Paparating na ang deadline ng mahigit
isang milyong pisong halaga (55% of the total target) ng project proposals sa
Programa. Siguradong lahat magkukumahog na naman. Siguradong lahat ay
maghahagilap na naman ng mga kalahok. Parang Reaping ng Hunger Games, pero ang
hinahanap namin ay mga magvo-volunteer as a tribute para baguhin ang laro ng
sariling buhay. Pahirapan maghanap ng volunteers na lalabanan ang sariling
kahirapan.
Kung titingnan; parang ginagamot ng
pamahalaan ang kahirapan sa pamamagitan ng mga proyekto. Proyektong katumbas ay
daang-libo o milyong pisong halaga. Na parang ang kahirapan ay kasingkahulugan lang
ng kakulangan ng pera.
Lahat nang tinatanong ko kung may
proposals na, sinasabi nilang marami pa rin silang pera. Ibig sabihin; wala
pang naipapasa uling proposals. ‘yung iba sinasabihan ako na ‘wag daw akong
magmura. ‘yung iba naman nagkukuwento na lang ng lovelife o kaya ng magagandang
alaala ng di makakalimutang bakasyon. Kung maraming walang hanap-buhay, bakit pahirapang
lumikha ng mga proyekto? Kung pera lang ang sagot sa kahirapan, bakit
pahirapang humanap ng kabahagi? Kung hindi lang kakulagan sa pera at proyekto
ang mga salik, gaano kalaking oras ang kailangan para baguhin ang mga
di-pisikal na salik ng kahirapan sa isang komunidad?
Baka may pagdududa na ang mga tao sa
gobyerno. Baka may mataas na kawalan ng tiwala sa loob mismo ng mga komunidad.
Baka may hindi ka nauunawaan sa kultura ng ginagalawang komunidad. Kaya lang
bago mo pa mabuo ang disertasyon, nand’yan na ang deadline. Kinukulbit-kulbit
ka.
Maniwala ka man o hindi, nanakot ang
deadline. Mapapagalitan ka kapag hindi ka nakapagsumite. Masasabihan ka ng
sleeping beauty. Matatakot ka sa susunod na mga buwan ng taon dahil hindi
sigurado ang pag-ulit mo ng kontrata. Puwede kang itapon ng gobyerno anumang
oras sa pinirmahan mong kontrata. Ano ngayon kung hindi talaga sukat ang
proyekto sa komunidad? Ano ngayon kung hindi mo masyadong naaral ang proposal?
Ano ngayon kung copy-paste mula sa katrabaho? Basta magpasa ka. Ang mahalaga
raw ay alam mo ang magic word sa pamahalaan: compliance; at malaking chance na may
trabaho ka ulit after 6 months. Hindi man nila sabihin ng deretso.
Hindi ako sampalataya. Sa buhol-buhol na
proseso ng pagpapatupad, pamamahala, at pagbubuong muli ng proyeto, napakalaki
ng tiyansa na ang synonyms ng compliance mo ay compromise. Nakokompromiso ang
interes ng mga tao. Kuwento ni Tsang Lorie, meron siyang komunidad sa San Juan,
sobrang excited sa proyektong pag-aalaga ng baboy. Medyo matagal bago dumating pero
ipinagmamalaki raw ng mga mag-aalaga na may mga baboy raw sila galing ng
“farm”. Ang ibig sabihin ng “farm” sa mga simpleng mag-aalaga ay
commercial-breeder farms na may magagandang lahi. Pagdating ng mga biik sa
kanila; ito ang eksaktong salita na ginamit ng mga mag-aalaga para sa naramdaman,
“tuong napahiya”. Maliit daw ang mga biik. “Mahilab laang sa daga,”
pagmamalabis pa nung isa. Matapos ang mahigit tatlong buwan, ipinagbili na lang
ang mga baboy dahil hindi na rin naman maglalakihan. May ilang tumimbang ng
sitenta kilos, pero maraming inabot lang ng trenta kilos.
Sa laki ng ginugol na salapi sa asosasyon
ng mag-aalaga ng baboy, hindi lahat sila makakapag-alaga muli. ‘yun lang
nakapagbenta ng higit sa P7,500. E halos tig-P20K ang pinuhunan ng gobyerno sa
bawat isang mag-aalaga; anyare? Kahit pa raw makatatlo o apat na ikot ng
pag-aalaga ang asosasyon ay mahihirapang bawiin ang milyong pisong pinuhunan ng
pamahalaan. Hindi na nga sila naiangat sa aspetong ekonomikal. Hindi pa sila
sumaya. Merong isang baboy na malaki ang bayag. “Maige nga’t mabig-at kapag
tinimbang,” sabi nung isang kapit-bahay. Natawa naman sila sa proyekto kahit
papaano. Kailangan bang gumastos ng milyon para mapatawa ang mga tao? Sinusuwelduhan
at nagpapakapuyat ba kami para sumulat ng joke books?
Noong unang deadline, hindi ako nagpasa.
Una, hindi dapat isakripisyo makompromiso ang interes ng mga hawak kong
komunidad. Ipinaliwanag ko na kailangang alamin ko pa ang mga gamit sa
pagluluto ng kakanin, masyadong mahal ang mga gamit na binigay sa qoutation,
kinailangan ko pang magtapyas ng costing, maghanap ng mga maliliit na manininda
ng merienda at lutong-ulam, at mag-isip paano sila makakabenta. Pangalawa, may
tatlong proyekto pa akong nakabinbin at wala pa ring balita sa pondo. Naluma na
lang ang kulungan ng mga Benggala pero hanggang ngayon hindi pa rin naririnig
ang siyap nito. Pangatlo, (patago at sikret lang) nagpasimula na ako ng dalawa
sa tatlong proyekto. Nagsimula ako ng walang pera. Pang-apat, may mga inaayos
akong problema sa proyetkong pag-aalaga rin ng baboy, hindi namin tinanggap ang
mga biik at hinihingi ang permisong kami na ang maghanap ng matinong bibilhan.
Panglima, sinasamahan kong rumaket at maipakilala ang mga Hilot sa Garcia. Sana
ma-gets nila na ‘yung komunidad sa laylayan, mas bet nilang pagsilbihan ng
paa’t kamay kesa magsilbi sa puti’t itim na papel.
Umupo ako sa guidance office. Hindi na
ako makaupo para sumulat ng bagong project proposals, kako. Hindi ko sinabi
lahat sa kanya ang mga dahilan. Nag-resign din ako sa pagiging social marketing
and advocacy deputy (SoMAD), pero di naman n’ya tinanggap. Gusto ko rin namang
isulat ‘yung mga proyekto namin. Nasigawan pa ako ng “this is UNACCEPTABLE!”
dahil sa 0% compliance ko. Napahawak sa dibdib si Tsang Lorie, na parang s’ya
ang sinigawan. Ang tanging naging trabaho ko na nasisigawan ako. Sinabi kong
hindi ako gagawa ng proyekto dahil lang ipinapahiya kami sa meetings o dahil
kakaba-kaba kung makakaulit pa ng kontrata.
Dalawang linggo na lang ulit ang nalalabi
bago ang sunod na deadline. Hindi naman ako magdo-double dead sa tingin ko.
Baka hindi ko rin kayang tayuan sa Mendiola lahat ng pinagngangakngak ko. Baka
mauwi rin ako sa kompromiso dahil kailangan ko at mahal ko ‘yung trabaho. Marami
pa akong kakausaping baranggay, susulating papel, at lalaklaking kape para
matapos lahat. Kinakabahan lang ako na baka kulangin ang dalawang linggo.
Tila nilalamig na ako kahit mag-uumpisa
pa lang ang tag-araw.
No comments:
Post a Comment