Thursday, August 31, 2017

Pinaka Matapat

Bata, Bata, Paano Ka Ginawa? ni Lualhati Bautista

Kay Lea Bustamante ng Bata, Bata, Paano Ka Ginawa? ni Lualhati Bautista

Parang pang kinder lang ‘yung award. Pero ‘yun ang pinaka lutang na katangian ni Lea Bustamante, na isang nanay ng dalawang batang magkaiba ang ama, nagtatrabaho sa isang human rights org, noong panahon ng rehimeng marcos.

Sobrang pelikula ng buhay ni Lea. Pero sobrang totoo lang din ng kuwento n’ya bilang nanay na may anak na magkaibang apelyido. Nagbibigay boses si Lea sa mga ‘di-karaniwang’ pamilya at pagiging totoo. Marami nga kasi sa’tin hindi pinag-uusapan ang mga usapin tungkol sa live-in at kung paano nga gumawa ng bata. Ang sinasabi lang ni Lea, pag-usapan dapat kahit ‘yung mga maseselan na usapin. Hindi dapat nililihim ang katotohanan kahit masakit at kahit hindi kumportable. Parang ganan.

Ang lakas ng tawa ko sa mga harapan nila ni Mrs. Zalamea, ‘yung prinsipal sa school na pinapasukan ni Ojie at ni Maya. Magkaiba nga kasi ng apelyido ang mga bata. At parang hindi maatim ni Mrs. Zalamea na may "ganun" sa "kanyang" paaralan. Hindi nagpa-intimidate si Lea sa mga bulung-bulungan at pamemiressure na ilipat ang isa n'yang anak ng eskuwelahan, she knows her rights. Ano nga ba namang gagawin? E ganun ‘yung sitwasyon.

Hindi ko jina-justify si Lea Bustamante. Sa tingin ko, ang nobela ay mas tungkol sa karapatan, kalayaan, at kahulugan ng pagiging babae o pagbibigay ng kahulugan sa sarili. Sabi sa nobela, nag-uugat ang relasyon ng isang tao sa kanyang lipunan mula sa relasyon n’ya sa kanyang sarili. Kaya hindi s’ya sumama kay Raffy noong lalabas ito ng Maynila para magtrabaho, parang mawawalan s’ya ng kaluluwa. Kaya n’ya nakilala si Ding at nagkaroon sila ng Maya at ni-label na "mag-asawa sa kama lang".

Hindi ito nobela tungkol sa kung ano ang moralidad o kung alin ang ‘dapat’ ganito or ganyan. Kahit naman si Lea, may paglalaban sa kalooban n’ya kung ano sanang nangyari kung pinili n’yang sumama kay Raffy, o kung may iisang tatay lang sana ‘yung mga anak n’ya, at kung hindi na lang s’ya naghanap ng sariling kahulugan bilang babae, bilang tao. Sobrang ma-feels ‘yung pagkikita nina Raffy at Ojie, pinagkaitan na lumaking may tatay si Ojie dahil sa mga pinili nilang landas. Aminado naman si Lea na may pagkukulang ito kay Ojie, iba pa rin ang may tatay.

Real talk din ‘yung sinabi n’ya kay Raf na "hindi mo mae-expect na lagi kang masaya kasi unfair ‘yun". Na minsan kapag malungkot si Lea, iniisip n’yang minsan naman naging masaya rin siya. Real talk din si Lea kapag gusto n’ya ng ano, na kahit babae nag-iisip ng anuhan. Kasi ang pagiging tao ay pagiging babae rin naman. E sa gusto n’ya e. Sabihin na nating feminista si Lea pero hindi naman ibig sabihin n’un ay man-hater s’ya. Though sa takbo ng nobela, she has all the rights to hate men. (spoiler alert!)

Maraming real talk at ma-feels na eksena sa Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?. Pinaka paborito ko na yata ‘yung sa ospital. Nakakalungkot na nakakaawa na natawa pa rin ako. Bakit nga? Kapag nagkita ang dalawang babae ng isang lalaki, nagsasabunutan. Nung nagkita ang dalawang lalaki sa buhay ni Lea, si Raffy at Ding sa ospital, ay s’ya pa ang pinagtulungan. At kapag may nangyaring masama sa pamilya, pabaya agad ‘yung nanay, kasalanan nung nanay, at dapat hindi nagtatrabaho ang nanay at nakatutuok lang sa mga bata. Hanggang sa nag-walk out s’ya at tumawag ng taksi. Pagbukas n’ya ng pinto napasigaw s’ya ng mura.

     Mula sa Nov. 8, 2016 blog post. Habang nagbabangayan kami sa isang conference tungkol sa napak-komplikadong info system ng Kagawaran, ay ginugunita sa Tacloban ang ikatlong anibersaryo ng pagtama ng Super Typhoon Yolanda. Nakita ko ang pic ni Sec. Judy Taguiwalo na nagche-check ng mga liquidation papers. At sa P 25.6 B na housing funds ay may natitira pang P 20.7 B. Mahirap naman talagang mag-disburse ng P 3 Bilyong piso sa tatlong taon lalo na kung conventional disbursement methods ang ginagawa nila. Pero kung hindi ito ipa-prioritize at sa ganitong klaseng disbursement speed, aabutin ng dalawang dekada bago matapos ipamahagi sa mga nasalanta ni Yolanda ang housing funds. Alam ba natin kung kailan ulit darating ang delubyo? O saka na lang ulit poproblemahin kapag nariyan na?

...

Nagkalat din ang #PrayforEight. Ngayon pala nagdedesisyon ang Korte Suprema at kasuklamsuklam na hindi sila pumanig sa hustisya. Parang wala na kong naririnig sa mga nagsasalita sa paligid. Nasaan ba talaga ang problema? Nasa akin? Nasa sistema? O nasa meryenda naming strawberry cake na kulang sa tamis?

Pagkatapos ng maghapon, umakyat agad ako sa 2106. Nagbukas ng TV at balak mag-channel surfing, malayo sa mga bali-balita. Nahagip ko si Ate V, alam ko na agad na si Lea Bustamante ang nasa CinemaOne kahit hindi ko pa napapanood ang 'Bata, Bata, Paano ka Ginawa?'. Basta, alam ko si Lea Bustamante nga s'ya. Nakakalungkot lang dahil patapos na 'yung pelikula. Nasa eksena na nagsasalita s'ya sa isang graduation ceremony at nagnanais na magpamana ng isang disente at makataong lipunan para sa mga bata. Mas nakakalungkot dahil parang hindi pa ito ang lipunang 'yun.

Rating:
For Family Goals
Highly Recommended Classic 
I-am-not-worthy-to-review
#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa/manonood, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Tuesday, August 29, 2017

Leading Man with Fewest Words

 Anthony Lagdameo from  That Thing Called Tadhana

Para kay Anthony Lagdameo ng 24A, St. Joseph Street, Project 8, Quezon City sa pelikulang That Thing Called Tadhana directed and written by Antoinette Jadaone.

Si Anthony (played by JM De Guzman,) ang naging instant travel buddy/throw pillow ni Mace Castillo (played by Angelica Panganiban) nang magkasabay silang umuwi mula sa Italy. Si Anthony nag-shut up ng isa sa kanyang bucket list - visit Colesseum, sadly hindi n'ya nakasama ang nanay n'ya dahil sa cancer; at si Mace naman ay umuwing luhaan matapos sundan sa Italy at malamang may iba na pala ang boyfriend nito for 8 years lang naman.

Si Anthony ay isang designer sa isang firm, graduate ng Fine Arts sa UP, naintimidate sa mga mas mahuhusay na kaklase kaya itinigil ang pagpe-paint. Hindi ko rin inexpect na medyo artsy ang pelikulang 'to. Mukhang soft si Anthony pero hindi 'yung tipong good boy o boy next door. Parang man with goals. Silent. May lalim. Hindi s'ya mayaman gaya ng maraming leading man. Hindi s'ya ma-abs pero hindi rin s'ya another JLC-type. Ang tibay at ang buo ng characterization ni Anthony, para sa'kin.

Habang ang lulutong ng mga mura ni Mace sa sinapit n'yang heartbreak, tahimik lang na sinasalo at pinapakinggan ni Anthony lahat. Minsan lang s'ya sumagot pero madalas honest truths. Hindi ka n'ya bibigyan ng to-do list or false hopes. Pero madalas tahimik lang din talaga s'ya. Siguro kapag tiningnan 'yung script, ang kapal-kapal na nung paragraph ng linya ni Mace tapos ang igsi lang nung kay Anthony. Parang hibla ng ham sa dalawang buns. Ang comforting kaya ng presence at silence ng kaibigan.

Hindi lang ito basta hugot movie ng taon (2014) e. Ang lakas makatanong sa sarili kung anong puwedeng maging ako kung ipinagpatuloy ko lang sana. Saan ako makakarating kung hindi ako tumigil?

 'yung biyahe sa Baguio, masahe, lakad sa Session Road, kain sa Cafe by the Ruins, silip sa BenCab Museum, at akyat sa Sagada; parang ano lang pagbubuo muli ng mga bagong sarili. Kina Anthony at Mace, pagbuo muli ng bagong puso, handang mangarap muli at umibig muli. 

Gustong-gusto ko 'yung toast nila sa Cafe by the Ruins: "To the great people we can become."

Maraming-maraming paraan para makalikha muli, sa heartbreaks lamang talaga ang creative people. We can recreate our hearts and redefine its beating. 

Rating:
For the broken and to-be-broken-hearted

       Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Saturday, August 26, 2017

Special Citation for Awareness

Ella Arcangel Tomo Una graphic novel by Julius Villanueva
Dagdag Pagpapakinis ni Mervin Malonzo
Published by Haliya Publishing

Kay Ella Arcangel ng Ella Arcangel Tomo Una, isang graphic novel ni Julius Villanueva at pagpapakinis ni Mervin Malonzo (published by Haliya Publishing).

Si Ella Arcangel ay isang simpleng bata lang sana sa isang simpleng baranggay na kung tawagin ay Masikap. Simple sana kung hindi nagsisiksikan ang mga maralitang taga-lungsod sa iba pang mga kagilagilalas na mga nilalang at kung hindi mulat si Ella sa dalawang mundong ito.

Ang baranggay Masikap ay gaya ng maraming squatters area or slums sa mga siyudad. Natatagpian ng iba’t ibang trapal ng pulitika at nalililuman ng nagtatatyugang mga gusali. Nang buklatin ko ang mundo ni Ella Arcangel, hindi ako nagandahan sa drowing, e ano ba namang kaibig-ibig sa mga barung-barong, masikip na eskinita, at mga maralitang taga-lungsod?

Suggestive ang pinag-ugatan ng gulo sa Brgy. Masikap ay ang paglagpas natin sa kanya-kanyang mga hangganan. May mga lumuwas mula sa iba’t-ibang probinsya malamang dahil sa kakulangan ng oportunidad doon, ngunit kinain lang din ng kahirapan sa lungsod. May mga hindi alam ang salitang co-existence. At sa Brgy. Masikap nagbuhol na ang mga suliraning paranormal, politikal, at sosyo-ekonomikal, kaya mulat na mulat si Ella Arcangel sa hirap ng buhay dahil volunteer s’yang nakikialam sa mga suliranin. Nakakatuwang makitang natutulog pa rin s’ya kadasig ng marami nitong mga kapatid.

Napapaisip nga ako kung bakit bata ang ginamit ni Julius Villanueva. Sa ganitong mga komunidad, pinaka bulnerable ang mga bata. Mukhang kailangan nating kuwestyunin ang tinatahak nating daan ng pag-unlad. Hindi dapat pag-unlad na may mga naiipit at nadadag-anan.

Rating:
Sistemang nangangain! (literally)
#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Thursday, August 24, 2017

Bagani Award

(c) Inquirer.net Entertainment

Kay Iyay ng Patay na si Hesus directed by Victor Villanueva at screenplay by Fatrick Tabada

Si Iyay na ginampanan ni Jacklyn Jose ay isang nanay ng tatlong anak. Isang trans, isang tambay, at isang may Down’s; lahat ay anak n’ya kay Hesus. Si Hesus ang first love n’ya at di gaya ng kasabihan patay na ito. Simula Cebu, sakay ang buong pamilya sa kanilang multicab, ay pupunta silang Dumaguete para sa lamay ng Papa nila.

Simula pa lang ng pelikula, kita mo na agad sa mata ni Iyay ang pagod. Madaling araw ‘yung business nila ng bago n’yang kinakasama ay bukas na. Hindi naman sinabi kung kailan s’ya nagkaro’n ng bagong kinakasama, pero sa mata ni Iyay, parang matagal muna n’yang itinaguyod ang mga anak at kinaya naman n’ya nang wala si Hesus sa buhay nila.

Sa biyahe mula Cebu hanggang Dumaguete, isa-isang mag-i-stopover sila sa kan’ya-kanyang problema. Problema ni Jude/Judith Marie. Problema ni Jay. Problema ni Hubert at ni Judas. ‘yung mga problema nila, problema rin ng marami sa’tin. At marami sa’ting problema ay prinoproblema rin ng mga nanay natin. Halong tawa at lungkot nga ‘yung nararamdaman ko kay Iyay habang nagkakagulo sila sa daan at sa loob ng sasakyan. Minsan magbubunganga s’ya. Minsan tatahimik na lang at bubuntong hininga.

Pero kahit anong mangyari, pupunta silang isang pamilya sa lamay ni Hesus. Determinado s’ya. Parang gusto n’yang ipakita na kinaya n’yang mag-isang itaguyod ang mga anak nila. Parang gusto n’ya ring sabihing siguro mas kinaya nila kung magkasama sila. Fighter naman si Iyay e, pero honest din na nabugbog din s’ya sa laban.

Ang ganda nung biyahe,  siguro dahil Bisaya ang setting at language. At ‘yung emosyon may mga biglang liko talaga. ‘yung malungkot ka, tapos magagalit, tapos biglang matatawa. Iba din si Iyay.

Rating:
Best Roadtrip
A Family Travelouge
#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Tuesday, August 22, 2017

Tularan Ako Award

‘Ang Hari ng Komyut’  ni Lizette Daluz

Kay ‘Ang Hari ng Komyut’ na komiks ni Lizette Daluz

Si ‘Hari ng Komyut’ ay isang ordinaryong Pinoy komyuter. Ekstra-ordinaryo yata. Pinakita sa buhay ni Hari ng Komyut kung anong pinagdadaanan ng mga komyuter sa lungsod. Ano-anong mode of trasportation, anong itsura ng lahat ng sasakyan, Sino-sinong mga nagiging kasakay mo sa araw-araw.

Nakakangiti ‘yung mga ala-alang nagtatrabaho pa ako sa Kamaynilaan. Kung paanong nakikipagsiksikan ako. Nalulungkot ako. Nagugusot ang polo at mukha ko sa banas. Nakikipag-unahan sa dyip. Nangingiti na lang ako sa lahat ng ala-ala ng tamis at pait ng pagkokomyut para lang makarating sa trabaho. Isa ito sa mga dahilan kumbakit sinabi ko sa sarili kong ayoko nang magtrabaho sa lungsod. Ever.

Pero si ‘Hari ng Komyut’ ay araw-araw nakikipagsapalaran, nagtiya-tiyaga, nagtitiis, lumalaban, kasi malapit na s’yang grumadweyt. At kung magtatrabaho pa rin s’ya sa lungsod ito pa rin araw-araw ang susuungin n’ya.

Ang komiks na ‘Ang Hari ng Komyut’ ay isang cute na protest art para sa’kin. Panawagan para sa mga dapat ikilos ng mga komyuters. Panawagan sa dapat ugaliin ng mga tsuper. Panawagan sa pamahalaan na maglatag ng mainam na solusyon para sa maayos at ligtas na kalsada. Panawagan sa buong lansangan na tao pa rin tayong lahat. Pare-parehong gusto na pumasok ng fresh at umuwi nang maaga.

O baka OA lang ako.

Rating:
Clap, Clap, Clap!
#Self-Development Goals
For Senator Grace Poe

#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Sunday, August 20, 2017

Pre Natal Award

Si  ni Bob Ong

Kay “______” ng Si na sinulat ni Bob Ong.

Si ______” ay isa sa mga kapansin-pansing karakter sa mga akda ni Bob Ong. Kahit hindi ko masyadong nagustuhan ‘yung pagkakakuwento ni Bob Ong dahil mala-MMK ang language n’ya rito, nagustuhan ko pa rin si… kasi tinapangan (o tatapangan) n’ya ang pagharap sa buhay, sumugal (o susugal) din sa pag-ibig, nagtaguyod (o magtataguyod) ng sariling pamilya, at gaya nating lahat uuwi (o nauwi rin) sa kamatayan dala ‘yung mga alaalang may iba’t ibang lasa. Ang payak lang.

Ipinakita sa buhay ni … na hindi naman lahat ng panahon maaraw, minsan maulap at madilim, mayroon pa ngang pag-ulan ng nyebe. Na hindi ko masyadong na-gets ‘yung metaphor. Siguro ay dahil sa sobrang lungkot? Kawalan ng pag-ibig? Ng buhay? Paki-explain sa’kin kung may interpretasyon ka sa pag-ulan ng nyebe. Hindi ko talaga nagustuhan ‘yung pagkukuwento pero wala naman akong maisip na ibang paraan para ikuwento ang buhay na hindi naman naibabalik kapag hindi mo nagustuhan ang nangyari sa nabuklat na pahina.

Sa mga mangyayari sa buhay ni … baka makita mo ang minsan mo nang naranasan o mararanasan pa lang. Baka magbibigay ka rin ng tumitibok mong puso sa isang babaeng may tapayan ng mga puso. Baka nanalangin ka na sa ospital. Baka nag-alala sa lumalaki mong mga anak. Nae-excite sa paparating na apo. Tumanggap ng lumayas na anak. Nag-date sa Luneta. Baka mararanasan mo rin ang dapat sana’y naranasan din n’ya kung nagkaroon lang s’ya ng pagkakataong magkaroon ng pangalan.

Malakas ang naging panawagan ng personang napagkaitan ng pangalan sa kakayahan ng pag-ibig na magbigay buhay at pag-ibig sa bingay na buhay.

Rating:
YOLO
#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

     May mga aklat kasi na pakiramdam ko wala akong karapatang gawan ng review kaya mas papansinin ko ‘yung karakter kaysa sa buong akda. May mga akda na mas naalala ko ‘yung karakter kaysa kuwento talaga. May mga akda na kinuha ko lang mula sa mga antolohiya. May mga tauhan na sobrang tao lang talaga. Bahagi ito ng pagpapakilala sa iba’t ibang akdang Pinoy ngayong Agosto.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Friday, August 18, 2017

Love Team Distinction

Alternative Alamat edited by Paolo Chikiamco

     Kay Alunsina at Tungkung Langit sa Keeper of My Sky  na short story ni Timothy James Dimacali sa short story collection na Alternative Alamat edited by Paolo Chikiamco.

     Ilang beses ko nang nadaanan ang kuwento nina Alunsina at Tungkung Langit pero itong kay Timothy James Dimacali ang pinaka ma-feels. Damang-dama mo ‘yung masidhing kagustuhan ni Tungkung Langit na makita si Alunsina sa hinaba-haba ng panahon. At halos guguho ang mundo mo kapag nalaman mo ang “mga bakit” na sa haba ng panahong nagpauli-uli sa isip ni Tungkung Langit si Alunsina ay hindi na nagbalik ito sa kanya at hindhi na magbabalik pa. Kailan-kailanman.

     Matapos kong basahin ‘yung maikling kuwento, napaisip ako sa nararamdaman ni Alunsina sa mga panahong umuulan. Kumakanta kaya s’ya ng Aegis habang nagpapakabasa sa ulan at nilulunod ng lungkot? My ulan will be sadder than ever.

Rating:
Tayo na lang Ulit Award
Storms you can't weather
On my own 
Mahihirapan kang bumangon
#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Sunday, August 13, 2017

Bes for All Season

(c) Typist.PH

     Kay Barbs ng Die Beautiful directed by Jun Robles Lana at screenplay by Rody Vera.

     Ang Die Beautiful ay tungkol sa buhay Trans na nagpabalik-balik sa mga flashbacks ng buhay ni Trisha na ginampanan ni Paolo Ballesteros. Si Barbs na ginampanan naman ni Christian Bables ay ang bff ni Trisha. Ang husay ng character ni Barbs sa pelikula, sobrang supportive. Agaw pansin si Barbs pero hindi nagpapansin, maganda lang talaga ‘yung character n’ya.

     Paborito ko ‘yung scene sa bintana, nakalimutan ko na kung anong pinag-uusapan nila, tag-isa sila ng bintanang inupuan at napupuwangan lang ng kapirasong dingding. Ang ganda lang. 

   Criteria for judging:

10% High school friend s’ya ni Trish. Hayskul layf na walang kasing saya ay may mga hayskul bffs na wala ring kasing saya. Medyo may madilim nga lang na karanasan si Trisha noong hayskul.

10% Makulay. Masaya lang sila sa mga raket, aura, at simpleng pagtambay. Pero hindi laging masaya, may mga bahagi rin na masakit. Pahit may mga madidilim na bahagi sila Barbs at Trisha, laban pa rin. Literal na laban, kontesera kasi sila mga gay pageants. Tinatakpan na lang ng concealer ang mga literal at figurative na pasa ng buhay.

40% Bes Supporting Role. Si Barbs handang makipagsabunutan para sa’yo kahit saang lansangan. Handa kang patirahin sa bahay nila anytime na maglayas ka. Handa kang kilayan sa panahong parang hindi mo na kaya. Kapag iniwan ka ng jowa mong pina-ilongan mo; isang katok lang si Barbs at puwede mo na s’yang iyakan.

40% Grace under pressure. Sa buong pelikula, sa mga major major setbacks sa buhay ni Trisha, parang si Barbs ‘yung isa sa may pinaka malaking stress. Mahirap mag-comfort ng kaibigang winasak ng pag-ibig ha. Hindi birong mag-asikaso ng burol sa Pilipinas dahil sa daming technicalities ng mga pamahiin natin. Lalong hindi basta-basta ma-conceal ang pugtong mata ng kaibigan.

Pinakita ni Barbs ang malaking pagpapahalaga nating mga Pinoy sa bilin ng namatay. Ang bilin ng namatay, kung kaya rin lang tuparin, ay parang utos ng hari. Higit sa lahat, kaya siguro kapansin-pansin din ang karakter ni Barbs ay pinatunayan n’ya na ang pagiging BFF ay ‘til death do us part din.

Rating:
Taas Kilay!
#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa/manonood, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Friday, August 11, 2017

‘Very Tita’ Award

A Bottle of Storm Clouds ni Eliza Victoria

     Anagolay in Ana’s Little Pawnshop on Makiling St.  ni Eliza Victoria.

    Isa sa mga short stories ni Eliza Victoria ang Ana’s Little Pawnshop on Makiling St.  sa kanyang A Bottle of Storm Clouds Stories na published by Visprint. Ito rin yata ang pinaka paborito ko sa kanyang mga akda. Nagustuhan ko ang mga short stories ni Eliza dahil sa mga feels nito. May mga akda si Eliza na minsan “teka, wait, uulitin ko” at “bakit, ganito ang daigdig?” na mga feels. Pero isa Ana sa mga tauhang hiniling ko na sana’y lumagpas pa sa maikling kuwento ang pagsasama namin.

     Si Anagolay ay ang goddess of lost things, para sa tipikal na Pinoy young adult na mas maraming kilalang Greek dieties, ang kewl naman. Akalain mo may diwata pala tayo para sa mga nawawalang itak, sandok, hikaw, pakaw, ng mga ninuno natin? Sa short story, may sanglaan/trading post/antique store/lost and found si Ana sa kahabaan ng Makiling St., sa mundo ng mga mortal, sa mundo natin.

     Naging Ana na lang ang Anagolay nang piliin n’yang maging mortal. Maganda, may bango, may mapagkalingang init si Ana at ang kanyang shop. Imagine, kung nawala ‘yung susi, flashdrive, o valid ID  mo at nasa kabilang kanto lang si Anagolay?

     Nakakapresko at nakakagaan ‘yung pseudo-pamangkin relationship nila ni Eric; high school student na naging part-time shop assistant ni Ana. Mula sa mata ni Eric, makikita natin na parehong mortal at imortal, lahat may pangangailangan. May hinahanap. May handang ipagpalit. Kada bukas ng pinto at kalansing ng bell, iniisip ko na agad kung anong hinahanap ng client o anong hihinging kapalit ni Ana.

     Kada sasambit si Ana, mag-aabang ka ng mga hiyas ng karunungan mula sa mahabang karanasan sa buhay. Baka hindi ko mamamalayan ang oras kung uupo kami sa saliw ng mainit na tsaa n’ya. Sobrang nakakatao at nakakaganda ‘yung pagiging intimate at personal ni Ana. Sobrang tibay n’ya sa kabila ng mga danas. Kaya lang kada ngingiti si Ana, parang ako ‘yung nakakaramdam ng sakit.

     Hindi kaya na-misplace na ni Anagolay ‘yung sariling kaligayahan?  O alam naman n’ya kung nasaan ‘yung kaligayahan n’ya pero sumuko na lang s’yang hanapin? Pakiramdam ko sa hininging kapalit ni Mariang Makiling; mas una na s’yang na-demolish sa loob-loob n’ya kaysa sa shop n’ya. Pero nakuha pa rin n’yang ngumiti kay Eric at magbigay ng pabaon.

     Tsaa pa nga!

Rating:
Talagang-for-rereading!

#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa, bilang Filipino, at bilang tao.

     Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Wednesday, August 9, 2017

Bagong Subaybayin Award

SAGALA ni Tori Tadiar

       Riel ng SAGALA na komiks ni Tori Tadiar.

     Si Riel ay nakababatang kapatid ni Constantino na kabilang sa Guardia na umiiral sa isang alternative hispanic Philippines na Islands of Hiraya. Si Riel ay isang pagbasag sa nakasanayan nating dalagang Filipina na mahinhin, mayumi, at mahina. Isang dalagang Filipina na may kulit, angas, at ambisyon; sinong hindi tatamaan? Naging kaabang-abang ang pag-asinta n’ya nang nakabihis ng modified baro’t saya.

     Masyado lang akong nabilisan sa fight scenes, nabilisan ako sa daloy ng panel. Mabilis lang din ang daloy ng pagkukuwento, pero naka-33 pages din pala s’ya nang hindi ko namamalayan. Sana lang din mas nakita ko ‘yung mga Filipiniana sa p.16-17. Gusto ko lang ding makalubog pa sa mundo at panahong umiiral si Riel. Details? Siguro sa mga susunod pang mga volumes.

     Kaabang-abang pa kung anong mga Filipiniana pa ang maisusuot ni Riel, anong mga baril pa ang kanyang kakalabitin, sino-sino ang mga aasintahin, at mga ilang kakulitan pa n’yang magpapalipat sa mga pahina ng SAGALA.

Rating:
So-nice-na-dapat-binili-ko-na-rin-yung-second-volume!
Script for keeps!

#

     Ang Gadingan Awards for Filifictional Characters ay isang pagkilala sa mga natatanging karakter sa mga akdang Filipino na nakasalamuha ko na’t nag-iwan ng kakaibang pitik sa akin bilang mambabasa, bilang Filipino, at bilang tao.

        Disclaimer: Ang Gadingan Awards ay isang award-giving body. Literal na nag-iisa lang ako sa pagpili ng mga karakter at apelyido ko ‘yung Gadingan. Nag-iisa ako sa gitna ng aking critic circle na binubuo ng mga boardmates kong langgam.

#BuwanngmgaAkdangPinoy

Gadingan Awards for Filifictional Characters