Sunday, July 23, 2017

Hulyo 23, 2017


Hindi ako makatulog.

Alas-dose trenta’y dos na. Hindi ko alam kung wasak na wasak na naman ba ang sleeping pattern ko dahil sa sunod-sunod na mga araw na puyat o dahil sa nilaklak kong kape maghapon. Masakit ba ‘yung tiyan ko o masakit ‘yung dibdib ko. Hindi na naman ba tama ang timple ng kemikal sa utak ko?

May takot ako. Natatakot ako. Sa maraming bagay. Nagsapin-sapin na yata.  May maliit at may malaki. Kahit ayoko namang isip-isipin, nagsususmiksik sila sa utak ko. Isa-isahin na lang natin sila at pagurin ang isip ko’t antukin.

1. Pinaalala kasi sa’kin ni Alvin na sasamahan n’ya ko magpa-dentista. Iniisip ko pa lang sumisikip na ang dibdib ko. Ayoko ng turok, ng dugo, ng pait ng anestisya pero gusto ko nang ayusin ang mga ngipin kong parang buhay kong unti-unti nang nasisisra.

2. May mga proposals ako na parang hindi aabot sa deadline. Kahit hindi ko maubos ‘yung pondo ko ngayong taon basta maipasok ko lang ‘yung apat ko pang komunidad. Nape-pressure na ko sa mga sabay-sabay na gawain at sunod-sunod na deadline.

3. Sana maabot namin ‘yung financial targets ni Mama ngayong taon. Kahit na maraming patalastas ang buhay. Disiplina lang naman talaga at masinop na pamumuhay. Sana makapagbakasyon din kami sa Baguio kahit early January 2018.

4. Umuwi ako ngayon sa’min at sa lagay ng bahay namin, nakakatakot kapag bumagyo na ulit. Nakakatakot kung umapaw ulit ang dalawang ilog. Ang mga libro ko. Ang bubong naming tagusan na ang liwanag. Nakakatakot na parang walang balak mag-ayos ng buhay at bahay sina Mama.

5. Nakapagkuwentuhan kami ni JM, ‘yung financial adviser ko. Nagbayad ako ng full year insurance namin ni Uloy. Nakapagkuwentuhan kami ni JM ng goals. Nabanggit kong gusto kong mag-aral sa abroad o kaya sa UPLB. Pero sa abroad talaga 'yung gusto ko; ‘yung bigla ko na lang pinangarap mga 2 weeks ago. Nakakatakot lang ‘yung mga maaring patalastas na magpabagal o sumagabal sa pangarap ko.


Baka hindi ako handa. Baka hindi ko kayanin. Kapag hindi ko kinaya, ganito na lang. Gusto ko namang gawin lahat na maayos at plantsado. Kumbakit ba kasi lamukos na yata ang buhay ko. Package deal ba ‘yun sa pagtaas ng suweldo? Ang mas kailangan ko lang ngayon, makatulog ako at makabangon;bilangin ang panibagong araw ng pamamamalantsa. Hinahanap ko rin pala nasan ba 'yung kasiguraduhan ko, parang na-misplace ko na yata.

Nakakatakot sumablay. Nakakatakot mamili. Nakakatakot palang mangarap.

#

Dyord
Hulyo 23, 2017
Sitio Guinting, Lalig
Tiaong, Quezon


No comments: