Dumalo ako ng Saranggola Blog Awards Night 2016 ngayon. Tatlong taon naman na ako sumasali, ngayon lang ako dumalo para na rin magbigay ng ulat sa mga napangyari ng Project PAGbASA sa taong 2016.
Tinext ko si Donjie na pumunta sa event. Para dalawa kaming pers taym at may makausap na rin ako. T'saka papunta na rin lang naman ako ng Metro kaya dapat doble-talim na: awards night at catching up kasama ng kaibigan. Pag-iisipan daw nya. Sabi ko, go na. Pilit ako nang pilit pero di naman ako talagang umaasa na pupunta sya. Di naman nya kasi interest ang lit/blogger events pero nagsusulat yan noon sa campus paper nila sa Lucban, Ed Chief pa yan.
Nang nasa bus na'ko tumawag at tinatanong kung nasan nako baka mauna pa raw siya sa venue nakakahiya. Sumama nga. Libre na lang kita ng dinner kung walang dinner sa event kako.
Nauna 'ko sa DMCI! Kasunod si Ser Roy and family na akala ko'y kalahok, hurado pala sa tula. Tapos, ilang minuto pa'y dumatal na si Donjie na naka-corachea outfit. Habang nag-iintay sa iba pa ay nagkuwentuhan kami tungkol sa environmental compliance process, diving, biodiversity, at iba pang ka-nerdan n'ya. Para akong nakipag-catch up kay Kim.
Nauna na ang dinner bago kami nagsimula ng program proper, improper pala. Hindi naman pormal ang program. Nagpakilala isa-isa at mukha ngang mas maraming hurado ang dumalo kaysa sa mga bloggers. Maliit lang pala kasi talaga any Saranggola Blog Awards community.
Kasi yung ibang bloggers taga-Visayas, Mindanao, at mga probinsya ng Luzon, pati na mga OFWs. Saan man ka man sa mundo, basta Filipino ay maaring lumahok sa SBA. Tapos, napansin ko sa halos lahat ng mga manunulat na dumalo at may kasamang support, yung hindi naman talaga lumahok pero nandun lang para suportahan ang jowa, kaibigan, asawa, at anak.
Nang ipasok ang mga trophies, naglaway na ako. Unang bases na trophies ang ibibigay ng SBA sa makakakuha ng Unang Karangalan sa bawat kategorya. Ang ganda kasi talaga at parang bagay na bagay sa opisina ko o kaya sa bahay ko. Donjie, kapag hindi ko nakuha yan, tatambangan ko ang mananalo mamaya. Donjie, ibili mo na lang ako! Unang ibinigay ang karangalan para sa pagsulat ng Sanaysay at ilan sa mga hurado ay si Kuya Poy at Lualhati Bautista lang naman. Nakakatuwa yung nag-pers kasi pers taym nyang sumali ng SBA at kakabukas lang ng blog nya ngayong taon pero matagal na syang sumasali sa mga writing contest nung hayskul at college pero hindi siya nanalo. Unang writing award nya! Sweet! Pressure yung pamagat ng nagwaging sanaysay.
Nag-worry na ako kasi apat na lang ang barung-barong over lata trophies. "Lagi ka nang nananalo ng writing awards noong college, kaya hindi ka na mananalo ngayon," dagdag pa ni Donjie. Support ba talaga 'to?
Pers taymer din yung nanalo ng unang karangalan sa Hugot lines. Araw na ng deadline nya sinulat yung 10-lines of Hugot na 'Minsan Hugot, Minsan Gutom' during lunch break. Ansaya nya. Ako hindi masyado, kasi pumangalawa lang yung koleksyon ko ng hugot. Ang hurado pala sa hugot ay script writer ng mga ABS-CBN teleserye ex. Magkaribal, The Legal Wife, Forevermore. Pero pilitin ko mang maging masaya, tatlo na lang ang tropeyo.
Plumakda ang pangalan ko sa unang karangalan ng tula! Pero iba yung title! Hindi yun ang entry ko. Sa hugot ko yun. Baka nadoble lang ang slide! Siguro naka 986 beats yata ang puso ko sa 2 minutong validation kung ako nga ang nanalo sa tula. Ako nga!!! Tatlong taon nakong sumasali sa tula at sa wakas nasungkit ko rin ang unang karangalan. Maaring basahin ang 'Tatlong Tula' sa tsa-tsub.blogspot.com (October,2016).
Wala nakong pakialam sa nanalo sa iba. Haha. Pinanood ko so Dagat sa labas na patakbo-takbo. Nilamig talaga ang palad ko sa loob e. At parang binati ako no Dagat ng congrats sa pag-apir n'ya sakin at sa pagsabi ng "happy!" habang pumapalakpak.
Nag-present din pala ako ng Project PAGbASA updates sa komunidad ng mga bloggers. Tapos nakakuha ako ng mga posibleng partners sa proyekto at mga posibleng donations at grants sources. Networking!
Sabi ni Donjie, alis na kami maya-maya. Sige kako kasi mahihirapan tayong umuwi. Makikitulog na ako sa kanila sa Pasig. Nagperform muna yung stand up comedian tas iihi lang ako kako, tas alis na kami. Pagbalik ko, nasa unahan na si Donjie at nagmimister pogi. Galeng. Uuwi na raw. Hinintay ko pa syang ma-eliminate at tinawa-tawanan. Akala ko ba ako lang ang kasali rito?
Umuwi na kami kahit di pa tapos yung event. Nag-bus na kami pa-Crossing tapos nilakad pauwi ng Ugong sa Pasig kasi walang ma-Grab na taxi. Nagkuwentuhan kami pauwi dahil natural-born kwentista naman itong si Donj.
Natuwa naman siya sa event. Akalain mo, may maliit na community na nag-aabala at nagpupuyat para sa ganung bagay? Natawa ko. Parang kasing kulto o taga-ibang planeta ang dating ng mga manunulat.
Mga ala-una pasado na kami nakauwi ng inuupahan nila sa Ugong. Pinagtimpla pa ko ni Leo ng Soya coffee bago natulog. Sinapok pa ko ni Ming, alaga nilang pusa. Nagkwentuhan pa rin kami bago nahiga ng bandang alas dos pasado.
'Yung taon ko kasi ngayon para talagang yung tropeyo e. Depressing gaya ng barung-barong, nayupi at nagapos gaya nung lata, pero nakahawak pa rin sa pisi, nakatuon sa langit, at bumabagting sa pinapalipad na saranggola.
Natulog ako na ang puso ay happy habang pumapalakpak.
No comments:
Post a Comment