Wednesday, March 22, 2017

Ako Si

Pangalan: Jord Earving A. Gadingan

Noong kinder, wala akong maalalang nahirapan akong isulat ang pangalan ko. Medyo mabagal nga lang akong magsulat. Magdrowing pala. Hindi ko naman kasi nababasa ang pangalan ko. Dinodorwing ko lang at ginagaya kung paano ang bigkas.

Noong elementary,ayoko ng diktaturya (dictation) noon pa man, nasa no.4 na sila, nagpapangalan pa lang ako. Binansagan pa nga ako ng titser ko noon na ‘slowpoke’. Tawanan ang buong klase kahit hindi naman nila naiintindihan ‘yung salitang ‘slowpoke’. Pagtatapos noong Grade 2, mabagal ding umakyat sa nangungutim na entablado ng San Agustin Elementary School ang ‘slowpoke’ para sabitan ng pulang lasong nagsasabing “2nd Honor”.

Noong hayskul ko na talaga naramdaman ‘yung hirap sa pagsusulat ng pangalan ko. Lalo na kapag National Achievement Test. Kailangan kasing hanapin sa mga titik A-Z na nasa loob ng bilog at i-shade ang mga ito matapos kong isulat ang bawat titik ng pangalan ko sa loob ng mga kahon.

Isusulat ko ang titik G sa kahon tapos ishe-shade ko ang titik G sa mga bilog na nakahilera pababa. Isusulat ko ang titik A sa kahon tapos ishe-shade ko ang titik A sa mga bilog na nakahilera pababa. Isusulat ko ang titik D sa kahon tapos... Hanggang sa mabuo ko yung GADINGAN, JORD EARVING A. Wala pa sa exam proper, hilo-hilo na ako.

Nagsaliksik ako kung ano bang ibig sabihin ng ‘Jord’ para na rin sa profile ko sa Friendster. Ito ang ilang nakalap kong impormasyon:

(1)   Hango sa Jordan na ang ibig sabihin ay mababa, mababaw, o mapagkumbaba.
(2)   Mula sa Djord na isang babaeng higante sa Norse mythology.
(3)   Kasing-kahulugan ng lupa, dumi, at alabok.

Higanteng mababa? Parang mali. Higanteng mababaw? Parang pangit. Higanteng mapagkumbaba? Parang kabalintunaan. Maraming mga nagsasabing tunog scientist o inventor daw ang pangalan ko, wala pong kumpareng ganun ang nanay at tatay ko. Ang tatay ko po ay isang basketball player sa aming bayan at ang nanay ko ang kanyang no. 1 fan. Bilang panganay na anak at inaasahang susunod sa yapak ng rubber shoes nga tatay ko; sa mga basketball players po galing ang pangalan ko. ‘yung Jord ay galing kay Michael Jordan at ‘yung Earving naman ay galing kay Julius Earving.

Pero hindi po ako fan ng basketbol. Siguro dahil laging nagtatalo noon sa bahay kung ang panonoorin ba sa gabi ay PBA o PSY (Pangako Sa ‘Yo). Siguro dahil ikinabit lang sa pangalan ko ang basketbol pero hindi talaga bahagi ng aking magiging pagkatao. Ang ‘Jord’ ay kasing-kahulugan ng lupa, dumi, at alabok. Kaya pala may ibang halina sa’kin ang lupa at pagsasaka.

Nagtapos ako ng Agriculture. Nagbungkal ng lupa. Humawak ng bulate. Nagtanim ng kamote. Nakapagtrabaho rin bilang research assistant. Mali pala ang pananaw ng marami sa mga siyentipiko na lagi silang nakaputing lab gown, nakasalamin na mataas ang grado, at sumisipat-sipat ng test tube. Maraming siyentipiko pala ay nasa mga pulong ng magsasaka, nakikipag-usap, napuputikan, at narurum’han; ang komunidad ang kanilang laboratoryo.

Sa ngayon, isa akong kawani ng Kagawaran ng Panlipunang Kagalingan at Pagpapaunlad (DSWD) at nakikipag-usap sa mga nasa ‘laylayan’ tungkol sa Sustainable Livelihood. Hinihimok ko ang mga komunidad na maghanap-buhay o di kaya’y magsimula ng negosyo. Humahabi ng mga sistema at iskema upang maipanumbalik ang mga komunidad sa kanilang kapaligiran at magising ang kanilang diwa sa kapakinabangan ng pagbubungkal ng lupa para sa pang-araw-araw na pagkain.

Salamat dahil isinilang ako nang may pangalan. Kapag nagdadalawang isip ako kung tama ba ang lupang binubungkal ko at niririndi ang sarili sa mga tanong na; sino ulit ako? Ba’t ga ko narito? Pasaan ga ko? Baka nakakalimutan ko lang ulit kung ano ang pangalan ko.


No comments: