Saturday, December 31, 2016

Paskong Nag-iisa-isahan

Pagod na pagod ako.

Sagad-sagad na talaga ang puyat ko papasok pa lang ang Disyembre dahil sa trabaho at mga dapat ganapan labas sa gobyerno. Tapos, sagad-sagaran pa biyahe pa-Maynila at Disyembre ha na parang lahat yata ng lugar naka-Divi mode sa dami ng tao. Iniisip ko pa lang 'yung mga dapat matapusan bago matapos ang taon, napapagod na ako. 


Nagpapasalamat ako kay Manay Judy na nagbigay ng mahaba at nakaka-nosebleed na memorandum noong Disyembre 23; half-day na lang daw ang pasok namin! Para akong bumalik sa hayskul sa saya! Nakakapagod kayang mag-party ng dalawang beses at umiwas sa green games! Pero mas masaya si Ate Ruma, dahil kagabi pa s'ya nangangamba na baka abutan ng gale warning at mag-Pasko sa pier ng Batangas. Minsan na nga lang din s'ya makauwi sa Mindoro at makasama ang unica ija n'ya. 


Pero pumasok pa rin ako saglit, nagbigay lang ng updates kay Tita Nel pagkatapos ay umuwi na rin at matutulog na'ko ng mahaba-haba sa wakas! Mga bandang alas-siete ng gabi, nagising akong nagpa-palpitate dahil may tumatawag sa pangalan ko. Inaninag ko sa may binatana; si Roy at si Alfie pala! May dalang wine at cake! Magse-celebrate daw kami ng bertdey ko kahapon. Gusto ko sanang ma-touch kaya lang ansakit pa ng ulo ko sa biting tulog. But what choice do I have but to go on partying! Bandang alas-nuebe, pumasok na sa trabaho si Alfie. Bandang alas-dose kami natulog ni Roy. Paggising ko bukas certified party-animal na ako!


Naiwan na'kong mag-isa sa bahay ng bisperas ng Pasko. Hindi ako uuwi. Hindi ako lalabas. Maglilinis lang ako ng bahay. Magbabasa at magsusulat. Matutulog kapag pagod na. Kakain kapag gutom na. Pumunta raw ako kena Ate Karen, may cookies at blueberry cheesecake. 'Yako, trapik! Pumunta raw kami ng Star City nina Alvin. 'Yako, trapik! Di ba? Minsan na lang mabiyayaan ng long weekends para kainin lang ng trapik ang lima hanggang pitong oras mo sa isang araw. Pero kahit siguro di trapik, hindi pa rin ako lalabas. Hindi ako depressed. Alam ko naman kapag depressed ako, pagod lang siguro talaga.


Gusto ko namang ma-meet ang college barkada; sina Ate Tin, Perlita, Rodora, at Emmabear, kaya lang ayokong lumabas. Gusto kong makasama sina E-boy, Roy, Alquin, sa pagdalaw kena Ate Anj, kaya lang ayokong lumabas. 


Hanggang Pasko ng gabi 'yung tirang cake na dala ni Roy lang ang kinutib-kutib ko. pagbuklat ko kinabukasan, gutom na ang nagpalabas sa'kin sa lungga ko. Umikot-ikot ako sa bayan para maghanap ng karinderya o bukas na groseri man lang. Wala kasi akong food supplies sa bahay since November. Madalas din kasing may travel. Hindi ko napaghandaan ang aking Paskong pag-iisa-isahan. What choice do I have but to call a friend.Umuwi ako ng Tiaong. Tinawagan ko si Alquin, makikikain ako kako sa ayaw mo at sa gusto. Nagpaluto pa ng ispageti!


Dapat pala kung plano mo lang mag-isa pinaghahandaan mo rin.

Project PAGbASA Lubi-Lubi Report 2016

Mahaba ang naging taon ngayon para sa Project PAGbASA kaya ito ang isang Lubi-Lubi Report:

Enero:

Mga bata sa Bless-a-Child Program

8 aklat ang naipamahagi sa Paniqui, Tarlac at GMA, Cavite kasabay ng Bless-a-Child Program ng Operation Blessing PH. Ang  Bless-a-Child Program ay umaalalay sa nutrisyon ng mga batang kabilang sa poor at near-poor families sa pamamagitan ng 6-month feeding program.

20 Smart Parenting Magazines mula sa Summit Media ang napamahagi sa mga nanay mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Tiaong, Quezon

3 aklat ang naipamahagi sa Balagtas, Pandacan, Maynila, kay Gelo, Robi, at Nookie.

Pebrero:
Mga batang lumalaban s cancer sa Bahay Aruga

7 aklat ang naibahagi sa binuong mini-library sa isang transient house ng mga batang nakikipaglaban sa cancer sa Paco, Maynila

Abril:
Sina Robert at Arjay at ang kanilang Buko Salad

2 aklat ang naibahagi sa loob ng Southern Luzon State Univeristy- Tiaong Campus kay Robert at Arjay na nuo'y nagtitinda g buko salad para may maipangbili ng gamit sa eskuwela sa Hunyo.

40+  na reading and activity magazines (K-12 Curriculum) ang naipamahagi sa mga kabataang Grade 3-6

Mayo:

10 bilinggual na aklat ang naibahagi sa pag-uumpisa ng mini-library ni Ma'am Regine Clanor sa San Francisco, Quezon

Agosto:
Si Qamar, isa sa mga batang nabigyang serbisyo ng medical mission

5 aklat ang naipamahagi sa Disability Awareness Week Medical Mission sa Padre Garcia, Batangas.

Oktubre:

Isang Health-Awareness Day sa PutingKahoy, Rosario, Batangas

Galing din kami ng PutingKahoy kasama ni Leanne (co-worker/kapatid), Nikabrik, Alquin, at Roy. Si Nikabrik ang nag-storytelling ng 'May Giyera sa Katawan ni Mark' na sinulat ni Dr. Luis Gatmaitan. Si Leanne naman ang nagturo ng basic hygiene sa mga bata. Si Roy at Alquin naman ay ang sa moral support.

Sina Sheina & siblings mula sa Isabela.

12 aklat ang naibahagi sa Sta. Maria, Isabela kasabay ng Disaster Response Mission ng Operation Blessing (Super Typhoon Lawin)

Nobyembre:
Si Cervin, kapwa manunulat, nagbabahagi ng kuwentong 'How Everything Begun'

9  na aklat ang naipamahagi sa Disaster Response ng Operation Blessing sa Balbalan, Kalinga (Super Typhoon Lawin)

Sa totoo lang, mahaba talaga ang kuwento sa bawat pahina ng Project PAGbASA 2016. Masyado lang busy ang proponent/accounting/coordinator/photographer/kusinero ng Project PAGbASA which is ako. Pero hindi ko ito naabot at nagawa ng ako lang kaya ito naman ang pasasalamat ko:

Pasasalamat:

Sa Rotary Club of Quezon City at Bryan Poe; para sa sponsorship ng funds ng Project PAGbASA!

Sa mga volunteers at PAGbASA advocates; kena Leanne, Nikabrik, Roy, Alquin, Cervin, Ate Reghs, E-boy, Ate Beb & Kuya Poy, para sa mga donasyong aklat, para sa kanilang pag-i-storytell, paghahanda ng props, pagpiprint ng mga kung anik-anik, pagtuturo ng paghuhugas ng kamay, pagsho-shoulder ng ibang cost para mas makatipid ang proyekto. Sa lahat ng effort at support, salamat!

Sa OMF Lit at kay Mil; para sa pagbibigay ng galanteng donasyon at diskuwneto para sa mga kuwento. Hanggang sa susunod na pamimili ko!

Kay BOSS, sa dagdag trabaho n'ya sa buhay natin. Salamat po sa pagtitiwala ng kapirasong resources. Salamat sa mga ngiting naipamahagi. Salamat sa pagkakataong makinig ng kuwento ng iba. Salamat sa malayong narating ng mga paa at panulat! Hanggang sa susunod pong taon ng mas marami pang kuwento!


Mga 30-seconds with Cherry Gil

Nagkukumahog talaga akong umakyat sa penthouse ng Madison 101 Hotel. Hinahanap na nila ako, magpa-Pajama Party na ang Kagawaran. May kasaysayan kasi ako ng laging nawawala sa mga events namin (na hindi na naman kasama sa trabaho).  Siyempre nag-elevator ako.

Kanina pang nagkukuwentuhan ang mga katrabaho kong nakasakay daw nila si Megan Young. ‘yung isa nga si Ding-Dong Dantes. Selfie-selfie with the stars ang mga kawani ng gobyerno. ‘wag mo namang maisip na kumuha pa ng artista ang Kagawaran para lang sa Christmas party. Nagkataong may shooting lang sa baba.

Bumukas ang elevator. “Up?” taas ng kilay ng pamilyar na mukha. Tumango naman ako. Kasi kapag hindi ako tumango agad in 2 seconds msasasampal ako ni Cherry Gil, ang nag-iisang Cherry Gil.

Isang Philippine Kontrabida icon ang kasabay ko sa elevator. ‘yung pakiramdam na “I am not worthy”, na ambaho ng hininga ko, na ang baba-baba ko kumpara sa nagmamataas n’yang meztisang ilong. Inagaw n’ya ang bag sa P.A. n’ya, nagpumilit na s’ya ang magdadala. Bumaba na rin sila sa 5th floor. Wala akong lakas ng loob magpa-selfie. Baka masampal pa'ko. 

Pero isang karangalan kaya ang masampal ng isang Cherry Gil.

Friday, December 23, 2016

Muling Halik sa Barako

Napadpad sa dagat ng mga buhangin
Tinitiis ang bawat kurot ng espasyo
Ng malayong agwat
ko...


Sa'yo.


Sa maraming pagpapalit-palit ng kalendaryo
Tanging sa pagitan na lamang ng screen
Naamoy ang timpla mong kapeng barako
Na patuloy na nagpapatibok sa kasing-kasing
At nagpapalipas sa mga malalamig na damdamin
Ngayong taon,
Wala munang akong ipapadalang kahon-kahon,


Tatapusin na
ang matagal nang kurot
Uuwi nang muli
Na tila lahat 
lamang ay kahapon.

#



Dyord
Madison Hotel 101
Disyembre 20, 2016


Unang binigkas sa Pajama Party ng DSWD-SLP CALABARZON noong Disyembre 21, 2016.


Sunday, December 18, 2016

Disyembre 17, 2016

Disyembre 17, 2016


Dumalo ako ng Saranggola Blog Awards Night 2016 ngayon. Tatlong taon naman na ako sumasali, ngayon lang ako dumalo para na rin magbigay ng ulat sa mga napangyari ng Project PAGbASA sa taong 2016.

Tinext ko si Donjie na pumunta sa event. Para dalawa kaming pers taym at may makausap na rin ako. T'saka papunta na rin lang naman ako ng Metro kaya dapat doble-talim na: awards night at catching up kasama ng kaibigan. Pag-iisipan daw  nya. Sabi ko, go na. Pilit ako nang pilit pero di naman ako talagang umaasa na pupunta sya. Di naman nya kasi interest ang  lit/blogger events pero nagsusulat yan noon sa campus paper nila sa Lucban, Ed Chief pa yan.

Nang nasa  bus na'ko tumawag at tinatanong kung nasan nako baka mauna pa raw siya sa venue nakakahiya. Sumama nga. Libre na lang kita ng dinner kung walang dinner sa event kako.

Nauna 'ko sa DMCI! Kasunod si Ser Roy and family na akala ko'y kalahok, hurado pala sa tula. Tapos, ilang minuto pa'y dumatal na si Donjie na naka-corachea outfit. Habang nag-iintay sa iba pa ay  nagkuwentuhan kami tungkol sa environmental compliance process, diving, biodiversity, at iba pang ka-nerdan n'ya. Para akong  nakipag-catch up kay Kim.

Nauna na ang dinner bago kami nagsimula ng program proper, improper pala. Hindi naman pormal ang  program. Nagpakilala isa-isa at mukha ngang mas  maraming hurado ang dumalo kaysa sa mga bloggers. Maliit lang pala kasi talaga any Saranggola Blog Awards community.

Kasi yung ibang bloggers taga-Visayas, Mindanao, at mga probinsya ng Luzon, pati na mga OFWs. Saan man ka man sa mundo, basta Filipino ay maaring lumahok sa SBA. Tapos, napansin ko sa halos lahat ng mga manunulat na dumalo at may kasamang support, yung hindi  naman talaga lumahok pero nandun lang para suportahan ang jowa, kaibigan, asawa, at anak.

Nang ipasok ang mga trophies, naglaway na ako. Unang bases na trophies ang ibibigay ng SBA sa makakakuha ng Unang Karangalan sa bawat kategorya. Ang  ganda kasi talaga at parang bagay na bagay sa opisina ko o kaya sa bahay ko. Donjie, kapag hindi ko nakuha yan, tatambangan ko ang mananalo mamaya. Donjie, ibili mo na lang ako! Unang ibinigay ang  karangalan para sa pagsulat ng Sanaysay at ilan sa mga hurado ay  si  Kuya Poy at Lualhati Bautista lang naman. Nakakatuwa yung  nag-pers kasi pers taym nyang sumali ng SBA at kakabukas lang ng blog nya ngayong taon pero matagal na syang sumasali sa mga writing contest nung hayskul at college pero hindi siya nanalo. Unang writing award nya! Sweet! Pressure yung  pamagat ng nagwaging sanaysay.

Nag-worry na ako kasi apat na lang ang barung-barong over lata trophies. "Lagi ka nang nananalo ng writing awards noong college, kaya  hindi  ka na mananalo ngayon," dagdag pa ni  Donjie. Support ba talaga 'to?

Pers taymer din yung nanalo ng unang karangalan sa Hugot lines. Araw na ng deadline nya sinulat yung  10-lines of Hugot na 'Minsan Hugot, Minsan Gutom' during lunch break. Ansaya nya. Ako hindi  masyado, kasi pumangalawa lang yung  koleksyon ko ng hugot. Ang  hurado pala sa hugot ay  script writer ng mga ABS-CBN teleserye ex. Magkaribal, The Legal Wife, Forevermore. Pero  pilitin ko mang maging  masaya, tatlo na lang ang tropeyo.

Plumakda ang pangalan ko sa unang karangalan ng tula! Pero iba yung  title! Hindi yun  ang entry ko. Sa hugot ko yun. Baka nadoble lang ang slide! Siguro naka 986 beats yata ang  puso ko sa 2 minutong validation kung ako nga ang nanalo sa tula. Ako nga!!! Tatlong taon nakong sumasali sa tula at sa wakas nasungkit ko rin ang  unang karangalan. Maaring basahin ang 'Tatlong Tula' sa tsa-tsub.blogspot.com (October,2016).

Wala nakong  pakialam sa nanalo sa iba. Haha. Pinanood ko so Dagat sa labas na patakbo-takbo. Nilamig talaga ang palad ko sa loob e. At parang binati ako no Dagat ng congrats sa pag-apir n'ya sakin at sa pagsabi ng "happy!" habang pumapalakpak.

Nag-present din pala ako ng Project PAGbASA updates sa komunidad ng mga bloggers. Tapos nakakuha ako ng mga posibleng partners sa proyekto at mga posibleng donations at grants sources. Networking!

Sabi ni  Donjie, alis  na kami maya-maya. Sige kako kasi mahihirapan tayong umuwi. Makikitulog na ako sa kanila sa Pasig. Nagperform muna yung  stand up comedian tas  iihi lang ako kako, tas  alis  na kami. Pagbalik ko, nasa  unahan na si  Donjie at nagmimister pogi. Galeng. Uuwi na raw. Hinintay ko pa syang ma-eliminate at tinawa-tawanan. Akala ko ba ako lang ang kasali rito?

Umuwi na kami kahit di pa tapos yung  event. Nag-bus na kami pa-Crossing tapos nilakad pauwi ng Ugong sa Pasig kasi walang ma-Grab na taxi. Nagkuwentuhan kami pauwi dahil natural-born kwentista naman itong si Donj.

Natuwa naman siya sa event. Akalain mo, may maliit na community na nag-aabala at nagpupuyat para sa ganung bagay? Natawa ko. Parang kasing kulto o taga-ibang planeta ang dating ng mga manunulat.

Mga ala-una pasado na kami nakauwi ng inuupahan nila sa Ugong. Pinagtimpla pa ko ni  Leo ng   Soya coffee bago natulog. Sinapok pa ko ni Ming, alaga nilang pusa. Nagkwentuhan pa rin kami bago nahiga ng bandang alas dos pasado.

'Yung  taon ko kasi ngayon para talagang yung  tropeyo e. Depressing gaya ng barung-barong, nayupi at nagapos gaya nung lata, pero nakahawak pa rin sa pisi, nakatuon sa langit, at bumabagting sa pinapalipad na saranggola.

Natulog ako na ang puso ay happy habang pumapalakpak.

Friday, December 16, 2016

Saranggola Blog Awards Night 2016






































Punta na!

Para sa mga manggagaling pa ng katimugang bahagi ng Luzon, makakatulong sa paghahanap n'yo ito:

Originally Posted by asiantribe View Post
Magtatanong lang po. Paano mag commute sa DMCI Homes Corporate Center 1321 Apolinario St., Bangkal, Makati. Manggagaling po ako ng Laguna. Thanks a lot.

Sumakay ka ng bus na patungong LRT Taft Buendia, tapos bumaba ka ng Magllanes. Tumawid ka ng SLEX at pasok ka sa EDSA. Baybayin mo ang EDSA ng konti at ang Apolinario St. ay nasa kanan mo, dun mo na hanapin ang DMCI. Me mga tricycle dun so walang problema kung malayo pa mula sa kanto.

Mula sa: http://www.pinoyexchange.com/forums/showthread.php?t=480485&page=7

Uuugh..

Kada gigising ako ngayon sa umaga, pakiramdam ko pagod pa rin ako o pagod na agad ako. Ramdam ko 'yung ngalay sa mga kasukasuan ko. Hindi naman kulang sa hangin 'yung airbed ko. Kulang na ako sa tulog siguro.

Ngayong araw:

-kailangang mag-print ng mga DTR, fill-up ng documents, at magpa-picture ng passport size at 2x2=4

-kailangan kong kumpletuhin yung mga documentary requirements ko for renewal ng memo of agreement sa gobyerno. Sabi: magkakaroon na raw kami ng employee-employer relationship. Mayroon nang "kami" sa wakas! Ayon sa sabi-sabi.

-kailangan i-validate ang 10 Civil Society Organizations (CSO) ko. Maige na lang at nariyan si Tita Nel para i-assist at samahan ang mga miyembro, siya rin lang ang nakakaalam ng 

-kailangang tapusin ang tatlong payrolls at ipapasa na sa Region ni Kuya Ricky. I-oorganize ko na lang naman ang mga papel tapos ifo-folder. 'yun lang, tapos na!

-kailangang umattend sa Provincial Meeting, siyempre dala na lahat ng documents.

-kailangang sumuweldo. Inabot na sa'kin these past few days ang mga bills: kuryente, tubig, at postpaid plan

Habang inaayos ko 'yung payroll ko kanina; may napansin akong mali: isa lang ang pirma noong isang participant. Tatlo ang kailangan. Super mali. Kinontako ko. Kinontak ko. Walang sagot. Wala talagang sagot. Siya na lang talaga ang kulang para sa katagumpayan ng submission ko ngayong araw. Siya na lang talaga. Ang pinaka hinahanap-hanap ko. Nakakainis! Nakakaiyak! Gusto kong manapak! Late na late na 'ko sa Provincial Meeting at sa CSO Validation. Kung pwede nga lang mag-kagebunshin 2x2x2x2x2 = ? Basta gusto kong matapusan lahat!

Hindi ko na s'ya mahihintay. Hindi ko maipapasa ang isang payroll kahit pigain pa ako na parang kalamansi. Sa Lunes ko na talaga mapapasa 'to! Nakakainis! Nakakasura! Natrapik pa ako sa Lipa na medyo pulpol lang naman sa urban planning. Sa tapat ng Lipa City Hall, tumawid ako nang maka-timing.

"Hoy! Hoy! Kuya!!!"

Tinawag ako ng traffic enforcer na hindi ko naman kapatid. Bawal na palang tumawid do'n. Ma! Dati naman pwede. Humingi ako ng pasensya. Nagmamadali kasi talaga ako. Nakakahiya, ang laki pa naman ng DWSD logo sa dibdib ko. Kawani ng gobyerno, jaywalker! Masisigawan ako lalo ng boss ko. Pagdating ko sa validation ng CSO, maganda naman ang feedback ni Tita Nel. "Biri gud! Biri gud!" naman daw 'yung mga samahan nila.

Umabot din naman ako sa Provincial Meeting. Puwede naman palang sa Lunes yung payroll. Nakahinga naman ako. Medyo may konting pagbabago lang sa siste ng programa. Oks naman. May mababawas na sa trabaho ko. May bagong "item", parang bagong workers na hahandle dun sa monitoring part ng programa. Para mas maging episyente din naman kami sa paglikha ng mga proyekto. 

Pag-uwi, abala sina Ate Cars sa pag-uukay ng isusuot sa Pajama party namin kasama ang Region IV-A. Ang isusuot ko ay yung ipantutulog ko lang din that night. Warak na ang financial plan ko para ngayong taon. Lalo na kung kelan matatapos ang taon. Wala naman akong binibili masyado. Medyo lang, mga libro.

Kumain lang kami sa Rob Lipa. Binigo kami nito sa Kimi No Nawa, sabi kasi showing daw ditto ‘yun. Wala naman. Umuwi na lang din ako matapos ang gabing ‘yun. Reward to self  lang sana ‘yung movie kasi may pasok na ulit ako ng weekends. At baka bisperas na ng Pasko ang tigil ko. Iniisip ko pa lang, gusto ko nang matulog na lang. uugghh…









Monday, December 12, 2016

Medikal na naman.

Medikal na naman.

Na’andito ako ngayon sa LC Diagnostics para sa Annual Physical Exam namin. Naka-leave yata kami. Hindi ko alam kung paid or di paid kasi wala naman talaga kaming leave. Basta alam ko pinayagan kaming hindi pumasok ngayong araw para mag-asikaso ng medikal para ma-renew ang kasunduan. Hindi kontrata, kasi hindi naman kami contractual.

Nakakatakot at nakakaruming bahagi na ng buhay ko ang medikal. Kukuha ka ng tae gamit ang cotton buds. Isuswak mo sa bote ang ihi mo. Maghuhubad ka sa x-ray. Tutusukin ka ng karayom para kunan ng dugo. Hindi talaga kumportable. Tapos, makikita na naman ang peklat ko sa baga dahil sa PTB at magsasaysay na naman ako ng kasaysayan kung panong TB ay aking natuldukan.

Ayoko nang dumaan na naman sa sputum results. Ayoko na namang dumaan sa GeneExpert. Kasi ibig sabihin nun kailangan ko na namang dumahak kahit wala akong plema. Tapos, mukhang hindi pa maayos ang waiting area sa mga centers. Parang magigising lalo ang PTB ko. Ayaw ko nang magpa-medikal kung maari. Kapag hindi ko na naman nakumbinsi ang doktor sa aking medical history ay aabutin ako ng ilang linggo na naman bago makatapos ng requirements.

Ito ang pangit sa Memorandum of Agreements, lahat ng rekusitos sa pagtatrabaho ay kailangang ipasang muli. Di katulad ng kontraktuwal at regular na nagpapamedikal na lang. Wala namang bagy sa’kin sa ngayon kung wala kaming leave, or Christmas bonus, or 13th at 14th month pay; pero ‘yung paulit-ulit na rekusitos, ay paulit-ulit na abala at gastos.

Nagkita kami ni Honeylette, Project Development Officer ng Tingloy, dito  sa LC Diagnostics. Taga-Lucena lang kasi s’ya kaya dito na s’ya nagpa-medikal. Iniabot ko ‘yung pinapaabot na tsokolate ni Tsang Lorie sabay bati ng Meri Krismas! “I know better, Jord! Galing kay Ate Lorie ‘to!”. Earlier this day ay sinamahan ko kasi si Tsang Lorie na kumuha ng NBI Clearance n’ya at inabot n’ya sa’kin ang tsokolate para kay Honeylette.

Nakita ko rin dito si _______; ‘yung Project Development Officer ng Alabat. Wala raw kasi silang laboratory doon sa isla, kaya dito pa s’ya nagpa-medikal. Hindi ko natanong ang pangalan n’ya pero natanong ko kung ilan ang proyekto n’ya sa Quezon: 8 projects to be implemented. Matatapos na ang taon ah? Anung fund disbursement method mo? Ikaw pa ang magli-liquidate n’yan? Napatawa ako. Ganun din halos kasi ang sitwasyon ko.

Natapos ko na lahat at naghihintay at naghahanda na lang ako ng pagpapaliwanag kung bakit may peklat pa rin sa baga ko. Nagbasa muna ako ng It’s Raining Mens ni Bebang Siy. May malulupit palang fiction pieces dito. Ipangreregalo ko pa naman ‘to sa Christmas party namin. Maya-maya pa ay may nanggulat na lumapit sa’kin.

Nakita ko si Meiji, Admin Aide sa Regional office. Sumama raw ako this weekend kena Alvin. Naalala ko na niyaya nga pala ako ni Alvin na pupunta sila kena ‘Rael, PDO ng Quezon pero taga-Laguna. Naalala ko rin na tinanggihan ko si Alvin kaya tinanggihan ko rin si Meiji. Kanina pa raw s’ya rito kaya kumuha na lnag s’ya ng result. Umalis din s’ya.

Bakit napapaligiran ako ng mga DSWD people, ang daming lab at rural health unit sa Calabarzon, bakit sa private clinic din sila nagpapamedikal?

Malapit ko nang matapos lahat ng fiction pieces sa autobiographical collage book na It’s Raining Mens pero wala pa ring duktor. Gusto ko nang malagpasan ito at maglilinis pa ‘ko ng bahay pag-uwi sa Garcia. Maglalaba pa ako. Uuwi pa ako sa’min sa Tiaong para sa ilang aklat na dadalhin ko sa Stop Project sa Alabang.  Gusto ko nang matapos agad at mapirmahan na ang medical form ko ng ‘fit to work’. 

Nagt-text si Tsang Lorie kung naibigay ko ba raw ‘yung yellow bag of chocolates kay Honeylette. Ha? Isang pakete lang ng Kisses ‘yung pinaabot n’yo, reply ko. ‘yung yellow bag of chocolates ang kay Honeylette at sa’yo dapat ‘yung Kisses.

Pero wala nang mas tatamis pa kung matatapos ko nang maluwalhati ang medikal ko.

Dyord
LC Diagnostics
Disyembre 09, 2016
Lucena, Quezon

Kwentuhang Komiks sa The Book Stop Project


Habang nasa Jolibee, nagtanong si Tsang Lorie "hindi ka ba napapagod?" Nag-aayos kasi kami ng kalendaryo ng araw-araw naming mga tinatrabaho; mga deadlines to meet. Tapos, may mga kailangan pang kaibigan na i-meet. Tapos, kailangan pang maglinis ng bahay. Tapos, kailangan din naman ng oras para sa sarili. Wala pa nga akong book event na napupuntahan 


Kaya nang makita kong pwede ako mag-volunteer sa isang kuwentuhan tungkol sa komiks sa The Book Stop Project ay ginoogle map ko kagad ang venue. Mapalad ako dahil halos sa tapat lang s'ya ng Regional Office ng DSWD. Bakit di ko alam na may open library pala rito?



Travelling-pop-up-urban library pala talaga as told by their librarian/guardian of the books, Ma. Teresa. Lumilipat sila every 4 months. Ang proyekto pala ay spearheaded and sponsored by an architectural firm. So, how does it work? Mag-iiwan ka ng isang aklat tapos entitled ka ring mag-uwi ng isang aklat. O kaya naman pwede kang magbasa roon tapos iwan mo lang 'yung aklat. Sana makarating din sila sa Tiaong, Quezon o kaya sa Padre Garcia, Batangas sa future kapag naisipan ng principal architect nila. Sagot ko ang PNP support para sa seguridad ng mga aklat. haha.







 



Sa buong kasaysayan yata ng volunteer works ko; ito na ang pinakamagaan. Nag-ayos ng lamesa, nag-grocery, at namahala sa registration at raffle; 'yun lang. Si Gabbi at Sean, kapwa volunteers ang nag-host. Wala naman talagang program-program, Q&A lang. Dumating din ang Visprint dala-dala ang pamaskong discounted books nila para sa attendees. Dumating din sila Mervin Malonzo, Eliza Victoria, at Kajo Baldisimo at game na sumagot sa tanong ng mga mambabasa, comic fans, at mga napadaan at napaupo na sa event. Nakakatuwa na may mga dumayo pa mula Paranaque, Las Pinas, at Batangas (ako 'yun!). Nakakatuwa ring makipag-usap sa kapwa mo mambabasa at nagmamahal sa aklat. Ang gaan nung event. 


Ito pala 'yung nabili kong mga aklat para sa sarili ko:

Salamat sa tirang pagkain ni Eliza! Salamat Manix (kahit di nakapunta dahil sa trankaso) sa napanalunan kong KikoMachine Pins! Unang beses kong manalo sa raffle sa isang book event! Unang beses ko ring makakabasa ng gawa ni Mervin! Teka, unang book event ko pa lang 'to ngayong taon. Next na dalaw ko ay magdadala na ako ng aklat from Project PAGbASA! (Naubusan kasi ako ng book on hand:)


Kikomachine Komiks 12, After Lambana, 13 Metakuwento

















Haberdey Binong!

Nakatangap ako ng text mula kay Alvin. Gabi na. Patulog na nga ako.

Wala raw siyang write up ng mga business at employment models na nire-require sa’min. Sabi ko, lahat tayo ay may e-mail nu’n ah?! Sabi ko pa, akala ko ba sabi mo hindi ka na talaga magpapasa nu’n?! Bukas na kasi ang deadliest deadline namin. Maya-maya nag-text siya:

“Goodnight kaibigan”

May kakaiba sa goodnight n'ya. Ang slow ko. Hindi ko nakuha agad. Nagpapatulong pala s’yang magsulat. Hindi pa’ko deretsuhin. Sige, punta ka kako sa Padre Garcia bukas, tulungan kita. Hindi na lang muna ako magba-baranggay dahil kailangang tulungan ang kaibigang nangangailangan. 

Ginabayan ko lang naman talaga s’ya sa pagsusulat ng mga models. Tapos, kapag tapos na s’ya at wala na s’yang maisulat, ie-edit ko na. Tapos, nagdadakdak na’ko kung bakit gan’to ang nakasulat dito, kung bakit cinopy-paste lang ‘to, kung bakit dakdakdak. Kaya hesitant 'tong humingi ng tulong e, ang dami kong dakdak. Siyempre, nagutom na’ko kakadakdak. Kain muna tayo bago natin tapusin kaya ko ‘yan before the deadline time. Umorder ako ng tapsilog + half-sinangag = 55pesos. Sabay bumunot s’ya at ililibre n’ya raw ako.

Ako na. Ayoko ng ililibre ako dahil tinulungan ko s’ya sa model write up. Parang binayaran ako. Ganyan yan e. Pansin ko. Noong unang lapag n’yan sa Padre Garcia bago sa official station n’ya ay inilibre ko ng tanghalian bilang pa-welcome.  Tapos, nung unang sweldo n’yan nilibre akong meryenda. Ang gusto ko kasing libre ‘yung one that I didn’t see coming. Tipong wala naman akong ginawang mabuti sa’yo para ilibre mo ‘ko. Ayoko ng libre bilang reward, pero ililibre mo pa rin  ako. Tipong hindi ko naman bertdey, pero ililibre mo ko. Gusto ko ‘yung libreng hindi pinag-isipan.

Minsan na nga lang daw s’ya manlibre ayaw ko pa.  Tapos, pagkaabot ng bayad sa counter; “ayan nilibre kita ng 5pesos ha.” Galeng! Sumama raw ako sa Huwebes. Anong meron? Mamumundok tayo! Ha? Bakit? May work ah?! Holiday kaya! Weh?! Oo nga! Ayokong sumama. Matutulog na lang ako.

Mamaya kain tayo kasama ni Ate Karen. Sa Lomian. Ayoko, kako. Sa resto na lang na may mga design na One Piece. ‘Yoko, ulit. Sa Sabado, tara sa Laguna. 'yoko ulit. Pabebe na naman daw ako. Ewan ko; sa ayokong maglalabas e. Una, nagtitipid ako. Pangalawa, tinatamad ako. Pangatlo, nagdududa ako. Merong something e. “Wag kang sasama ha. ‘Wag kang sasama kahit saan.” Ok, kako.

Pagka-send ng model write ups n’ya na kinatay lang namin sa project proposals naming pinasa dati ay inaya ko muna s’ya sa White House. Humiga kami sa tiles. Pumasok s’ya sa kwarto ko para kumuha ng bed sheet. Ako dinama ko lang ang lamig ng tiles ang init kasi sa labas. Mamaya naman tayong 1pm mag-baranggay, isa lang naman ‘yun at pipiktyuran ko lang ‘yung meeting place nila. Pasado alas-dose pa lang o, sabay pakita sa kanya ng selpon iskrin.

Tapos, wala pang trenta minuto nagyaya na s’yang mag-baranggay. Yayayaya ka tapos paglabas mamaya sasabihin mong mainit! Tara na! Para mapasa mo na! Mamaya nga! Ang init pa oh! Wala pang ala-una! Tara na nga! Pag ikaw nagreklamong mainit! 12:50pm. Lumabas na kami. Ang init daw mag-traysikel na kami papuntang sakayan. 

Kanina pa pala s’yang nagkukuwento sa mga mala-nobelang chat sa kanya ng ilang mga tao. Kinig-kinigan naman ako. Sige lang, kuwento lang kasi medyo busy kami these past weeks sa sunod-sunod na project implementations at liquidations. Kinig-kinig lang ako tapos tawa-tawa.

“Hindi mo pa ko binabati,” putol n’ya sa kwento n’ya.


JJJ

Nauwi sa form of corruption ang the rest of the day. Corruption of time. Office hours pa kasi nang pumunta kami kena Ate Karen sa Lipa. This is where y(our) taxes go. Kumain kami ng Halo-halo, nagpalamig. Sabi ni Ate Karen sa oras naman daw na nilaan namin sa trabaho na lagpas-lagpas sa nararapat... justify pa more. Kumain din kami ng crinckles, ice cream, at egg pie. Nagkaroon kami ng workshop sa watercolor calligraphy at painting. Ang sarap palang mag-art project paminsan-minsan. Minsan, kapag walang work dapat mag-paint-paint kami habang nagbe-bake-bake sina Ate Karen.

Salamat sa ating artsy party Alvin, Jayson, at Ate Karen. Maligayang kaarawan Binong! Sana nga ay maligaya ka dahil maligaya naman ako sa mga nauwi kong art projects natin. Sana lang ay hindi mabasa ni boss at ng mga ‘tao sa taas’. 



Tuesday, December 6, 2016

The Deadliest Question: Deadline na ba?

Lately, Ive been, I've been losing sleep. 

Naghahabol kasi ako ng deadlines.

Pasahan na ng payroll?! Pasahan na ng IPCR?! Pasahan na ng MOVs?! Pasahan na ng articles?! Lahat ng texts ko patanong at padamdam. Nasira na ang kalendaryo ko. 'yung buhay ko malapit na rin yata. Kaya nang matapos ko ang mga dapat tapusin nung Biyernes, sinadya kong hindi muna ipasa. Pinalagpas ko muna 'yung deadline. Sinarado ko ang laptop ko at kailangan ko nang umattend ng D-group namin sa CCF-Lipa.

D-group ang tawag ng CCF sa bible studies nila. Kapag kaya kong habulin ang oras, uma-attend ako. Nahirapan akong maghabol. Kaya nga simula Oktubre, pa-second time ko pa lang sa D-group. Almost bisita pa rin. Ang D-Group namin ay nili-lead ni Ptr. Arnold; kasama ko rito si Raymart (una kong naging kaibigan sa CCF; pero hindi rin taga-CCF gaya ko), Anon, at si Arjay. Hindi ako sigurado sa mga ispeling ng pangalan nila. Almost bisita pa rin nga kasi.

Basahing Suhestiyon: Gen. 24

Tungkol ito sa pangako ni God kay Abraham. Tungkol ito sa paghahanap ni Eliezer of Damascus ng mapapangasawa ni Isaac. Tungkol ito sa paghihintay ni Isaac sa lilim ng puno. Tungkol ito sa pag-iigib ng tubig ni Rachel. Tungkol ito sa paghahanap ng God's Will. At sa di maipaliwanag na dahilan ngayong Millennium ay nai-equate palagi ang God's will sa lovelife. Ok. Naging tungkol sa lovelife ang kinalaunan ang bible study. Hindi ko inasahan dun tutungo 'yung usapin. Akala ko mafo-focus kami sa mga uhaw na uhaw na camels ni Eliezer.

Sa paghahanap ng God's Will sa buhay natin; ang unang basehan ay palaging God's Word. Ano bang sinabi ng Diyos? Ano ba ang nakakalugod sa Kanya? Gaya ng pagtangan ni Eliezer sa pangako ng Diyos kay Abraham. Gaya ng paghawak ni Abraham sa pangako ng Diyos sa kanya. Isang malinaw na pangako ang pinanghawakan ni Eliezer sa kanyang hayon.

Sa paghahanap ng God's Will sa buhay natin; ang unang gawin ay manalangin. Humingi ng gabay. Hindi sa mga bituin o sa horoscope. Hindi lalo sa baraha. Humingi ng guidance, puwede namang magtanong kay God kung ano 'yung kalooban n'ya para sa'yo. Humingi rin ng godly counsels na nagmumula sa mga godly people. Si Eliezer, habang tangan n'ya ang set of standards na bilin ni Abraham at nakita si Rachel matapos mag-fleece throwing; ay humingi pa rin ng counsel kay Laban at mismong kay Rachel. Nakakuha naman s'ya ng Yeses, kaya mission accomplished s'ya.

Sa paghahanap ng God's Will sa buhay natin; 'wag agad fleece-throwing o 'wag agad humingi ng signs. 'yung tipong kapag nag-message s'ya sa'kin ng "pinagpe-pray kita ng 11:59 p.m.; s'ya na nga ang God's Will ko". #udontdodat! 'yung tipong "kapag hinatid n'ya ko sa bahay ng tatlong beses at nag-mano s'ya kena Mom & Dad; s'ya na talaga." #udontdodat! 'yung tipong "ikaw ang God's Will ko, ni-reveal sa isang vision sa'kin". #udontdodrugs! #udontdodat! Wala kang ma-recite na memory verses tapos naghahanap ka na ng God's Will?  #udontdodat!  Kasi kapag wala kang tiyak na direksyon, para kang kamelyo sa disyerto; uhaw na uhaw.

Sa paghahanap ng God's Will sa buhay natin; mag-aral muna Bes ha. Mahal ang tuition, be a good steward, be a good student. Baka pinagpo-focus ka talaga kayo sa studies. Kaya keep your hormones balance and edit your assignments well. 

Parang ganito ang mga natutunan ko sa D-group (bible study) namin that night: #WatUDo: #Read, #Pray, #Ask

Maya-maya binitiwan na ni Ptr. Arnold ang arresting question: May girlfriend ka na? Tsek si Anon. Tsek na tsek si Aymart. Medyo tsek si Arjay (trivia: unequally yoking). Ekis ako. *buzz out. Tapos na ako sa pag-aaral. Tapos na ako sa teen age years. Kinapa-kapa ko 'yung mga ventricles at atrium ko kung may nawawala o kulang ba na bahagi sa puso ko. Wala akong makapang puwang para sa isa pang puzzle piece na hugis gelpren. Pero bakit 'yung pakiramdam ko ay parang na-inferior vena cava? 

Tuturuan kitang manligaw. Madali lang 'yan. Sabi ni Ptr. Arnold na parang tumitinidor lang ng piece of cake. Ganito: (1) Sabihin mo ng pa-joke na "pinagpe-pray kita." (2) Ipag-pray mo. (3) Balikan mo after 3 months kung may development. Ahhhh, para ka lang nag-apply sa ng social assistance sa gobyerno, kailangang i-follow up mo after 3 months kung may development. Wala naman kasi talagang the Biblical Canon for Panliligaw. Guidelines meron. Deadline meron?!

JJJ

Sabay kaming umuwi ni Raymart. Nag-uusap kami kung gaano kaya kalaki ang biceps ni Rachel kakaigib ng tubig. Nag-uusap kami tungkol sa masarap at abot-kayang Lomian. Nagutom ako kaya dumaan muna ako sa SM Lipa para doon na maghapunan. Hindi pa rin kasi ako nakakapag-grocery. Pangiti-ngiti akong tumawid ng K-Pointe, akala ko na-meet ko na lahat ng deadlines ko.

Pagpasok sa mall, tinungo ko agad ang Chowking. May isang lalaki at isang babae na nauuna sa'kin. Sinampal ng babae si lalaki, tapos sabay tawa. Napahinto sila ng lakad at agad akong umiwas para di sila mabangga. "Sa daan talaga nagharutan?" feedback nung isang aleng muntik na silang nabunggo. Ngumisi lang ako at pumasok na para umorder ng bagong love team na gusto ko -Chowfan at Tofu. 

Bago ako umupo, napalingon ako sa escalator. Nakita kong hinalikan ni lalaki si babae sa leeg. Mabilis lang. Kung naroon siguro 'yung aleng naabala kanina ito siguro ang feedback n'ya "sa hagdan talaga nagharutan?" Umupo na ako sa lamesa. Wala akong katabi. Walang sasampal sa'kin. Wala rin akong leeg na hahalikan. Meron naman akong matamis at masibuyas na tokwa.

Asan ka?

Nag-text sa'kin si Alvin. Nasa Chowking, reply ko. Sasama kasi dapat ako sa kanila kanina kaya lang may bible study kami. Yes naman, pogi points sa langit. Baba kami d'yan, reply n'ya. Sige lang. Pagbaba n'ya kasama n'ya si Ate Cars, Ate Ruma, at Ate Digna; so ano 'to cluster meeting?! Meeting talaga at 8pm, Friday?!

May bago ba tayong deadline na hahabulin?







Thursday, December 1, 2016

Purselas!

Mga isang buwan na 'ata.

Pagkababa ko galing ng Kalinga, dumeretso na'ko sa Makati para sa training namin sa Information System ng aming programa. Si Ate Lorie at Alvin lang may pasalubong sa'kin; purselas na may mga lawit-lawit na beads mula sa Balbalan, Kalinga. Sila lang ang inabot ng budget e. Si Ate Lorie may pasalubong dahil nag-e-mail na sa'kin ng kanyang tampo tungkol sa hindi ko  pagre-reply sa mga work-related concerns. Si Alvin, may pasalubong dahil kaibigan ko s'ya. Hindi dahil pinag-encode n'ya ko sa kasumpa-sumpang information system namin. Kaibigan ko s'ya kaya may pasalubong s'ya sa'kin. 

Ang venue ay sa Makati Palace, magkasama kami sa kwarto ni Alvin. As olweys. Nirekwest n'ya 'yun kay Meiji, ang taga-takda. Kumportable kaming magkakuwarto. Walang katrabahong gustong pumunta sa kwarto namin at makipag-socials. Hindi kami maingay. Maliban sa'kin na minsang nag-o-OA raw sa Marcos Burial news sa TV. Maliban sa'kin na OA raw mag-react sa anime. OA raw ako sabi ni Alvin at magpasalamat daw ako at sinasabihan n'ya ko na OA ako. 

Tenchu ha.

So ito na nga, sa Makati Palace kung san magka-room ulit kami. Nagpaturo s'ya kay Israel ng 'accoun-things'. Malakas mang-asar si 'Rael. Malakas naman akong mang-feed. Kumbaga support lang ako, si 'Rael ang tanker sa pang-aasar. Nagsusungit na naman s'ya. Ganyan pala si Alvin, hindi ko alam. Samantalang dati ang luma-lumanay lang n'yan. Gan'an ang mga linyahan ko plus tawa-tawa.

Hindi na raw n'ya ko isasama sa kwarto. Neks taym, iba na raw ang kasama ko.

Sounds like threatening pabebe lang pero ramdam kong na-offend s'ya. Kita sa mukha n'ya. Nakonsensya rin naman ako. Wala namang taong masaya kapag nakakarinig ng negatibong feedback report tungkol sa kanyang sarili. T'saka, 4th degree psycho-verbal bullying ang nagawa ko. Nasa DSWD pa naman ako. Sori naman. Hindi ko s'ya nakasabay pag-uwi. May tatagpuing pa raw na mga kaibigan.

Pag-uwi ko sa bahay; nakatanggap ako ng text message:

aabangan kta sa jolibe. bware!!!

Biro lang. Hindi ganan. Ganito ang laman ng text message:

Ate Karen, may nagsabi saking masama raw ugali ko,

Dinamay pa si Ate Karen. Gusto ko sanang sabihin na sa halip na gitling ay tuldok dapat ang ginamit n'ya. Pero, guilty nga ako kaya alam kong wrong send 'yun. Alam na alam kong nangongonsensya. Nag-reply naman ako pero hindi na nag-text back. Sa Messenger, nag-pm ako ng soriiiii. Seen. Nagpalipas lang ako ng mga ilang araw. Nag-cheer naman ako sa daritng n'yang exam. Like. Hanggang sa naging busy na kami sa mga implementation ng mga projects sa aming mga bayan. Nakumpirma ko rin naman kay Ate Karen na wala s'yang natanggap na ganung text message. Mga isang buwan na ring sina-silent treatment ako. 

Ayoko rin namang may masama ang loob sa'kin. Nag-sorry na nga ako. Hindi na ako mang-aasar ng sobra. 'yung sakto na lang. Nung minsang mag-provincial meeting kami at kailangang matulog sa farm. Naku, wala si Alvin, iba ang kasama ko sa kwarto. Medyo nahirapan akong matulog pero kinaya ko naman kasi pagod na pagod na rin ako nung araw na 'yun.

Kapag may meeting kami, hindi rin nakikipag-usap. Ayoko namang ako ang unang kumausap baka hindi lang din ako kakausapin. 'Wag na lang. Pero gusto kong itanong kung hindi na ga s'ya galit. Peke ang mga taas-taas ng kilay. Masabi lang na hindi ka multo. Pero nung isang araw lang, habang nasa may pinto ako ng opisina namin bigla s'yang lumapit at may inilagay sa kamay ko. Mabilis lang. Hindi ako nakaimik. May sinabi na hindi ko naintindihan. Parang nag-tongues. Gibberish.

Pagtingin ko sa kamay ko; purselas! Akala ko 'yung purselas na binigay ko. Ibang purselas. Ang problema: hindi ko alam kung bakit. Pwedeng (1) para kwits kami dahil binigyan ko s'ya ng purselas, (2) para sabihing bati na tayo, (3) maglagay ka naman ng burloloy sa katawan, ang OA-OA mo pero wala ka man lang purselas. Gusto ko sanang i-chat o i-text, baka kasi hindi para sa'kin 'yung purselas at ipinapaabot lang pala; kaya lang baka ma-seen lang ulit.

Isinukat ko 'yung mga purselas at inalog-alog sa kamay ko. Sinipat-sipat ko ang purselas; mukhang mumurahin. Sinilip-silip ko ang aking chatbox, meron nang abiso. Pabebe raw ako. Gumala raw kami. 

Dialing....

#

Dyord
Municipal Social Welfare and Dev't Office
Padre Garcia, Batangas
Disyembre 01, 2016








Natambilan ng puwang
Pinaglikat ng panahon
Araw-araw hinahanap
'yung lugar nga ba
o 'yung mga ala-ala?
Pinaglala ng mga bituin
Ang mga pangalan natin
Na hinding-hindi ko mabigkas
Nagkita man sa takip-silim
Matatanong ko na sigurado,
Ang pangalan mo



Bukas.


#
Dyord
Nobyembre 15, 2016
White House