Medikal na naman.
Na’andito ako ngayon sa LC Diagnostics para sa Annual Physical Exam namin. Naka-leave yata kami. Hindi ko alam kung paid or di paid kasi wala naman talaga kaming leave. Basta alam ko pinayagan kaming hindi pumasok ngayong araw para mag-asikaso ng medikal para ma-renew ang kasunduan. Hindi kontrata, kasi hindi naman kami contractual.
Nakakatakot at nakakaruming bahagi na ng buhay ko ang medikal. Kukuha ka ng tae gamit ang cotton buds. Isuswak mo sa bote ang ihi mo. Maghuhubad ka sa x-ray. Tutusukin ka ng karayom para kunan ng dugo. Hindi talaga kumportable. Tapos, makikita na naman ang peklat ko sa baga dahil sa PTB at magsasaysay na naman ako ng kasaysayan kung panong TB ay aking natuldukan.
Ayoko nang dumaan na naman sa sputum results. Ayoko na namang dumaan sa GeneExpert. Kasi ibig sabihin nun kailangan ko na namang dumahak kahit wala akong plema. Tapos, mukhang hindi pa maayos ang waiting area sa mga centers. Parang magigising lalo ang PTB ko. Ayaw ko nang magpa-medikal kung maari. Kapag hindi ko na naman nakumbinsi ang doktor sa aking medical history ay aabutin ako ng ilang linggo na naman bago makatapos ng requirements.
Ito ang pangit sa Memorandum of Agreements, lahat ng rekusitos sa pagtatrabaho ay kailangang ipasang muli. Di katulad ng kontraktuwal at regular na nagpapamedikal na lang. Wala namang bagy sa’kin sa ngayon kung wala kaming leave, or Christmas bonus, or 13th at 14th month pay; pero ‘yung paulit-ulit na rekusitos, ay paulit-ulit na abala at gastos.
Nagkita kami ni Honeylette, Project Development Officer ng Tingloy, dito sa LC Diagnostics. Taga-Lucena lang kasi s’ya kaya dito na s’ya nagpa-medikal. Iniabot ko ‘yung pinapaabot na tsokolate ni Tsang Lorie sabay bati ng Meri Krismas! “I know better, Jord! Galing kay Ate Lorie ‘to!”. Earlier this day ay sinamahan ko kasi si Tsang Lorie na kumuha ng NBI Clearance n’ya at inabot n’ya sa’kin ang tsokolate para kay Honeylette.
Nakita ko rin dito si _______; ‘yung Project Development Officer ng Alabat. Wala raw kasi silang laboratory doon sa isla, kaya dito pa s’ya nagpa-medikal. Hindi ko natanong ang pangalan n’ya pero natanong ko kung ilan ang proyekto n’ya sa Quezon: 8 projects to be implemented. Matatapos na ang taon ah? Anung fund disbursement method mo? Ikaw pa ang magli-liquidate n’yan? Napatawa ako. Ganun din halos kasi ang sitwasyon ko.
Natapos ko na lahat at naghihintay at naghahanda na lang ako ng pagpapaliwanag kung bakit may peklat pa rin sa baga ko. Nagbasa muna ako ng It’s Raining Mens ni Bebang Siy. May malulupit palang fiction pieces dito. Ipangreregalo ko pa naman ‘to sa Christmas party namin. Maya-maya pa ay may nanggulat na lumapit sa’kin.
Nakita ko si Meiji, Admin Aide sa Regional office. Sumama raw ako this weekend kena Alvin. Naalala ko na niyaya nga pala ako ni Alvin na pupunta sila kena ‘Rael, PDO ng Quezon pero taga-Laguna. Naalala ko rin na tinanggihan ko si Alvin kaya tinanggihan ko rin si Meiji. Kanina pa raw s’ya rito kaya kumuha na lnag s’ya ng result. Umalis din s’ya.
Bakit napapaligiran ako ng mga DSWD people, ang daming lab at rural health unit sa Calabarzon, bakit sa private clinic din sila nagpapamedikal?
Malapit ko nang matapos lahat ng fiction pieces sa autobiographical collage book na It’s Raining Mens pero wala pa ring duktor. Gusto ko nang malagpasan ito at maglilinis pa ‘ko ng bahay pag-uwi sa Garcia. Maglalaba pa ako. Uuwi pa ako sa’min sa Tiaong para sa ilang aklat na dadalhin ko sa Stop Project sa Alabang. Gusto ko nang matapos agad at mapirmahan na ang medical form ko ng ‘fit to work’.
Nagt-text si Tsang Lorie kung naibigay ko ba raw ‘yung yellow bag of chocolates kay Honeylette. Ha? Isang pakete lang ng Kisses ‘yung pinaabot n’yo, reply ko. ‘yung yellow bag of chocolates ang kay Honeylette at sa’yo dapat ‘yung Kisses.
Pero wala nang mas tatamis pa kung matatapos ko nang maluwalhati ang medikal ko.
Dyord
LC Diagnostics
Disyembre 09, 2016
Lucena, Quezon
Dyord
LC Diagnostics
Disyembre 09, 2016
Lucena, Quezon
No comments:
Post a Comment