Setyembre 14, 2015
Mula sa sakit ng lalamunan noong Sabado ay ganap na sipon at ubo na'to ngayon. Masakit pa sa ulo. Pakiramdam ko ay puno ng uhog ang ulo ko, mga 76% ng utak ko'y pakiramdam ko'y uhog na rin. Hindi talaga maayos ang pakiramdam.
May deadline pa naman ako ngayon Lunes. Isa itong panawagan sa tula para sa mga kababayan nating lumad. Naayos ko na 'to noong Sabado pa. Nagpumilit na 'ko kahit hindi maayos ang pakilasa ko noon. Alam ko kasi na lalala pa ang lagay ko. Natapos ko ang tula pero kailangan naka-Word file. Meron akong Google Docs sa Android at nakakagawa ng Word file doon. Kaso hindi ako makapag-attach ng file sa e-mail. Kailangan ko pa ring mag-e-mail gamit ang kompyuter. Kailangan kong maki-e-mail kena E-boy. Pero parang hindi ko kayang bumangon.
Meron din akong deadline sa ika-16, Martes kaya lang hindi ko pa masyadong napag-isipan ang sanaysay na'to. Tungkol sana ito sa mga Babae bilang Tagaluwal ng Kultura kaya lang nang nasa ikatlong talata na 'ko ay itinigil ko na. Ansakit-sakit sa ulo. Medyo malapit na rin ang deadline nang makita ko 'yong panawagan sa lahok. E may nakapagsabi pa na "a work of art is the trace of magnificent struggle", kaya di ko na tinuloy.
Kaya lang naman ako nahirapang sumulat dahil may sakit ako. Paano kung wala, madadalian ba 'ko? Hindi ang sagot. Dahil wala akong masyadong alam sa papel ng kababaihan sa kultura. Kakaunti pa ang aking nagawang pananaliksik at pagmumuni-muni. Kaya kesa makapagpasa lang, e itinigil ko na muna ang pagsusulat noon.
Bandang alas-kuwatro, bumangon akong pilit para pumunta kena E-boy. Hanggang ala-sais lang kasi ng hapon ang deadline sa tula. Kaya kahit lulugo-lugo ay sumakay pa rin ako ng dyip papuntang Lusacan. Tapos, nakisaksak ng Android at nag-attach ng file at matapos ang maraming teknikal na aberya ay nakapagsend din ako ng e-mail nang 5: 45.
Sakto namang naandoon sina Nikabrik, Van, Ate Abby, Alvin (Richards), Jem-jem, at Jessica. Nagkayayaang magkwek-kwek sa palengke. Nagpalibre lang ako kena E-boy ng botchi at nakisubo sa siomai. Nakiinom ng palamig kay Jem. Solb!
Sabi ko kay E-boy saka na lang namin panoorin 'yong Inside Out kapag magaling na kami inside out. Balik-bahay ako at pag-uwi ay kumain lang ng pipino't saging. Tapos, pahinga na.
Dyord
Setyembre 2015
No comments:
Post a Comment