Medyo
puyat ako kagabi kaya tumawad ako nang tumawad kay Super Digna; ang aking alarm
clock. Mga naka-tatlong snooze ako bago ako nagmadaling maligo, magbihis,
maghanap (na naman) ng susi, at maghagilap ng mga gamit. May meeting kasi kami
ngayong umaga sa Lipa.
Hindi na ako nakapag-almusal. Bumili lang ako tiglilimang
pisong kape sa vendo. Medyo ramdam ng daliri ko yung init na tumatagos sa
styro. Gumuguhit sa lalamunan 'yung init. Nakakagising na rin. Nainitan ang
tiyan ko kahit papaano.
Kaya kong sumakay ng dyip na naninimbang dahil sa hawak na
kape. Basta makakaupo ako kaagad. Pumara ako at pagkasakay ko, nakakita ako
agad ng puwang malapit sa may puwet ng dyip. Kaso, nakabukaka si kuya boy at
dadampi ang pwet ko sa tuhod n'ya kapag umupo ako agad-agad. Humapit ang slacks
na uniporme sa kanyang hita sa pagkakabukaka n'ya.
Tumakbo naman ang dyip kahit nakayuko pa ako. Tumilamsik
tuloy ang kape sa daliri ko at dumamusak sa sahig ng dyip. Nakatingin lahat.
Kundi ko pa kinuha ang atensyon ni kuya, hindi n'ya iiikom ang hita n'ya.
Nangalahati muna ang kape ko bago umikom ang mga hita n'ya. At ang tagal
nakatingin ng mga pasahero sa kape ko, parang ngayon lang nakakita ng natapong
kape.
Gising na gising ako. Napaso baga naman 'yung kamay ko.
Nakaupo na nga si kuya boy sa may PWD reserved seat, nakabukaka pa talaga.
Bagong opera ka ga't hindi maipit kahit saglit? May photoshoot ka ba para sa
cover ng magasin? Model ka ba ng brief?
Hindi nakakaguwapo ang manspreading. Hindi rin naman
nakakabading ang umupo nang magkadigkit ang dalawang paa at mga hita.
Pagdikitin ang mga hita, dahil sa susunod hindi ko sigurado kung saan matatapon
ang kape ko.
No comments:
Post a Comment