Thursday, July 13, 2017

Umuwi Uli 2


Ngayon ko na lang ulit narinig 'yung agit-it ng bakal na gate nina Bo. Si Lola Nitz lang ang tao sa loob at napansin n'ya lang akong naroroon na pala nang magmano ako. Medyo mahina na ang pandinig. Naro'n din pala si Mrs. P at nasa Calauan lang daw sina Bo at Uloy pero pauwi na rin. Sabi ni Lola Nitz, nar'yan daw sa simbahan si Nika, tatawagin lang daw n'ya at kakain na rin naman. Naku, bawal ang pahuli-huli sa pagkain kay Lola Nitz.

Sa harap ng tv kami kumain ni Nikabrik. Hindi naman ako gutom pero kumain pa rin ako dahil gusto ko lang tikman ang Sinigang ni Lola Nitz. Minsan na lang din ako makakain ng lutong bahay, ng totoong pagkain, ng may sabaw.

Sa hapag, nagkukuwentuhan sina Mrs. at Pastor tungkol sa gamutan at mga kinakain ni Lola Nitz. Obserbahan muna raw kung sumasakit pa rin kahit iniinom naman ang gamot. Umiwas daw muna sa mga bawal na pagkain. Kumain ng tama sa oras kahit hindi nakakaramdam ng gutom. "Kung gusto n'yo naman ay kumain na kayo ng mga gusto n'yo, para 'pag kayo'y nawala ay busog naman kayo," singit ni Jet-jet.

"'Pag ako'y nawala kayo'y mami-miss ko." Nagbibilin na naman si Lola Nitz pero babawiin din maya-maya at sasabihing may layunin pa ang kanyang buhay. Sabay babanggitin kung saan n'ya gustong makibahagi sa mga ministeryo ng simbahan. Napaisip tuloy ako sa buhay kong parang malayo na at walang layunin. Hindi pa rin pala kami nakakapagpaturo nina Bo ng pagluluto ng Sinigang. Siguro kapag medyo nakaluwag na ako sa trabaho.

Pagkakain, habang abalang-abala akong dumudutdot sa aking cellphone, nanunuod ng tv, at nakikipagkuwentuhan; itiningala ni Lola Nitz ang mukha ko. "Bakit po Lola Nitz?" pero alam ko naman kung bakit.

"Wala lang, ika'y nimi-miss lang namin."

Madalas kong tanong, apo nga kaya ni Lola Nitz si Bo?


No comments: