Araling Filipinas : Kalagayan ng Kaalaman
Pinalad akong makarating sa Philippine Studies: State of the Knowledge na inorganisa ng UP Press at National Book Developement Board (NBDB). Tungkol ito sa Araling Filipinas, kung 'asan na nga ga tayo sa pag-aaral natin sa iba't ibang disiplina.
Siksik, liglig, at umaapaw sa impormasyon, opinyon, at haka-haka ang araw na 'yon. Siyempre, dinaluhan ito ng mga manunulat, siyentipiko, historyador, antropologo, mga estudyante at guro; at ng iba pang Akademik pipol.
Binuksan ni Dr. Jose Neil C. Garcia, direktor ng UP Press, ang simposyum sa isang maiksi at malamang talumpati. Kahit na kunot-noo akong nakikinig sa kan'ya ay ito ang ilan sa mga naisulat ko: (1) Ano ba ang ibig sabihin ng Philippine Studies? Ang Philippine Studies ay tumutukoy sa anomang paksain na isinulat ng isang Filipinong iskolar kahit anomang disiplina at institusyong kinabibilangan nito. Ito ay principle at practice of literacy. (2) Isa sa mga isyu ng ating kasaysayan ay ang orality of our culture (epiko, tula, kasabihan) kaya kulang tayo sa mga tala at dahil dito (3) Ang kasaysayan natin, dahil sa pagka-unstable ng ating mga archives, ay ispekulatib.
Nahilo talaga ako sa Ingles.Teka, Ingles ba 'yon? Naliyo ako lalo na sa equivocal, intuitive, epestimic, redounded, ephemeral, at marami pang adjectives na alien sa'kin. Parang nagkamali yata ako ng pinuntahang event. Hindi yata talaga ako para sa akademya. Pero nawala ang kaisipang ito ng magbigay na ng talk si Ser Germino Abad.
Kaalaman sa Panitikan
Si Dr. Germino Abad ay isang literary critic, academic, at poet. May katandaan na rin siya. Bitbit niya ang kanyang 9-page essay. "Boring 'to" sabi ko. Pero double-space naman daw sabi n'ya. Ito ang naitala ko mula kay tatang:
(1) Ang poetry ay galing sa latin word na poi-ai na ang ibig sabihin ay to make. "It is a generic term for any work of art...it perviates any kind of art."
(2) "...the poetry course is a long creative agony"
(3) "English has to be naturalized as a Filipino language...We need to colonize the new language..." at dapat daw madala ng wikang ito ang bawat damdamin at saloobin ng Filipinong manunulat.
(4) Sabi ni Emmanuel Torres, may mga bagay na hindi talaga maipapahayag kung hindi gagamitin ng manunulat ang kanyang lokal na wika. Hindi sumasang-ayon dito si Dr. Abad, ayon sa kanya dapat "reinvent the language and clear the path between English and local experience".
(5) "Vernacular comes from the latin vernacula which means a slave that is born and raised in his master's house." Kaya hindi niya raw ginagamit ito kapag tumutukoy sa lokal na wika.
(6) Sa opinyon ni Dr. Abad, ang erosion of reading competence ng mga kabataang Pinoy ay "owing to many audio-visual entertainment thay seriously diminish our sense of language".
(7) "The poet must be constantly liberate from his language and topic. "The poets must constantly rediscover their language."
(8) "Language is an abstract form of representation that affirms a portion of the reality."
(9) "Poem is a way of seeing anew of our objective reality."
(10) Nakakaapekto ang kalagayang politika sa takbo ng panulat ng mga makata. Tingnan na nga lamang ang "poets requirement or urge to connect poems to social reality because of Marcos regime... the time of political activism..."
Isa ito sa pinakapaborito ko:
(11) "In writer's wrestle with language, his prize is the literary work. And in the literary work, the writer finds his own people."
Pagkatapos ng nakaka-"woooh..." na talk o pagbabasa ng essay, e nagtanungan portion na. Ito ang mga tanong:
What is your opinion about Wattpad?
(Siyempre, inexplain pa kay Dr. Abad kung ano 'yong nasa Wattpad dahil self-proclaim nga s'yang nincomputerae.)
"As long as it makes young people to read...we need readers. Our readers will create our literature."
"There is no such thing as lierary establishment. There is no literary canon. Wala n'yan! Literary days can change."
Do you acknowledge the works of the lumads, of the oppressed, of those not in power?
"They are not published, that's sad."
Tinutukoy niya rito na kinikilala niya ang mga ganitong katha. Ang problema nga lang ay hindi sila napapublish (masyado) kaya (para sa gaya ni Dr. Abad na nanaliksik sa mga peryodiko, aklat, magasin para sa mga antolohiya) mahirap makakita ng kathang mula sa mga Moro at lumad.
Ibinalita naman ng UP Press na may ilalabas sila na aklat tungkol sa panitikang Panay. Sa mga makata, mayroon din ngayong panawagan sa tula para sa pagtutol sa lumad killings sa facebook. Unti-unting naipapakilala ang mga lumad sa mambabasang Filipino.
Kung ang mga mambabasang Filipino ay bumibili ng American novels, bakit hindi nila tangkilikin ang mga aklat sa Ingles ng mga Filipinong awtor?
Binanggit ni Ser Abad ang popularity at advertisment bilang salik kung bakit hindi mabili ang mga aklat sa Ingles ng mga Pinoy na awtor, pero nagtapos siya na "maybe we're too serious, too concern about the craft".
Sumunod kay Dr. Germino Abad para naman magsalita tungkol sa Panitikang Filipino ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Dr. Bienvenido Lumbera. Sa wakas! Filipino naman!
Larangan ng Panitikan sa Ilalim ng Philippine Studies, ang pamagat ng kanyang pag-aaral na mga tala ng mga publikasyon, manunulat, at aklat sa Filipinas. Nag-umpisa siya sa sampung bolyum ng Encyclopedia of Philippine Arts (1994) ng Cultural Center of the Philippines bilang panandang bato sa pinakaunang aklat na tungkol sa kalipunan ng sining sa Pilipinas. (Nakakalungkot lang dahil sa sampung taon akong nag-MSEP, hindi man lang nabanggit ito sa'kin.) Nabanggit si Bueneventura Molina ng Filipino Magasin na nagtipon ng mga maikling kuwento ng mga Filipinong manunulat. Kasama rin sina Jun Cruz Reyes sa kanyang 'Ang Labing tatlong Pasaway' at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Rio Alma na tila hindi nauubusan ng tula. Binanggit din ang koleksiyon nina Isagani Cruz na 'The Other Other' at ni Soledad Reyes na 'Narratives of Notes' naagkatuwang sa pagbibigay liwanag sa makabagong panitikan.
Maiksi lang ang pagsasalita ni Dr. Lumbera, nasa Filipino naman, pero parang nahilo pa rin ako. Sumunod ang bukas na talakayan:
Anong masasabi n'yo sa pop lit - komiks at graphic novel (gaya ng Kikomachine, Tabi po, graphic novel adaptation ng Noli)?
It is a trend. Medyo matanda na'ko at nasa labas na'ko (sumensyas ng pabilog). Kailangang bigyang pansin (ng mga kritiko) 'yong mga batang manunulat na nakakumpol kay Jun Cruz Reyes.
Mula sa isang kabataang lalaki, hindi raw nabibigyang pansin ng mga kaibigan natin sa media ang mga aklat kaya kulang sa patalastas kaya hindi tinatangkilik.
Mula naman kay Lolo Bien, "wala ring regular na pahina sa mga dyaryo para sa literature". Sinabihan rin n'ya ang National Book kung hindi nabebenta ang isang aklat, 'wag namang tanggalin sa shelf.
Sabi naman ng isang lola, minsan lang siya manood ng t.v. pero sa tuwing nakikita niya na may iniinterview na manunulat ay foreign ito. "Pinatatamaan ko ang dalawang publishers na kilala ko, ngayon. Bakit hindi mga Pinoy ang interbyuhin n'yo?".
Mula naman sa isang pari, kapag nagbabasa raw siya ng philosophy at theology books ay puro foreign (galing sa mga 1st world country). Kulang tayo sa mga Pilipinong manunulat sa disiplinang ito. "Dapat ang division lang ng 1st world country sa 3rd world ay economical lang. Hindi intelektwal. We don't trust our own authors."
Mula naman sa isa sa mga may-ari ng Mt. Cloud bookstore, "make books social...sino ang nasa likod ng libro? The readers are curious e. Is she friendly? Is she interesting to talk to?". Kaya kada raw malalaman nila na may awtor na aakyat ng Baguio ay iniimbitahan nila ito sa kanilang bookstore.
Mula ulit kay Lolo Bien, pagdating sa mga aklat mula sa akademya dapat ay "ang mga paaralan ang magbigay pagmamahal kaso they don't feel obligated".
Mula naman sa taga-Anvil Publishing, dapat daw ay sa basic education, sa grade school ay naipakilala na ang mga aklat at ang pagmamahal sa pagbabasa.
Ito ang isa sa mga pinakapaborito kong sinabi ni Lolo Bien:
"The snobbishness of the educated, ang mentalidad na ito sa university ay kailangang wasakin".
Kaalaman sa Kasaysayan
Si Dr. Ferdinand Llanes ang nagsalita tungkol sa nasaan na ba tayo sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas? Nag-umpisa siya sa pagbati sa pelikulang Heneral Luna. Ang magandang dulot daw nito ay kilala na ng mga tao (na nakapanood) si Heneral Luna. Ang hindi magandang dulot ay baka hindi na sila magbasa dahil kilala nila. Ito ang ilang naitala ko mula sa talk ni Dr. Llanes:
(1) "'Yong mga isyu ngayon ay kaugnay ng kasaysayan". Iniisa-isa niya ang mga ito: ang Torre de Manila vs. Monumento ni Rizal, ang halalan 2016 at kandidatong galing sa hacienderong pamilya, at ang transportasyon at trapiko. Mayroon siyang nakitang litrato ng Quiapo noong 1949 at kitang-kita rito na nagbababa ang mga tsuper sa gitna ng kalsada. Noon pa man daw ay ganoon na ang mga tsuper, hindi bago ang pagbababa ng pasahero sa di tamang babaan.
(2) Marami sa mga tesis at manuskrito tungkol sa kasaysayan ang hindi naisasa-aklat. Hindi mai-publish dahil sa laborious ang paglilipat nito sa libro.
(3) Ang paggagawa ng banca ay may mga kaalinsabay na ritwal dahil sa paniniwalang nuno na may ispirito roon. Gayundin sa pagpuputol ng puno at pagtitigis ng dugo sa pundasyon para raw magkaroon ng buhay ang istruktura, intrinsic ito sa mga karpintero lalo na 'yong galing probinsya.
(4) Ang pag-aaral kasi ng kasaysayan sa bansa, sa basic education level ay puro pangalan, lugar, at dates. Hindi naipapaliwanag ang mga implikasyon nito. Hindi naituturo ang diwa ng kasaysayan. Mechanical ang framework ng DepEd pagdating sa textbooks sa kasaysayan. Ang nakalagay daw sa mga aklat kapag mga presi-presidente ay ito ang positive at ito ang negative. Walang analysis. Walang critical thinking na nagaganap. At dahil maraming naipagawang istruktura si Marcos, siya ang dabes na presidente. Kaya maraming kabataan ang nagsusulong muli ng mga Marcos sa pagkapangulo.
(5) Naging Editorial Consultant daw siya ng isang textbook sa history na ang content ay kinatay-katay lang mula sa mga historian at may plagiarized na bahagi pa nga. Siyempre, di n'ya inaprubahan. Tinanong daw siya ng presidente nila kung nakit di niya inaprub. Sinabi niya ang dahilan kung bakit at bakit naman daw niya ipapasa ang ganon? "Because it sells," ang sagot ng presidente nila.
(6) "You can talk about other nations without angst, if you're into these researches".
Pagkatapos ng pagtalakay ni Dr. Llanes ay nagbukas ulit ang tanungan at paghahain ng mga opinyon at solusyon:
Ang textbook tungkol sa kasaysayan ang naging sentro ng usapan. Kung paano maaring isa-aklat ang mga tesis sa kasaysayan. Sabi nga rin ni Dr. Llanes, hindi niya alam kung bakit hindi siya sumulat ng textbook. Siguro kailangan daw lumikha ng writing culture sa mga historians. Sabi naman ng taga-Anvil puwede raw na kumuha ng editor at writers kasi magsusulat na lang naman dahil tapos na 'yong research. Sabi rin ni Dr. Llanes na hindi puwedeng basta isaksak na lang kung anong alam ng historyador kaya sa paggawa ng textbook kailangan ng gabay ng guro na bihasa sa basic education pedagogy para angkop ang impormasyon sa nibel ng perspsyon ng bata.
Sabi naman ng taga-NBDB, puwedeng collaborative work, isang historian at isang creative writer para naman sa mga historical literatures. Dahil gaya ng maraming aklat ng panitikang Filipino, ang mga aklat tungkol sa kasaysayan ay hindi rin mabenta. Pero dapat pa ring i-publish dahil sabi nga ni Dr. Garcia ng UP Press "we don't publish what sells, we publish for the future".
Mag-aala-una na kami nagtanghalian. Parang magtatanghalian ako ng lugaw. Nalugaw na utak. Break muna!
No comments:
Post a Comment