Saturday, March 31, 2018

Saan Maaaring Magpasa ng Akda?



   Tinipon ko ang mga lingguhang magasin na tumatanggap ng tula, sanaysay, maikling kuwento, para mas pag-igihin ang pagpapasa ng akda ngayong taon. Napipilitan rin akong i-revisit at i-revise ang mga nasulat ko na dati. Kaya maglakas-loob ka na ring magpasa sa mga sumusunod:

Liwayway:
-ipadala kay G. Perry C. Mangilaya, Patnugot, sa liwayway.mb@gmail.com
-maglakip ng bionote at picture
-tumatanggap ng dagli (300 words), tula (1 short bond paper), sanaysay/artikulo (5-7 pages short bond paper) at tandaang palaging naka-double-spaced

Bannawag Magazine:
-maaring ipadala sa bannawagmagazine.mb@gmail.com  ang tula, artikulo, at maikling kuwento sa Iloko. Siguraduhing nakalagay sa subject line kung anong akda ang ipinasa. 

Panorama:
-tumatanggap ng poetry at short stories (pero minsan may nakita rin akong nasa Filipino na tula)

Literary Life – Manila Times:
-ipadala kay G. Alvin I. Dacanay, Editor, sa literarylife@manilatimes.net
-tumatanggap ng poetry (1 page at double-spaced) at short fiction

Philippines Graphic:
-ipadala kay Alma Anonas-Carpio, sa litgraphic@gmail.com 
-tumatanggap ng poetry at short stories

   Hindi ko lang alam kung nagbabayad ang mga magasin na nasa listahan kayo na lang ang magtanong sa kanila. Kung meron ka pang alam na tumatanggap ng mga tula at iba pang akda, ipagbigay alam mo lang sa idyordnal@gmail.com para ma-update ko ang listahan at may makapagpasa rin ako.

   Sulat lang nang sulat (edit, edit, edit) at pasa nang pasa! 
   (May na-publish na kong isa - Wired)













Saturday, March 24, 2018

At-at, As in (Part 2)


   Lunchbreak: Pumasok ako ng Greenbelt. Hindi ko alam anong number. Mapapamura ka sa mga pagkain. Kasi kung hindi ka magfa-fastfood, gagastos ka ng two-fifty  pesos para sa matinong pagkain. Meron akong nakitang kunwariang shark’s fin na siomai with rice na 67 pesos tapos tubig na 20 pesos. Kung dito ko magtatrabaho, pangkain lang ‘yung suweldo ko. Ang init pa lumabas ng building.

   Marami pa akong natirang oras kaya pumasok muna ako ng National para tumingin-tingin at humipo-hipo ng mga libro. Pampakalma lang. Marami-rami na rin naman akong nabasang blogs, articles, at libro tungkol sa social development ah. The Careless Society ni John McKnight at When Helping Hurts nina Steve Corbett at Brian Fikkert. Baka puwedeng ma-consider ‘yun kahit hindi community development o social work ang diploma ko.

   “Any failing grades nung college?” tanong ng HR kanina. Inamin kong merong isa Elementary Stats at hindi ako grumadweyt ‘on time’. Kapag sinilip n’ya ang TOR ko marami rin akong tres. Kahit gusto kong mag-explain kung bakit, hindi na ako nagpaliwanag.

   “Bakit ka umalis?” habang iniisa-isa ‘yung employment history. Ang hirap ipaliwanag kasi may masasagi ka talagang negatibong bagay sa naturalismo ng trabaho sa gobyerno at ayaw ko namang magmukhang negatron. Pero anong sasabihin ko? Positibong dahilan? Ang hirap na nga ipaliwanag tapos Ingles pa. E gusto ko sanang magmura. Ipinaliwanag ko ‘yung abridged version na may lakip na sign language para maipaliwanag ko nang may kalinawan ‘yung byurukrasya. Pero mukhang bomalabs pa rin at negatron pa rin ako.

   Pinaka matagal ko nang naging trabaho ‘yung sa gobyerno; 1.5 years. ‘yung sa isang publishing corp. ano lang 5 months at ‘yung sa research study ay 3 months mahigit kasi natatapos naman talaga ang data gathering. Kung titingnan, nagkaroon na ako ng iba’t ibang lente sa social development, bilang journ, bilang acad, at bilang exec.

  Pero dahil wala akong tinagalan ng kahit man lang dalawang taon; to hire me is a risk. Mas nakakatakot pa kaysa sa nauubos na savings ang baka wala nang mag-risk sa’kin.

   Second interview: Hindi ito ang inapplyan ko. Natigilan ako.  Wala rin ito sa posting nila. Parang secret character unlocked. Pero alam ko ‘yung project, kasi nga binasa ko na ‘yung reports nila.

   Nag-usap kami nung head. Nasa parehas naman kaming wavelength. Mas kumportable na ko. Siguro dahil magkalapit ‘yung kurso namin at parehas kaming nasa ground. Nagtanong ako kung kumusta ang dynamics ng komunidad doon. At ramdam ko ‘yung passion n’ya sa ginagawa n’ya. Nagkuwento s’ya ng early experiences n’ya. Nagtanong ako nang nagtanong at sagot naman s’ya nang sagot. Hanggang sa naalala ko na ako nga pala ‘yung aplikante.

   Matapos ipaliwanag ‘yung trabaho, “wala naman akong problema,” sabi n’ya sa’kin. Naubusan na rin naman ako ng tanong. Tapos, ibinalik na n’ya ako sa HR. Kinamayan ko ‘yung HR ng mahigpit gaya ng sabi sa mga interview tips articles. T’saka pakiramdam ko nakabawi ako.

   Habang naliligaw ako pauwi at hindi ko alam kung saan sasakay papuntang Buendia, kinamusta ako ni Cerv. Nag-apply din si Cerv dito e. Mga isang buwan din bago s’ya na-interview. Magaling ‘to, hasa sa communications at haselan. May masasabing experience na mahaba. Pero hindi s’ya natanggap.

   Nakadalawang interviews din s’ya. Isa sa HR at isa rin sa project head.

#


Friday, March 23, 2018

Tinatamad Akong Tumula


Tinatamad akong tumula
Siguro dahil walang nangyayari
Siguro dahil barado
Ng ubo’t sipon
Napuro ng sakit ng ulo
Siguro dahil walang sigurado
Siguro dahil
parang hindi na
Ako ang tula sa daigdig
Mutyang kinadena sa dilim
Tulala at hindi
nakakatula
Nagmamaliw
at hindi tapat
Tinatamad ako
Tulala para tumula







Tumili.

At-at, As in



   Akala ko, wala na talaga. Halos araw-araw akong nag-antay. Walang dumarating na e-mail o text man lang. Isang gabing prinapraning na ako ng bumababang savings at tumataas na gastos kakagala, sabi ko hindi ako matutulog hangga’t hindi dumadating ang e-mail. Dalawang beses na ako nagpasa ng magkaibang curriculum vitae, isa ‘yung medyo walang accomplishments at ‘yung isa ay medyo may accomplishments. Nang gabing ‘yon, tatlong araw bago mag-monthsary ‘yung application ko, natanggap ko ‘yung invitation para sa HR interview sa Makati.

   Sa isang araw na agad ‘yung interview, pero matagal naman na akong naghanda. Nabasa ko na ‘yung annual reports nila. Ni-review ko ‘yung mga projects. Tinake note ang mga best practices nila. Sinulat ko pa nga ang Mision-Vision nila sa sticky notes ng laptop ko, to internalize. Sinalungguhitan ko rin ‘yung mahalagang values  para sa’kin. Wala akong inapplyang iba, kundi ito lang.

   Araw bago ang interview, nagpamasahe ako kahit konti na lang ang ipon ko. Kailangan magaan lang ako bukas. Dapat tahimik mula sa ingay ng labis na pag-iisip. Nagpa-hard swedish+thai massage ako para mapisa at mabali lahat ng alinlangan sa sarili.

   Pagkatapos niyaya ko ang Tita Mildred mo sa dept store. “Anong isusuot mo?” tanong n’ya. Iniisip ko nga ‘kako, magka-casual lang ba ‘ko, polo shirt na pula. Pula pero hindi pormal, parang offensive pero with reservations. Or mag-longsleeves, magpaka-corpo pero hindi naman ako kumportable. Baka ma-overdress naman ako. “Makati naman ‘yun,” sabi n’ya. Or baka hindi naman ako makasagot ng maayos dahil ayos ako nang ayos ng damit. “Basta mag-blackshoes ka, hindi ka magba-baranggay,” mahigpit n’yang bilin.

   Wala kaming nabili. May isusuot naman na talaga ko. Naglakad-lakad lang talaga kami. Sa pagod namin, naghapunan na lang kami. Sinagot na n’ya ang lasagna at idagdag ko na lang daw sa pamasahe ko ‘yung inaabot kong bayad. Pressure naman. Basta galingan ko raw at naniniwala s’yang matatanggap ako ro’n. Dapat lang dahil wala akong ibang mapupuntahan, wala akong plan B.

   Araw ng interview: Nag-text na ‘yung HR kung itutuloy ko pa raw ba ‘yung interview. Time check: 41 minutes late na ako. Nag-sorry na lang ako. Nahirapan akong kumuha ng taxi sa Magallanes. Palaging “trapik dun” kapag sinabi kong sa may Ayala Triangle. Pakiramdam ko basang-basa na ang kili-kili ko sa loob ng longslib ko. Mabuti naka-chinos ako na pantalon kaya kompotableng gumalaw-galaw.

   Hindi naman kagandahan ‘yung building. Hindi naman kagaraan ang mga corpo attire. Hindi naman ako underdress. Hindi naman ka-cozy-han ‘yung opisina, pero maganda ‘yung lighting. Pag-upo ko sa interview, kinabaduhan ako nang malma. Lalo na nang sabihin ng HR na “Relax, this is just an interview.” Nakakabingi ‘yung pintig ng puso ko.

   Nagpakilala ako at kung ano ‘yung position that I’m applying for. At sa di maipaliwanag na dahilan biglang nag-awol ang Ingles ko. Pati SVA ko, nag-sick leave. Dalawang beses n’ya akong hinila pabalik sa pag-i-English.  At kumbakit kasi nakakapag-Ingles lang ako nang tuloy-tuloy kapag nagagalit o kaya nagbibiro lang. Parang hindi tuloy totoo ‘yung nasa resume ko, na naging editorial staff ako at may campus journalism achievements ako dati.

   Di ko rin naman gets. Bakit naman sa Japan at Korea, ‘yung corporate life nila gumagamit ng sariling wika. T’saka akala ko may malalim silang pagmamahal sa bayan (sabi sa Our Values nila), bakit hindi sila magpagamit ng mother-tongue sa mga aplikante? ‘yung social media site nila nasa Filipino.

   T’saka ‘yung ilang mga tanong nasa resume ko naman. Dapat sana nagpa-essay writing na lang sila, kahit ten minutes lang, kahit about world peace o essence of a woman para ma-prove ko lang na marunong akong mag-Ingles. Nagkautal-utal talaga ako na parang estudyanteng natawag sa surprise recitation.

   Pag-upo ko pa lang sa interview, may kung anong something na bumubulong sa’kin na hindi naman ako magaling. Hindi mo kaya. Wala ka namang natagalan. Wala kang napatunayan. Mga ganyang self-doubt cliches. Samahan mo pa ng mga takot sa di pa nangyayari: paano kung tawaran ka, paano kung di ka matanggap, eh paubos na ang funds mo. Anong sasabihin mo sa mga naniniwala sa kakayahan mo? May pagtanggi-tanggi ka pa sa mga offers ng iba. Oy! Hindi ka ganun ka-special. May pagsasabi ka pa ng “know your self-worth.” Sige, magbasa ka pa ng mga you-deserve-so-much-more articles!

   Mabait naman ‘yung HR, naniniwala pa rin ako sa staffing intel n’ya. Kaya lang na-off ako sa isa n’yang tanong. Dapat sana di ko sinagot, bakit ko nga ga sinagot? Tungkol sa mga volunteer works ko. Hindi ko naman gustong i-flaunt ‘yon kaya lang, kung susumahin kasi ‘yung employment history ko kapos ako sa karanasan sa social development. Kaya nilagay ko na rin.

“What do you get in return?” sabi n’ya.
“Ha?” sabi ko. Nanlaki pa ang mata ko.
“I also learn,” sabi ko. Mga simpleng subject-predicate sentence lang nabubuo ko talaga.
“Something monetary?” follow up n’ya.

   Umiling na ko. Nanahimik na. Gusto ko nang sabihing, next question please. Volunteer works nga di ba? You have seen the need. You have something to contribute. There’s an opportunity to help. Just because there’s no money in return, eh you need to be r.k. first to volunteer.

   Hindi ko alam kung dapat bang ma-offend ako sa isa pa n’yang tanong; “What keeps you going?” Nakakalungkot na. Pero clinarify ko ulit ng “What do you mean?” At hindi naman ako nagkamali ng interpretation, tatlong buwan na raw akong walang trabaho, paano ako nabubuhay. Dapat sana ang isinagot ko ay “love keeps me going” o kaya “oxygen keeps me alive and thinking”.

   Hindi ko alam ang proseso ng recruitment at mga tamang itanong. Pero kasi parang hindi naman tama na ireveal ko sa kanya ‘yung savings at mutual funds ko, e hindi naman kami close. Mukhang hindi rin naman s’ya interesado kung kuwentuhan ko s’ya ng mga nabasa kong libro at napanood na indie films. “I’m auditing a digital wallet service para may maipamasahe man lang” na totoo rin naman sa kabilang banda. Para ‘wag lang masabi na wala akong ginagawa na may something in return, kahit barya.

   In the end, tinanong n’ya ako ng salary target ko. Sinagot ko nang nakataas ang isang kilay; “at least 30 thousand.” Hindi ko pa rin ibinaba ‘yung target ko kahit sabit-sabit ‘yung interview ko. “Paano kung hindi ko kaya, pag-isipan mo rin,” sagot n’ya habang may sinusulat sa resume ko.

   Pagkatapos, naramdaman ko na mas kailangan ko ‘yung trabaho kaysa mas kailangan ako nung trabaho. Pinagtanghalian n’ya muna ako bago mag-proceed sa next interview. Doon sa project na inoffer n’ya sa’kin, nand’yan kasi ‘yung head kaya magandang makausap ko na rin. Sulit na rin ang pamasahe at abala dahil makakadalawang interview ako.

Monday, March 19, 2018

Napanood ko ‘yung Amok

Amok, a film by Lawrence Fajardo

  
  Kapag lumabas ka sa mga kalye natin sa Maynila, may larawan ka na agad ng setting ng pelikulang Amok (sa direksiyon ni Lawrence Fajardo). Mistula itong antolohiya ng mga buhay na nagsusumiksik sa siyudad. Siyudad, o baka nga lipunan, na punong-puno ng pangangailangan, mailap na pagkakataon, mga peke, mga pangarap, mga pagkamuhi, takot, gusto, dasal, at iba pang mga nakaririnding anuman.

   Mahirap, masikip, at maalinsangan ang buong pelikula. Na para bang isang kalabit na lang, isang kalabit na lang talaga ay puwedeng matapos o tapusin na ang lahat. Gusto mo na lang kumawala o magwala, na maririnig mo sa kanta ng mga takatak boys, “masyadong mainit, umaabot sa singit”.

   Makapangyarihan ang katapusan ng Amok, lalo na ‘yung may nanganganak sa dyip. Nakakalungkot na ganitong lipunan ‘yung sasalubong sa bagong buhay. Gayunman, kailangan n’yang sumabay.

   Su-su-su-sumabay, kanta ng mga takatak.

Sunday, March 18, 2018

Trip to Tiaong: Palengkes



Linggo ng umaga. Tapat ng bagong palengke. Sakay na ako ng dyip papuntang Bantayan. May sasakay na lolang may bitbit na mukhang mabigat na eco-bag. Nakumpirma Kong mabigat nga nang tulungan ko s'yang sumakay ng dyip. "Ambigat po ah," bati ko. Abot-abot naman ang pasalamat ni nanay.

"'Pag  may pulis, pasok yang mga 'yan. 'Pag  walang pulis, hindi  nagsisipasok," sabi ni nanay.

Ngumiti lang ako.

"Nung isang araw sakay ako sa dyip  na kung di pa susutsutan ng pulis ay hindi  iikot," dagdag pa ni nanay.

Matapos ang ilang segundo, naisip ko na ang isyu ni  nanay. May lokal na ordinansa kasi na dapat iikot ang mga dyip papuntang San Pablo at papuntang Candelaria sa loob ng palengke. Pinaka  dahilan ay para maganyak ang mga mamimiling Tiaongin na sa 'bagong' palengke na mamili dahil hindi  na nila kailangang maglakad papasok ng medyo malayo.

Merong tatlong palengke ang Tiaong. Isang luma, isang bago, at isang talipapa sa Lusacan na may wet at dry goods market. May isang Puregold at may isang Savemore sa Citymall. May dalawang South Emerald Markets pa, na halos katabi lang ng lumang palengke at talipapa sa Lusacan. Hindi mo na kailangang lumayo pa para bilhin ang 'yong pakbitin.

Isyu rin sa mga manininda ang tumal ng mamimili lalo na nang nagkaroon ng pagsasaayos ng kanilang mga stalls na hinulog-hulugan. Mahirap mamuhunan nang may hulugan at mahina pa ang bentahan. Kaya  ginawa ang ordinansang dapat iikot sa palengke ang mga dyip.

Kumbakit hindi  naman maganyak na umikot ang mga dyip sa bagong palengke ay marahil nagsikip ang daanan dahil sa mga panindang lagpas na sa sakop ng tindahan at mga sasakyang nakaparadang alanganin. Tapos, 'yong bandang likod pa ng palengke, 'yung sa may karnehan, masakit sa ilong sa sobrang sang-sang. Doon lang din siguro itinatapon ang mga pinaglinisan ng isda.

Kahapon lang, nagbilin si Mama na baka makapunta pa raw kami ni RR sa tindahan. Pinarentahan na raw n'ya kay  Madam Ang puwesto namin. Hindi na kasi kakayanin ang araw-araw na tiket at hulog sa puwesto.


Saturday, March 17, 2018

Maikling Liham sa Mundong Mainam



Humingi ako ng natutunan ni Roy para sa aking participatory journal. Sabi ko, "first comes to mind". 

Paulit-ulit na pangyayari, na tila isang nakakabagot na teleserye.
Para saan ba ang lahat ng pagpapagal? Kung agdakay lahat nama'y mawawala't di magtatagal?
Pag-ikot mo'y itigil muna, at magtungo na lang sa panahong masaya, at ang mga mahal ay laging kasama

#

Roy
Marso 17, 2018
Takashima, Kagawa


Marso 16, 2018



   Umaga. Nag-check ako ng e-mail ng hinihintay na trabaho. Wala pa rin. Habang nagkakape ako’t nagbabasa, narinig kong may hinihilang sako ng mga plastik at bote si Rr. Pinupulot n’ya ang mga bote’t plastik mula sa daan, sa palengke, o kaya mula sa mga okasyon sa school. Inuuwi sa bahay at isinisilid sa sako.

   Maya-maya ay may isang manong na umimik na tatlong piso ang kuha n’ya sa lata at lima sa plastik. Hindi ko binuklat ang kurtina at pinapakinggan lang sila. Hindi naman alam ni Rr kung dadayain s’ya sa presyo, ang hangad lang n’ya ay makabenta mula sa inipong basura. Nakikipagtransaksiyon lang si Rr base sa tiwala.

   Dahil nagbabasa nga rin ako, hindi ko alam paano nag-umpisa. Pero nagkukuwento na ang manong. Galing daw s’ya sa Bacolod. Nakikiupahan sa Kuta sa halagang 500 piso kada taon at siyam na taon na raw s’ya dito sa Tiaong. “6,000 din ‘yun,” sabi n’ya. Mali pa ang kompyut. Hindi naman s’ya naiintindihan ni Rr. Alam ko nakaabang lang ito sa total revenues na inabot naman ng 53 pesos. Kulang pa sa inutang n’yang pabango sa palengke.

   “Masaya naman ako kahit kumita lang ng kaunti sa isang araw,” sabi pa ni Manong. Sa bahaging ‘yun baka naintindihan pa s’ya ng kapatid ko. Narinig kong isinako ulit ni Rr ‘yung mga hindi nabibili.

#

Dyord
Marso 16, 2018
Sitio Guinting, Lalig, Tiaong, Quezon

Thursday, March 15, 2018

Housewarming



   Unang beses lang ulit naming magkikita nina Tsang Lorie at Honeylette matapos kong mag-resign. O hindi mag-renew ng kontrata. Sasamahan ko silang maglipat-bahay. Nagkaroon nga kasi ng reshuffling, kaya bukod sa mga nagulo nilang buhay, nagsilipatan na rin sila ng bahay.

 Sa foam section ng supermarket kami nagpangita. Ang gwapo ko raw ngayon. Mukhang hindi raw ako nai-stress. Nakakainis daw. Hindi pa kako umaabot ng 8 hrs ang tulog ko n'yan. Hagalpakan kami like the old times. Ako na raw ang inspirasyon nila kapag sumunod na sila sa akin. Na malayo sa apoy ng gobyerno. Kahit hindi mo i-trigger, kusang lumabas sa kanila ‘yung hirap ng trabaho ngayon sa baba, sa field. Kaya ayokong magpakita sa kanila e, baka sabihin nanglalason ako. Nag-iisip sila kung ‘yung mas makapal ba pero mas mahal na foam ang bibilhin. “200 pesos na difference, o pneumonia?” sabi ni Honey.

  Nakakatawa kasi may dala nga si Tsang na Pineapple Yema Cake mula sa Rodillas. Nag-alog naman ng barya si Tita Mildred. Tamang-tama, kailangan daw ni Honey ng barya sa Lunes. Ako, sagot ko lang ang kuwento. Wala naman akong ibang kaya sa ngayon.

 Malaki yung nakuha nilang apartment. Magkasama si Tita Mildred at Sister Lui sa isang kuwarto. Si Tsang Lorie naman ay solo sa isa pang kuwarto. Hindi talaga 'yun hahanap ng kasama, mapamahal na sa upa. Si Honey, hindi nila kasama sa bahay, pampaingay lang at pantaboy ng masamang elemento. Bukas naman ang kanilang apartment para sa mga makiki-sleepover.

 Nagwalis-walis ako. Nagpanggap naman si Honeylette na marunong s’yang maglampaso. Nag-ayos ng gamit. Nagpunas ng bintana't pader. Nagkabit ng kurtina. Housekeeping muna bago ang housewarming. Naglagay si Tsang ng isang kurot ng asin sa sulok-sulok ng bintana. Pero bulabog na bulabog na ang bahay dahil nagsisigawan kami kahit ang lapit lang ng kausap.

 Ang dami naming napagkuwentuhan, at napagtsismisan. 'yung mga tsismis na wala ka naman talagang pakialam o interes, pero nakakalaki ng mata pag-usapan. Sino-sinong latest na magkaaway. Sino ang latest na mag-on. Sinong mga nahuling tumatakas. Kelan ang mga deadliest deadline? Ah, basta ako laya na.

   Parang ewan yung mga bagay na after n'yong pag-usapan, e wala namang nabago sa buhay n'yo.

   Gabi na kami naghain. Japanese-style, sa sahig lang kami nakaupo at ginawang lamesa ang mga storage boxes. Nagsapin lang ng manila paper at katalo na. May Jolly spaghetti kami, family pan. May litsong manok din. May mga matatam-es. Hindi namin natibag lahat kahit na ‘sing lakas ng kuwento ang kain namin.

   Doon na nga ako pinapatulog. Pero uwing-uwi naman ako sa'min. Abot pa naman ako sa last trip. Saka na lang ako kako makikitulog bago ako magsimulang mag-work ulit. Gusto ko na ulit maglipat ng bahay at mamuhay nang mag-isa.

   Sa tingin ko naman, nabuksan na namin ang bahay at maaari na ngang tirahan. At tingin ko rin, nakuha ko na ang basbas ni Tsang sa paglipat ng bagong trabaho.

#


Wednesday, March 14, 2018

Napanood Namin ‘yung ‘Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay’




Lilia Cuntapay in her evening gown (photo: CinemaOne)



     Napanood namin ni Rr, ang aking film buddy sa ngayon, ‘yung Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay na directed by Antoinette Jadaone.

   Kagaya ng mga tinatanong sa ambush interviews sa umpisa ng pelikula, napapaisip ako kung kilala ko nga ba si Lilia Cuntapay. Kasi parang pamilyar. Kahit ‘yung mga artista na nakatrabaho na n’ya, napapakunot nung narinig ‘yung pangalan. Tapos, sasagot ng hindi siguradong hindi.

   Nang ipalabas na ‘yung mukha ni Lilia Cuntapay, isang malakas na “aaaaaah, oo,” ang lumabas sa bibig ko. S’ya ‘yung nasa mga  Shake Rattle and Roll, Okatokat, at Magandang Gabi Bayan Halloween Specials. Laging aswang, white lady, hukluban, o mangkukulam ‘yung role. Ang pinaka distinguishing feature n’ya ay ang kanyang mahabang puting buhok.

   Parang dokyu-pelikula ang Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay, na iikot sa isang nominasyon sa kanya bilang Best Supporting Actress sa pelikulang Sangangdaan. Unang acting award n’ya kung sakali sa loob ng 30 years in the industry. Ipinakita kung ano-anong pelikula na ang pinag-artistahan n’ya at sino-sinong mga aktor at direktor na ang nakatrabaho n’ya. Nakapaskil sa ding-ding ng bahay n’ya ang mga movie posters, ‘yung iba drinowing na lang n’ya. Tawang-tawa ako sa drowing n’ya ng movie posters ng Delta Force 1 &2 ni Chuck Norris, mas malaki ang pangalan n’ya kaysa kay Chuck Norris. “Siyempre direk, bahay ko ‘to.”

   Kitang-kita mo ‘yung pride bilang artista. Walang maliit o malaking role kay Lilia Cuntapay. Kapag kailangan s’ya, hahanapin s’ya. “Nag-iisa lang ang Lilia Cuntapay, direk.” Pero pabalik-balik din naman s’ya para itanong kung may tumawag ba sa suking payphone para sa taping.

  Hindi ko alam ang personal economic struggles ni Nay Lilia, pero mas napakita ni Direk Tonet ‘yung uhaw nung matanda sa pag-arte. Ang struggles na ikinuwento sa pelikula ay kung anong hirap ang sinapit ni Lila Cuntapay sa mga shoot dahil hindi pa ganun kaunlad ang CGI.

   Tinanong ko rin pala si Mama kung kilala n’ya ba si Lilia Cuntapay. “Sinu ‘yun?!” mabilis n’yang sagot. Tapos, ipinakita ko ‘yung screen. Nagkuwento na s’ya. Kena Grandma pa kami nakatira noon, pinaalagaan ako ni Mama sa kapit-bahay at mamamalengke lang daw sila ni Ninang Tima, isa sa mga amo n’ya. ‘yun pala nasa San Pablo na sila at nanonood ng Shake, Rattle, and Roll. Si Manilyn Reynes pa nga raw ang bida at nang lumabas si Lilia Cuntapay sa screen, nagulat daw s’ya at napahampas ang kamay n’ya sa upuan. Umuwi tuloy na namamaga ang kamay.

   Mahusay si Direk Tonet sa halo-halong emosyon sa kanyang mga pelikula. May mga eksenang natatawa kami ni Rr at may mga eksenang naiiyak. Ang yaman sa emosyon at isyu ng buhay ng ‘Six Degrees’. Ang pinaka gusto kong lente ginamit ay sino ba si Lilia Cuntapay sa kanyang baranggay. Komunidad kung komunidad. Drama kung drama.

   Usapin din ito ng award. Sa mga direktor at artistang naka-breakthrough sa industriya, hindi na masyadong mahalaga ang award-award. Totoo rin naman na mahalaga ang award para maka-demand ka ng better price. Pero kung ikaw na 30 taon na umaarte at nagdesisyon na ngang magretiro, at wala ka pa ni isang award, ba, hindi na ito simpleng pagkilala lang. Confirmation na ito kung tama bang gugulin ang tatlong dekada sa buhay pag-arte. Affirmation na rin, sabay na. Lahat-lahat na! Ang conflict: bigating artista rin ang mga co-nominees. Sabay kaming naghahanda ni Lilia Cuntapay, s’ya ng speech at gown n’ya, ako naman ng damdamin sa puwedeng maging desisyon ng komite.

   ‘yung buong pelikula ay isang malaking parangal kay Lilia Cuntapay. Sa tingin ko rin naman ay isang karangalan para kay Direk Tonet na i-direk ang isang alamat. Nag-iwan din ng hamon ang pelikula, saan mo kayang gugulin ang buhay mo kahit na walang mga babasaging pagkilala?

      See her Wikipedia entry, please.



#



Friday, March 9, 2018

Trip to Tiaong: Hulog



   May job interview ako sa Makati kaya ang aga-aga kong sumakay ng dyip papuntang Diversion-Lalig. Mga bandang alas-sais pa lang. May kasuno akong dalawang lola. Maaga rin akong nakinig sa usapan nang may usapan. Ang lakas kasi nilang maghuntahan. Siguro’y mahina na ang pandinig at malakas pa ang ugong ng sasakyan.

   “Ala’y garne ang kanilang gawa: pagpasok mo’y wala noong plan na 36. Papipiliin ka sa trenta o sa kwarenta’y singko mil. Aba’y siyempre ikaw na anak, ang gusto mo’y maganda-ganda ang serbisyo sa’yong inay at ayaw mong mapahiya. Dudukot ka ngay-on ng siyam na libo.”

   “Ay wala naman iyon sa pulong”

   Modus daw ito ng isang purenarya. Nagkakabit lang ng sticker ng isang sikat na burial insurance plan pero ang totoo’y hindi naman accredited. Si kliyente naman, palibhasa’y aligaga nga’t namatayan ay mabilis kumakagat at nang maiburol na nga naman ang patay.

   “Ako’y siyam na hulog na laang at tapos na. Ang isusunod ko nama’y ang lupa d’yan sa Sanctuary,” pagbibida pa  ni nanay. Mukhang malapit nang maka-boundary sina nanay sa takbo ng kanilang usapan. Malalakas pa naman sila sa tingin ko.

    Kailan nga ba ako huling naghulog sa SSS, PhilHealth, at insurance? Kailangan ko na ulit palang sumuweldo at marami pa akong bubunuing hulog.  

#


Tuesday, March 6, 2018

‘Andun Ako sa Point ng Buhay Ko


   Tinatanong na naman ako ng journal ko kung anong realizations at learnings. ‘Ayun na-realize ko ambiles naman palang matapos ng Pebrero. Parang di ko namalayan. Pero naisipan kong patulan ‘yung meme na “‘Andun ako sa point ng buhay ko na…” kasi kahit papaano nalo-locate mo kung nasaang bahagi ka na ng circle of life.

   May mga pagbabago sa mga bagay na pinahahalagahan mo. ‘yung dating mahalagang-mahalaga ay mej mahalaga na lang ngayon. ‘yung dating di mo napapansin, nakatutok sa ulo mo ngayon. ‘yung hakuna matata mo ay nilunok na ng isang salitang ingles: bills.

   Ako, ‘andun ako sa point ng buhay ko na:

1.       Hindi ko na sinisisi ang stress sa work kumbakit ako malakas kumain.
Wala na akong work pero tumataba pa rin. Mabuti naman at may nakakain pa, pasalamat.

2.      Ang daming time at energy para sa mga gustong puntahan at subukan pero kaunting-kaunti na lang ang pera. 
Based on my experience, ang availability ng time at energy ay inversely proportional sa availability of funds.

3.      Habang bumababa ang adb ng savings ko ay bumibilis ang bpm ng puso ko.
Another inversely proportional ang current assets at heartbeat. Kamay sa dibdib and recite: “be still my heart and my stomach”. Kikita ulit tayo sooner. Tiwala lang.

4.      Every Piso Counts.

5.      Iniisip mo kung magaling ka ba talaga dahil wala pa ring reply sa e-mails mo.
Kahit auto-replies or acknowledgment receipt, wala.

6.      Ayaw mo nang mag-isip ng creative na sagot sa tanong na “Asan ka ngayon?”

7.      Hindi mo na alam kung nasang point ka na sa cartesian plane of life.
Parang papunta na sa Quadrant III.

8.      Ang dami kong time para sa Filipino Film Fest sa bahay.
Mag-intro-introspect kahit papaano. Salamat sa supplier ko ng mga kontrabandong pelikula. #lovelocal #supportfilipinofilms #waglangmagtorrent #spendsomesasine

   Makakapuntos din tayo.

#

Friday, March 2, 2018

Trip to Tiaong: Nakasuno


Nasa unahan nga ako ng dyip biyaheng Lipa nang may naulinigan akong bumanggit ng pangalan ko. Mahinhin pero malakas na “Jooord!” Paglingon ko; si Leanne pala. Binati ko rin namang pabalik si Leanne na nasa may puwetan ng dyip. “Tabi tayo,” alok n’ya. Pero wala akong balak lumipat ng upuan dahil paborito kong puwesto ‘yun.

Nagtanungan kami kung saan papunta at kumbakit naka-uniform pa rin ako. At kumbakit sala na naman ang kulay ng uniform ko. Parehas pa rin kami ng logo na nasa dibdib pero matagal na kong hindi sumusweldo. “Dito kaaaa” alok n’ya ulit dahil nahihirapang makipagsigawan. “Minsan na nga lang ako makaupo sa unahan” ang munti kong dabog habang bumababa ng dyip. Lumipat na nga ako sa tabi n’ya.

   “Kumusta ka naaa?” Oo, madalas mahaba ang huling syllable ni Leanne lalo na kung nagtatapos sa patinig. Para dalawang buwan mahigit pa lang naman kaming hindi nagkikita. Wala naman daw kasi akong nire-replyan sa mga nangungumusta. Paano, alam kong hindi naman talaga ako ‘yung kinukumusta kundi ‘yung buhay sa labas ng trabaho namin. Kung may buhay nga ba malayo sa apoy ng gobyerno.

   Ayoko sanang magkuwento masyado. Parang wala naman kaming pinagsamahan kapag hindi ako nagkuwento. Ayun, may workshop kapag weekends at nag-aaral ng Suzuki method. Lately bumiyahe mag-isa sa Baguio para sumali ng tournament ng isang Scrabble community. Nag-DR sa Albay. Nagvo-volunteer sa Garcia habang wala pang tawag.  Isang trabaho pa lang ‘yung ina-applyan ko, wala pa nga lang kalinawan. Hindi ko na binanggit na nauubos na ang ipon ko.

   “Ayoko na nga rin. Naghahanap-hanap na rin ako,” aniya. Tas, ikinuwento na n’ya ang mga updates sa programa na updated naman ako dahil ikinukuwento rin naman sa’kin nina Tita Cars at Tita Mildred. Lagi pa rin akong naka-CC sa mga directives at mga black memo. Pero siyempre, nakinig pa rin ako because I know how hard it is. It was na pala. “Umuwi nga ko sa’min (sa Lucena) at na-stress ako kahapon.” Mas na-stress ako sa layo ng Lucena at Alitagtag, Batangas. Sa pagkakatanda ko, mas malimit mag-express ng intent to resign si Leanne kaysa sa’kin noon pero nauna pa ako.

   Bago pa s’ya mag-resign nang wala sa oras pinag-usapan na lang namin ‘yung recent backpacking n’ya sa Indonesia. Hindi raw nagsusukli sa taxi. Hindi pa raw mahuhusay sa Ingles ang locals. Ang dami raw catcallers na napapamura na s’ya in Filipino. Pero mura ang cost of living at maganda ang mga isla. Kaya si Leanne ang aming official travel advisor. Kaya rin siguro ako natutong bumiyahe-byahe ay dahil sa lason sa trabaho.  

Maiksi lang ‘yung travel namin mula Tiaong hanggang Padre Garcia kaya hindi na namin napagkasya sa kuwentuhan ang lahat. Sabi ko, bago ako tuluyang mawala sa paligid ay magpapadala ako ng mga sulat sa kanila. Tinatamad pa lang ako magsulat sa ngayon pero may mga sobre na ako, last year pa.

Salamat kapatid sa kuwentuhan at libreng pamasahe! ‘Tungo sa marami pang biyahe’t bundok!

#