Lately, Ive been, I've been losing sleep.
Naghahabol kasi ako ng deadlines.
Pasahan na ng payroll?! Pasahan na ng IPCR?! Pasahan na ng MOVs?! Pasahan na ng articles?! Lahat ng texts ko patanong at padamdam. Nasira na ang kalendaryo ko. 'yung buhay ko malapit na rin yata. Kaya nang matapos ko ang mga dapat tapusin nung Biyernes, sinadya kong hindi muna ipasa. Pinalagpas ko muna 'yung deadline. Sinarado ko ang laptop ko at kailangan ko nang umattend ng D-group namin sa CCF-Lipa.
D-group ang tawag ng CCF sa bible studies nila. Kapag kaya kong habulin ang oras, uma-attend ako. Nahirapan akong maghabol. Kaya nga simula Oktubre, pa-second time ko pa lang sa D-group. Almost bisita pa rin. Ang D-Group namin ay nili-lead ni Ptr. Arnold; kasama ko rito si Raymart (una kong naging kaibigan sa CCF; pero hindi rin taga-CCF gaya ko), Anon, at si Arjay. Hindi ako sigurado sa mga ispeling ng pangalan nila. Almost bisita pa rin nga kasi.
Basahing Suhestiyon: Gen. 24
Tungkol ito sa pangako ni God kay Abraham. Tungkol ito sa paghahanap ni Eliezer of Damascus ng mapapangasawa ni Isaac. Tungkol ito sa paghihintay ni Isaac sa lilim ng puno. Tungkol ito sa pag-iigib ng tubig ni Rachel. Tungkol ito sa paghahanap ng God's Will. At sa di maipaliwanag na dahilan ngayong Millennium ay nai-equate palagi ang God's will sa lovelife. Ok. Naging tungkol sa lovelife ang kinalaunan ang bible study. Hindi ko inasahan dun tutungo 'yung usapin. Akala ko mafo-focus kami sa mga uhaw na uhaw na camels ni Eliezer.
Sa paghahanap ng God's Will sa buhay natin; ang unang basehan ay palaging God's Word. Ano bang sinabi ng Diyos? Ano ba ang nakakalugod sa Kanya? Gaya ng pagtangan ni Eliezer sa pangako ng Diyos kay Abraham. Gaya ng paghawak ni Abraham sa pangako ng Diyos sa kanya. Isang malinaw na pangako ang pinanghawakan ni Eliezer sa kanyang hayon.
Sa paghahanap ng God's Will sa buhay natin; ang unang gawin ay manalangin. Humingi ng gabay. Hindi sa mga bituin o sa horoscope. Hindi lalo sa baraha. Humingi ng guidance, puwede namang magtanong kay God kung ano 'yung kalooban n'ya para sa'yo. Humingi rin ng godly counsels na nagmumula sa mga godly people. Si Eliezer, habang tangan n'ya ang set of standards na bilin ni Abraham at nakita si Rachel matapos mag-fleece throwing; ay humingi pa rin ng counsel kay Laban at mismong kay Rachel. Nakakuha naman s'ya ng Yeses, kaya mission accomplished s'ya.
Sa paghahanap ng God's Will sa buhay natin; 'wag agad fleece-throwing o 'wag agad humingi ng signs. 'yung tipong kapag nag-message s'ya sa'kin ng "pinagpe-pray kita ng 11:59 p.m.; s'ya na nga ang God's Will ko". #udontdodat! 'yung tipong "kapag hinatid n'ya ko sa bahay ng tatlong beses at nag-mano s'ya kena Mom & Dad; s'ya na talaga." #udontdodat! 'yung tipong "ikaw ang God's Will ko, ni-reveal sa isang vision sa'kin". #udontdodrugs! #udontdodat! Wala kang ma-recite na memory verses tapos naghahanap ka na ng God's Will? #udontdodat! Kasi kapag wala kang tiyak na direksyon, para kang kamelyo sa disyerto; uhaw na uhaw.
Sa paghahanap ng God's Will sa buhay natin; mag-aral muna Bes ha. Mahal ang tuition, be a good steward, be a good student. Baka pinagpo-focus ka talaga kayo sa studies. Kaya keep your hormones balance and edit your assignments well.
Parang ganito ang mga natutunan ko sa D-group (bible study) namin that night: #WatUDo: #Read, #Pray, #Ask
Maya-maya binitiwan na ni Ptr. Arnold ang arresting question: May girlfriend ka na? Tsek si Anon. Tsek na tsek si Aymart. Medyo tsek si Arjay (trivia: unequally yoking). Ekis ako. *buzz out. Tapos na ako sa pag-aaral. Tapos na ako sa teen age years. Kinapa-kapa ko 'yung mga ventricles at atrium ko kung may nawawala o kulang ba na bahagi sa puso ko. Wala akong makapang puwang para sa isa pang puzzle piece na hugis gelpren. Pero bakit 'yung pakiramdam ko ay parang na-inferior vena cava?
Tuturuan kitang manligaw. Madali lang 'yan. Sabi ni Ptr. Arnold na parang tumitinidor lang ng piece of cake. Ganito: (1) Sabihin mo ng pa-joke na "pinagpe-pray kita." (2) Ipag-pray mo. (3) Balikan mo after 3 months kung may development. Ahhhh, para ka lang nag-apply sa ng social assistance sa gobyerno, kailangang i-follow up mo after 3 months kung may development. Wala naman kasi talagang the Biblical Canon for Panliligaw. Guidelines meron. Deadline meron?!
JJJ
Sabay kaming umuwi ni Raymart. Nag-uusap kami kung gaano kaya kalaki ang biceps ni Rachel kakaigib ng tubig. Nag-uusap kami tungkol sa masarap at abot-kayang Lomian. Nagutom ako kaya dumaan muna ako sa SM Lipa para doon na maghapunan. Hindi pa rin kasi ako nakakapag-grocery. Pangiti-ngiti akong tumawid ng K-Pointe, akala ko na-meet ko na lahat ng deadlines ko.
Pagpasok sa mall, tinungo ko agad ang Chowking. May isang lalaki at isang babae na nauuna sa'kin. Sinampal ng babae si lalaki, tapos sabay tawa. Napahinto sila ng lakad at agad akong umiwas para di sila mabangga. "Sa daan talaga nagharutan?" feedback nung isang aleng muntik na silang nabunggo. Ngumisi lang ako at pumasok na para umorder ng bagong love team na gusto ko -Chowfan at Tofu.
Bago ako umupo, napalingon ako sa escalator. Nakita kong hinalikan ni lalaki si babae sa leeg. Mabilis lang. Kung naroon siguro 'yung aleng naabala kanina ito siguro ang feedback n'ya "sa hagdan talaga nagharutan?" Umupo na ako sa lamesa. Wala akong katabi. Walang sasampal sa'kin. Wala rin akong leeg na hahalikan. Meron naman akong matamis at masibuyas na tokwa.
Asan ka?
Nag-text sa'kin si Alvin. Nasa Chowking, reply ko. Sasama kasi dapat ako sa kanila kanina kaya lang may bible study kami. Yes naman, pogi points sa langit. Baba kami d'yan, reply n'ya. Sige lang. Pagbaba n'ya kasama n'ya si Ate Cars, Ate Ruma, at Ate Digna; so ano 'to cluster meeting?! Meeting talaga at 8pm, Friday?!
May bago ba tayong deadline na hahabulin?
No comments:
Post a Comment