Tuesday, September 1, 2015

Kumain ka na lang kasi...

Kamakailan lang ay bumisita kami ni E-boy sa isang adobo chain sa bansa para mananghalian. Medyo matagal-tagal na itong kainan pero hindi pa kasing sikat ng Mang Inasal. Mayroon na ring Unli-rice dito pero maliit lang ang serving ng ulam pero malasa talaga.

Ilang buwan bago kami kumain dito ni Ebs ay galing din kami dito nina Roy at Alquin. Umorder kami ng adobo siyempre, at ang side dish ko ay gising-gising. 'Yung gising-gising ay isang lutuing may gata, giniling na baboy, at tinadtad na habitsuelas (green beans). Maanghang-anghang ang lasa nito at malutong-lutong sa bibig yung habitsuelas. Kaya sabi ko oorder ulit ako noon pagbalik ko.

Pagbalik ko, napatigil ako sa menu. Nag-iba na siya. Parehong presyo pero iba na yung babayaran mo. Nakahiwalay na order na yung gising-gising. Free na yung add ons na lumpiang shanghai na pagkalambot-lambot o pansit bihon. Tapos, meron nang bagong anyo ng adobo - Diablo. Inorder namin ni Ebs parehong diablo. Keri naman daw namin ang anghang. "Ser, dalawa po kayong diablo?" ulit pa ni Kuya sa counter. Treat na ni E-boy yung isang plate ng gising-gising dahil inaantok na raw siya.

Meron akong ilang magandang obserbasyon dito:

a. Masarap talaga yung adobo nila. May kagat yung diablo. Creamy pa yung sabaw. Mabigat sa tiyan yung kanin. Kung gutom na gutom ka at may 108 pesos ka, oks na oks ito.

b. Wala masyadong kumakain (Ewan ko lang sa ibang branches). Hindi maingay. Parang nasa bahay ka lang dahil napakakomportable lalo na ang malambot na upuan. Hindi rin malangis ang mga kainan.

c. May mga dibuho na nagpapakita ng mga kultura, tanawin, at sangkap sa Pilipinas.

d. Kinakausap kami noong manager at magalang na magalang ang staffs. Abot nang abot ng ekstrang kanin kahit bundat na bundat na kami. Tanong nang tanong sa lasa. Maasikaso much.

e. Napansin ko rin yung kuya counter at sever. Isang maitim at mataba, respectively. Hindi sa sinasabi nating nakakasama sa kainan 'yun kabaligtaran nga e. Hindi sila nagi-stereotype ng staff na dapat "ito" (maputi, balingkinitan) ang pleasing personality. Nagbibigay sila ng pantay na karapatan sa mga minamata ng lipunan.

Kaya kumain na rin kayo sa Adobo Connections! (Hindi po ito bayad na advertisement)

jjj

Kamakailan lang din. Kumain naman kami sa isang sikat na fastfood chain sa bansa. Sabado noon at naisip naming magkita-kita nina Ate Tin, Perlita, at May. Nag-ukay muna kami at nang nagutom na ay pumasok sa nasabing fastfood.

Ito naman ang mga natutunan ko:
(Mula kay Ate Tin)

a. Puwede palang padagdagan ng ekstrang sauce at cheese ang ispageti. No additional charges.

b. Puwede pa lang papalitan ang manok kung hindi ito masyadong luto. No additional charges.

c. Kapag pinalitan na, kasamang pinapalitan ang rice kahit isang subo na lang. No additional charges.

Hindi ko alam kung applicable ito sa lahat ng stores o dahil nasindak lang sila sa nabitin sa pagkaing si Ate Tin. Meron kaming hindi masyadong nagustuhan, 'yong mensahe ng jingle nila.

May linya kasi doon na kapag Sabado ay nasusunod ang puso ng mga bata. Na dapat ang Sabado at Linggo ay [fast food] day. Paano kung walang pera ang magulang? Hindi ito nagtuturo ng pagiging simple at matipid. Mas gusto pa rin namin 'yung dating jingle na bida ang saya.

Ang hirap talaga para sa 'kin ang kumain na lang.

No comments: