Kuha sa dyip byaheng 'Lumot' (c) Dyord
Hindi
ako sumabay sa nirentahan naming dyip. Hindi rin naman kasi ako nagpalista,
inilista lang ako. Halos hindi rin kasi ako nakatulog buong magdamag. Mga
dalawang oras lang kaya imbes na ma-late silang lahat; nagbilin na kong ‘wag na’kong
intayin. Gusto ko rin talagang bumiyahe lang mag-isa.
Sinusubukan
kong i-hack ‘yung utak ko. Na oks lang naman dahil isang beses lang naman
nagti-team building ang Region. Na oks lang naman dahil isang beses lang din
nagki-Christmas party ang Region. Mga dalawang perform lang ‘yun; ng cheering
at special number. Dalawang beses ko lang ‘to mararamdaman sa loob ng isang
taon. Hindi naman siguro puputok ‘yung puso ko o biglang malulusaw na lang.
Dumating
ako sa Caliraya nang pasado alas diyes na. Medyo kinakabahan na ako. Maayos
naman ang suot ko. Hindi naman magulo ‘yung buhok ko. Pare-pareho naman kami ng
suot. Nakangiti naman sila pagdating ko. Pero bakit pakiramdam ko pinipisil
nang bahagya ‘yung left atrium ko?
Hindi
raw mapuputulan si Tita Digs ng daliri.
Nagpustahan pala sila ni Alvin kung darating ako o hindi at nakataya ang
kanilang mga daliri. Tumawa lang ako. Nagtiwala naman sa’kin si Tita Digs. Ano
ba raw ang masamang alaala ko sa Caliraya at ayokong balikan? Unang beses ko sa
Caliraya. Pero malimit akong makaramdam ng paninikip ng puso kapag mga ganitong
sitwasyon. Akala raw ni Honey talaga hindi ulit ako pupunta; referring to the
last year case. Ikiniling ko ang ulo ko at idinilat nang kaunti ang mata; “I’ve
changed. I’ve changed for the better.” Sabay tawa. Pero kinakabog naman ang
dibdib.
Iniisip
ko kung bakit hindi ko gusto ang mga ganitong events. Dahil ba nakokornihan
lang ako? Dahil kaya ma-pride lang talaga ko? Dahil ba hindi ako pinapasali ng
nanay ko sa boyscout dati? Dahil ba lumaki ako sa isang simbahang ngumingiwi sa
pagsasayaw-sayaw? Ako lang ba ang hindi kumportable at kinakabahan ng sobra sa
mga ganitong sitwasyon? Dahil ba introvert ako? Ang liit lang na bagay kung
tutuusin, pero sobrang BIG DEAL sa’kin.
Lalong
tumindi nung hapong pinaghiwa-hiwalay na kami sa mga kanya-kanya naming kulay.
Tapos nagpakilala isa’t isa. Tapos gagawa na ng cheering. Para akong kinakatay
sa loob kahit ngumingiti habang nagpapakilala. At dahil kapos sa oras, mamayang
alas otso na lang daw kami mag-practice ng cheering. Hindi na ako bumalik. Hindi
ko talaga kaya.
Nagkulubong
na lang ako ng kumot sa duplex. Sabi ko na uuwi na ako bukas. Bahala na. Nahihirapan
akong matulog. Naiisip kong kukunot na naman ang noo ni boss at ni Tsang. Lalo
akong nahirapang matulog. Naka-RSO ako, Regional Special Order na naman ang
babaliin ko. Mawawalan na talaga ako ng trabaho neto.
Parang
ako ‘yung paniki na nakulong sa loob ng duplex namin. Nabulabog nang may mga di
kilalang pumasok sa kwartong payapa lang s’yang mag-isa. Paikot-ikot na
lumipad ang paniki hanggang sa napagod at bumagsak na s'ya. At sa kama ko pa talaga. Pinadampot
ko agad kay Kuya Gibo para itapon sa labas ang paniki. Nakalaya rin s’ya sa
matinding takot at pagkabulabog.
Bukas
ako rin. Mas kailangan ko ng tulog ngayong gabi kaysa mag-isip kung saan ako
pupulutin pagkatapos kong umuwi. Buong maghapon na kong napapagod. Bahala na.
Baka kailangan ko na rin ng pahinga.
At
paghinga.
No comments:
Post a Comment