Thursday, December 1, 2016

Purselas!

Mga isang buwan na 'ata.

Pagkababa ko galing ng Kalinga, dumeretso na'ko sa Makati para sa training namin sa Information System ng aming programa. Si Ate Lorie at Alvin lang may pasalubong sa'kin; purselas na may mga lawit-lawit na beads mula sa Balbalan, Kalinga. Sila lang ang inabot ng budget e. Si Ate Lorie may pasalubong dahil nag-e-mail na sa'kin ng kanyang tampo tungkol sa hindi ko  pagre-reply sa mga work-related concerns. Si Alvin, may pasalubong dahil kaibigan ko s'ya. Hindi dahil pinag-encode n'ya ko sa kasumpa-sumpang information system namin. Kaibigan ko s'ya kaya may pasalubong s'ya sa'kin. 

Ang venue ay sa Makati Palace, magkasama kami sa kwarto ni Alvin. As olweys. Nirekwest n'ya 'yun kay Meiji, ang taga-takda. Kumportable kaming magkakuwarto. Walang katrabahong gustong pumunta sa kwarto namin at makipag-socials. Hindi kami maingay. Maliban sa'kin na minsang nag-o-OA raw sa Marcos Burial news sa TV. Maliban sa'kin na OA raw mag-react sa anime. OA raw ako sabi ni Alvin at magpasalamat daw ako at sinasabihan n'ya ko na OA ako. 

Tenchu ha.

So ito na nga, sa Makati Palace kung san magka-room ulit kami. Nagpaturo s'ya kay Israel ng 'accoun-things'. Malakas mang-asar si 'Rael. Malakas naman akong mang-feed. Kumbaga support lang ako, si 'Rael ang tanker sa pang-aasar. Nagsusungit na naman s'ya. Ganyan pala si Alvin, hindi ko alam. Samantalang dati ang luma-lumanay lang n'yan. Gan'an ang mga linyahan ko plus tawa-tawa.

Hindi na raw n'ya ko isasama sa kwarto. Neks taym, iba na raw ang kasama ko.

Sounds like threatening pabebe lang pero ramdam kong na-offend s'ya. Kita sa mukha n'ya. Nakonsensya rin naman ako. Wala namang taong masaya kapag nakakarinig ng negatibong feedback report tungkol sa kanyang sarili. T'saka, 4th degree psycho-verbal bullying ang nagawa ko. Nasa DSWD pa naman ako. Sori naman. Hindi ko s'ya nakasabay pag-uwi. May tatagpuing pa raw na mga kaibigan.

Pag-uwi ko sa bahay; nakatanggap ako ng text message:

aabangan kta sa jolibe. bware!!!

Biro lang. Hindi ganan. Ganito ang laman ng text message:

Ate Karen, may nagsabi saking masama raw ugali ko,

Dinamay pa si Ate Karen. Gusto ko sanang sabihin na sa halip na gitling ay tuldok dapat ang ginamit n'ya. Pero, guilty nga ako kaya alam kong wrong send 'yun. Alam na alam kong nangongonsensya. Nag-reply naman ako pero hindi na nag-text back. Sa Messenger, nag-pm ako ng soriiiii. Seen. Nagpalipas lang ako ng mga ilang araw. Nag-cheer naman ako sa daritng n'yang exam. Like. Hanggang sa naging busy na kami sa mga implementation ng mga projects sa aming mga bayan. Nakumpirma ko rin naman kay Ate Karen na wala s'yang natanggap na ganung text message. Mga isang buwan na ring sina-silent treatment ako. 

Ayoko rin namang may masama ang loob sa'kin. Nag-sorry na nga ako. Hindi na ako mang-aasar ng sobra. 'yung sakto na lang. Nung minsang mag-provincial meeting kami at kailangang matulog sa farm. Naku, wala si Alvin, iba ang kasama ko sa kwarto. Medyo nahirapan akong matulog pero kinaya ko naman kasi pagod na pagod na rin ako nung araw na 'yun.

Kapag may meeting kami, hindi rin nakikipag-usap. Ayoko namang ako ang unang kumausap baka hindi lang din ako kakausapin. 'Wag na lang. Pero gusto kong itanong kung hindi na ga s'ya galit. Peke ang mga taas-taas ng kilay. Masabi lang na hindi ka multo. Pero nung isang araw lang, habang nasa may pinto ako ng opisina namin bigla s'yang lumapit at may inilagay sa kamay ko. Mabilis lang. Hindi ako nakaimik. May sinabi na hindi ko naintindihan. Parang nag-tongues. Gibberish.

Pagtingin ko sa kamay ko; purselas! Akala ko 'yung purselas na binigay ko. Ibang purselas. Ang problema: hindi ko alam kung bakit. Pwedeng (1) para kwits kami dahil binigyan ko s'ya ng purselas, (2) para sabihing bati na tayo, (3) maglagay ka naman ng burloloy sa katawan, ang OA-OA mo pero wala ka man lang purselas. Gusto ko sanang i-chat o i-text, baka kasi hindi para sa'kin 'yung purselas at ipinapaabot lang pala; kaya lang baka ma-seen lang ulit.

Isinukat ko 'yung mga purselas at inalog-alog sa kamay ko. Sinipat-sipat ko ang purselas; mukhang mumurahin. Sinilip-silip ko ang aking chatbox, meron nang abiso. Pabebe raw ako. Gumala raw kami. 

Dialing....

#

Dyord
Municipal Social Welfare and Dev't Office
Padre Garcia, Batangas
Disyembre 01, 2016








No comments: