Kinumpronta ako ng
landlady ko.
“Kawawa ka naman
wala kang kurtina”.
Masyado raw akong exposed. Hindi ko alam kung nakita ba ako ng
kapit-bahay na tumatakbong walang saplot sa kwarto dahil nakalimutan kong
magdala. Hindi ko alam kung nakikita n’ya ba akong sumayaw-sayaw at tumawa nang
mag-isa. Hindi ko alam kung nakikita n’ya ba akong aalog-alog sa pampamilyang
paupahan.
“May kausap na po akong mananahi.” Sabi ko bilang depensa. Na
hindi ako kawawa. Naghihintay lang po ako ng sweldo. Pero dumeretso s’ya sa
kusina at nakita naman na ang tapi sa
screened na bintana ko sa kusina ay pinagdikit-dikit na brochure ng UltraMega
dahil kinapos sa bangdang ilalim, tineypan ko pa ng dyaryo na dugsong. “May
kausap na po akong mananahi,” ulit ko.
“Mahal kaya Jord ang magpatahi,” sabi ni Ate Cris, ang concerned
kong kapit-bahay. Wala naman akong alam kung magkano nga. “teka, meron akong
kurtina sa bahay,” agad s’yang umuwi muna sa kanila. Dumeretso naman ang
landlady ko sa lababo, “naghihintay lang po ako ng suweldo’t ipapapagawa ko na
kay Kuya Gaspar ‘yang gripo.” Agosto pa nalustred ang gripo sa lababo kaya may
plangganita akong hugasan ng pinggan na kinukuha ko pa sa banyo ‘yung tubig.
Meron lang tatlong brosyur sa screened kong bintana. Isang brochure ng Operation Blessing na reminder ko na mag-ipon para sa susunod na volunteer mission. Isang brochure ng camera na gustong bilhin para sa gagawin kong blog ng mga stories sa komunidad. Isang patalastas ng isang banko na reminder ko naman na mag-ipon para sa Masteral.
“Dapat nagsasabi ka.” Sa’kin kasi ‘yung bahay, basta natutulugan
pa ay walang problema.
Sa kuwaresma na lang nila ipapagawa ‘yung kumawang kong kisame.
“Hindi naman po tumutulo kapag umuulan”. Maliban na lang kung Signal no. 3. Ipapagawa
n’ya raw ang gripo ko agad-agad at pagbalik n’ya galing Cagayan, bibigyan n’ya
ako ng kurtina. Pero nand’yan na ang kurtina na pansamantagal muna, dala ni Ate
Cris. Sukat na sukat sa bintana ko; maliban lang sa sobrang tela na
pinagtabasan para sa erkon ng dati nilang inupahan sa Laguna. Mga nasa 20x20
inches ang sobrang tela sa kaliwang bahagi. “Ayaaaaan!,” sabi namin pagkaayos
ko ng kurtina sa rod.
Sana lang hindi ko makalimutan ‘yung mga dapat kong gawin kahit
natatakpan na ang mga brosyur. Isang buklat lang naman ng kurtina at makikita
ko na ulit na kailangan kong mabuhay na may pag-iisip sa bukas. Siguro maganda
na ring nakukurtinahan ang mga paalalang brosyur, para mabuhay din naman ako
para sa ngayon. You only live once (#YOLO) vs. Plan, You only live once
(#PYOLO) na hashtag nung insurance company ko.
“Yey! May kurtina na si Kuya Jord!”, narinig ko si Ate Cris na
dumaan bitbit-bitbit si Theo.
Marso 30, 2017
Dyord
White House
No comments:
Post a Comment