Friday, March 31, 2017

Tatlumpong Araw na Tulat (Tulak-Sulat)

Isang adaptasyon ko ng 30-day writing prompts.

Hindi ko yun pinapansin dati. 'yung mga prompts-prompts na yan. Kesyo gamot daw sa writer's block. Kapag tinatamad kasi ako at wala talagang maisulat, tigil. Gawa ng ibang bagay. Kapag wala pa ring maisulat at natatakot na hindi na makasulat pang muli, sulat! Kahit pangit yung kalabasan ng akda. Sa ngayon, 'yan ang paraan ko para makalabas sa writer's block.

Pero gumawa ako ng prompts.

Minsan kasi chinat ako ng isang kaibigang manunulat, nanghihingi ng writing prompts. Matagal-tagal na rin siyang di raw nakapagsulat. Sabi ko wala ako. 'Yun naman talaga e. Dapat kung tutuusin siya ang meron noon dahil nag-aral siya ng malikhaing pagsulat. Sa kasamaang palad, wala raw siyang notes tungkol sa prompts pero meron siyang link na pinasa sa'kin pero hindi niya raw masyadong bet. Nagustuhan ko yung ideya ng tulat o 'tulak-sulat', hindi para maka-alis sa mapangligaw na writer's block kundi para makapanghikayat ng pagsusulat sa mga kaibigan.

1. Ang ganda-ganda/pogi-pogi ko talaga dahil [complete the sentence]. Kung walang maidahilan, 'wag sagutan.

2. Sa isang kapirasong papel, gawan ng acronym ang mga pangalan ng circle of friends mo. Bawal ang adjectives, puro noun lang. Lagyan ng "Solomot sa memories <3", tapos ibigay sa kanila.

3. Sumulat ng tatlong bagay na ipinagpapasalamat mo ngayong linggo.

4. Sumulat ng tatlong pangungusap tungkol sa inyong hardin. Kung walang hardin, i-explain kung bakit.

5. Umimbento ng joke na nakakatawa. At least para sa'yo.

6. Gumawa ng 'tsismis' tungkol sa isang bayani ng Pilipinas, tapos sa bandang huli ay pabulaanan ito. Ipadala sa History Channel.

7. Magbigay ng tatlong pelikulang nagpaluha sayo. Ipaliwanag kung bakit.

8. Ipaliwanag ang pakiramdam ng ma-seen/ma-haha/ma-smiley zone.

9. Manood ng balita tapos magkomento sa get-up o suot ng isang journalist.

10. Magsulat tungkol sa boring mong titser. Bigyan ng codename. Pagkatapos, ipanalangin mo siya.

11. Anong gusto mong paandar sa magiging kasal mo? Yung cool at astig.

12. Kung magiging judge ka ng "Miss Universe 2014", tapos ka-chokaran mo lang si Donald Trump, anong katangian ng isang babae na dapat hangaan ng universe?

13. Mag-imbento ng alamat kung bakit "ganan" ang pangalan ng brgy. nyo. I-kuwento sa bata.

14. Magkwento tungkol sa isang pag-a-away mo ng kapatid mo. Bahala ka sa length.

15. Magkwento tungkol sa unforgettable jebs-na-jebs moment mo. Kung inabutan ka sa shorts, wag magkaila.

16. Ipaliwanag ang "weird" o kakaiba mong hobby. Yung hindi mo alam kung bakit mo ginagawa.

17. Ihalintulad ang sarili sa gulay.

18.Kung isa kang "jebs", anung gusto mong iparating sa senado?

19. Gumawa ng tula tungkol sa paborito mong street foods. Rhyming o free-verse, go!

20. Magkwento tungkol sa mga nilalaro mo nung bata ka.

21. Isulat ang panaginip na ilang ulit mo nang napanaginipan.

22. Tingnan ang inbox, sinong patatlong nag-message sayo? Magsulat ng tatlong bagay na hinahangaan sa taong 'yun.


23. Gumawa ng tula na may mga ss. na salita: ibon, pana, tabo, at uling.

24. Magsulat ng mga takot mo. Magtapos sa smiley imbis na tuldok :)

25. I-rate 1-10 ang crush mo ngayon. Base sa phenotype (hitsura) niya.

26. Nagtampo ka na ga sa kaibigan mo? Bakit?

27. Sumulat ng papuri sa "She's Dating the Gangster" (kahit di mo nabasa o napanuod). Kung ikaw, makikipag-date ka ga sa gangster?

28. Gumawa ng tula, sanaysay, o repleksyon tungkol sa paborito mong flavor ng palamig since birth.

29. Sumulat ng liham para sa kakilala na taga-ibang bayan o kaibigang matagal na di naka-usap. Ipadala ito sa kanya.

30. Magbigay ng komento, pula, at puna sa tsa-tsub.blogspot.com. Kunwari di mo kaibigan yung blogger. Gora!

Happy writing!

Dyord
Hulyo 26, 2014
Lalig, Tiaong, Quezon


Achievement Unlocked: Kurtina Atbp.

Kinumpronta ako ng landlady ko.

“Kawawa ka naman wala kang kurtina”.


Masyado raw akong exposed. Hindi ko alam kung nakita ba ako ng kapit-bahay na tumatakbong walang saplot sa kwarto dahil nakalimutan kong magdala. Hindi ko alam kung nakikita n’ya ba akong sumayaw-sayaw at tumawa nang mag-isa. Hindi ko alam kung nakikita n’ya ba akong aalog-alog sa pampamilyang paupahan.

“May kausap na po akong mananahi.” Sabi ko bilang depensa. Na hindi ako kawawa. Naghihintay lang po ako ng sweldo. Pero dumeretso s’ya sa kusina at nakita naman na ang tapi  sa screened na bintana ko sa kusina ay pinagdikit-dikit na brochure ng UltraMega dahil kinapos sa bangdang ilalim, tineypan ko pa ng dyaryo na dugsong. “May kausap na po akong mananahi,” ulit ko.

“Mahal kaya Jord ang magpatahi,” sabi ni Ate Cris, ang concerned kong kapit-bahay. Wala naman akong alam kung magkano nga. “teka, meron akong kurtina sa bahay,” agad s’yang umuwi muna sa kanila. Dumeretso naman ang landlady ko sa lababo, “naghihintay lang po ako ng suweldo’t ipapapagawa ko na kay Kuya Gaspar ‘yang gripo.” Agosto pa nalustred ang gripo sa lababo kaya may plangganita akong hugasan ng pinggan na kinukuha ko pa sa banyo ‘yung tubig.

Meron lang tatlong brosyur sa screened kong bintana. Isang brochure ng Operation Blessing na reminder ko na mag-ipon para sa susunod na volunteer mission. Isang brochure ng camera na gustong bilhin para sa gagawin kong blog ng mga stories sa komunidad. Isang patalastas ng isang banko na reminder ko naman na mag-ipon para sa Masteral.

“Dapat nagsasabi ka.” Sa’kin kasi ‘yung bahay, basta natutulugan pa ay walang problema.
Sa kuwaresma na lang nila ipapagawa ‘yung kumawang kong kisame. “Hindi naman po tumutulo kapag umuulan”. Maliban na lang kung Signal no. 3. Ipapagawa n’ya raw ang gripo ko agad-agad at pagbalik n’ya galing Cagayan, bibigyan n’ya ako ng kurtina. Pero nand’yan na ang kurtina na pansamantagal muna, dala ni Ate Cris. Sukat na sukat sa bintana ko; maliban lang sa sobrang tela na pinagtabasan para sa erkon ng dati nilang inupahan sa Laguna. Mga nasa 20x20 inches ang sobrang tela sa kaliwang bahagi. “Ayaaaaan!,” sabi namin pagkaayos ko ng kurtina sa rod.

Sana lang hindi ko makalimutan ‘yung mga dapat kong gawin kahit natatakpan na ang mga brosyur. Isang buklat lang naman ng kurtina at makikita ko na ulit na kailangan kong mabuhay na may pag-iisip sa bukas. Siguro maganda na ring nakukurtinahan ang mga paalalang brosyur, para mabuhay din naman ako para sa ngayon. You only live once (#YOLO) vs. Plan, You only live once (#PYOLO) na hashtag nung insurance company ko.

“Yey! May kurtina na si Kuya Jord!”, narinig ko si Ate Cris na dumaan bitbit-bitbit si Theo.


Marso 30, 2017
Dyord
White House


Monday, March 27, 2017

Marso 26, 2017

Kanina sa simbahan ang ganda ng mensahe: tungkol sa Compassion, hindi ko alam kung anong lapat na salin sa Filipino: malasakit, kahabagan, lingap. Nasagi ni Pastor na ambilis natin na husgahan ‘yung mga adik pero; “meron bang nagbigay ng “chance” sa kanila? Kung ‘yung patay nga nabigyan ng bagong buhay ni Kristo, mas lalo na sila. Kaya ng Diyos na magbago ng buhay,” ika n’ya.

Pero nung altar’s call na naging komentaristang politikal ang panalangin n’ya “... ang President Duterte, maraming hindi nakakaintindi sa kanya. Kung s’ya may magkalisya-lisya,... may panahon ang Diyos sa kanya... ‘wag tayong mag-criticize! I-respect ang nasa authority!” Nagamit ko ‘yung prayer ng kaibigang si Ted, kada raw may political claims ang Pastor n’ya ito ang panalangin n’ya: “I love you Pastorrr. I love you Pastor. Dito pa rin ako magche-church”.

Pagkatapos; nag-meet kami ng financial advisor namin ni Alquin (na nakatulog) na si JM. Napag-usapan na namin ‘yung mga iba’t ibang kliyente n’ya at kung sino ba ang susunod na Darna, wala pa rin si Alquin. Naisip ko kung lahat ng pinatay na adik insured... ay mali, mali pa rin ‘yun. Nalaman ko rin na at least 2 years dapat ka na sa policy bago maka-claim ang pamilya mo kung magpapatiwakal ka. At sabi ni JM, may mga kumukuha talaga ng insurance policy bago bawiin ang sariling buhay. Seryoso may nakakapag-isip ng ganun? ‘yung mga hindi raw kaya nang buhayin ang pamilya. Mali pa rin e.

Wala si Mama sa simbahan. Isang buwan na raw na dinudugo. Hindi nagpapa-ultrasound at deretso reseta na raw ‘yun at mahal ang gamot. Ayaw n’yo kasing mag-intindi, ilang beses na ako nag-abot ng pampa-ultrasound. Ay tinitiis na laang daw kaysa manghingi pa sa’kin ng pera. Gusto ko sanang replyan pa ng “wag n’yo na akong dramahan at ako rin lang naman ang mag-aabot sa inyo” kaya lang ito na ang ang ni-reply ko; “Hihintayin namin kayo ni Alquin sa foodcourt ng City Mall.”

May dala-dala pa s’yang coffee jelly, galing pala sila sa outing ni Rr. Si Mama na rin ang pinabili ko ng Chaofan gamit ang PWD ID ni Rr. Nagkukuwento lang si Mama habang kumakain kami ni Alquin ng Chaofan, busog daw s’ya e. Nagpa-take out na lang ng pasalubong kay Rr na nagpaiwan na sa palengke at magsasarado pa ng puwesto.

Nagkuwento si Mama tungkol sa: bago kong pamangkin na kakalabas lang ng ospital, kay Pute, ‘yung isa ko pang pamangkin, inutang na gamot kay Kuya Ramil, pagkakabangga ni Ka Talyong, sa bagong trabaho ni Papa, sa kulang n’ya pa sa puwesto sa palengke na huhulug-hulugan na lang, sa dalawang taon nang pasong permit, at sa posibleng pag-aampon ko sa pamangkin ko na hindi naman mangyayari.

Inabot ko ang pampa-check up; patingnan kako kung gaano na kalaki.



Blusang Itim


Mag-aalas-singko na.

Tumawag si Mam Galela, hindi sa telepono kundi sa hangin. Bumaba naman agad is Tita Nel. Maya-maya pa ay umakyat na ulit si Tita Nel. Pinadadagdagan daw sa kanya ang bilang ng tatanggap ng bagong foodcarts sa palengke. Pero wala nang dadagdag na foodcarts. Ano raw?!

Bumaba kami sa opisina ni Mam Galela. Bitbit ang pa-recievan na papel at ang paliwanag na wala nang makukuhang pirma dahil mauulit na ang mga pangalan nila. Gumagawa raw ng panibagong bidding ngayon sa PhilGeps para sa limang bagong foodcarts kaya kailangan namin ng labinlimang bagong pangalan. Papirmahin daw namin ‘yung may foodcarts na, ihihiwalay sila ng proposal. Tumaas ulit kami ni Tita Nel. So, ‘yung actual natin na 61 foodcarts ay magiging 66 na?

“Baka sa papel lang, Ser,” pangamba ni Tita Nel. Sa Audit: Kung ilan ang nasusulat sa papel, ayun dapat ang mabibilang ng daliri. May pirma kami sa proposal. Dehado kami. Isang paa agad namin ang nasa kulungan.

Bumaba ako para linawin kay Mam Galela kung magiging 66 foodcarts na ga lahat-lahat sa bagong PhilGeps bidding; itanong ko raw kay Tita Nel. Umakyat ulit ako, mukhang sa papel nga lang. Bumaba ulit kami ni Tita Nel kay Accountant para linawin lahat. Nahihilo na kami.
Pagdating kay Accountant, gaya ng napag-meetingan namin nuong Martes, gagawa ng hiwalay na PhilGeps bidding at kukunin ang pambayad sa counterpart ng Munisipyo o sa salita ni Accountant ay mula na sa General fund. Ang hindi namin alam, kailangang magdagdag ng bagong labinlimang pangalan. Wala na kakong mga bagong pangalan. Hindi naman kami gagamit ng mahika. “Hindi na namin problema ‘yan, problema n’yo na yan,” ang mga eksaktong salita ni Accountant.

Wala akong nasabi. Hindi ko inasahan ang katotohanan ‘yun. “Ayokong makulong,” ang sabi ni Tita Nel. “Aba’y ako rin,” sabi ni Accountant. Umalis na kami ni Tita Nel. Si Accountant humarap na ulit sa kanyang Lazada account na nakabukas sa isang balingkinitang blusang itim. Hindi ko na maalala kung paano kami nagpaalam kay Accountant.

Sa isip-isip ko; hindi naman kasya e. Hindi talaga kasya.

I mean ‘yung pondo.
#

Dyord
Marso 23, 2017

White House

Friday, March 24, 2017

Marso 22, 2017

Wala pa ring suweldo.

Iisa na lang ang delata ko sa bahay. Ayoko naman nang tanghalianin 'yung natira kong sardinas kagabi.

Biglang ipinasugo si Tita Nel sa Batangas at hindi aabot sa meeting ang Mam Galela. Nagmamadali kaya marami pang natirang bopis at sinigang. Ipinatong na sa lamesa ko at hindi naman daw nila nilandi. Sa isip-isip ko, kanin na lang ang lulutuin ko.

Sabay nag-alok naman si Ate Agnes kung gusto ko raw na magtanghalian kena Ate Noeme at nangungumbida. May anuhan kako. Wala naman at simpleng tanghalian lang naman. Binitbit ko si Mam Mildred.

Pagdating kena Ate Noeme ihinain ko ang dala kong bopis at sinigang. Naghain naman siya ng sinigang na parang kinamatisang salmon. Naghain ng mainit na kanin. Dumating sina Ate Agnes at Arsenia, mga kapwa parent leaders ni Ate Noeme, kasama ni Mam Brenda at ng kanyang lablayp. Tumulong naman sa paghahanda si Ate Agnes ng pipino at itlog na pula na may kamatis. Siyempre, may kasamang malamig na malamig na sopdrinks. 

Ayos naman ang kuwentuhan at kain namin. Nagkuwentuhan kami tungkol sa pasaway na anak ni Ate Noeme at kung paano siya cinesarian ng tatlong beses. Nagbalik-tanaw sa mga dating trabaho bago naging full-time mom si Ate Agnes at bago napadpad sa DSWD si Mam Brenda at Mam Mildred. Nagbahagi ng mga karanasan namin sa pagpapamasahe. Sindami ng kuwento ang kain. 

"Mas maige pa ang hindi sumasahod e at nakakain ako ng matam-is" nasabi ko habang hinihiwa ang malambot pero buo at mayabong leche plan. 


Wala pa ring sweldo pero marami pa ring subo. 

#

Dyord
Marso 22, 2017
White House


Wednesday, March 22, 2017

Ako Si

Pangalan: Jord Earving A. Gadingan

Noong kinder, wala akong maalalang nahirapan akong isulat ang pangalan ko. Medyo mabagal nga lang akong magsulat. Magdrowing pala. Hindi ko naman kasi nababasa ang pangalan ko. Dinodorwing ko lang at ginagaya kung paano ang bigkas.

Noong elementary,ayoko ng diktaturya (dictation) noon pa man, nasa no.4 na sila, nagpapangalan pa lang ako. Binansagan pa nga ako ng titser ko noon na ‘slowpoke’. Tawanan ang buong klase kahit hindi naman nila naiintindihan ‘yung salitang ‘slowpoke’. Pagtatapos noong Grade 2, mabagal ding umakyat sa nangungutim na entablado ng San Agustin Elementary School ang ‘slowpoke’ para sabitan ng pulang lasong nagsasabing “2nd Honor”.

Noong hayskul ko na talaga naramdaman ‘yung hirap sa pagsusulat ng pangalan ko. Lalo na kapag National Achievement Test. Kailangan kasing hanapin sa mga titik A-Z na nasa loob ng bilog at i-shade ang mga ito matapos kong isulat ang bawat titik ng pangalan ko sa loob ng mga kahon.

Isusulat ko ang titik G sa kahon tapos ishe-shade ko ang titik G sa mga bilog na nakahilera pababa. Isusulat ko ang titik A sa kahon tapos ishe-shade ko ang titik A sa mga bilog na nakahilera pababa. Isusulat ko ang titik D sa kahon tapos... Hanggang sa mabuo ko yung GADINGAN, JORD EARVING A. Wala pa sa exam proper, hilo-hilo na ako.

Nagsaliksik ako kung ano bang ibig sabihin ng ‘Jord’ para na rin sa profile ko sa Friendster. Ito ang ilang nakalap kong impormasyon:

(1)   Hango sa Jordan na ang ibig sabihin ay mababa, mababaw, o mapagkumbaba.
(2)   Mula sa Djord na isang babaeng higante sa Norse mythology.
(3)   Kasing-kahulugan ng lupa, dumi, at alabok.

Higanteng mababa? Parang mali. Higanteng mababaw? Parang pangit. Higanteng mapagkumbaba? Parang kabalintunaan. Maraming mga nagsasabing tunog scientist o inventor daw ang pangalan ko, wala pong kumpareng ganun ang nanay at tatay ko. Ang tatay ko po ay isang basketball player sa aming bayan at ang nanay ko ang kanyang no. 1 fan. Bilang panganay na anak at inaasahang susunod sa yapak ng rubber shoes nga tatay ko; sa mga basketball players po galing ang pangalan ko. ‘yung Jord ay galing kay Michael Jordan at ‘yung Earving naman ay galing kay Julius Earving.

Pero hindi po ako fan ng basketbol. Siguro dahil laging nagtatalo noon sa bahay kung ang panonoorin ba sa gabi ay PBA o PSY (Pangako Sa ‘Yo). Siguro dahil ikinabit lang sa pangalan ko ang basketbol pero hindi talaga bahagi ng aking magiging pagkatao. Ang ‘Jord’ ay kasing-kahulugan ng lupa, dumi, at alabok. Kaya pala may ibang halina sa’kin ang lupa at pagsasaka.

Nagtapos ako ng Agriculture. Nagbungkal ng lupa. Humawak ng bulate. Nagtanim ng kamote. Nakapagtrabaho rin bilang research assistant. Mali pala ang pananaw ng marami sa mga siyentipiko na lagi silang nakaputing lab gown, nakasalamin na mataas ang grado, at sumisipat-sipat ng test tube. Maraming siyentipiko pala ay nasa mga pulong ng magsasaka, nakikipag-usap, napuputikan, at narurum’han; ang komunidad ang kanilang laboratoryo.

Sa ngayon, isa akong kawani ng Kagawaran ng Panlipunang Kagalingan at Pagpapaunlad (DSWD) at nakikipag-usap sa mga nasa ‘laylayan’ tungkol sa Sustainable Livelihood. Hinihimok ko ang mga komunidad na maghanap-buhay o di kaya’y magsimula ng negosyo. Humahabi ng mga sistema at iskema upang maipanumbalik ang mga komunidad sa kanilang kapaligiran at magising ang kanilang diwa sa kapakinabangan ng pagbubungkal ng lupa para sa pang-araw-araw na pagkain.

Salamat dahil isinilang ako nang may pangalan. Kapag nagdadalawang isip ako kung tama ba ang lupang binubungkal ko at niririndi ang sarili sa mga tanong na; sino ulit ako? Ba’t ga ko narito? Pasaan ga ko? Baka nakakalimutan ko lang ulit kung ano ang pangalan ko.


OMM


Pasado alas-kuwatro na nang nagkukumahog si Ate Ailyn na umakyat sa tanggapan namin, ipinapatawag daw ako sa OMM, hapong-hapo at nakahawak sa dibdib. Nakatingin ang mga tao sa’kin sa opisina, ibang tingin. Kailanpaman ay hindi ako ipinatawag sa Office of the Municipal Mayor.

Umakyat ako sa amoy pinturang gusali. Pina-renovate pareho ang exterior at interior. Tinanong ko sa Information kung nasaan si Mam Niza. Nasa meeting daw sa OMM, medyo matatagalan daw kaya bumalik na lang daw ako at tatawagan na lang pagkatapos ng meeting. Bumalik naman ako sa desk ko sa katapat na gusali.

Maya-maya ay sumigaw naman si Topher, may tawag daw ako mula sa OMM; si Mam Niza. “Ser, pakidala po lahat ng information na meron kayo tungkol sa foodcart dito sa OMM. Now na po ha. Now na.” Kasali pala ako dapat sa meeting na ‘yun. Hindi na-inform ang Information. Pinahal’wat ko kay Tita Nellie ang mga folders namin ng natitirang pondo at aktuwal na na-award na foodcarts, binuklat ko rin ang files ko ng proposal, at ni-review in 3 mins!

Salamin ang tagapamagitan ng tanggapan ni Mayor at tanggapan ng kanyang staff. Lahat din ay glassdoor. Sa Level I ay ang Information. Sa Level II ay ang parang corporate staff ni Mayor. Pagpasok ko sa Level II, tinatakot ako nung isang staff mula sa likod ng kanyang slim-monitor desktop. Ang gara rin nung muebles at basahan; ramdam ang lambot sa pagtapak. Sa Boss Level, carpeted at muebles fuertes ang mga nasa loob. May nakasabit ang painting ng Venice sa kaliwa ng mahabang makintab na lamesa. Simula ng i-award ko ‘yung P 3.6 M na cheke, ngayon na lang ulit nila ako kinausap.

Kakabog-kabog akong umupo sa king’s table. Nasa king’s table ang mga nakabarong na mga tao at naka-t-shirt lang ako. Maghapon kami sa baranggay at amoy sunog na tubuhan pa yata ako. Meron pang isang nag-iingay na may nakaka-intimidate na tatak ng House of Representatives. Ano bang nangyayari?! May kaso ba ako? ‘yun pala ang problema ay na-short ang inaward na pondo sa lokal na pamahalaan ng nasa P 234K. Lumampas ang presyo ng mga foodcarts! Binuklat ko ang dala kong folder, binasa ko ang nasusulat: meron pang nasa P 800K na natititrang pondo na dapat mula sa lokal bilang counterpart nito. Solb!

Meron pang isang problema: Dahil lumagpas ang costing ng foodcarts na nabago ang specs, hindi ito mare-reflect ng awarded nang bid. Dun ko pa lang narelize na ang kausap ko ay Accounting, Audit, at Budget. Para akong nasa command center ng NASA. Ang daming papel na hindi ko maintindihan. Ang dami nilang pinagkoko-compute. Ang daming suhestiyon. “Paano natin ipapaliwanag kay Mayor?” ang pinaka kinatatakutan nilang tanong.

“Ay lugesyo areng ating are, hindi negosyo. Ay na-short na tayo nang na-short e.” Sabi ni Ate na may tatak sa kaliwang dibdib ng logo ng Congress. Medyo lumaki nang kaunti ang mata at butas ng ilong ko. Negosyo ang tingin n’ya  sa proyekto?

Wala namang naganap na nakawan o kupitan. So bakit ba lumobo ang cost ng foodcart? Merong mga manininda na hindi akma ang disenyo ng foodcart sa paninda n’ya. Merong nagpadagdag ng butas ng lutuan. Merong nagpadagdag ng lalagyan sa taas ng cart. Merong nagpa-extend ng sidewing. Umoo nang umoo si Mayor sa demand ng mga manininda, lumobo si cost at na-short ang awarded funds. Eh nai-award na sa bidder at nakapagbayad na. Kaya namomuroblema ngayon paano ire-reflect sa papel ang nangyaring paglobo ng P234K?

Hindi kaya ng kapangyarihan ko kako na baguhin ang awarded bid. Hindi rin ako kako authorized na mag-issue ng discrepancy report. Ang kaya ko lang i-reflect sa proposal ko ay kung sino-sino ang nakatanggap ng foodcart kasama ang kaukulang specs at costs. Ang kaya ko lang kako ay itala kung ano ang talagang nangyari.


Dalawang kamay na ang hawak sa noo ni Accounting. Pauli-uli si Budget. Nakahawak sa libro si Audit. Tumahimik lang kami ng ilang segundo. Wala rin naman akong masabi. Para akong naligaw ng upo.

Monday, March 20, 2017

Deadline is Coming



Paparating na ang deadline ng mahigit isang milyong pisong halaga (55% of the total target) ng project proposals sa Programa. Siguradong lahat magkukumahog na naman. Siguradong lahat ay maghahagilap na naman ng mga kalahok. Parang Reaping ng Hunger Games, pero ang hinahanap namin ay mga magvo-volunteer as a tribute para baguhin ang laro ng sariling buhay. Pahirapan maghanap ng volunteers na lalabanan ang sariling kahirapan.

Kung titingnan; parang ginagamot ng pamahalaan ang kahirapan sa pamamagitan ng mga proyekto. Proyektong katumbas ay daang-libo o milyong pisong halaga. Na parang ang kahirapan ay kasingkahulugan lang ng kakulangan ng pera.

Lahat nang tinatanong ko kung may proposals na, sinasabi nilang marami pa rin silang pera. Ibig sabihin; wala pang naipapasa uling proposals. ‘yung iba sinasabihan ako na ‘wag daw akong magmura. ‘yung iba naman nagkukuwento na lang ng lovelife o kaya ng magagandang alaala ng di makakalimutang bakasyon. Kung maraming walang hanap-buhay, bakit pahirapang lumikha ng mga proyekto? Kung pera lang ang sagot sa kahirapan, bakit pahirapang humanap ng kabahagi? Kung hindi lang kakulagan sa pera at proyekto ang mga salik, gaano kalaking oras ang kailangan para baguhin ang mga di-pisikal na salik ng kahirapan sa isang komunidad?

Baka may pagdududa na ang mga tao sa gobyerno. Baka may mataas na kawalan ng tiwala sa loob mismo ng mga komunidad. Baka may hindi ka nauunawaan sa kultura ng ginagalawang komunidad. Kaya lang bago mo pa mabuo ang disertasyon, nand’yan na ang deadline. Kinukulbit-kulbit ka.

Maniwala ka man o hindi, nanakot ang deadline. Mapapagalitan ka kapag hindi ka nakapagsumite. Masasabihan ka ng sleeping beauty. Matatakot ka sa susunod na mga buwan ng taon dahil hindi sigurado ang pag-ulit mo ng kontrata. Puwede kang itapon ng gobyerno anumang oras sa pinirmahan mong kontrata. Ano ngayon kung hindi talaga sukat ang proyekto sa komunidad? Ano ngayon kung hindi mo masyadong naaral ang proposal? Ano ngayon kung copy-paste mula sa katrabaho? Basta magpasa ka. Ang mahalaga raw ay alam mo ang magic word sa pamahalaan: compliance; at malaking chance na may trabaho ka ulit after 6 months. Hindi man nila sabihin ng deretso.

Hindi ako sampalataya. Sa buhol-buhol na proseso ng pagpapatupad, pamamahala, at pagbubuong muli ng proyeto, napakalaki ng tiyansa na ang synonyms ng compliance mo ay compromise. Nakokompromiso ang interes ng mga tao. Kuwento ni Tsang Lorie, meron siyang komunidad sa San Juan, sobrang excited sa proyektong pag-aalaga ng baboy. Medyo matagal bago dumating pero ipinagmamalaki raw ng mga mag-aalaga na may mga baboy raw sila galing ng “farm”. Ang ibig sabihin ng “farm” sa mga simpleng mag-aalaga ay commercial-breeder farms na may magagandang lahi. Pagdating ng mga biik sa kanila; ito ang eksaktong salita na ginamit ng mga mag-aalaga para sa naramdaman, “tuong napahiya”. Maliit daw ang mga biik. “Mahilab laang sa daga,” pagmamalabis pa nung isa. Matapos ang mahigit tatlong buwan, ipinagbili na lang ang mga baboy dahil hindi na rin naman maglalakihan. May ilang tumimbang ng sitenta kilos, pero maraming inabot lang ng trenta kilos.

Sa laki ng ginugol na salapi sa asosasyon ng mag-aalaga ng baboy, hindi lahat sila makakapag-alaga muli. ‘yun lang nakapagbenta ng higit sa P7,500. E halos tig-P20K ang pinuhunan ng gobyerno sa bawat isang mag-aalaga; anyare? Kahit pa raw makatatlo o apat na ikot ng pag-aalaga ang asosasyon ay mahihirapang bawiin ang milyong pisong pinuhunan ng pamahalaan. Hindi na nga sila naiangat sa aspetong ekonomikal. Hindi pa sila sumaya. Merong isang baboy na malaki ang bayag. “Maige nga’t mabig-at kapag tinimbang,” sabi nung isang kapit-bahay. Natawa naman sila sa proyekto kahit papaano. Kailangan bang gumastos ng milyon para mapatawa ang mga tao? Sinusuwelduhan at nagpapakapuyat ba kami para sumulat ng joke books?

Noong unang deadline, hindi ako nagpasa. Una, hindi dapat isakripisyo makompromiso ang interes ng mga hawak kong komunidad. Ipinaliwanag ko na kailangang alamin ko pa ang mga gamit sa pagluluto ng kakanin, masyadong mahal ang mga gamit na binigay sa qoutation, kinailangan ko pang magtapyas ng costing, maghanap ng mga maliliit na manininda ng merienda at lutong-ulam, at mag-isip paano sila makakabenta. Pangalawa, may tatlong proyekto pa akong nakabinbin at wala pa ring balita sa pondo. Naluma na lang ang kulungan ng mga Benggala pero hanggang ngayon hindi pa rin naririnig ang siyap nito. Pangatlo, (patago at sikret lang) nagpasimula na ako ng dalawa sa tatlong proyekto. Nagsimula ako ng walang pera. Pang-apat, may mga inaayos akong problema sa proyetkong pag-aalaga rin ng baboy, hindi namin tinanggap ang mga biik at hinihingi ang permisong kami na ang maghanap ng matinong bibilhan. Panglima, sinasamahan kong rumaket at maipakilala ang mga Hilot sa Garcia. Sana ma-gets nila na ‘yung komunidad sa laylayan, mas bet nilang pagsilbihan ng paa’t kamay kesa magsilbi sa puti’t itim na papel.

Umupo ako sa guidance office. Hindi na ako makaupo para sumulat ng bagong project proposals, kako. Hindi ko sinabi lahat sa kanya ang mga dahilan. Nag-resign din ako sa pagiging social marketing and advocacy deputy (SoMAD), pero di naman n’ya tinanggap. Gusto ko rin namang isulat ‘yung mga proyekto namin. Nasigawan pa ako ng “this is UNACCEPTABLE!” dahil sa 0% compliance ko. Napahawak sa dibdib si Tsang Lorie, na parang s’ya ang sinigawan. Ang tanging naging trabaho ko na nasisigawan ako. Sinabi kong hindi ako gagawa ng proyekto dahil lang ipinapahiya kami sa meetings o dahil kakaba-kaba kung makakaulit pa ng kontrata.

Dalawang linggo na lang ulit ang nalalabi bago ang sunod na deadline. Hindi naman ako magdo-double dead sa tingin ko. Baka hindi ko rin kayang tayuan sa Mendiola lahat ng pinagngangakngak ko. Baka mauwi rin ako sa kompromiso dahil kailangan ko at mahal ko ‘yung trabaho. Marami pa akong kakausaping baranggay, susulating papel, at lalaklaking kape para matapos lahat. Kinakabahan lang ako na baka kulangin ang dalawang linggo.
Tila nilalamig na ako kahit mag-uumpisa pa lang ang tag-araw.


Friday, March 10, 2017

Kapit-Kutsara


Nag-issue ng Memo ang Region. Gagawin nang ika-7 at ika-22 ng buwan lagi ang suweldo namin. Ganun pa rin naman kung bibilangin ang pagitan, parang kinsenas-katapusan lang din. Pero hindi talaga s’ya ganun-ganun lang. Kasi pagkatapos ng sweldo namin ng Pebrero 26, sa Marso 22 na ulit malalam’nan ang aming mga pitaka.

Wala na akong emergency funds. Naospital kasi ang newborn pamangkin ko. Nagbayad ako ng mga utang ni Mama. May mga bills ako nung akinse’t katapusan. May mga city-errands pa ako; sa Maynila. May mga pakay pa ako sa mga baranggay at isang biyahe doon ay para ka nang namasahe papuntang Cubao. May mga office supplies pa ako na dapat bilhin. May due ako sa provincial office rentals.  May mga lakad pa rin para sa Project. May investment scheme na gusto kong subukan. “’yung pasensya ko, hindi basta-basta nauubos; pero yung pera ko konting-konti na lang,” life verse of the month ko na’yan, reverse lang nung kay Angelika Panganiban.

Hindi ko alam kung kape lang ang dahilan kung bakit iba ang pintig ng puso ko nang mga nakaraang araw. O baka dahil sa mga andami kong paano sa isip ko. Paano ako kakain sa computed kong average daily budget ko na Php 94/day base sa current assets ko? Paano kung bigla uling magka-emergency? Paano ako pupunta sa bertdey ni ganito? Paano kami mabubuhay maliban sa paghinga ng oxygen?

Kailangan ang ibayong pagpapakilos ng Karunungan. Ngayon ko lang napansin na dapat ta-taymingan ko ‘yung ispageti sa Night Market na paubos na yung nasa tray. Mga oras sa pagitan ng 6:45-7:15 p.m.; kasi sa parehong presyo ay ilalahat na ng magtitinda ‘yung natitirang ispageti. Mas marami ‘yun tiyak kaysa sa regular na bente-pesos na sandok. O kaya tumaon kapag malapit nang maubos lahat ng paninda; nasubukan ko na ‘to at ‘yung ispageti ko ay may libreng isang puto pao!

Kailangang palawigin ang mga Koneksyon. Iniabot sa akin sa opisina ang isked ng Ugnayang Panlipunan sa buong baranggay ng Padre Garcia. Ang Ugnayang Panlipunan ay isang baranggay assembly (parang laylayan meetings ni VP Leni) at dinadaluhan ng mga baranggay functionaries, kababaihan, guro, senior citizens, at ng mga pamilya mula sa programang Pantawid.  Ihinahatid ng Ugnayang Panlipunan sa bawat baranggay  ang mga polisiya ng mga serbisyong panlipunan, proyektong pangkabuhayan, pambayang ordinansa, at imbitasyon sa mga campaign drives at awareness activities.

Makakagala ako sa lahat ng baranggay ng hindi na nagagastusan sa pamasahe kasi may sasakyan ang lokal na pamahalaan. Makakain ako ng libreng merienda o kaya ay pananghalian. Maraming makakapakinig sa mga mungkahing proyekto at mas malawak ang magiging echo ng boses ko kada baranggay. Meron talaga akong personal na interes sa Ugnayang Panlipunan.

Hindi lang ang iskedyul ng Ugnayang Panlipunan ang minarkahan ko sa kalendaryo ko ngayong Marso kundi pati na rin ang petsa ng mga piyesta. Sa adiyes ay sa Bawi; lunch kena Ate Mara at dessert kena Ate Glenda. Sa adose ay sa Quilo-Quilo South; late-lunch kena Tita Nellie. Nakapagsabi na rin si Tita Nellie na ipagbabalot na n’ya pa ako ng panghapunan. Sa anuebe naman ay manlilibre si Sir Jayson ng dinner dahil nakapasa na siya sa IELTS. Sino pa, sino pang magpapakain? May puwang pa sa kalendaryo ko!

Kaninang umaga bumili ako ng pandesal; may Cheezwhiz naman na iniwan ‘yung katrabaho ko sa bahay e. Ta’s kape lang. Babawi na lang ako kako sa Ugnayan mamaya. Pagpasok ko sa opisina; may papansit si Kapitana Jane dahil kaarawan n’ya pala.

Dumeretso kami sa Kambingan nina Kapitana para mananghalian. Mej busog  pa ako mula sa Ugnayan; pero naghain na si Kapitan ng kambing na rebusado, paksiw na buto-buto, tortang talong, pork chop, sinaing na dilis, pinakbet, at isang malamig na malamig na Coca-Cola! Masarap ‘yung luto nila sa kambing, ango-free kaya napakain ako. Pagbalik ko sa opisina, may baon pala si Mam Joan na Pork Adobo with cheese; isang malaking Tupperware. Inamoy-amoy ko na lang at nagpasalamat.

Hindi pa naman sumasala ang kutsara sa bibig.


#
Dyord
Marso 08, 2016
White House







Tuesday, March 7, 2017

Need Help?


Hindi ako naka-attend ng Provincial Meeting. Hindi na naman. Ako lang ang hindi. Na naman. Kung bakit laging natatapat sa mahahalagang meetings. Nakatanggap tuloy ako ng text mula sa concerned workmate; “Need help?” sabi.

Kung mababa ang iyong social skills, mapapaisip ka talaga kung anong puwedeng i-reply para di n’ya isipin na mapagmataas ka. Ano nga bang  mga puwedeng i-reply kapag nakatanggap ka ng need-help?-message? Ito ang mga pinagpilian ko:

“Nope.”
Risk: Baka isipin n’ya mapagmataas ka. Kahit naglilinis ka lang ng sariling kalat.

“Asan ka?”
Risk: Mapaisip ka kung minsan ba hinanap ka na n’ya.

“Asan ka?”
Risk: Nasa mamahaling coffee shop s’ya at napasubo ka pa.

“Need cash”
Risk: Hindi na siya mag-reply. #seenzoned

“Need space”
Risk: Mag-e-mail s’ya ng PDF ng application form sa Mars One. #Passengers

“Need love”
Risk: Mag-reply s’ya ng “I am” at ikaw naman ang hindi maka-reply.

“Need you”
Risk: Hindi na siya mag-reply. #seenzonedulit

“Yes.”
Risk: Humaba pa ‘yung usapan.

Sorry at salamat sa pag-aalala. Sana hindi na maulit-ulit muli. Sana mabasa ko na rin ‘yung minutes. Sana ma-meet ko na ulit kayo. Ang kailangan ko talaga ‘ka ko ay “Prayers at minutes of the meeting.” #blessedparin








Monday, March 6, 2017

Marso 03, 2017

Kaninang umaga ang tamlay ng gising ko. Pagod kahit wala naman masyadong trinabaho. Gusto ko sanang maglaba, maglinis, magbasa, weekend as usual; kaya lang wala akong panlasang gawin ang mga nabanggit. Kung di ako nakalabas para bumili ng tosilog sa may sambat; di ako makakain ng kanin buong araw. Kung di pa ako naubusan ng pagkain ay hindi pa ako makakalabas para mag-groseri hanggang sa susunod na sweldo.

De lata. Palaman. Gatas. Biskwit. Para akong naghanda ng supplies para sa isang zombie apocalypse pero ‘yung pakiramdam ko ngayong araw: isa akong zombie na nalugi sa talong. Unti-unti na rin akong nag-aamoy end-of-the-world. Tinatamad akong maligo. Ang dami kong iniisip na gawin pero wala akon inumpisahan. Sinayang ko yung buong araw. Hindi ko rin naman masasabing nakapagpahinga ako.

Hindi naman, di naman ako depressed. Di yata. Mabuti nga e. Kasi kung hihilahin ko pa yung depression sa panahon nga ‘yun, ewan ko na lang. Hindi naman, di naman din problemado. May mga problema pero di problemado. Medyo masaya naman ‘yung mga nakaraang araw. Sa tingin ko, yung susunod magiging masaya rin naman. Tinatamad nga lang siguro ako. Kahit nga sa pagbabasa at pagsusulat kong minamahal, tinatamad ako. Kinaladkad ko lang mga daliri ko para mag-type.

Baka kailangan ko lang iligo ito bago itulog.

#
Dyord
Marso 03, 2017
White House


Friday, March 3, 2017

Ulit-ulit na Kuwento, Iba-ibang Natutunan

Sumama ako kay Kuya Joey sa Chapel Hour ng mga mag-aaral sa Norwich Brent Cedrick Christian School sa Tatalon, Quezon City.

Unang umakyat yung mga nasa Elementary. Pagkaupo merong nagsusuntukan agad. Merong may bali ang kamay at naka-cast support. "Good mor-ning Pas-tor Jo-eeeeeeeeey!" Oo nga pala, pastor na si Kuya Joey. Magtuturo siya ngayon tungkol sa paglikha ng Diyos (sa pinakaproblema ng daigdig sa palagay ko,) sa mankind. 

Kulay dilaw ang pantaas at berde naman ang jogging pants ng P.E. Uniform nila. May mga mag-aaral na parang naka-Enervon at taas-kamay kahit wala namang tanong si Kuya Joey. May mga bata rin na parang may energy gap at puyat dahil siguro sa thesis na tinatapos kagabi. Parang nalaliman ako sa story of creation of mankind para sa elementary students pero nakakasunod yung ilan habang naglalaro ng ID lace yung ilan.

Nilikha ang tao sa wangis ng Diyos. May pag-iisip para makilala ang lumikha sa kanya. May damdamin para mahalin ang lumikha. May kalooban para piliing sundin ang lumikha. Mabilis naman itong na-memorize ng mga bata sa tatlong Ingles na salita: mind, emotion, at will. 

Bumalik-tapon tuloy ang isang ala-ala ko ng Sunday School with Ate Shin. Gan'to rin 'yung topic, creation of mankind. Lagi, nagtatanong si Ate Shin pagkatapos ng kuwento. Pero minsan hinayaan n'yang kami naman ang magtanong. Gan'to 'yung tanong ko. "Ate Shin, di ba omniscient ang Diyos, edi alam na N'ya na magkakasala ang mankind at kakainin at kakainin nito ang Fruit of the Knowledge of Good and Evil (Oo, saulo 'yan ng bawat batang Baptist); kahit ipagbawal N'ya ito with emphasis. Sana hindi na lang N'ya 'yun ginawa, para hindi na tayo na-fall sa kasalanan. Perfect ang lahat." Ipinaliwanag ni Ate Shin ang salitang free will noon, pero bilang bata, hindi ko na-gets ang Diyos talaga. Hanggang ngayon naman.

Habang dumadagdag ang taon na umiiral ako at naririnig ang kuwento ng paglikha, nag-iiba-iba ang dating ng kuwento sa'kin. May iba-iba rin ang nalilikha kong tanong. Paano pala kung nagpahinga na si God sa ikalimang araw? Hindi na masusundan ng higit na mga dakilang kuwento. 

Hanggang ngayon, naririnig ko pa rin ang palaging 3-candy point question ni Ate Shin, "anong matutunan sa story?" Hanggang ngayon, marami. Marami pa rin akong natutunan.