Sunday, March 18, 2018

Trip to Tiaong: Palengkes



Linggo ng umaga. Tapat ng bagong palengke. Sakay na ako ng dyip papuntang Bantayan. May sasakay na lolang may bitbit na mukhang mabigat na eco-bag. Nakumpirma Kong mabigat nga nang tulungan ko s'yang sumakay ng dyip. "Ambigat po ah," bati ko. Abot-abot naman ang pasalamat ni nanay.

"'Pag  may pulis, pasok yang mga 'yan. 'Pag  walang pulis, hindi  nagsisipasok," sabi ni nanay.

Ngumiti lang ako.

"Nung isang araw sakay ako sa dyip  na kung di pa susutsutan ng pulis ay hindi  iikot," dagdag pa ni nanay.

Matapos ang ilang segundo, naisip ko na ang isyu ni  nanay. May lokal na ordinansa kasi na dapat iikot ang mga dyip papuntang San Pablo at papuntang Candelaria sa loob ng palengke. Pinaka  dahilan ay para maganyak ang mga mamimiling Tiaongin na sa 'bagong' palengke na mamili dahil hindi  na nila kailangang maglakad papasok ng medyo malayo.

Merong tatlong palengke ang Tiaong. Isang luma, isang bago, at isang talipapa sa Lusacan na may wet at dry goods market. May isang Puregold at may isang Savemore sa Citymall. May dalawang South Emerald Markets pa, na halos katabi lang ng lumang palengke at talipapa sa Lusacan. Hindi mo na kailangang lumayo pa para bilhin ang 'yong pakbitin.

Isyu rin sa mga manininda ang tumal ng mamimili lalo na nang nagkaroon ng pagsasaayos ng kanilang mga stalls na hinulog-hulugan. Mahirap mamuhunan nang may hulugan at mahina pa ang bentahan. Kaya  ginawa ang ordinansang dapat iikot sa palengke ang mga dyip.

Kumbakit hindi  naman maganyak na umikot ang mga dyip sa bagong palengke ay marahil nagsikip ang daanan dahil sa mga panindang lagpas na sa sakop ng tindahan at mga sasakyang nakaparadang alanganin. Tapos, 'yong bandang likod pa ng palengke, 'yung sa may karnehan, masakit sa ilong sa sobrang sang-sang. Doon lang din siguro itinatapon ang mga pinaglinisan ng isda.

Kahapon lang, nagbilin si Mama na baka makapunta pa raw kami ni RR sa tindahan. Pinarentahan na raw n'ya kay  Madam Ang puwesto namin. Hindi na kasi kakayanin ang araw-araw na tiket at hulog sa puwesto.


No comments: