Saturday, March 17, 2018

Marso 16, 2018



   Umaga. Nag-check ako ng e-mail ng hinihintay na trabaho. Wala pa rin. Habang nagkakape ako’t nagbabasa, narinig kong may hinihilang sako ng mga plastik at bote si Rr. Pinupulot n’ya ang mga bote’t plastik mula sa daan, sa palengke, o kaya mula sa mga okasyon sa school. Inuuwi sa bahay at isinisilid sa sako.

   Maya-maya ay may isang manong na umimik na tatlong piso ang kuha n’ya sa lata at lima sa plastik. Hindi ko binuklat ang kurtina at pinapakinggan lang sila. Hindi naman alam ni Rr kung dadayain s’ya sa presyo, ang hangad lang n’ya ay makabenta mula sa inipong basura. Nakikipagtransaksiyon lang si Rr base sa tiwala.

   Dahil nagbabasa nga rin ako, hindi ko alam paano nag-umpisa. Pero nagkukuwento na ang manong. Galing daw s’ya sa Bacolod. Nakikiupahan sa Kuta sa halagang 500 piso kada taon at siyam na taon na raw s’ya dito sa Tiaong. “6,000 din ‘yun,” sabi n’ya. Mali pa ang kompyut. Hindi naman s’ya naiintindihan ni Rr. Alam ko nakaabang lang ito sa total revenues na inabot naman ng 53 pesos. Kulang pa sa inutang n’yang pabango sa palengke.

   “Masaya naman ako kahit kumita lang ng kaunti sa isang araw,” sabi pa ni Manong. Sa bahaging ‘yun baka naintindihan pa s’ya ng kapatid ko. Narinig kong isinako ulit ni Rr ‘yung mga hindi nabibili.

#

Dyord
Marso 16, 2018
Sitio Guinting, Lalig, Tiaong, Quezon

No comments: