Thursday, March 15, 2018

Housewarming



   Unang beses lang ulit naming magkikita nina Tsang Lorie at Honeylette matapos kong mag-resign. O hindi mag-renew ng kontrata. Sasamahan ko silang maglipat-bahay. Nagkaroon nga kasi ng reshuffling, kaya bukod sa mga nagulo nilang buhay, nagsilipatan na rin sila ng bahay.

 Sa foam section ng supermarket kami nagpangita. Ang gwapo ko raw ngayon. Mukhang hindi raw ako nai-stress. Nakakainis daw. Hindi pa kako umaabot ng 8 hrs ang tulog ko n'yan. Hagalpakan kami like the old times. Ako na raw ang inspirasyon nila kapag sumunod na sila sa akin. Na malayo sa apoy ng gobyerno. Kahit hindi mo i-trigger, kusang lumabas sa kanila ‘yung hirap ng trabaho ngayon sa baba, sa field. Kaya ayokong magpakita sa kanila e, baka sabihin nanglalason ako. Nag-iisip sila kung ‘yung mas makapal ba pero mas mahal na foam ang bibilhin. “200 pesos na difference, o pneumonia?” sabi ni Honey.

  Nakakatawa kasi may dala nga si Tsang na Pineapple Yema Cake mula sa Rodillas. Nag-alog naman ng barya si Tita Mildred. Tamang-tama, kailangan daw ni Honey ng barya sa Lunes. Ako, sagot ko lang ang kuwento. Wala naman akong ibang kaya sa ngayon.

 Malaki yung nakuha nilang apartment. Magkasama si Tita Mildred at Sister Lui sa isang kuwarto. Si Tsang Lorie naman ay solo sa isa pang kuwarto. Hindi talaga 'yun hahanap ng kasama, mapamahal na sa upa. Si Honey, hindi nila kasama sa bahay, pampaingay lang at pantaboy ng masamang elemento. Bukas naman ang kanilang apartment para sa mga makiki-sleepover.

 Nagwalis-walis ako. Nagpanggap naman si Honeylette na marunong s’yang maglampaso. Nag-ayos ng gamit. Nagpunas ng bintana't pader. Nagkabit ng kurtina. Housekeeping muna bago ang housewarming. Naglagay si Tsang ng isang kurot ng asin sa sulok-sulok ng bintana. Pero bulabog na bulabog na ang bahay dahil nagsisigawan kami kahit ang lapit lang ng kausap.

 Ang dami naming napagkuwentuhan, at napagtsismisan. 'yung mga tsismis na wala ka naman talagang pakialam o interes, pero nakakalaki ng mata pag-usapan. Sino-sinong latest na magkaaway. Sino ang latest na mag-on. Sinong mga nahuling tumatakas. Kelan ang mga deadliest deadline? Ah, basta ako laya na.

   Parang ewan yung mga bagay na after n'yong pag-usapan, e wala namang nabago sa buhay n'yo.

   Gabi na kami naghain. Japanese-style, sa sahig lang kami nakaupo at ginawang lamesa ang mga storage boxes. Nagsapin lang ng manila paper at katalo na. May Jolly spaghetti kami, family pan. May litsong manok din. May mga matatam-es. Hindi namin natibag lahat kahit na ‘sing lakas ng kuwento ang kain namin.

   Doon na nga ako pinapatulog. Pero uwing-uwi naman ako sa'min. Abot pa naman ako sa last trip. Saka na lang ako kako makikitulog bago ako magsimulang mag-work ulit. Gusto ko na ulit maglipat ng bahay at mamuhay nang mag-isa.

   Sa tingin ko naman, nabuksan na namin ang bahay at maaari na ngang tirahan. At tingin ko rin, nakuha ko na ang basbas ni Tsang sa paglipat ng bagong trabaho.

#


No comments: