Monday, July 31, 2017

Hulyo 31, 2017

Hulyo 31, 2017

Generally, oks naman ako.

Kapag medyo nabibigitan ako sa layf medyo naglu-look forward ako sa magandang extra curricular activites.

Kagabi napag-usapan namin ni Ser Walther, boss ko sa research dati, na medyo clueless ako kung mawawala ako sa trabaho ko. Hindi ko alam kung saan ako pupunta talaga. Wala akong escape plan. Sa ngayon, yung ginagawa ko lang ngayon ang gusto at naiisip kong gawin.

Paano nga kung bigla akong ma-terminate? Paano kung hindi na ako pasuwelduhin ng gobyerno? Saan ako pupulutin? Kaya dapat daw may emergency plan din ako.

Mag-NGO na lang daw ako. Mag-social entreprise kaya, kako. Kaya lang baka hindi naman ako/kami mabuhay sa susuwelduhin ko ro’n. Alam mo na ‘yung mga pa-cute-cute na trabaho ay baka cute din ang suweldo. Kailangan ko ring kumita ‘no.

Pero hindi pa rin naman ako career path-career path thinking. Iniisip ko rin ‘yung quality of life ko as I am doing that job that I’ll take di ba? Kung anong itsura ng uuwian kong bahay. Kung anong dynamics ng community kung saan ako titira. Parang gusto ko namang mag-northbound or sa Baguio. Pero wala talagang kong plano pa, parang gusto ko lang.

Hindi naman iiwan agad ang mga komunidad, kumbaga magkaroon lang daw ako ng contingency plan. Hindi ko nga namang puwedeng ialay ang aking buhay, pangarap, pagsisikap sa memorandum of agreement. Kaya naman dapat lahat sana ng baranggay ay ma-saturate na namin ni Tita Nel ang buong bayan.

Mag-usap daw kami kapag nag-Calabarzon tour si Ser Walther.

Nag-usap din kami kagabi ni Ate Tins. Dapat maka-escape naman kami kahit once in a while sa aming mga versions of realities. Next target namin ang Pista ng Pelikulang Pilipino. Marami kaming gusto pero kailangan naming magdeliberation. Kung kakapusin naman daw ako ay ililibre nila ako gamit ang 4+1 promo; pero mura lang naman ‘yung mga tiket.

Sabi ko isama ni Emabear ‘yung jowa n’ya. Tapos, isama ni Perlita yung syota n’ya. Tapos, isama na ni Ate Tin si Kuya J(ojo). Para libre na ako at ako naman ay magsasama rin ng pusa. Pero parang ayaw nila ng idea na ‘yun kasi baka mag-ala Tito Boy lang ako at magtanong ng mga awkward relationship matters. Nagkausap din kami sa mga goals  sa layf, alam mo na adulting.

Magkikita kami ngayong long weekend ng Agosto.

Bakit gising pa raw ako? Sabi ni Bo, mga bandang mag-aala una na nga naman. Ipahinga ko naman daw 'yung utak ko. Nagpapaantok lang pero nagpaumaga na pala ako, hindi ko na namalayan.

Ok naman ‘yung araw ko today.
Nakatapos naman ng dapat tapusin.
Nakakatapos ng trabaho pero hindi nakakaubos.   

Mahalaga, ngayong araw, ok naman ako.

#
Dyord
Hulyo 31, 2017
MSWDO



Bubuka-bukaka

Medyo puyat ako kagabi kaya tumawad ako nang tumawad kay Super Digna; ang aking alarm clock. Mga naka-tatlong snooze ako bago ako nagmadaling maligo, magbihis, maghanap (na naman) ng susi, at maghagilap ng mga gamit. May meeting kasi kami ngayong umaga sa Lipa.

Hindi na ako nakapag-almusal. Bumili lang ako tiglilimang pisong kape sa vendo. Medyo ramdam ng daliri ko yung init na tumatagos sa styro. Gumuguhit sa lalamunan 'yung init. Nakakagising na rin. Nainitan ang tiyan ko kahit papaano.

Kaya kong sumakay ng dyip na naninimbang dahil sa hawak na kape. Basta makakaupo ako kaagad. Pumara ako at pagkasakay ko, nakakita ako agad ng puwang malapit sa may puwet ng dyip. Kaso, nakabukaka si kuya boy at dadampi ang pwet ko sa tuhod n'ya kapag umupo ako agad-agad. Humapit ang slacks na uniporme sa kanyang hita sa pagkakabukaka n'ya.

Tumakbo naman ang dyip kahit nakayuko pa ako. Tumilamsik tuloy ang kape sa daliri ko at dumamusak sa sahig ng dyip. Nakatingin lahat. Kundi ko pa kinuha ang atensyon ni kuya, hindi n'ya iiikom ang hita n'ya. Nangalahati muna ang kape ko bago umikom ang mga hita n'ya. At ang tagal nakatingin ng mga pasahero sa kape ko, parang ngayon lang nakakita ng natapong kape.

Gising na gising ako. Napaso baga naman 'yung kamay ko. Nakaupo na nga si kuya boy sa may PWD reserved seat, nakabukaka pa talaga. Bagong opera ka ga't hindi maipit kahit saglit? May photoshoot ka ba para sa cover ng magasin? Model ka ba ng brief?

Hindi nakakaguwapo ang manspreading. Hindi rin naman nakakabading ang umupo nang magkadigkit ang dalawang paa at mga hita. Pagdikitin ang mga hita, dahil sa susunod hindi ko sigurado kung saan matatapon ang kape ko.


Saturday, July 29, 2017

Team Buil.....



Uuwi ako.

Para sa ikatitino ko. Kahit nakikinikinita ko nang nakakunot ang noo ni boss at ni tsang. Sa kanila ako kasi hahanapin. Parang mortal na kasalanan ang tumakas at baliin ang RSO. Ground for termination ulit yun e. Nakakailang grounds na ako.

Sobrang nakakabaliw mag-isip kasi wala ito sa plano. Baka kasi pagisisihan ko. Ayokong isipin nilang nagpapaimportante ako. Ayokong isipin nilang may mabigat akong problema. Ayokong isipin nilang pasaway talaga ako. Nagtimbang-timbang naman ako kaya akyat-baba ako sa duplex. Kapag nawalan ako ng trabaho:

Good points:
1.       Bababa ang stress level sa buhay ko
2.      Mas maraming oras para makapagsulat at makapagbasa
3.      Mas magiging maayos ang mental health ko
4.      Wala nang ganitong klaseng social situation na nakakaiga ng lakas
5.      Mararamdaman kong tao ako ulit

Bad points:
1.       Wala na akong biweekly sweldo at babalik ako sa pagiging survival level
2.      Babalik ako sa pagtira sa bahay at baka tumaas din ang stress level sa buhay ko
3.      May mga unfinished plans pa ako sa mga communities namin
4.      Babalik ako sa Maynila para magtrabaho (‘wag naman)

Pero anong iisipin nila kapag hindi ako nagsabi kung bakit ako uuwi?

Taas-baba ako sa duplex. Hinihintay ko lang din talaga na wala nang tao sa kabilang duplex dahil dun naka-room si boss. Pasilip-silip ako sa bintana. Pasilip-silip sa pinto. Kung wala na bang tao sa kabila. Kung sino ba ‘yung pabalik sa duplex? Si boss ba yun? Hindi ko maaninag dahil sa screen. Para akong tatakas sa mga kidnapper ko. Kinidnap yata ako ng social anxiety. At ransom ko ‘yung gagawin kong pagtakas.

Sobrang kabado. Kapag nagtagal pa ako dito mabubuang na talaga ako. Lumabas na ako. Pero hindi ko ni-lock yung pinto kasi baka mahuli ako at least makakatakbo ako pabalik at makapagkukulong mag-isa. Kasabay ng paglabas ko ay bumukas din ang pinto ng kabilang duplex. Mabilis kong nakita ‘yung maroon na bag. Kilala ko kung kanino ‘yun. Agad akong tumakbo pabalik sa loob.

Akala ko lang yata mahiyain lang ako o introversion lang kaya hindi ako kumportable. Akala ko perspe-perspective lang eh, sinubukan kong i-mental hack yung sarili ko pero andun pa rin yung kabog sa dibdib na para bang mahuhulog ako sa rapelling. Akala ko kailangan ko lang ng time para maka-adapt sa working environment; pero hindi na nga s’ya work e, pero arang mas mabigat pa sa Earthball yung makisalamuha sa hindi ko mga kakilala. At kung sasabihin mong mag-adapt, euphemism lang ‘yan ng magpanggap.

Pero sobrang sikip sa dibdib kahit ‘yung salitang team building pa lang e, ‘yung hindi ko mga kakilala ‘yung nasa paligid ko at kailangang maglaro kami together. Para akong naging kinder ulit. Kung sabihin ko na lang kaya na may social anxiety (yata) ako? Kapag pinatagalog mo ‘yun sa kanila, KJ lang ‘yun. Hindi naman ako mamatay kung magkekendeng ako ron sa cheering o kung manikip ang dibdib ko sa anxiety; may Red Cross Laguna chpater naman na naka-standby. Kaya tatakas na lang nga ako.

Paano sa Christmas party? Aabot pa kaya ako hanggang Disyembre sa trabaho? Anong sasabihin ko sa susunod kong employer kung bakit ako na-terminate? Hindi po ako nakakakendeng? I got ‘personal issues’? Meron bang workplace na inclusive kahit sa mga may ganitong pinagdadaanan? Bahala na ang bukas, basta kailangang kung tumakas.

Hinintay ko muna s’yang makaakyat. Saka ako dali-daling bumaba. Mabuti na lang at walang oras-oras ang paghahatid ng bangka sa Caliraya. Agad akong tumakbo sa pantalan. Sumakay agad at hindi na lumingon pabalik. Saka lang ako nakahinga nang maluwag nang makasakay na ‘ko ng biyaheng Sta. Cruz.

Hindi ko lang alam kung may pupuntahan ‘tong ginawa ko.


jjj

Nag-deactivate ako ng sim card at ng Facebook pero binuksan ko rin kasi kailangang umorder pala ako ng tubig-inumin nung bandang hapon; saka ko lang nabasa ang mga sweet messages ng mga katrabaho ko:

Mildred:


"Hi jord, please call sir donards asap,need ka niya makausap,wait nya ang call mo until 11am  tom. Kausapin mo siya bes,kasi ground for termination ang ginawa mong hindi pagpapaalam kanina before ka umalis.Bakit kasi hindi ka nag paalam kahit kay ate lorie,alam mo namang naka rso tayo."

"Mag reresign ka na agad?pag-isipan mo muna, Sayang naman ang effort mo sa mga projects mo."


Alvin:

   Ito sasabihin ko sayo dahil kaibigan kita.

   Hindi naman lagi ang mga tao sayo ang mag-aadjust, minsan tayo ang mag-aadjust. Nagtatrabaho tayo,  may superior tayo, kaya dapat sumunod tayo. Matututo tayo makisabay kahit di natin masyado gusto ang activity dahil pumirma tayo ng kontrata.

   Ako nga, kahit ayaw ko.  Walang magagawa, under tayo ng sistema nila.Di bale sana kung isang beses lang eh.  Madami kasi kaibigan ang naapektuhan dahil sa pag uwi mo ng maaga.

  Kaya sana last na yun.


Tita Digs:

   "Hi Jord! To be honest, ayaw ko na sanang gawin ito, ang i-msg ka para lang magpayo na makipag communicate ka na kay Sir Donards, kasi ilan na ba silang sumubok sa cluster 6? Lahat ay hindi mo pakinggan o pinansin?nag deactive ka ng fb account mo, nagoff ka ng phone mo. Kay ate Lors na cluster coordinator, na dapat kung hind mo man nagawang mag inform ng personal, sana man lang nagtext ka sa kanya bilang respeto mo sa kanya. Si Sir Donards ay boss natin, imagine kahit galit na galit na sya s’yo, at sobrang busy nya, sinusubukan nya pang magreach out s’yo, Jord naman, ikaw pa ba ang susuyuin ng boss?????

   Sige may sariling kang reason or may sarili ka lang talagang mundo madalas, pero sana naman yung mga concern na binibigay s’yo nung mga taong nagmamahal s’yo gaya ng friends mo eh bigyan mo ng halaga, hindi sa lahat ng oras kaya kang intindihin,kaya kang i-save at kayang mag adjust s’yo. Mukha kasing habang sinusubukan kang tulungan, lalo mong pinapahirap yung sitwasyon, lalo kang lumalayo, masyado kang pakumplikado. Hindi eto yung unang beses na ginawa mo ito ang magmatigas ng ulo, ang mandedma sa mismong boss, ibang klase ang katigasan ng ulo mo at ibang klase din ang pasensyang nabibigay s’yo, kaya siguro ngayon ang lakas ng loob mong ulit ulitin yan. Sorry sa mga words ko ha, nakakagigil ka na kasi talaga. Lahat tayo ay busy, lahat ay may pinagdadaan, personal, career, financial sa iba ay i-dagdag mo pa yung lovelife, wala ako nun alam mo yun hehe…

   Nakakapagoood naman na talaga, siguro gusto mo lang muna talaga ng space sige mag isip isip ka muna, kung hindi ka pa handang makipag usap muna kay Sir Donards, kahit simpleng message man lang siguro Jord mag send ka naman sa kanya, pero syempre huwag mo syang pag hintayin ng matagal ha, BOSS sya Jord. Wala kang choice kelangan mo syang harapin at kausapin. Yung work natin sa ngayon, kahit nakakapagod na, minsan gusto na nating sukuan at humanap ng iba, pero hindi naman ganun kasi kadali, may mga ibang priorities tayo na maapektuhan kaya hindi pwede ang biglaang decision ha.

   Hindi ako mag eexpect na magrereply ka sa akin, baka kasi wala lang akong mapala, baka nasaktan lang din kita sa mga nasabi ko dito at gaya nung ibang sumubok nang gigil lang s’yo …grabeeee ka kasi!"


Ate Cars:

   "Jord, sana eh okay ka lang. If you need someone to talk to, andito lang kami ha."

Jayson:

   "Hi kuya jord. Whenever you need someone to talk to eh andito lang ang cluster6.. Over a cup of coffee perhaps. Hehehe. Ismayl. :)"

   "Wag ng malungkot. Kung ano man yang pinagdadaanan eh mas makakagaan pagshine- share. Hehe. Let go kumbaga. Hehe."








Friday, July 28, 2017

Team Buil….

Kuha sa dyip byaheng 'Lumot' (c) Dyord



Hindi ako sumabay sa nirentahan naming dyip. Hindi rin naman kasi ako nagpalista, inilista lang ako. Halos hindi rin kasi ako nakatulog buong magdamag. Mga dalawang oras lang kaya imbes na ma-late silang lahat; nagbilin na kong ‘wag na’kong intayin. Gusto ko rin talagang bumiyahe lang mag-isa.

Sinusubukan kong i-hack ‘yung utak ko. Na oks lang naman dahil isang beses lang naman nagti-team building ang Region. Na oks lang naman dahil isang beses lang din nagki-Christmas party ang Region. Mga dalawang perform lang ‘yun; ng cheering at special number. Dalawang beses ko lang ‘to mararamdaman sa loob ng isang taon. Hindi naman siguro puputok ‘yung puso ko o biglang malulusaw na lang.

Dumating ako sa Caliraya nang pasado alas diyes na. Medyo kinakabahan na ako. Maayos naman ang suot ko. Hindi naman magulo ‘yung buhok ko. Pare-pareho naman kami ng suot. Nakangiti naman sila pagdating ko. Pero bakit pakiramdam ko pinipisil nang bahagya ‘yung left atrium ko?

Hindi raw mapuputulan si Tita Digs  ng daliri. Nagpustahan pala sila ni Alvin kung darating ako o hindi at nakataya ang kanilang mga daliri. Tumawa lang ako. Nagtiwala naman sa’kin si Tita Digs. Ano ba raw ang masamang alaala ko sa Caliraya at ayokong balikan? Unang beses ko sa Caliraya. Pero malimit akong makaramdam ng paninikip ng puso kapag mga ganitong sitwasyon. Akala raw ni Honey talaga hindi ulit ako pupunta; referring to the last year case. Ikiniling ko ang ulo ko at idinilat nang kaunti ang mata; “I’ve changed. I’ve changed for the better.” Sabay tawa. Pero kinakabog naman ang dibdib.

Iniisip ko kung bakit hindi ko gusto ang mga ganitong events. Dahil ba nakokornihan lang ako? Dahil kaya ma-pride lang  talaga ko? Dahil ba hindi ako pinapasali ng nanay ko sa boyscout dati? Dahil ba lumaki ako sa isang simbahang ngumingiwi sa pagsasayaw-sayaw? Ako lang ba ang hindi kumportable at kinakabahan ng sobra sa mga ganitong sitwasyon? Dahil ba introvert ako? Ang liit lang na bagay kung tutuusin, pero sobrang BIG DEAL sa’kin.

Lalong tumindi nung hapong pinaghiwa-hiwalay na kami sa mga kanya-kanya naming kulay. Tapos nagpakilala isa’t isa. Tapos gagawa na ng cheering. Para akong kinakatay sa loob kahit ngumingiti habang nagpapakilala. At dahil kapos sa oras, mamayang alas otso na lang daw kami mag-practice ng cheering. Hindi na ako bumalik. Hindi ko talaga kaya.

Nagkulubong na lang ako ng kumot sa duplex. Sabi ko na uuwi na ako bukas. Bahala na. Nahihirapan akong matulog. Naiisip kong kukunot na naman ang noo ni boss at ni Tsang. Lalo akong nahirapang matulog. Naka-RSO ako, Regional Special Order na naman ang babaliin ko. Mawawalan na talaga ako ng trabaho neto.

Parang ako ‘yung paniki na nakulong sa loob ng duplex namin. Nabulabog nang may mga di kilalang pumasok sa kwartong payapa lang s’yang mag-isa. Paikot-ikot na lumipad ang paniki hanggang sa napagod at bumagsak na s'ya. At sa kama ko pa talaga. Pinadampot ko agad kay Kuya Gibo para itapon sa labas ang paniki. Nakalaya rin s’ya sa matinding takot at pagkabulabog.

Bukas ako rin. Mas kailangan ko ng tulog ngayong gabi kaysa mag-isip kung saan ako pupulutin pagkatapos kong umuwi. Buong maghapon na kong napapagod. Bahala na. Baka kailangan ko na rin ng pahinga.

At paghinga.



Tuesday, July 25, 2017

Hulyo 25, 2017

Bukas na.

Ayokong magbukas. O sana lumipas na agad ang tatlong araw sa buhay ko. Parang torture ang team building activities, hindi nakaka-build sa’kin. Nakaka-destroy. Bakit ba kasi gusto ng majority ng humanity ang magputik-putik at mabasa-basa? Introvert problems.

Parang ito lang talaga ang makakapagpa-resign sa’kin. Gusto kong mag-awol ng tatlong araw. Pero naalala ko ‘yung ginawa ko last year. Baka mawalan na ko ng trabaho kapag binoykot ko ang team building at gusto ko naman ‘yung trabaho/ biweekly sweldo ko.

Tapos may remarks na sa infographics ng team building na “bawal ang kj”. At lahat na ng dehumanizing acts (on my perspective) ang kumakabog sa dibdib ko.

Magresign na nga lang kaya ako.

#

Dyord
Hulyo 25, 2017
MSWDO


Introvert Ka Kung

Introvert ka kung…

1. Hindi ikaw ang unang bumabati kapag may nakakasalubong na kakilala.
2. Dinadaga ang dibdib mo kapag nagsasalita o nakaharap sa maraming tao.
3. Hinihintay mong kaibiganin ka, kahit gusto mo nang kaibiganin minsan.
4. Kaya mong manood ng sine mag-isa.
5. Namumuti na ang mata mo kahihintay sa chat n’ya, 
     kahit pwedeng ikaw ang mauna.
6. Sa maraming pagkakataon kay Muning ka lang fully honest.
     O sa social media, o kaya sa blog.
7. Hindi mo pinapakita agad ang dinodrowing mo hangga’t hindi pa nakukulayan.
8. Hindi ka kumportable sa mga GTKY activities sa cell groups
9. Iniisip mo kapag GTKY, maaaring lahat kayo nagsusuot lang ng gustong maskara.
10. Pinaka horror na bahagi ng pag-a-apply ang interviews, 
     baka na-at-at ka pa nga.
11. Lumalayo ka kaagad kapag nilapitan ng sales lady.
12. Ikaw ang palaging direktor, scriptwriter, propsman, o ekstra kapag may play 
     sa Araling Panlipunan nung hayskul
13. College ka na, kasama mo pa rin si Mama sa pag-e-enroll
14. Kinakabahan ka kapag pumipila sa government offices 
     (kahit yata extroverts)
15. Kinakabahan ka kapag magtatanong ng direksyon sa mga sekyu o takatak boys
16. Masaya ka nang magkaroon ng Waze
17. Nahihiya kang ma-special mention ni boss kahit ma-very good
18. Nahihiya kang ma-special mention ni boss kapag verbal memo (pero blind item)
19. Hindi ka lang basta nahihiya, iniisip mo agad mag-resign na lang
20. Ayaw mo ng team building, company outing, o christmas party.


   Walang masama sa pagiging mahiyain, shy-type, loner, 'walang friends', o intorvert. Hindi ka killjoy gaya ng sinasabi nila kapag hindi mo nae-enjoy ‘yung nae-enjoy ng iba. Hindi sa ayaw mong maging masaya, gusto mo lang maging kumportbale, at masaya ka kapag kumportable ka.

     Ang introvert ay hindi mga killjoy. 
     'wag mong kamuhian ang sarili mo dahil sa introversion mo.
     Love your version kaibigan.

#

Sunday, July 23, 2017

Hulyo 23, 2017


Hindi ako makatulog.

Alas-dose trenta’y dos na. Hindi ko alam kung wasak na wasak na naman ba ang sleeping pattern ko dahil sa sunod-sunod na mga araw na puyat o dahil sa nilaklak kong kape maghapon. Masakit ba ‘yung tiyan ko o masakit ‘yung dibdib ko. Hindi na naman ba tama ang timple ng kemikal sa utak ko?

May takot ako. Natatakot ako. Sa maraming bagay. Nagsapin-sapin na yata.  May maliit at may malaki. Kahit ayoko namang isip-isipin, nagsususmiksik sila sa utak ko. Isa-isahin na lang natin sila at pagurin ang isip ko’t antukin.

1. Pinaalala kasi sa’kin ni Alvin na sasamahan n’ya ko magpa-dentista. Iniisip ko pa lang sumisikip na ang dibdib ko. Ayoko ng turok, ng dugo, ng pait ng anestisya pero gusto ko nang ayusin ang mga ngipin kong parang buhay kong unti-unti nang nasisisra.

2. May mga proposals ako na parang hindi aabot sa deadline. Kahit hindi ko maubos ‘yung pondo ko ngayong taon basta maipasok ko lang ‘yung apat ko pang komunidad. Nape-pressure na ko sa mga sabay-sabay na gawain at sunod-sunod na deadline.

3. Sana maabot namin ‘yung financial targets ni Mama ngayong taon. Kahit na maraming patalastas ang buhay. Disiplina lang naman talaga at masinop na pamumuhay. Sana makapagbakasyon din kami sa Baguio kahit early January 2018.

4. Umuwi ako ngayon sa’min at sa lagay ng bahay namin, nakakatakot kapag bumagyo na ulit. Nakakatakot kung umapaw ulit ang dalawang ilog. Ang mga libro ko. Ang bubong naming tagusan na ang liwanag. Nakakatakot na parang walang balak mag-ayos ng buhay at bahay sina Mama.

5. Nakapagkuwentuhan kami ni JM, ‘yung financial adviser ko. Nagbayad ako ng full year insurance namin ni Uloy. Nakapagkuwentuhan kami ni JM ng goals. Nabanggit kong gusto kong mag-aral sa abroad o kaya sa UPLB. Pero sa abroad talaga 'yung gusto ko; ‘yung bigla ko na lang pinangarap mga 2 weeks ago. Nakakatakot lang ‘yung mga maaring patalastas na magpabagal o sumagabal sa pangarap ko.


Baka hindi ako handa. Baka hindi ko kayanin. Kapag hindi ko kinaya, ganito na lang. Gusto ko namang gawin lahat na maayos at plantsado. Kumbakit ba kasi lamukos na yata ang buhay ko. Package deal ba ‘yun sa pagtaas ng suweldo? Ang mas kailangan ko lang ngayon, makatulog ako at makabangon;bilangin ang panibagong araw ng pamamamalantsa. Hinahanap ko rin pala nasan ba 'yung kasiguraduhan ko, parang na-misplace ko na yata.

Nakakatakot sumablay. Nakakatakot mamili. Nakakatakot palang mangarap.

#

Dyord
Hulyo 23, 2017
Sitio Guinting, Lalig
Tiaong, Quezon


Friday, July 21, 2017

Napanood ko ‘yung ‘Kita Kita’ (10 Bilang ng Nakitang Ganda)

Official Movie Poster (c) Viva Films

Napanood ko ‘yung ‘Kita Kita’
(10 Bilang ng Nakitang Ganda)

Kuwento ito ni Lea, na ginampanan ni Alessandra De Rossi,  na isang tourist guide na nabulag sa labis na pag-ibig at literal na nabulag sa labis na stress; at ni Tonyo na ginampanan ni Empoy na nagmulat at gumabay naman kay Lea.

1.     Sapporo, Japan. Dadalhin ka ng pelikula sa iba’t ibang tourist spots sa Saporro, Japan. Tourist guide kasi si Lea bago s'ya nabulag. May iba pa rin yatang lugar sa Japan ang pinakita sa pelikula, di ko lang sure ha. Pero ang pinaka napansin ko  ay ‘yung Bell of Happiness na binabatingting kapag masaya ka, pero si Lea kahit nung malungkot s’ya; binatingting pa rin n’ya yung kampana. 


2.    Alessandra De Rosi bilang Lea. Ang fresh lang n’ya sa pelikula. Ordinaryong Pinay na nagtatrabaho sa Japan, umibig sa Hapon, natutong mag-Nihonggo, at nami-miss ang Pinas. Hindi supladita (may ilang scenes lang), hindi super seryoso, at hindi rin sigarilyo-user Alessandra role ito mga besh. Fresh lang.

3.    Empoy bilang Tonyo. Ang lakas talaga ng datingan ni Empoy. Tipong konting kibot, konting galaw, konting linyahan lang n’ya matatawa ka na. Parang hindi nga umakting si Empoy sa pelikula. ‘yung malungkot na nga ‘yung scene, pero sabay mong mararamdaman ‘yung lungkot, tawa, at pagkamangha kasi ang ganda nung pagkalungkot. 
  
   Pinatunayan ni Empoy na hindi kailangang laging matinee idol para kiligin ka sa pelikula. At Marquez pala ang apelyido ni Empoy.

4.   Dalawang artista lang. Kaya naman palang gumawa ng magandang pelikula kahit hindi star-studded. Hindi ka maba-bother kung bakit may mga filler na bagong love team na sa loob ng pelikula pa mismo magpapraktis tumapon ng linya. Hindi ka maba-bother kung bakit ang iksi lang ng linya pero bigating artista. Hindi ka malilito sa Kita Kita dahil dalawang artista lang sila.

4.5  Artista pa rin naman ‘yung malilit na roles at ekstra kasi mahusay nilang nagampanan na palutangin ‘yung mga bida.

5.    Binalot meets Furoshiki. Ang ganda ng pagtatagpo ng Binalot at Furoshiki na tradisyunal na paraan ng pagbabalot ng mga Hapon gamit ang tela. Nakakatuwa ang pagdadala ni Tonyo ng mga lutong Pinoy na binalot n’ya sa paraang Furoshiki.

6.   Sapporo, Japan ulit. Sikat na brand ng beer ang Sapporo na kalantari ng mga sawi sa pag-ibig. Galing din ang Sapporo sa ancient name na “Sat-Poro-Pet” na ang ibig sabihin ay “great dry river” pero ang daming ilog sa Sapporo. Mapapaisip ka  kung yung nakikita mo ba sa lugar ang nagpapaganda rito o yung alaala mo sa lugar ang nagpapaagos ng ganda sa paningin mo.

7.    Daruma doll at Barong. Saan nakakuha ng barong si Tonyo sa Sapporo? Anyways, nagkasal-kasalan kasi si Lea at si Tonyo nung bulag pa si Lea. Tapos, regalo ni Tonyo ‘yung Daruma Doll kay Lea, kinukulayan ‘yung isang putting mata ng Daruma habang nagwi-wish at saka palang kukulayan ng itim ‘yung isa pang puting mata kapag natupad na ‘yung wish. Pero nang makakita na si Lea , sa tingin ko hindi n’ya pa rin makukulayan ‘yung kabilang mata.

7.5 Kadalasan paper mache ang Daruma, walang laman sa loob pero hindi mo nakikita, kabalintunaaan sa barong na kita mo ‘yung nasa loob. Kapag tinutumba ang Daruma ay kusa itong bumabangon dahil sa hugis nitong bilugan at mas mabigat ang bandang ilalim nito. Pampalakas-loob sa mga may mga pinagdaraanan ang pinagbibigyan ng Daruma.

8.   Thousand Paper Cranes. Ang klasik lang. Ang hilig kasi nating mga Pinoy sa wish-wish. Parang ang exciting lang kasing subukan ‘yung iba’t ibang paraan sa pag-asa, paghihintay, at pag-aabang sa ating mga sana ‘no?

9.   Pag-uwi. Parang lahat naman yata namimingaw sa Pinas kapag nag-aabroad para magtrabaho o nagma-migrate. Kaya minsan nakakauwi na lang yung iba sa pamamagitan ng pagkain ng spicy adobo, kaldereta, at sinigang. 

    Kaya iba rin ‘yung feels na may makita kang kabayan, klik agad! Sa Kita Kita, may sana si Tonyo na malinis din ang Ilog Pasig, kung maunlad lang sana tayo hindi naman nila pipiliing maging second class citizens. Hindi ko rin nga lang din alam kung anong klaseng diskriminasyon ang inaabot ng mga kabayan nating migrante.

10.   What a coincidence? Tumaon ang showing ng Kita Kita sa ikatlong linggo ng Hulyo na ayon sa Proclamation No. 361 ng National Council on Disability Affairs ay National Disability Prevention and Rehabilitation Week. Bagaman temporary blindness lang ‘yung kay Lea, naipakita pa rin ang struggles ng isang bulag sa pelikula.

Kanina bago kami pumasok sa sinehan, sinilip namin ang art and collections gallery ni Nippinoy bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-61 taong pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan. Nagkataon nga lang ba ang lahat.


Rating: *slow clap... clap… clap…








Thursday, July 20, 2017

Si Patrick at ang aming Kahel na Chatbox



Sir Jord
Can u hear? (kahit konti)
Filipino, u know?

            Umiling-iling s’ya. Kaya English only please.

What is your course?

            Computer Tech.

Do you know how to use Excel?

            (Tango tapos aprub)
But you can help me.

Please enocode the ff. valid IDs

            I want to see.

Wait, we’re studying the template.
I’ll guide you.
Ok?
            (Tango tapos aprub)


#


If you have questions, ask me.
I’ll just copy a document, then it’s your turn

            What did you say?

If no provided baranggay on the ID, leave the cell blank.

            (Tango tapos aprub)
#


The siomai is yours!

            Thank you.
            (Flying kiss na dalawang kamay)

#



I’ll give you an assignment before we leave at 2:15 pm.
           
            (Aprub)

File Salaysay-Beauty Care separately from Salaysay-Lutong-Bahay
Fasten to the folders after sorted

            (Tango at aprub)

Detach IDs or find the ID of the name (written) on the Salaysay
If no ID, (then) just Salaysay

            (Tango at aprub)

After that put it on the bag, and see you tommorow

            (Tango)

#


Kaya naman. 

Thursday, July 13, 2017

Umuwi Uli 2


Ngayon ko na lang ulit narinig 'yung agit-it ng bakal na gate nina Bo. Si Lola Nitz lang ang tao sa loob at napansin n'ya lang akong naroroon na pala nang magmano ako. Medyo mahina na ang pandinig. Naro'n din pala si Mrs. P at nasa Calauan lang daw sina Bo at Uloy pero pauwi na rin. Sabi ni Lola Nitz, nar'yan daw sa simbahan si Nika, tatawagin lang daw n'ya at kakain na rin naman. Naku, bawal ang pahuli-huli sa pagkain kay Lola Nitz.

Sa harap ng tv kami kumain ni Nikabrik. Hindi naman ako gutom pero kumain pa rin ako dahil gusto ko lang tikman ang Sinigang ni Lola Nitz. Minsan na lang din ako makakain ng lutong bahay, ng totoong pagkain, ng may sabaw.

Sa hapag, nagkukuwentuhan sina Mrs. at Pastor tungkol sa gamutan at mga kinakain ni Lola Nitz. Obserbahan muna raw kung sumasakit pa rin kahit iniinom naman ang gamot. Umiwas daw muna sa mga bawal na pagkain. Kumain ng tama sa oras kahit hindi nakakaramdam ng gutom. "Kung gusto n'yo naman ay kumain na kayo ng mga gusto n'yo, para 'pag kayo'y nawala ay busog naman kayo," singit ni Jet-jet.

"'Pag ako'y nawala kayo'y mami-miss ko." Nagbibilin na naman si Lola Nitz pero babawiin din maya-maya at sasabihing may layunin pa ang kanyang buhay. Sabay babanggitin kung saan n'ya gustong makibahagi sa mga ministeryo ng simbahan. Napaisip tuloy ako sa buhay kong parang malayo na at walang layunin. Hindi pa rin pala kami nakakapagpaturo nina Bo ng pagluluto ng Sinigang. Siguro kapag medyo nakaluwag na ako sa trabaho.

Pagkakain, habang abalang-abala akong dumudutdot sa aking cellphone, nanunuod ng tv, at nakikipagkuwentuhan; itiningala ni Lola Nitz ang mukha ko. "Bakit po Lola Nitz?" pero alam ko naman kung bakit.

"Wala lang, ika'y nimi-miss lang namin."

Madalas kong tanong, apo nga kaya ni Lola Nitz si Bo?


Tuesday, July 11, 2017

Papeliparin


“Paulit-ulit na lang!” ang excerpt mula sa litanya ni boss. Imbyerna paisung na naman s’ya sa mga kulang-kulang na proposals. Nagpaalam naman muna s’yang magagalit s’ya bago n’ya pinalipad ang proposals sa sahig.

Nag-flashback lahat sa utak ko ang mga bumalik kong proposals. ‘yung pinaka huli kong ipinasa naalala ko na pinirmahan ko pa isa-isa ulit ‘yung mga list of participants. ‘yung proposal recommendation pina-review ko pa rin kay Tsang Lors. Hindi akin ‘yun.

Pero may kutob ako na akin ang proposal.

Parang ako lang kasi ang gumagamit ng plastic fastener. Parang ako rin ang may history ng pabalik-balik na proposal, dahil nakakalimutan kong pumirma. Bago naman umusad si boss sa next agendum, pinulot n’ya rin naman ang mga proposals.

Kung magiging dramatic ako: Naisip ba n’ya na sobrang iniingatang ‘wag magusot o magkaroon man lang ng bahid ng correction tape ang proposal bago n’ya pinalipad sa sahig? Naisip ba n’ya na namasahe ng mahal ang mga beneficiaries para lang magpasa ng mga papel at magpa-interview para makapag-comply sa hinihinging assistance? Naisip ba n’ya na kinakatawan ng bungkos ng papel na ‘yun ang mga pag-asa’t pangarap ng mga komunidad?

Maya-maya, lumapit si Diane. Akin nga ang isa sa mga proposals na may layang lumipad. Siyempre, kunwari nasupresa ako. Ni-review ko agad, wala namang nakalimutang pirma ah. Wala naman akong nakitang mali kaya binalik ko ulit sa mga gamit ni boss habang busy na nagla-lunch ang marami.

Maya-maya pa’y si boss na ang lumapit at inabot ang proposal.

“Ayusin mo ‘to,” bulong n’ya.
“Wala namang mali,” ka’ko.
“Hanapin mo,” bulong n’ya sabay alis.

Binuklat ko nga ulit. Mas dahan-dahan. Ayun, ang dami ko ngang walang pirma.

‘Yung iba nga wala pang proposal, I told my essential self.




Thursday, July 6, 2017

Napanood ko ‘yung Spider-Man Homecoming


Medyo spoiler alert.

Si Peter Parker ito sa Marvel Universe, a typical millenial kid na Stark-sponsored ang high-tech auto-skin tight suit at formulated spider web sa school lab. Hindi ito ‘yung nakagat ng gagamba at nagkaroon ng genetic mutation. Sobrag spoiler ito sa ipapakita sa film pero na-eboot talaga si Spider-man sa buhay ko. May AI assistance program (named ‘Karen’), Instant Kill mode (na hindi ginamit), collapsible drone sa dibdib,  GPS tracking device, sa Spider suit ni Pete na nakalagay sa suitcase na similar kay Ironman dati. Umikot ang kuwento sa pagtitimbang ni Pete sa  kanyang school decathon club, academics,  social life, at pagso-solve ng small-time crimes (kahit maraming nasisirang property).

Parang hindi naman masyadong na-challenge ang acting skills ni Tom Holland; properly portrayed. Ang kulit lang ni Peter, ang dami munang sinasabi bago umaksyon sa kalaban, ma-trashtalk. Maganda ‘yung mga eksenang walang linya; ngiti-ngiti o maliit na tawa lang na alam mong halo-halong emosyon kasi naranasan mo rin bilang bata. Batang uhaw sa acceptance ng ibang tao, dapat laging cool, matakaw sa achievements, at palaging proving myself ang drama. Nakakatawa kasi nakaka-relate ka lang. Dumaan ka rin kasi sa akala mo kung sino ka na, na alam mo na lahat. Amateur na nag-aaktong professional.


Maraming failures at frustrations sa pagbabalanse ng buhay-buhay. Gusto ko ‘yung mga pagmumuni-muni ni Peter sa ibabaw ng building, pagsa-soundtrip sa MRT, at ma-trigger lang ng konti ang ego e papatulan na ang pambubuyo. Hirap na hirap si Pete na hindi mag-brag ng daily achievements n’ya. Kaya crucial ang role ni Ned Leeds, dahil kung walang napagsasabihan si Peter ng prks and struggles ng pagiging Spider-man n’ya, baka lalong mafrustrate si Peter.Pero nakakatuwa na hindi naman cinancel out sa pelikula ‘yung kagandahan ng pagiging matigas ang ulo lalo na’t naniniwala kang tama ‘yung mga ipinaglalaban mo. Kahit ikaw na lang ‘yung nananiwala. Hindi ka determined just because you are young and full of angst pero dahil you know you are right!

At palaging may Aunt May at Ned Leeds sa buhay natin na na nakakakilala at naniniwala sa’yo sa likod ng maskarang lagi mong suot. Napaka-thoughtful, supportive, at protective ni Aunt May. Ang lakas maka-Irma Adlawan ng ganap. Kahit gaano ka naman kasi katigas sa harap g ibang tao, natatapos lahat ng pagpapanggap at puwede kang maging mahina doon sa totoong nakakakilala sa’yo.

Wala akong napulot na qoutable qoute kay Pete kahit ang haba lagi ng lines n’ya pero sobra akong naging proud sa desisyon n’ya noong bandang huli. Minsan ka lang dadaan sa kabataan, hindi masamang piliin ‘yung nagpapasaya sa’yo at hindi kailangang palaging iligtas ang mundo.

“with great technology comes great fun,” summary ko lang ‘yan.


Tuesday, July 4, 2017

Napanood ko ‘yung Transformers 4



Hindi naman ako nanonood ng Transformers dahil sa kuwento. Nasa ABC 5 noon ang Transformers na cartoons. Nostalgic reasons lang yata talaga kung bakit ko pinapanood. T’saka ‘yung tunog ng mga bakal-bakal, astig talaga.

May bumagabag lang sa’kin doon sa pelikula hanggang ngayon. Edi illegal na nga ang pag-stay ng Transformers sa Earth, last movie pa nga ‘yun. Sumakit nga ang puso ko nang pagbabarilin si Ratchet kahit hindi naman nanlaban.

Sa unang scene, walang pagdadalawang isip na tinerminate si Canopy? Hindi man lang chineck kung Autobot ba ito o Decepticon. Hindi rin naman armado. Sumakit na naman ang puso ko. Extra-judicial killings ito e.

Sabihin na natin na ‘yung law ay encompassing all Transformers. E bakit ‘yung mga Decepticons, naka-detain lang kahit multiple-murder ‘yung kaso? Sila pa ‘yung may due process? O may balak na talaga ang government na makipag-bargaining kay Megatron simula pa lang kaya sinafe keep lang nila ang mga Decepticons?


Paki-explain, hindi ko talaga naintindihan ‘yung kuwento pero it’s nice seeing Optimus Prime again. And again.

Monday, July 3, 2017

SUUUUUPPLIIES!!!!! (Part 3)

Pumunta kaming lahat sa Region(al Office) kahapon. Ngayon na lang pala ulit ako nakabalik ng Region simula nang ma-hire bilang field worker. Wala na ‘yung tambayan namin na nagsisilbing waiting area din ng mga may inaasikasong papel sa Region. Nasa may ilalim na ng Magiliw bldg. sila naghihintay. Sama-sama na ro’n ang parking area, stock room, at ang mga clients. At least, nilagyan naman ng tv.

     Hinakot namin ‘yung napakaraming A4 at Legal size na papel. Wala na kami sa poverty threshold ngayon sa papel! Ako na ang tumatanggi ngayon sa A4 kasi wala pa rin akong ma-print na proposal pa. Dinala rin namin pauwi ang mga laptops worth Php 14,600. Wala naman akong alam sa specs pero mas ok ito kaysa sa mga laptop na maliit ang screen at palaging nagha-hang na ginagamit ng mga nasa Pantawid at mas mahal.

     Mahigit isang taon din bago nabili ang mga laptops. Dumaan pa ang mga taga-Region sa mga pakikipaggigilan sa purchasing kung bakit kailangan ng field workers ng maayos na laptops. Galing daw ang funds sa dapat sana’y sweldo ng newly hired field workers noong 2016 pero dahil halos ikalawang semestre na nang makapag-hire ng maraming field workers; ay dinivert ang unused sweldo para ipambili ng laptops. Marami pa ring slots for field workers, may mga nag-resign na.

     Nakakatuwang tingnan ‘yung mga apelyido namin na nakasulat sa kahon. Parang iniisip talaga kami ng Kagawaran. Parang naniniwala na talaga silang may tinatrabaho naman kami. Kinuha ko pa rin ‘yung pahiram na laptop kahit may Php 28,000-worth akong laptop na binili last year. Mapaghihiwalay ko na ang personal life at work kahit sa laptop lang.


    Note: Ang hindi pa rin daw makakapagpasa ng feedback reports; babawian ng laptop.