ampolina) at Lola Nitz. Si E-boy tulog pa kahit alas-diyes na ng umaga dahil sinikal ang hika kagabi. Namalengke kami ng pang-Afritada para sa babang-luksa ni Nanay Azon, kapatid ni Lola Nitz.

Bumili kami ng limang kilong manok. Habang inaabyad ni Mrs. P ang iba pang sangkap at si Lola Nitz ay may kahuntahan, nakatitig lang ako sa mga kinakatay na karneng manok. Ginagayat pang-Afritada.

Matanda na 'yong magmamanok at matalas ang kanyang kutsilyo. Tad. Tad. Tad. Sunod-sunod na mabilis ang pagtatadtad ng magmamanok sa manok. Bihasang-bihasa ang magmamanok at matalas na matalas ang kutsilyo. Hindi ko alam kung bakit ako titig na titig at nakatakla. Hinihintay ko bang matadtad ni Manong ang daliri n'ya? Ewan.

Nakailang hiwa kaya siya dati sa dailiri niya bago naganap ang kasanayan sa ritmo ng pagtatadtad. Sana sa paglipas ng panahon ay maging bihasa ako sa ritmo ng ginagawa ko ngayon at mahasa ang instrumentong hawak ko.

Dyord
Setyembre 2015

No comments: