Uuwi ako.
Para sa
ikatitino ko. Kahit nakikinikinita ko nang nakakunot ang noo ni boss at ni
tsang. Sa kanila ako kasi hahanapin. Parang mortal na
kasalanan ang tumakas at baliin ang RSO. Ground for termination ulit yun e.
Nakakailang grounds na ako.
Sobrang nakakabaliw
mag-isip kasi wala ito sa plano. Baka kasi pagisisihan ko. Ayokong isipin
nilang nagpapaimportante ako. Ayokong isipin nilang may mabigat akong problema.
Ayokong isipin nilang pasaway talaga ako. Nagtimbang-timbang naman ako kaya
akyat-baba ako sa duplex. Kapag nawalan ako ng trabaho:
Good points:
1. Bababa ang stress level sa buhay ko
2. Mas maraming oras para makapagsulat at
makapagbasa
3. Mas magiging maayos ang mental health ko
4. Wala nang ganitong klaseng social
situation na nakakaiga ng lakas
5. Mararamdaman kong tao ako ulit
Bad points:
1. Wala na akong biweekly sweldo at babalik
ako sa pagiging survival level
2. Babalik ako sa pagtira sa bahay at baka
tumaas din ang stress level sa buhay ko
3. May mga unfinished plans pa ako sa mga
communities namin
4. Babalik ako sa Maynila para magtrabaho
(‘wag naman)
Pero anong
iisipin nila kapag hindi ako nagsabi kung bakit ako uuwi?
Taas-baba ako
sa duplex. Hinihintay ko lang din talaga na wala nang tao sa kabilang duplex
dahil dun naka-room si boss. Pasilip-silip ako sa bintana. Pasilip-silip sa
pinto. Kung wala na bang tao sa kabila. Kung sino ba ‘yung pabalik sa duplex?
Si boss ba yun? Hindi ko maaninag dahil sa screen. Para akong tatakas sa mga
kidnapper ko. Kinidnap yata ako ng social anxiety. At ransom ko ‘yung gagawin
kong pagtakas.
Sobrang
kabado. Kapag nagtagal pa ako dito mabubuang na talaga ako. Lumabas na ako.
Pero hindi ko ni-lock yung pinto kasi baka mahuli ako at least makakatakbo ako
pabalik at makapagkukulong mag-isa. Kasabay ng paglabas ko ay bumukas din ang
pinto ng kabilang duplex. Mabilis kong nakita ‘yung maroon na bag. Kilala ko
kung kanino ‘yun. Agad akong tumakbo pabalik sa loob.
Akala ko lang
yata mahiyain lang ako o introversion lang kaya hindi ako kumportable. Akala ko
perspe-perspective lang eh, sinubukan kong i-mental hack yung sarili ko pero
andun pa rin yung kabog sa dibdib na para bang mahuhulog ako sa rapelling.
Akala ko kailangan ko lang ng time para maka-adapt sa working environment; pero
hindi na nga s’ya work e, pero arang mas mabigat pa sa Earthball yung
makisalamuha sa hindi ko mga kakilala. At kung sasabihin mong mag-adapt,
euphemism lang ‘yan ng magpanggap.
Pero sobrang
sikip sa dibdib kahit ‘yung salitang team building pa lang e, ‘yung hindi ko
mga kakilala ‘yung nasa paligid ko at kailangang maglaro kami together. Para
akong naging kinder ulit. Kung sabihin ko na lang kaya na may social anxiety
(yata) ako? Kapag pinatagalog mo ‘yun sa kanila, KJ lang ‘yun. Hindi naman ako
mamatay kung magkekendeng ako ron sa cheering o kung manikip ang dibdib ko sa
anxiety; may Red Cross Laguna chpater naman na naka-standby. Kaya tatakas na
lang nga ako.
Paano sa
Christmas party? Aabot pa kaya ako hanggang Disyembre sa trabaho? Anong
sasabihin ko sa susunod kong employer kung bakit ako na-terminate? Hindi po ako
nakakakendeng? I got ‘personal issues’? Meron bang workplace na
inclusive kahit sa mga may ganitong pinagdadaanan? Bahala na ang bukas, basta
kailangang kung tumakas.
Hinintay ko
muna s’yang makaakyat. Saka ako dali-daling bumaba. Mabuti na lang at walang
oras-oras ang paghahatid ng bangka sa Caliraya. Agad akong tumakbo sa pantalan.
Sumakay agad at hindi na lumingon pabalik. Saka lang ako nakahinga nang maluwag
nang makasakay na ‘ko ng biyaheng Sta. Cruz.
Hindi ko lang
alam kung may pupuntahan ‘tong ginawa ko.
jjj
Nag-deactivate
ako ng sim card at ng Facebook pero binuksan ko rin kasi kailangang umorder
pala ako ng tubig-inumin nung bandang hapon; saka ko lang nabasa ang mga sweet
messages ng mga katrabaho ko:
Mildred:
"Hi jord, please call sir donards asap,need ka niya makausap,wait
nya ang call mo until 11am tom. Kausapin mo
siya bes,kasi ground for termination ang ginawa mong hindi pagpapaalam kanina
before ka umalis.Bakit kasi hindi ka nag paalam kahit kay ate lorie,alam mo
namang naka rso tayo."
"Mag reresign ka na agad?pag-isipan mo muna, Sayang naman ang
effort mo sa mga projects mo."
Alvin:
Ito sasabihin ko sayo dahil
kaibigan kita.
Hindi naman lagi ang mga tao
sayo ang mag-aadjust, minsan tayo ang mag-aadjust. Nagtatrabaho tayo, may
superior tayo, kaya dapat sumunod tayo. Matututo tayo makisabay kahit di natin
masyado gusto ang activity dahil pumirma tayo ng kontrata.
Ako nga, kahit ayaw ko.
Walang magagawa, under tayo ng sistema nila.Di bale sana kung isang beses lang
eh. Madami kasi kaibigan ang naapektuhan dahil sa pag uwi mo ng maaga.
Kaya sana last na yun.
Tita Digs:
"Hi Jord! To be honest,
ayaw ko na sanang gawin ito, ang i-msg ka para lang magpayo na makipag
communicate ka na kay Sir Donards, kasi ilan na ba silang sumubok sa cluster 6?
Lahat ay hindi mo pakinggan o pinansin?nag deactive ka ng fb account mo, nagoff
ka ng phone mo. Kay ate Lors na cluster coordinator, na dapat kung hind mo man
nagawang mag inform ng personal, sana man lang nagtext ka sa kanya bilang
respeto mo sa kanya. Si Sir Donards ay boss natin, imagine kahit galit na galit
na sya s’yo, at sobrang busy nya, sinusubukan nya pang magreach out s’yo, Jord
naman, ikaw pa ba ang susuyuin ng boss?????
Sige may sariling kang reason or
may sarili ka lang talagang mundo madalas, pero sana naman yung mga concern na
binibigay s’yo nung mga taong nagmamahal s’yo gaya ng friends mo eh bigyan mo
ng halaga, hindi sa lahat ng oras kaya kang intindihin,kaya kang i-save at
kayang mag adjust s’yo. Mukha kasing habang sinusubukan kang tulungan, lalo
mong pinapahirap yung sitwasyon, lalo kang lumalayo, masyado kang pakumplikado.
Hindi eto yung unang beses na ginawa mo ito ang magmatigas ng ulo, ang mandedma
sa mismong boss, ibang klase ang katigasan ng ulo mo at ibang klase din ang
pasensyang nabibigay s’yo, kaya siguro ngayon ang lakas ng loob mong ulit
ulitin yan. Sorry sa mga words ko ha, nakakagigil ka na kasi talaga. Lahat tayo
ay busy, lahat ay may pinagdadaan, personal, career, financial sa iba ay
i-dagdag mo pa yung lovelife, wala ako nun alam mo yun hehe…
Nakakapagoood naman na talaga,
siguro gusto mo lang muna talaga ng space sige mag isip isip ka muna, kung
hindi ka pa handang makipag usap muna kay Sir Donards, kahit simpleng message
man lang siguro Jord mag send ka naman sa kanya, pero syempre huwag mo syang
pag hintayin ng matagal ha, BOSS sya Jord. Wala kang choice kelangan mo syang
harapin at kausapin. Yung work natin sa ngayon, kahit nakakapagod na, minsan
gusto na nating sukuan at humanap ng iba, pero hindi naman ganun kasi kadali,
may mga ibang priorities tayo na maapektuhan kaya hindi pwede ang biglaang
decision ha.
Hindi ako mag eexpect na
magrereply ka sa akin, baka kasi wala lang akong mapala, baka nasaktan lang din
kita sa mga nasabi ko dito at gaya nung ibang sumubok nang gigil lang s’yo
…grabeeee ka kasi!"
Ate Cars:
"Jord, sana eh okay ka
lang. If you need someone to talk to, andito lang kami ha."
Jayson:
"Hi kuya jord. Whenever
you need someone to talk to eh andito lang ang cluster6.. Over a cup of coffee
perhaps. Hehehe. Ismayl. :)"
"Wag ng malungkot. Kung
ano man yang pinagdadaanan eh mas makakagaan pagshine- share. Hehe. Let go
kumbaga. Hehe."
No comments:
Post a Comment