Friday, July 21, 2017

Napanood ko ‘yung ‘Kita Kita’ (10 Bilang ng Nakitang Ganda)

Official Movie Poster (c) Viva Films

Napanood ko ‘yung ‘Kita Kita’
(10 Bilang ng Nakitang Ganda)

Kuwento ito ni Lea, na ginampanan ni Alessandra De Rossi,  na isang tourist guide na nabulag sa labis na pag-ibig at literal na nabulag sa labis na stress; at ni Tonyo na ginampanan ni Empoy na nagmulat at gumabay naman kay Lea.

1.     Sapporo, Japan. Dadalhin ka ng pelikula sa iba’t ibang tourist spots sa Saporro, Japan. Tourist guide kasi si Lea bago s'ya nabulag. May iba pa rin yatang lugar sa Japan ang pinakita sa pelikula, di ko lang sure ha. Pero ang pinaka napansin ko  ay ‘yung Bell of Happiness na binabatingting kapag masaya ka, pero si Lea kahit nung malungkot s’ya; binatingting pa rin n’ya yung kampana. 


2.    Alessandra De Rosi bilang Lea. Ang fresh lang n’ya sa pelikula. Ordinaryong Pinay na nagtatrabaho sa Japan, umibig sa Hapon, natutong mag-Nihonggo, at nami-miss ang Pinas. Hindi supladita (may ilang scenes lang), hindi super seryoso, at hindi rin sigarilyo-user Alessandra role ito mga besh. Fresh lang.

3.    Empoy bilang Tonyo. Ang lakas talaga ng datingan ni Empoy. Tipong konting kibot, konting galaw, konting linyahan lang n’ya matatawa ka na. Parang hindi nga umakting si Empoy sa pelikula. ‘yung malungkot na nga ‘yung scene, pero sabay mong mararamdaman ‘yung lungkot, tawa, at pagkamangha kasi ang ganda nung pagkalungkot. 
  
   Pinatunayan ni Empoy na hindi kailangang laging matinee idol para kiligin ka sa pelikula. At Marquez pala ang apelyido ni Empoy.

4.   Dalawang artista lang. Kaya naman palang gumawa ng magandang pelikula kahit hindi star-studded. Hindi ka maba-bother kung bakit may mga filler na bagong love team na sa loob ng pelikula pa mismo magpapraktis tumapon ng linya. Hindi ka maba-bother kung bakit ang iksi lang ng linya pero bigating artista. Hindi ka malilito sa Kita Kita dahil dalawang artista lang sila.

4.5  Artista pa rin naman ‘yung malilit na roles at ekstra kasi mahusay nilang nagampanan na palutangin ‘yung mga bida.

5.    Binalot meets Furoshiki. Ang ganda ng pagtatagpo ng Binalot at Furoshiki na tradisyunal na paraan ng pagbabalot ng mga Hapon gamit ang tela. Nakakatuwa ang pagdadala ni Tonyo ng mga lutong Pinoy na binalot n’ya sa paraang Furoshiki.

6.   Sapporo, Japan ulit. Sikat na brand ng beer ang Sapporo na kalantari ng mga sawi sa pag-ibig. Galing din ang Sapporo sa ancient name na “Sat-Poro-Pet” na ang ibig sabihin ay “great dry river” pero ang daming ilog sa Sapporo. Mapapaisip ka  kung yung nakikita mo ba sa lugar ang nagpapaganda rito o yung alaala mo sa lugar ang nagpapaagos ng ganda sa paningin mo.

7.    Daruma doll at Barong. Saan nakakuha ng barong si Tonyo sa Sapporo? Anyways, nagkasal-kasalan kasi si Lea at si Tonyo nung bulag pa si Lea. Tapos, regalo ni Tonyo ‘yung Daruma Doll kay Lea, kinukulayan ‘yung isang putting mata ng Daruma habang nagwi-wish at saka palang kukulayan ng itim ‘yung isa pang puting mata kapag natupad na ‘yung wish. Pero nang makakita na si Lea , sa tingin ko hindi n’ya pa rin makukulayan ‘yung kabilang mata.

7.5 Kadalasan paper mache ang Daruma, walang laman sa loob pero hindi mo nakikita, kabalintunaaan sa barong na kita mo ‘yung nasa loob. Kapag tinutumba ang Daruma ay kusa itong bumabangon dahil sa hugis nitong bilugan at mas mabigat ang bandang ilalim nito. Pampalakas-loob sa mga may mga pinagdaraanan ang pinagbibigyan ng Daruma.

8.   Thousand Paper Cranes. Ang klasik lang. Ang hilig kasi nating mga Pinoy sa wish-wish. Parang ang exciting lang kasing subukan ‘yung iba’t ibang paraan sa pag-asa, paghihintay, at pag-aabang sa ating mga sana ‘no?

9.   Pag-uwi. Parang lahat naman yata namimingaw sa Pinas kapag nag-aabroad para magtrabaho o nagma-migrate. Kaya minsan nakakauwi na lang yung iba sa pamamagitan ng pagkain ng spicy adobo, kaldereta, at sinigang. 

    Kaya iba rin ‘yung feels na may makita kang kabayan, klik agad! Sa Kita Kita, may sana si Tonyo na malinis din ang Ilog Pasig, kung maunlad lang sana tayo hindi naman nila pipiliing maging second class citizens. Hindi ko rin nga lang din alam kung anong klaseng diskriminasyon ang inaabot ng mga kabayan nating migrante.

10.   What a coincidence? Tumaon ang showing ng Kita Kita sa ikatlong linggo ng Hulyo na ayon sa Proclamation No. 361 ng National Council on Disability Affairs ay National Disability Prevention and Rehabilitation Week. Bagaman temporary blindness lang ‘yung kay Lea, naipakita pa rin ang struggles ng isang bulag sa pelikula.

Kanina bago kami pumasok sa sinehan, sinilip namin ang art and collections gallery ni Nippinoy bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-61 taong pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan. Nagkataon nga lang ba ang lahat.


Rating: *slow clap... clap… clap…








No comments: