Saturday, September 5, 2015

nabasa ko 'Yong 'paper Towns ('Yong Filipino Edition)

nabasa ko 'Yung 'paper Towns' ('Yung Filipino Edition)

Ang Paper Towns ay isang nobelang sinulat ni John Green sa Ingles. Ang binasa ko ay 'yung nasa Filipino na salin nina Beverly Siy at Ronald Verzo II. Bakit ko siya piniling basahin sa Filipino? Una, mas mura ang aklat kapag nasa Filipinong salin. Wala kasi akong masyadong pera. Pangalawa, para makita ang kakayanan ng wika at mga tagapagsalin natin.

Ang kuwento ng Paper Towns ay umikot mula sa pagtingin ni Q (Quentin) kay Margo Roth Speigelman bilang isang diyosa; ubod ng ganda, makapangyarihan, at umaapaw sa coolness. Kababata niya si Margo at may pagtingin na s'ya rito since birth. Tama, isa sa mga kaengga-engganyong katangian ng nobela ay nasa POV ng lalaki naman ang isang romance story. Nagsimula ang road trip sa isang gabi, ilang linggo bago matapos ang buhay hayskul nila, ay pumasok si Margo sa bintana ni Q na mistulang ninja at inumpisahan ang kanilang mission na both possible at impossible. Ang tila imposibleng bahagi ay ang paghahanap kay Margo bago maubos ang mga pisi sa dibdib ni Q at tuluyang mabasag ang sisidlan.

Maganda ang nobelang Paper Towns dahil:

1. Kitang-kita rito ang pagkakaiba ng kultura natin sa mga Kano. Yung mga kabataang Kano ang hilig sa party cups at siyempre sa party-party. Party na parang walang bukas. Basta nagpaunlak ang barkada o schoolmate ng party sa bahay ay gora sila. Hindi nila sinasaalang-alang kung oks lang ba sa magulang nung nag-imbita. Nagkakalat sila sa ibang bahay na sobrang NO sa atin.

   May mataas sila na sense of independence lalo na kapag college na. Sa atin hangga't nag-aaral ay nasa puder o responsibilidad pa ng magulang. Sa Pinas, maraming nagkokolehiyo na ang dahilan ay para makakuha ng magandang trabaho at makatulong sa pamilya. Sa mga Kano, college is a key to open for opportunities or to search one's self o para i-pursue ang passion. Napaka-family oriented natin.

   Parang selfown lang ang kotse para maging graduation gift. A must-have sa kanila 'yon. Pagkakaiba rin ito ng ekonomikong kalagayan natin.

   Yung language may kahalayan. Pinakita ni John Green na ganito ang 'bunganga' ng maraming kabataang Kano ngayon. Mas naging makatotohanan ang mga tauhan dahil dito. Hindi lang ito usapin ng kultura ng isang bansa kundi isyu ng bumababang moralidad. Bukod nga sa kotse ay must-have din ang pagkakaroon ng 'sexperience' bago grumadweyt ng hayskul para sa maraming kabataan doon. Malamang dito rin sa Pilipinas, hindi nga lang pinag-uusapan ng bulgaran.

2. Pinakikita rin dito na harsh ang hayskul layf. Maraming bully. Maraming naghahanap sa sarili. Makikitang kahit hayskul pa lang ay mayroon ng mga naghaharing uri at ginogloripika ang ganda (ng mukha at katawan o image) kaysa sa pagkakaiba-iba at katapatan sa sarili. Kaya ang toong malakas ay 'yung kayang mag-adapt at maka-survive sa harshness ng buhay.

3. Nagpapakilala ito ng Toponomy o yung pag-aaral kung bakit ganun ang pangalan ng lugar. Ipinakilala ni Q kung bakit Jefferson Park ang tawag sa lugar nila. Sa paghahanap n'ya rin kay Margo, mapag-aalaman naman niya ang kasaysayan ng Argoe. Gusto rin ni Q 'yung dating kalagayan na kada papasok siya ng ibang state ay sasalubong sa'yo ang kultura ng lugar na 'yon at hindi si McDo. Kailangan ba talaga na masakripisyo ang kultura para sa pag-unlad?

  Mapapaisip ka nga kung sino ba ang humuhubog sa alin. Mas hinuhubog ba ng mga tao ang isang lugar o mas hinuhubog ng isang lugar ang mga tao. Alinman, " Ang lugar ay ang tao at ang tao ay ang lugar" sabi ni Margo.

4. Dinirayb din nito ang kahalagahan ng Copyright. Ipinaliwanang nito ang mga copryright traps na nilikha ng mga cartographers. Mga pekeng lugar sa mapa nila na tinatawag ding paper towns para kapag nakita nila ang ibang mapa na nakalagay ang imbento nilang lugar, isa lang ang ibig sabihin nun, nag-copy paste sila. Nagnakaw ng intelektwal na ari. At labag sa batas, masama, at kasalanan 'yon!

5. Isinama ni Margo ang tula ni Whitman na "Song of Myself". Nag-cameo rin si Emily Dickinson, ang Moby Dick, The Bell ni Sylvia Plath, at Slaughterhouse-Five ni Kurt Vonnegut. Nakaka-curious lang bakit binabasa ni Margo 'yung dalawang huling nabanggit. Nadagdag tuloy ito sa mga hahanapin kong aklat.

6. Meron itong masidhing pagnanasang makilala ang sarili. Na mamuhay kung sino ka talaga. Hindi 'yong ikaw na sinasabi ng mga tao na ikaw. Hindi 'yong ikaw na umaarte batay sa pagkakakilala ng iba sa'yo. Ang naging paraan ni Margo sa pagkilala sa sarili ay ang pag-alis at pagtakas mula sa Margo na hindi n'ya kayang pangatawanan sa lahat ng oras. Makikilala naman ni Q ang sarili sa paraang hindi niya aakalain, dahil sa paghahanap at paglalakbay tungo sa totoong Margo ay makikita rin n'ya ang sarili at ibang tao nang buong-buo

Kung masyadong cliche o abstract ang marami sa itinala ko, pasensya na dahil sobrang nag-iingat akong sumulat ng rebyu nang hindi nang-i-spoil.

At ang isa pa sa mga nalaman ko ay mahusay pala ang mga Filipinong tagasalin. Nabasag ang kaisipang baduy naman kapag sinalin sa Filipino ang banyagang nobela. Kesyo may kahinaan ang wika natin para ipahayag ang ilang damdamin sa Ingles. Mayroon sigurong limitasyon pero hindi mahina ang wikang Filipino.


Talakayan:
(Pumili lang ako ng tatlong madadaling tanong. Babala: Kung hindi mo pa nababasa ang nobela baka ma-spoil ka sa mga sumusunod.)

1. Noong nine years old sina Margo at Q, may natagpuan silang nakapanghihilakbot. Magkaibang-magkaiba ang pagtugon nila rito. Sabi ni Q, "Pag-atras ko, siya namang lapit ni Margo sa lalaki. Dahan-dahan, dalawang maliliit na hakbang din". Ganito pa rin bang mag-isip ang mga tauhan pagtuntong nila ng high school? Ganito pa rin ba sila pagkatapos ng nobela? May nagbago ba? Kung may nagbago, ano-ano ang mga ito?

Nanatili pa ring curious, adventurous, at daring si Margo at cautious, playing safe at hesitant naman si Q nang maging hayskul sila. Si Margo lumiliban-liban sa klase samantalang si Q ay gustong maperfect ang attendance at ayaw ma-late. Si Q ay hanggang patanaw-tanaw na lang sa bintana samantalang si Margo ay namamasok at nambabasag ng mga bintana. Si Margo ay magiging mas Margo pa (patuloy na maglalakbay at kikilalanin ang sarili) at si Q ay makikilala ang totoong Margo at ang iba pang Q na natatago sa loob n'ya. Mas makikilala nila ang kani-kanilang mga sarili higit sa pagkilala sa isa't isa. Makikitang noon pa man ay magkaiba na ang direksiyon ng kanilang mga hakbang.

2. Ilarawan ang mga best friend ni Q. Sa hierarchy ng mga estudyante sa Winter Park High School, saang antas nabibilang ang mga kaibigan ni Q? Kung bibigyan ka ng pagkakataong makapili ng best friend mula sa mga tauhang ito, sino ang pipiliin mo? Bakit?

Ang payat at nagkaroon ng kidney infection na si Ben. Kahit na maraming sakit ng ulo ang idudulot nito sa'kin. Kahit na may pagkababoy ang bibig n'ya. Kahit na palaging girls at dating (dey-ting) ang nasa isip n'ya. Magaling naman s'ya sa games. Magkakaroon kami ng healthy competition. Challenging s'yang maging kaibigan.

'Tsaka may good side naman si Ben. Nakikinig sa kuwento mo basta nasa mood. Naalala mo 'yung time na puyat na puyat si Q tapos nakatulog s'ya sa RHAPAW, paggising n'ya may Wendy's burger na at note mula kay Ben. Para ngang out of character 'yun e. Siguro talagang one-scene-in-a-novel lang ang mga ganung ugali ni Ben. 'Tsaka may bespren din akong magaling sa games at nagpapaburger minsan. haha

3. Talakayin ang huling linya ng nobela. Pagtuunanng pansin ang kaugnayan nito sa buong kuwento at kung anong sinasabi nito tungkol sa relasyon nina Margo at Q.

Nakilala ni Q si Margo. Hindi 'yung Margo na diyosa at tinitingala ng lahat kundi 'yung Margo Roth Speigelman na naglalaho man sa naglalamat na dilim ay malinaw na malinaw sa isip n'ya. Ito ang Margo na hindi kung kaninomang bersiyon. Ito ang Margo na hindi papel. Ito ang Margo na tao lang.

Walang aylabyuhan sa huli o together forever na mga kaululan. Hindi si Margo o kung sinumang nagmamahalan ang sentro ng universe ng isa't isa. Magkahiwalay man sila ng biyahe ay alam naman nilang 'sing halaga ng mismong paglalakbay ang kanilang destinasyon at ang ngayon ay kasing halaga rin ng bukas.


Mababasa rin ang rebyu sa blog ko maya-maya lang.

No comments: