Saturday, March 24, 2018

At-at, As in (Part 2)


   Lunchbreak: Pumasok ako ng Greenbelt. Hindi ko alam anong number. Mapapamura ka sa mga pagkain. Kasi kung hindi ka magfa-fastfood, gagastos ka ng two-fifty  pesos para sa matinong pagkain. Meron akong nakitang kunwariang shark’s fin na siomai with rice na 67 pesos tapos tubig na 20 pesos. Kung dito ko magtatrabaho, pangkain lang ‘yung suweldo ko. Ang init pa lumabas ng building.

   Marami pa akong natirang oras kaya pumasok muna ako ng National para tumingin-tingin at humipo-hipo ng mga libro. Pampakalma lang. Marami-rami na rin naman akong nabasang blogs, articles, at libro tungkol sa social development ah. The Careless Society ni John McKnight at When Helping Hurts nina Steve Corbett at Brian Fikkert. Baka puwedeng ma-consider ‘yun kahit hindi community development o social work ang diploma ko.

   “Any failing grades nung college?” tanong ng HR kanina. Inamin kong merong isa Elementary Stats at hindi ako grumadweyt ‘on time’. Kapag sinilip n’ya ang TOR ko marami rin akong tres. Kahit gusto kong mag-explain kung bakit, hindi na ako nagpaliwanag.

   “Bakit ka umalis?” habang iniisa-isa ‘yung employment history. Ang hirap ipaliwanag kasi may masasagi ka talagang negatibong bagay sa naturalismo ng trabaho sa gobyerno at ayaw ko namang magmukhang negatron. Pero anong sasabihin ko? Positibong dahilan? Ang hirap na nga ipaliwanag tapos Ingles pa. E gusto ko sanang magmura. Ipinaliwanag ko ‘yung abridged version na may lakip na sign language para maipaliwanag ko nang may kalinawan ‘yung byurukrasya. Pero mukhang bomalabs pa rin at negatron pa rin ako.

   Pinaka matagal ko nang naging trabaho ‘yung sa gobyerno; 1.5 years. ‘yung sa isang publishing corp. ano lang 5 months at ‘yung sa research study ay 3 months mahigit kasi natatapos naman talaga ang data gathering. Kung titingnan, nagkaroon na ako ng iba’t ibang lente sa social development, bilang journ, bilang acad, at bilang exec.

  Pero dahil wala akong tinagalan ng kahit man lang dalawang taon; to hire me is a risk. Mas nakakatakot pa kaysa sa nauubos na savings ang baka wala nang mag-risk sa’kin.

   Second interview: Hindi ito ang inapplyan ko. Natigilan ako.  Wala rin ito sa posting nila. Parang secret character unlocked. Pero alam ko ‘yung project, kasi nga binasa ko na ‘yung reports nila.

   Nag-usap kami nung head. Nasa parehas naman kaming wavelength. Mas kumportable na ko. Siguro dahil magkalapit ‘yung kurso namin at parehas kaming nasa ground. Nagtanong ako kung kumusta ang dynamics ng komunidad doon. At ramdam ko ‘yung passion n’ya sa ginagawa n’ya. Nagkuwento s’ya ng early experiences n’ya. Nagtanong ako nang nagtanong at sagot naman s’ya nang sagot. Hanggang sa naalala ko na ako nga pala ‘yung aplikante.

   Matapos ipaliwanag ‘yung trabaho, “wala naman akong problema,” sabi n’ya sa’kin. Naubusan na rin naman ako ng tanong. Tapos, ibinalik na n’ya ako sa HR. Kinamayan ko ‘yung HR ng mahigpit gaya ng sabi sa mga interview tips articles. T’saka pakiramdam ko nakabawi ako.

   Habang naliligaw ako pauwi at hindi ko alam kung saan sasakay papuntang Buendia, kinamusta ako ni Cerv. Nag-apply din si Cerv dito e. Mga isang buwan din bago s’ya na-interview. Magaling ‘to, hasa sa communications at haselan. May masasabing experience na mahaba. Pero hindi s’ya natanggap.

   Nakadalawang interviews din s’ya. Isa sa HR at isa rin sa project head.

#


No comments: