Setyembre 9, 2015
Inagahan ko talaga ang pagpunta sa simbahan para makapagpraktis ako ng mga pamaskong kanta sa biyolin ko. Hindi conducive magpraktis sa bahay e. Kaya lang nasa may MALAKING Simbahan pa lang ako ay umulan na. Tuloy pa rin ako sa paglalakad at sumilong sa may pargola sa Ala-ala Park.
Tsk. Tsk. Balewala ang pagmamaaga ko. Mai-stranded lang pala ako dahil sa ulan. Wala akong payong at ayoko namang mabasa masyado ang bahayan ng biyolin ko. Sa loob ng pargola nakasilong din ang isang mag-asawa na may dalang batang babae. 'Yong isang nanay dalawang kaliliitan ang dala. Naglalaro ang mga batang hindi naman talaga magkakakilala.
Sa tapat ko naman ay may mag-jowa. Isang lalaking naka-pula na shirt at naka-kayumangging pantalon. Pormadong pormado with matching grey na rubber shoes na may yellow green na accent. 'Yong babae naman ay nangungutim na damit at may puting plastik na sandalyas. Parang 'yong nabibili sa Puregold na tig-wawanpipti lang. Nakapurselas ito na tumatama sa bakal na bakod ng pargola kada babagsak ang kamay nito mula sa pagkakasiksik sa magkabilang siko. Parang naiinip. Ganun din yung lalaki. Parang may iniintay. Hindi naman sila nagpapatila ng ulan. Hindi 'yun sa tingin ko ang dahilan.
Dahil mga tatlo't kalahating dipa lang, kita ko ang pagbubuntong hininga ni girl. Pati rin si boy. Titingin sa taas sa mga basang dahon ng mangga, tas tutungo sa baba sa mga patak ng ulan. May hinihintay talaga ang mga ito. Paayos-ayos ng damit ang lalaki at nahuli ko nang nakanguso ang babae. Haba ang nguso na parang may nginunguto-nguto. Kaya lang para lang silang mga kutong nag-uusap sa sobrang hina. E bionic kaya ang ears ko. O baka naman hindi talaga sila nag-uusap, namamalik-dinig lang ako sa pagkainip ko na rin sa gusto nilang pag-usapan. Pauyuhan ang tawag dito e.
Nakamangot na silang dalawa. Ako'y pasulyap-sulyap lang kunwari'y wapakels at tinatapat ang tenga sa direksyon nila baka sakaling makasagap. Baka naman may kakayahan na silang mag-usap ng hindi nagsasalita. Parang ang unang magsalita, talo. Pauyuhan talaga. Humahapon na lalo kailangan ko nang magsimba. Hinihintay lang din yata nila kong umalis. Nang medyo humina ang ulan ay iniwan ko na ang dalawa sa pargola na sintahimik ng basketbolan ng hapong 'yon.
jjj
Parang ganito rin sa bahay ngayon e; pauyuhan. Pauyuhan sina Mama at Papang bumili ng ulam. Pauyuhan sinong bibili ng kape. Pauyuhan sa pagbili ng shampoo. Si Mama nagtitipid para makabayad sa utang. Sandamakmak ang 5-6 nito. Wala rin namang masyadong benta sa palengke. Si Papa naman ay nagtitipid para may maipatuka sa manok at may maipansabong kapag Linggo. Minsan lasing pa at sisigawan ako dahil hindi raw ako nagtatrabaho. Hindi raw ako tumutulong sa kanila.
Kaya madalas ay lumiliban talaga sa pagkain ng kanin sa bahay. Either almusal o tanghalian ang wala at nitong araw nga na ito ay parehong cutting classes sina almusal at tanghalian. Ang masaklap pa rito ay minsan kailangan mong gumawa ng mabibigat na gawain gaya ng paglalaba at pag-iigib kahit kape (minsan may biskuwit) lang ang lamang tiyan.
Paano kung hinihintay lang din nila kong umalis? Umalis at magtrabaho. Pero wala akong balak papatakin sa kanila ang ulan at sila'y sasahod lang.
Dyord,
Setyembre 9, 2015
No comments:
Post a Comment