Nakatangap ako ng text mula kay Alvin. Gabi na. Patulog na nga ako.
Wala raw siyang write up ng mga business at employment models na nire-require sa’min. Sabi ko, lahat tayo ay may e-mail nu’n ah?! Sabi ko pa, akala ko ba sabi mo hindi ka na talaga magpapasa nu’n?! Bukas na kasi ang deadliest deadline namin. Maya-maya nag-text siya:
“Goodnight kaibigan”
May kakaiba sa goodnight n'ya. Ang slow ko. Hindi ko nakuha agad. Nagpapatulong pala s’yang magsulat. Hindi pa’ko deretsuhin. Sige, punta ka kako sa Padre Garcia bukas, tulungan kita. Hindi na lang muna ako magba-baranggay dahil kailangang tulungan ang kaibigang nangangailangan.
Ginabayan ko lang naman talaga s’ya sa pagsusulat ng mga models. Tapos, kapag tapos na s’ya at wala na s’yang maisulat, ie-edit ko na. Tapos, nagdadakdak na’ko kung bakit gan’to ang nakasulat dito, kung bakit cinopy-paste lang ‘to, kung bakit dakdakdak. Kaya hesitant 'tong humingi ng tulong e, ang dami kong dakdak. Siyempre, nagutom na’ko kakadakdak. Kain muna tayo bago natin tapusin kaya ko ‘yan before the deadline time. Umorder ako ng tapsilog + half-sinangag = 55pesos. Sabay bumunot s’ya at ililibre n’ya raw ako.
Ako na. Ayoko ng ililibre ako dahil tinulungan ko s’ya sa model write up. Parang binayaran ako. Ganyan yan e. Pansin ko. Noong unang lapag n’yan sa Padre Garcia bago sa official station n’ya ay inilibre ko ng tanghalian bilang pa-welcome. Tapos, nung unang sweldo n’yan nilibre akong meryenda. Ang gusto ko kasing libre ‘yung one that I didn’t see coming. Tipong wala naman akong ginawang mabuti sa’yo para ilibre mo ‘ko. Ayoko ng libre bilang reward, pero ililibre mo pa rin ako. Tipong hindi ko naman bertdey, pero ililibre mo ko. Gusto ko ‘yung libreng hindi pinag-isipan.
Minsan na nga lang daw s’ya manlibre ayaw ko pa. Tapos, pagkaabot ng bayad sa counter; “ayan nilibre kita ng 5pesos ha.” Galeng! Sumama raw ako sa Huwebes. Anong meron? Mamumundok tayo! Ha? Bakit? May work ah?! Holiday kaya! Weh?! Oo nga! Ayokong sumama. Matutulog na lang ako.
Mamaya kain tayo kasama ni Ate Karen. Sa Lomian. Ayoko, kako. Sa resto na lang na may mga design na One Piece. ‘Yoko, ulit. Sa Sabado, tara sa Laguna. 'yoko ulit. Pabebe na naman daw ako. Ewan ko; sa ayokong maglalabas e. Una, nagtitipid ako. Pangalawa, tinatamad ako. Pangatlo, nagdududa ako. Merong something e. “Wag kang sasama ha. ‘Wag kang sasama kahit saan.” Ok, kako.
Pagka-send ng model write ups n’ya na kinatay lang namin sa project proposals naming pinasa dati ay inaya ko muna s’ya sa White House. Humiga kami sa tiles. Pumasok s’ya sa kwarto ko para kumuha ng bed sheet. Ako dinama ko lang ang lamig ng tiles ang init kasi sa labas. Mamaya naman tayong 1pm mag-baranggay, isa lang naman ‘yun at pipiktyuran ko lang ‘yung meeting place nila. Pasado alas-dose pa lang o, sabay pakita sa kanya ng selpon iskrin.
Tapos, wala pang trenta minuto nagyaya na s’yang mag-baranggay. Yayayaya ka tapos paglabas mamaya sasabihin mong mainit! Tara na! Para mapasa mo na! Mamaya nga! Ang init pa oh! Wala pang ala-una! Tara na nga! Pag ikaw nagreklamong mainit! 12:50pm. Lumabas na kami. Ang init daw mag-traysikel na kami papuntang sakayan.
Kanina pa pala s’yang nagkukuwento sa mga mala-nobelang chat sa kanya ng ilang mga tao. Kinig-kinigan naman ako. Sige lang, kuwento lang kasi medyo busy kami these past weeks sa sunod-sunod na project implementations at liquidations. Kinig-kinig lang ako tapos tawa-tawa.
“Hindi mo pa ko binabati,” putol n’ya sa kwento n’ya.
JJJ
Nauwi sa form of corruption ang the rest of the day. Corruption of time. Office hours pa kasi nang pumunta kami kena Ate Karen sa Lipa. This is where y(our) taxes go. Kumain kami ng Halo-halo, nagpalamig. Sabi ni Ate Karen sa oras naman daw na nilaan namin sa trabaho na lagpas-lagpas sa nararapat... justify pa more. Kumain din kami ng crinckles, ice cream, at egg pie. Nagkaroon kami ng workshop sa watercolor calligraphy at painting. Ang sarap palang mag-art project paminsan-minsan. Minsan, kapag walang work dapat mag-paint-paint kami habang nagbe-bake-bake sina Ate Karen.
Salamat sa ating artsy party Alvin, Jayson, at Ate Karen. Maligayang kaarawan Binong! Sana nga ay maligaya ka dahil maligaya naman ako sa mga nauwi kong art projects natin. Sana lang ay hindi mabasa ni boss at ng mga ‘tao sa taas’.
No comments:
Post a Comment