Wednesday, March 14, 2018

Napanood Namin ‘yung ‘Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay’




Lilia Cuntapay in her evening gown (photo: CinemaOne)



     Napanood namin ni Rr, ang aking film buddy sa ngayon, ‘yung Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay na directed by Antoinette Jadaone.

   Kagaya ng mga tinatanong sa ambush interviews sa umpisa ng pelikula, napapaisip ako kung kilala ko nga ba si Lilia Cuntapay. Kasi parang pamilyar. Kahit ‘yung mga artista na nakatrabaho na n’ya, napapakunot nung narinig ‘yung pangalan. Tapos, sasagot ng hindi siguradong hindi.

   Nang ipalabas na ‘yung mukha ni Lilia Cuntapay, isang malakas na “aaaaaah, oo,” ang lumabas sa bibig ko. S’ya ‘yung nasa mga  Shake Rattle and Roll, Okatokat, at Magandang Gabi Bayan Halloween Specials. Laging aswang, white lady, hukluban, o mangkukulam ‘yung role. Ang pinaka distinguishing feature n’ya ay ang kanyang mahabang puting buhok.

   Parang dokyu-pelikula ang Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay, na iikot sa isang nominasyon sa kanya bilang Best Supporting Actress sa pelikulang Sangangdaan. Unang acting award n’ya kung sakali sa loob ng 30 years in the industry. Ipinakita kung ano-anong pelikula na ang pinag-artistahan n’ya at sino-sinong mga aktor at direktor na ang nakatrabaho n’ya. Nakapaskil sa ding-ding ng bahay n’ya ang mga movie posters, ‘yung iba drinowing na lang n’ya. Tawang-tawa ako sa drowing n’ya ng movie posters ng Delta Force 1 &2 ni Chuck Norris, mas malaki ang pangalan n’ya kaysa kay Chuck Norris. “Siyempre direk, bahay ko ‘to.”

   Kitang-kita mo ‘yung pride bilang artista. Walang maliit o malaking role kay Lilia Cuntapay. Kapag kailangan s’ya, hahanapin s’ya. “Nag-iisa lang ang Lilia Cuntapay, direk.” Pero pabalik-balik din naman s’ya para itanong kung may tumawag ba sa suking payphone para sa taping.

  Hindi ko alam ang personal economic struggles ni Nay Lilia, pero mas napakita ni Direk Tonet ‘yung uhaw nung matanda sa pag-arte. Ang struggles na ikinuwento sa pelikula ay kung anong hirap ang sinapit ni Lila Cuntapay sa mga shoot dahil hindi pa ganun kaunlad ang CGI.

   Tinanong ko rin pala si Mama kung kilala n’ya ba si Lilia Cuntapay. “Sinu ‘yun?!” mabilis n’yang sagot. Tapos, ipinakita ko ‘yung screen. Nagkuwento na s’ya. Kena Grandma pa kami nakatira noon, pinaalagaan ako ni Mama sa kapit-bahay at mamamalengke lang daw sila ni Ninang Tima, isa sa mga amo n’ya. ‘yun pala nasa San Pablo na sila at nanonood ng Shake, Rattle, and Roll. Si Manilyn Reynes pa nga raw ang bida at nang lumabas si Lilia Cuntapay sa screen, nagulat daw s’ya at napahampas ang kamay n’ya sa upuan. Umuwi tuloy na namamaga ang kamay.

   Mahusay si Direk Tonet sa halo-halong emosyon sa kanyang mga pelikula. May mga eksenang natatawa kami ni Rr at may mga eksenang naiiyak. Ang yaman sa emosyon at isyu ng buhay ng ‘Six Degrees’. Ang pinaka gusto kong lente ginamit ay sino ba si Lilia Cuntapay sa kanyang baranggay. Komunidad kung komunidad. Drama kung drama.

   Usapin din ito ng award. Sa mga direktor at artistang naka-breakthrough sa industriya, hindi na masyadong mahalaga ang award-award. Totoo rin naman na mahalaga ang award para maka-demand ka ng better price. Pero kung ikaw na 30 taon na umaarte at nagdesisyon na ngang magretiro, at wala ka pa ni isang award, ba, hindi na ito simpleng pagkilala lang. Confirmation na ito kung tama bang gugulin ang tatlong dekada sa buhay pag-arte. Affirmation na rin, sabay na. Lahat-lahat na! Ang conflict: bigating artista rin ang mga co-nominees. Sabay kaming naghahanda ni Lilia Cuntapay, s’ya ng speech at gown n’ya, ako naman ng damdamin sa puwedeng maging desisyon ng komite.

   ‘yung buong pelikula ay isang malaking parangal kay Lilia Cuntapay. Sa tingin ko rin naman ay isang karangalan para kay Direk Tonet na i-direk ang isang alamat. Nag-iwan din ng hamon ang pelikula, saan mo kayang gugulin ang buhay mo kahit na walang mga babasaging pagkilala?

      See her Wikipedia entry, please.



#



No comments: