Sunday, March 29, 2020

Earth Hour


Earth Hour nga pala ng 8:30 n.g. pero nasa bahay ako, kami dahil sa quarantine. Mahirap mag-institutionalize ng environmental conscious practices sa sariling bahay. Magkasing hirap ito ng conservation ng isang buong protected area. Walang crede-credentials sa bahay, mas hindi ka pa nga pinaniniwalaan sa bahay e. 'yun nga lang pahihiwalay ng nabubulok at di nabubulok nagkakaaway na kami. 

Pano ka magpapaliwanag ng pagpapatay ng ilaw ng isang oras kahit di pa naman kayo matutulog? Para makabawas ng carbon footprint? Para sa climate change consciousness? Hello, nasa tabing-riles kami nakatira para lang may clue ka ng demographics namin.

Kaya hindi na lang ako nagsabi na papatayin ang ilaw ng isang oras mamayang gabi. Baka ma-bash pa ko ni Mama na ecofacist kapag dinaan ko sa dahas ang pakikiisa namin sa Earth Hour. Compromise na muna ako para sa kapayapaan. 

Habang nanonood kami ng pelikula sa laptop, nakabigla si Mama ng tanong. "Bakit kailangang magpatay ng ilaw?" Gulat ako deep inside. "Ma, buong mundo 'yan" sabi ko nang hindi sinasabi ang totoong dahilan; "at isang oras 'yang nakapatay." Nagmadali n'yang pinapatay lahat ng ilaw sa bahay pati na 'yung ilaw sa labas. Mukhang may mapapahiram ako ng debit card ulit ah. 

QQD14


Day 14, Sabado

Nagising ako na paiyak na nagpapaliwanag si Idon kung paanong nawala ang quarantine pass. Parang ikamamatay na namin sa gutom. Relaks, marami pang manok si Papa at hindi naman yata 'to mauubos bago ma-lift ang community quarantine. Pinag-uusapan namin ni Mama na di kaya iniisip ng baranggay na mayaman tayo? Wala ba tayong calamity fund kahit sa baranggay level? Anong eligibility ng indigent, may database sila? Malabo. Kinagabihan, sa ikalawang linggo ng quarantine, nakatanggap na kami ng 3kgs ng bigas. Inaamoy-amoy at hinalo-halo ni Mama ang bigas, inabot sa'kin ang ilang butil. Amoy bagong giling at bahagyang mahahaba ang butil. Pasado sa quality assurance!

Sabi ng kapit-bahay naming tanod, pagkakarami raw nilang ni-repack na bigas tapos pag-deliver sa bahay-bahay ay inulan pa sila ng reklamo. Well, package deal naman talaga 'yun sa serbisyo publiko. Hindi lahat, magpapasalamat. 

#SerbisyongMaisasaing

Saturday, March 28, 2020

QQD13


Day 13, Biyernes

Nakapag-apply ako sa isang home-based na trabaho. Parang keri naman ng data lang ang internet, sana wala masyadong mag-apply. Wala pa rin akong matinong natatapos ngayong araw. Tanghali na ako nagigising dahil puyat sa kakalaro ng Nintendo. Halinhinan sa Pokemon, Monster Hunter at My Time in Portia; Pokemon pa lang 'yung natatapos ko. Competitive battling na lang na nilalampaso ako ng ibang online players. Baka mga bata lang 'yung iba kong kalaban, badtrip.

Kinamusta ko si Axel. Binati ko lang dahil nakapag-post s'ya ng exhibit ng mga visual works n'ya at home quarantine. Nakakainggit, sana dalawin din ako ng mga musa. Ta's nag-reply s'ya ng screenshot ng isang article tungkol sa productivity anxiety during covid19 pandemic. Hindi mo naman kailangang piliting makagawa ng maraming bagay para masabing masulit ang panahon ng enhanced community quarantine, meron lang talagang iba-ibang coping mechanism ang mga tao sa panahon ng krisis. Pero kahit na nakakainggit pa rin 'yung may natapos. Napanatag lang ako nang sabihin n'yang malapit na ang deadline ng isang fellowship (na aapplyan ko rin at hindi pa rin s'ya nakakapagpasa. Yes, may katamaran pa rin. Damay-damay na. haha

Nakabalik na rin pala sa pagtitinda sa palengke si Mama. Siguro nakita ng munisipyo na lalong dumadami ang mga tao sa palengke dahil kaunti lang ang pinayagang buksan, 'yun lang may mga permit. Maaari na raw uli magtinda 'yung tungkol sa pagkain basta susulat lang ng promisory note na magbabayad na ng kabuuang halaga ng puwesto pagkatapos ng covid19. Nasa 33K pesos pa ang utang ni Mama sa palengke. Napakuwento raw si Mama sa taga-opisina nang kumuha ng vendor's pass, ayun pagbalik n'ya nakalimutan pala s'yang kuhanan ng promisory note. Balakayojan, wala kayong pinanghahawakan, sabay tawa n'ya. Pero s'yempre babayaran pa rin namin 'yun.

Kung 'yung iba nakakapag-visual arts to cope up, 'yung iba naman tiktok. Nakakaaliw panoorin sina pamangkids. Trained ni Lani, asawa ng kapatid ko. Proud din naman si Mama sa mga apo n'ya. Pero kapag kumare n'ya ang nakikitang nagtitiktok, todo bash. "Oh, areng si ano, wala nang ginawa maghapon kundi mangisay." Ang boomer ni Mama.


QQD12


Day 12, Huwebes


Bakit kung kelan lahat tayo walang trabaho, saka ang dami nating kinakain? Nung may hanap-buhay tayong lahat, walang makapagluto. Tapos, ngayon pagkain lang sa araw-araw ang iniisip natin, kaya naman pala bakit kapag andar tayo nang andar mas lalong ang dami nating kailangan.

"Ma, anong day na ngayon?"

Day of the dead. Kailangan nang bumili ng bigas. Bukod pa, ikatlong araw ko nang hindi naliligo. Hinaw-hinaw lang. Binu-boost ko ang immune system ko sa paggawa ng sariling ecosystem ng microbes saking balat. Nakakatamad kasi talaga. Kaya pala ang konti pa rin ng labahin ko, hindi na nadadagdagan.

QQD11


Day 11, Miyerkules

Pinadala ko na kay Mama ang atm ko. Tinatamad ako talaga maglakad. Sinamahan s'ya ni Uwe kahit isa lang ang quarantine pass at hindi pa nakapangalan sa kanila. Bilin na bilin ko sa kaparehong atm lang ng bangko mag-withdraw. Kapag na-debit pa 'yan ay hindi ko na alam. Happy naman s'ya. Mahalaga talaga na may cash in bank tayo for emergency purposes, pero sa mga ganitong klaseng krisis kakapusin na ang kinse mil lalo na't wala nang may hanap-buhay sa bahay. 

Sinulat ko lahat sa isang papel ang bibilhin at pin ng card. Ito lang ang pabili ko: sukang pinakurat, mang tomas, kikiam at bulak. Pagdating nila, inabot sa'kin ang sukli sa winithdraw na pera. Humingi lang ako ng tatlong daan tapos binigay ko na kay Mama lahat. Happy? 

Teka, nasan pala 'yung pinabili ko? Nagulat sila.

QQD10


Day 10, Martes

Dito talaga ako lubusang nakonsensya at tapusin ang pagtatamad-tamaran.Tinapos ko lahat ng emails at assignments. Mula pagkagising sa umaga hanggang gabi. Ang pahinga ko lang ay kain, banyo, kape; tapos uupo na ulit. Namapa ko ang systems ng lawa ng Taal na matagal nang nasa utak ko lang. 

Okay na, habang nagsisipag ka, lalong dumadami yung dapat tapusin.

QQD09


Day 09, Lunes

May sibol na ang mga kamatis, talong at melon. Napagalitan ng mga pinsan ko si Mama dahil nahuling nagtapon ng balat ng kung ano. "Tita! May pabulukan si kuya!" Pabulukan ang tawag nila sa compost bin. Sabi ko na, kayo ang naghahalo ng plastik sa nabubulok. Marami pang mailalabas na mga sikreto ng pamilya ang quarantine na 'to. 

Nagsulat-sulat lang ako ng konting assignment sa Benilde. Check ng e-mails pero hindi naman ako nagre-reply. Nakakatamad. Nintendo, anime, movies; hindi ko mapapanood 'yung ibang movies sa mga pinsan ko at hindi ko sigurado kung walang explicit content or baka hindi suitable for high school audiences; for example: capitalism.

QQD08


Day 08, Linggo

Maaga kami ni Mama na namaybay ng tabing-riles. Isa lang ang pass namin at ang daan lang papuntang Tagpuan na walang sisita ay ang riles ng tren. Mga trenta minutos na lakarin. Kailangan ko na makapag-withdraw ng pera. Gusto kong bumili ng sukang pinakurat, dilis, at gumawa ng graham. Isinama ko si Mama para dalawa kaming magbibitbit kasi may bibilhin pang bigas.

Mga halos kalahating dekada na yata nang dumaan kami sa kabilang tulay ng riles. Mas marami nang tao ngayon. Maraming nang barong-barong sa tabing riles, para lang ding bahay namin. 'yung iba may magagandang hardin sa harapan. Naabutan pa namin ang isang lola na namimitas ng sitaw at talong sa gulayang hardin sa harapan. Mabibilang sa daliri ng isang kamay ang magara ang bahay. Medyo marami pala kaming mapapalayas ng ferocaril kapag nagkataon.

Pagdating sa Citymall. Walang laman yung atm ng bangko ko. Ayokong mag-withdraw sa ibang atm ng bangko. May masama akong kutob. May isa pang atm sa loob ng mall. Kung hihintayin naming magbukas, maghihintay kami ng dalawang oras pa. Eh curfew na ulit! Ang sched ng curfew ay 5pm - 8am at 10am - 12pm. Ang bukas ng supermarket ay 10am. Dapat mamaybay kami ng riles ng bandang 2-3pm ng hapon para makapamili. Walang traysikel, mamatay tayo sa heat stroke Ma, hindi sa covid.

"D'yan ka na kasi mag-withdraw sa isa," kulit ni Mama. Alanganin ako baka ma-debit. Kelan pa yan maasikaso. Saan ako makikitawag ng telepono sa panahon ngayon kapag sumabit. Pumila na rin ako at kailangan nga. Paiyak na 'yung nasa unahan ko, kinain ng atm ang card n'ya at parehas kami ng bangko. Ano Ma, kapag nakain pa 'tong card ko lalo tayong walang kakainin. 

Naglakad kami pabalik ng palengke, namaybay na kami ng Maharlika highway. Babalik na lang kami kung kelan. May bumiyaheng traysikel, dalawa kaming sakay. May nadaanan pang naglalakad na mamamalengke; sumakay din. Puno na! Pagdaan ng brgy hall kumaway pa si Mama sa kakilalang tanod. Ano Ma, magpapahabol lang?

Bumili kami ng panggawa ng graham pero nakalimutan ang cream, itlog, bigas, kape, at poof! ubos na agad ang isang libo. Inutang muna namin ang pera ni Madam. Pagkagawa ng refrigerated cake, nagdala si Mama at Uwe ng ilan kena Ate Carla. Pinalitan ni Ate Carla ng alamang na may taba ng baboy. May dala naman si Papang kalahating kilong galunggong mula sa kumpareng konsehal sa ibang baranggay. 

Habang sumusubo ng refrigerated cake, nagkuwenta kami ng natitirang araw ng enhanced community quarantine. Mahaba-haba pa pala. At least, nakatikim tayo ng masarap bago tayo magutom sa Day 15. 

Narinig ko si Mama na may kausap sa call, "Akala ko baga hindi dapat magutom ang ating mga kababayan!" kino-qoute ang live broadcast ni mayor. "Every 4 days daw ang relief, ay 8 days na wala kaming natatanggap kundi quarantine pass." Tapang ni Mama, mamaya ka wala ka nang puwesto sa palengke.

May 380 cases na, kapag lumala pa ang bilang ng mga kaso, inaasahang lalong tatagal ang communtiy quarantine. 

QQD07


Day 07
Marso 21, Sabado

Nagising ako sa ring ng phone call: Maderhen ang sabi ng screen. Gumalaw ka na! Tatagpuin kita sa palengke. Oh, akala ko bawal kayong magtinda? May inaasikaso lang ako rito. Ano may traysikel? Natigilan siya. Eh, lalakarin natin hanggang Tagpuan? Ang sakit na ng paa ko kakalakad, kainit pa, mamaya na ngang alas singko. Pauwi na ko. Ginising lang ako.

Lumabas ako para magpa-load. Nakasalubong ko na sina Mama kabuntot sina Idon at Uwe na nag-usong sa dalawang crates na may mga gulay at prutas. Inilatag ang crates sa harapan. Nilagyan ng ginupit na linolium/renolium? Tapos, totoldahan na lang mamaya. May evacuation camp na kami sa labas ng bahay.

'yung mga prutas at gulay, ipinamahagi nung mga ipinasara ang tindahan sa palengke, kaysa naman tumuba at mabulok lang. Inasikaso rin pala ni Mama 'yung mga tauhan sa katabing wrapperan, ipinakiusap muna sa landlady nila na 'wag munang maningil at pangkain pa ng dalawang boy ay hirapan na at quarantine. Nagbilin din na kung walang-wala ay pumunta sa Guinting at puwede namang makikain. Naghain na ng almusal ang mga pinsan ko habang nagbabasa ako ng nobela at nagkakape. Naglabas din ng isang pitsel ng melon juice. Aba Ma, kailan pa tayo nag-juice sa almusal? 

May 262 covid19 cases na.

Naglaga lang kami ng saging at kamote para sa tanghalian. Halos brunch na kasi yung almusal namin pero nagdala si Kuya Ilek, kapit-bahay ng burong mustasa, tuyong dilis at isang lata ng corned tuna. Nagpasaing na ulit ako, magkanin na tayo sa meryenda. Ma, anong kakainin natin sa hapunan? 

Nakakainip pa rin. 

Saturday, March 21, 2020

Eyeball


Hindi ko alam kung paano ako nakarating ng SM North. Kung sinadya ko ba s'yang puntahan doon o dinaanan ko lang s'ya galing sa ibang pinuntahan. Ang alam ko sinadya ko s'yang makita. Parang excited na hindi, kasi bakit ko naman s'ya pupuntahan nang walang pasabi? Habang nasa Jac Liner galing Quezon, iniisip ko kung anong iisipin ni Rald.

Kaibigan ko si Rald nang sobrang tagal na sa facebook. Nagbabasahan ng mga sinulat. Nagpupulaan ng akda. Nagtutulakang magsulat sa isa't isa. Madalas, nagpapatamarang magsulat. Pareho kaming mahilig na mahilig sa libro. Kung paano ko s'ya na-add, hmmm baka sa isang comment section ng isang Bob Ong related post? Hindi ko na maalala, basta magkaibigan kami. Ngayon ko palang s'ya makikita ng personal, ng laman at dugo, nang hindi . Baka isipin nun interesado ako sa kanya o baka isipin n'yang magyayaya ako kung saan. Bahala na, kating-kati na rin ang paa kong lumakad nang biglaan.

Siyempre hindi ko tinanong kung saang floor at anong brand ang ibinibenta nya sa SM North. May ilang basic info ako: sales demo s'ya at 'yung pinost nya tungkol sa customer nya ilang araw lang ang nakalipas. Alam ko ang hahanaping brand, saulo ko rin naman ang tabas ng panga ni Rald. Pangahin na maputi.

Umakyat ako sa shoes section, sa men's shoes. Magpapanggap akong customer. Pero linsyak, s'ya pa unang nakakita sa'kin. Ang laki ng mata n'yang lumapit sa'kin tapos sinabi ang pangalan ko. Ako lang 'to. Ang awkward ni tanga. May itsura rin naman pala si Rald sa sales demo uniform. Hindi ko naisip kung ano palang sasabihin ko kapag nagkita kami. Nakatingin sa'min 'yung ibang sales demo. Pinakilala ako ni Rald, di ko na matandaan kung paano. Hindi ko rin pala naisip kung ano palang iisipin ng mga katrabaho n'ya. At hindi ko rin naisip na tatambay ako sa men's shoes section. Parang hindi okay na tumanggap ng bisita kapag sales demo ka. Pinaupo ako ni Rald sa upuang kutson kapag nagsusukat ng sapatos. Chatting na malapitan.

"Ang payat ko no?" si Rald. Napamangot ako na natawa kasi ano naman ngayon; katawan mo ba pinunta ko? Nagkuwentuhan kami kung paano ko s'ya natunton. Kilala naman na namin ang isa't isa so walang masyadong kuwentuhan akong natatandaan. Alam namin kung anong trabaho nang isa't isa. Madalas kung anong binabasa. Pero may ilang buwan din kaming di mag-uusap tapos magcha-chat nang pagkahaba-haba tungkol sa mga pangarap isulat na malilimutan din namin matapos ang ilang linggo dahil inuuod ng kasalukuyang ginagawa para makakain sa araw-araw.

Niyaya ko s'yang magmeryenda sa masarap sana kasi may sinusweldo naman ako mula sa gobyerno kaya kong manlibre. Closing s'ya ngayong linggo kaya gabing-gabi na ang awas. May 15 mins break lang pala sila at kailangan pa n'yang kumuha ng permit. Kasama 'yung paghahanap sa pa-star na bisor para sa permit sa 15 mins. Okay, kahit siomai? 

Bumili ako ng sapatos. Hindi ko alam kung brand ba n'ya 'yun. Ang pinakamahal kong sapatos na nabili. Balat na itim, pangmalakasang meeting for example sa mga local cheif executives at partnerships. Sabi n'ya tatagal na 'yan ng 3 years basta hindi araw-araw. Pinakuha ako ni Rald ng advantage card, sa compute n'ya malaking mababawas sa presyo ng sapatos. Isinukat ko ang sapatos, magaan at mabilis isuot dahil walang sintas. Inilakad ko, tunog mamahalin nga ang taguktok ng manipis na takong sa tiles. Maitatago na nito ang kahirapan ko, isang swipe lang sa counter.

Bandang alas-sais kami nagmeryenda. Mabilisan na yung paglakad namin. Kinakabahan ako dahil para kaming may tinatakbuhan o hinahabol. Kaunting minuto na lang yata ang natitira. At dumagsa ang tao sa may pagitan ng mall area at food court, at parang pelikulang nawala ko pa sa paningin si Rald. Linga-linga ako, babalik ba ako sa mall area o tutuloy sa food court? Teka saan ba yung food court? Unang beses ko pala sa SM North. Walang store finder. Baka ma-late pagbalik si Rald. Baka naman bumalik na si Rald sa puwesto n'ya dahil hindi n'ya ko makita. Hindi yata ako dapat bumisita. Feeling ko nahiya ko lang si Rald. Ilang minuto pa ba? Anong ginawa ko kasi sa weekend ko.

Lumitaw ang ulo ni Rald, kumakaway. Hindi nakangiti. Ilang minuto pa? May 5 minutes pa. Unang stall na nakita namin inorderan na namin. At kahit yata mainit-init pa ang kanin ay binanatan na namin. Babalik pa si Rald sa puwesto n'ya at uuwi pa rin ako ng Quezon. Pagkatapos ng hapunan. Nagpasalamat si Rald tapos nagpaalam na ako. 

Sa bus, inamoy ko ang bagong biling sapatos. Tinanong ang sarili kung masaya na nag-window shopping sa buhay ng iba. 


#


Matagal na kaming magkakilala sa chat. Isa sa iilang tao sa Internet at Facebook na itinuturing kong kaibigan. "Ka-FB-gan", mas gusto kong tawag. 'Di ko na rin maalala kung paano kami eksaktong  nagkakilala sa malawak na mundo ng social media. Basta, natatandaan ko noon na may pinost akong maikling kuwento sa Notes ng FB ko, at nag-comment siya sa sinulat ko. Hindi pa ako noon seryoso sa pagsusulat at pagkukuwento.

Nauubos madalas ang kuwentuhan namin sa pagpapalitan ng mga nabasang libro, sa mga manunulat na kilala namin pareho, at sa mga manunulat at libro na hindi man namin kilala, e pilit naming ipinakikilala sa isa't isa. May ilang beses na rin yata siyang nagyayang makipagkita. Ang totoo, noong mga panahong yon, takot pa rin akong humarap sa mga tao. Kahit kasi sabihing sa linya ng trabaho ko e humaharap ako sa  iba't ibang uri ng customer e hindi pa rin ako sanay makipagkuwentuhan nang personal. Kaya nga yata ako nahilig sa Internet, kasi dito, hindi mo kailangan ng mukha. Hindi malalaman ng kausap mo kung gaano na karami ang butil ng pawis na namumuo sa iyong noo at anong parte ng katawan mo ang nanginginig. Kaya madalas, nauuwi lang ang lahat sa "Hahaha" at nahihiyang pagtanggi.

Kaya noong araw na yon, wala akong kaide-ideyang magkikita kami sa unang pagkakataon. 'Di ko maalala kung anong araw, pero ang natatandaan ko lang ay nakasuot siya noon ng gray na pantalon at kung hindi ako nagkakamali e classic na low cut black na Converse. At oo, meron siyang scarf, paano ko makakalimutan yung scarf? Partikular ako sa mga sapatos ng mga tao. Ewan, pero laging sapatos ang una kong tinitignan sa isang tao. Siguro dahil na rin sa tindahan ng sapatos ako nagtatrabaho o pwede rin namang dahil madalas akong nakayuko at nakatingin sa sahig.

Bandang alas singko na noon. Abala kami sa pagkukwentuhan ng mga katrabaho ko nang matanaw ko siya sa di kalayuan. Di ako pwedeng magkamali... si Jord yun. Tinanguan ko siya kasabay ng isang "Uy!" na parang matagal nang magkakilala. Pinaupo ko siya sa fitting chair at sinimulan namin ang kwentuhan tungkol sa kung anu-ano matapos ipakilala sa mga kasama. Nahihiya pa rin ako pag inaalala ang araw na yon dahil hindi ako nakapaghanda. Minsan iniisip ko, gaano ba kaiba ang itsurang ipinapakita ko sa Internet kumpara sa tunay na buhay? Ayos lang ba ang ayos ko nung mga oras na yon? Lukot ba ang uniporme ko at kupas ang sapatos? Kahit hindi ka partikular sa itsura, may mga sandali sa buhay mong mako-concious ka na lang bigla.

Mayamaya pa, makalipas ang ilang maiikli (at medyo awkward) na kuwentuhan, umikot siya at tumingin-tingin sa mga sapatos. Akala ko nagbibiro lang, pero bibili pala talaga siya. Tamang-tama dahil wala pa yata kami noong benta. Inalok ko rin siya ng SM Advantage Card... dahil well, hindi sa pangse-salestalk, pero marami naman talagang benepisyo ang nasabing card.

Maya-maya, nag-aya siyang kumain. Patay. Hindi naman sa ayaw ko, pero naisip ko na masyadong maikli ang libre kong oras. Tapos na kaming mag-lunch at may trenta minutos na lang ako para sa merienda break. Sinilip ko ang oras... kaya ba? Pero minsan lang naman 'to, at sino ba ako para tumanggi? Lalo na kung libre? Hehe.

Tinakbo ko ang locker palabas ng employee's entrance. May ilang minuto rin akong inabot dahil kailangan pang humingi ng pass na kailangang papirmahan sa kaitaas-taasan kung kakain ka sa labas. (Inalis din ang patakarang ito kalaunan matapos may magreklamo sa SM San Lazaro.) Saka ako tumakbo diretso sa Food Court. May ilang minuto rin ulit kaming hindi nagkakitaan. At medyo natagalan pa ulit sa pagpili ng kakainin. At mabilisan lang ang pagkain dahil hinahabol ko ang oras. Nakakahiya, dahil libre na nga ako, minamadali ko pa ang pagkain namin. Pero alam kong maiintindihan naman ni Jord yun.

Pagkatapos ng araw na yon, narealize ko na hindi naman pala laging magulo ang Internet. Kung magiging mapili ka, marami ka ring mga mabubuting tao na makikilala sa malawak na mundo ng World Wide Web na pwede mong maging kaibigan sa tunay na mundo at di lang sa likod ng mga pixelated na screen, emoticon at GIF.

Rald
#


QQD06


Day 06
Marso 20, Biyernes

Bandang alas nuwebe na ako nagising. Naglaba ng limang pirasong damit. Nag-Nintendo and Chill buong maghapon. Wala akong inaasahang masulat nang matino maliban doon sa writing prompt na ibinigay namin ni Rald sa isa't isa. Nanood ng pelikula, the modern classic na Four Sisters and a Wedding, para lubos na ma-appreciate nina Uwe at Idon, mga pinsan namin, 'yung meme harvest mula sa pelikula. Iyakan sila sa 'Ma, sorry Ma' scene ni Teddy.

Hinatid na pala sa'min ang home quarantine pass, salamat kay Ninong Joel na baranggay tanod at laging nagche-check in sa bahayan namin kapag may kalamidad. Wala gang relief 'nong? Kay Papa nakapangalan ang pass. S'ya ang bibili ng pagkain. So far, hindi pa naman kami nagdedelata. Puro gulay, walang karne. Tuyo, isda, alamang, sumakit na ang tagiliran ni Papa pero alak pa rin sila ni Tito Edi. Collab ng dalawang Chef Bay ang almusal at tanghalian namin, hindi ko alam bakit 'Bay' ang palayaw nila bukod sa magbayaw sila. "P*chang covid yan," si Papa nanghihinayang dahil sa umpisa na dapat s'ya sa bagong paggaguwardiyahan sa San Pablo. May checkpoints sa mga pagitan ng mga bayan.

"Puwede kayang pumunta sa palengke?" si Idon, inip na inip sa bahay. Ay hulong kako at dadalhan ka na lang ng maluto sa munisipyo kapag kinalaboso. At lumabas nga silang tatlo ng kapatid ko. Hulong ang mga rebelde at tingnan n'yo ang sitwasyon sa labas. 

Bandang hapon tinawagan ako ni Mama. Mag-withdraw ka. Pano wala akong pass? Hindi na ako makakatinda, binawasan ni Mayor ang manininda sa palengke, 'yung fully paid sa permit. Patay na tayo nare. Patay agad? Hiramin mo ang passes sa Papa mo. Nasan si Papa? Bakit kasi s'ya pa ang may passes, wala naman s'yang trabaho at savings. Mamaya na pag-uwi n'yo tayo mag-strategize. Aabutan ako ng curfew kapag nilakad ko hanggang Tagpuan para mag-withdraw.

Bago matulog, nanood ] kami ng Jojo Rabbit ni Taika Waititi. Bakit parang sine-celebrate nila si Hitler, di ba diktador yan? Magkaiba pa ba ang Nazi sa Communism? Bakit binigti ang mga Jews? Bakit parang ang saya pa ng mga tao sa threat ng panibagong giyera? "PARANG WALANG NATUTULOG DITO AH!" at pinatahimik kami ng sarili naming diktador sa bahay. 




QQD05


Day 05
Marso 19, Huwebes

Gustoooo kong lumabas. Mag-travel, mag-hike, mag-beach. Kahit san, wag lang sa bahay. Naglinis si Idon ng bahay, mula sala hanggang kubeta. Nagpalit din sya ng kurtina. Tapos, at the end of the day, inip na inip pa rin 'yung pinsan ko.

Pag-uwi ni Mama excited nyang sinabi na huhulihin ng pulis ang lalabas nang walang passes. May control number kaya bawal dayain. Ipinakita pa n'ya yung facebook post ng lokal na pulisya; "...MAY MGA NAKAKULONG NA RITO," ang sabi ng post. Ihahatid ng mga taga- baranggay ang quarantine pass pero isa lang kada pamilya. Ang tulong na mula munisipyo na ibibigay ay para lang daw sa indigent families. Baka pwede mag-avail ng premium pass? 'yung unli-kilometers sa gala? 

Wait, pa-2 days ko nang di naliligo. 

QQD04


Day 04
Marso 18, Miyerkules

Wala ring magawa kena Bo. Naghahalinhinan lang ako sa tablet, laptop at phone. Nakakabagot din ang news feeds at Youtube. Walang gawaing bahay kena Bo, ultimo paghuhugas ng pinggan di ka pagagawin. Kinakatok lang kami sa kwarto ni Uloy para kumain. 

*tok tok. "Almusal na raw," si Bo.
*tok tok. "Kakain na raw," si Bo.
*tok tok. "Hapunan na raw," si Bo.

Fatterner na kami ni Uloy. Nakakainip din. Umuwi na ako ng bandang hapon. Lakad ako mula Lusacan hanggang Lalig, mga ilang kilometro lang naman, mga apat siguro. Wala nang bumabiyahe nga. Ang linis ng kalsada. May mga militar sa may munisipyo. Wala na, ni karinderya o siomayan para kainan. May maliit na botika na bukas. Ang tahimik ng bayan.

Tumawag pala si Mama, padalhan ko raw ng pera si Vernon. Wala nang isang daan ang pera ko sa pitaka. Pagdating sa bahay, naghapunan kami ng kalabasang may noodles. Tinanong ko ang account number ni Vernon, pareho naman kami ng bangko, i-online ko na lang. "Wala, nakasangla ang atm nun," sabi ni Mama. 

QQD03


Day 03
Marso 17, Martes

Nakakuha rin ng lakas para magbangko. Pagdating ko sa bangko, parang may pa-relay. Isa-isang lumilipat ng upuan na malalayo ang agwat. Social distancing nga, pero sa loob ng supermarket ay siksikan na sa pila. Nagpa-panic buying ang mga tao. Bibili sana ako ng sukang pinakurat at tuyo kaso, dumaan pa sa clearing ang pera ko. Nakalimutan ko pa mag-withdraw.

Sa palengke, marami ring namimili. Nagkaubusan na ng saging. May kumalat kasi na video na nakakagamot diumano ng covid19 ang saging. Sabi ni Uwe, pinsan ko, ayun mula 60 pesos ay naging 100 pesos ang kilo ng saging. "Ang mga tao talaga imbes na magtulungan ay nanamantala pa" ang yawyaw ng mga mamimili pero bibilhin pa rin naman kahit hilaw pa ay binibili na. Sabi pa raw nung iba ay hindi naman sila naniniwalang nakakagaling ang saging, tumatagal lang talaga at mabigat sa tiyan. Pero hindi nauubos ang kamoteng kahoy at baging, hindi rin tumaas ang presyo.

Dumeretso ako kena Bo para tumambay. Inip na inp ako. Pinagbihis ako ni Lola Nitz pagdating at pinag-alcohol. Bawal nang gumala. Nagpadala at sumagot lang ako ng mga importanteng e-mail tapos nag-update ng blog. Naglaro na ko ng Switch hanggang antukin. Nakitulog na rin ako kena Bo.

Wala pa rin kaming kumpirmadong kaso ng covid19. 

QQD02


Day 02
Marso 16, Lunes

Iniisip ko pa kung saan ako magpapapalit ng tseke; sa Lipa sana para walang clearing o sa amin na lang para malapit. Kaya lang may checkpoints na raw sa Lipa. Kung di ka man maging person under investigation (PUI) e aabutin ka ng trapik kasi lahat ay binabaril ng thermal scanner at tinatanong saan pupunta. May kaso na rin sa Mediatrix ng covid19, sukdulang pati ang pangalan at picture ng pasyente.

Mukhang kailangan na raw bumili ng pang isang buwan na pagkain dahil mukhang aabot na sa forced quarantine dahil nasa 140 ang covid19 cases ngayon. Hindi ako nakapagbangko. Ngayong araw, naglaba lang at nag-asikaso ng mga bagong sibol na punla ng talong. Nagbasa ng kaunti sa nadampot kong nobela.

Nagpagupit din pala ako, nasaktuhan ko ring bukas ang barbero ko. Habang naghihintay akong sumalang, napanood namin ang anunsyo ng enhanced community quarantine sa tv. Militar at pulis na ang magpapatupad pero militar din naman nga ang mga nasa checkpoints at nagte-thermal check. Ile-level up ang lockdown. Inamin na rin na ini-lockdown ang Maynila. Kanselado ang transportasyon. May curfew. Walang aalis ng bahay. Bukod sa tinatapos kong laro sa Switch, wala nang masyadong ganap sa buong araw.

Quaderno on Quarantine Day 01


Day 01
Marso 15, Linggo

Lumala na ang kaso ng Covid19 sa bansa. Pinag-uusapan na namin 'to ni Song habang nanghuhuli ng Pokemon, malabong tatatlo ang kaso natin: huli na tayong nagpatupad ng travel ban sa China tapos ang dali lang maglabas-pasok ng mga Intsik sa'tin. Ilan lang din testing kits natin. May ibang mekanismo ba tayo ng procurement during pandemic emergencies? Paano tayo makakabili ng testing kits nang mabilisan? Ang maaabot lang ng mga unang testing kits, taga Maynila; yung may pera.

Nag-uwian na rin yung mga nagtatrabaho sa Maynila. Umpisa na ng isang buwang community quarantine. Nahiya pang sabihing lockdown ang Maynila kasi gaya ng iba pang lockdown sa ibang bansa; naglilikasan ang mga tao. Lalong kumakalat. Ako naman, wala namang trabaho na. Cancelled na rin lahat ng schedule ng fellowships.

Hindi kami nag-panic buying. Kahit panic lang, hindi. Nasa palengke naman si Mama. Marami namang manok si Papa. Kapag nagkagipitan kayang itawid ang gutom ng isang buwan. May savings pa ako nasa tseke pa nga lang.

Hindi na pala ako nakasimba.

Wednesday, March 18, 2020

Eto na naman


Pakiramdam ko sa mga araw parang sa Harvest Moon, sobrang bilis. Ikatlong buwan na agad ng taon. Hindi na nagkakasya yung isang araw sa dami mong gagawin. O di ko na namalayan ang oras dahil babad ako sa ginagawa ko? Enero, nagising ang bulkan. Pebrero, nagkaron ako ng dalawang scholarships. Marso, nag-umpisa akong mag-aral at bago matapos ang buwan nawalan ako ng trabaho. Wala pang tatlong buwan lahat yan; isang iglap lang. 

Nagkaroon na kami sa wakas ng bagong executive director sa non-profit. After mag-one-on-one meeting nina Ms. Jane at Jay O sa bagong ed, nag-draft sila ng kanya-kanyang resignation letter. Si Ms. Jane, tatlong taon sa serbisyo, at si Jay O naman ay labing-isang taon nagtiyaga sa munting opisina. Kaya ko naman makipagtrabaho sa kanya. Ang pinapangamba ko lang, wala akong masyadong alam sa trabahong maiiwan nina Jane at Jay O. Ah basta ako, hindi ako aalis. 

Tatlong araw, bago ma-expire ang kontrata ko; ang aga ko ng isang Miyerkules; may meeting sa isang engineer dahil kailangan kong maintindihan yung isang project na hawak ni Ms Jane bago s'ya mag-exit. Bumiyahe rin ako nang maaga dahil mula Tiaong papuntang Batangas City. Nag-update ako sa kanya na otw na ako to the meeting.

"Wag kang tumuloy, read my email" ang reply n'ya.

Nakatanggap ako ng e-mail of non-renewal of contract. Kailangan ko raw tapusin lahat ng reports she needed by Friday before I exit. Wala rin naman nga talaga akong kontrata. Nauna pa akong mawala sa eksena kesa kena Ms Jane at Jay O. Nakuha ko ang message, hindi n'ya ko gustong katrabaho. Bago matapos ang linggo, nakapagpadala pa sya ng terms for hiring a new staff. Hindi ko pa nakukuha ang mga natitira kong cheke sa non-profit, mag-exit interview raw muna ako.

Eto na naman. Invested sa mga bagay na walang kasiguraduhan. Parang ang dami ko pa ngang gustong gawin sa lawa tapos kailangan ko na namang mag-isip ng iba. Eh ang dami ko nang naaral sa trabaho sa lawa, gagawin ko ron i-stock knowledge? Nakakainis lang, pero naghahanap na rin ako ng ibang makinarya. 

Pero mej tinatamad pa ko kaya Ma, penge munang pera.

#

Tuesday, March 3, 2020

Isay



Puwede palang sunod-sunod na masasayang araw lang. Natapos ang pagpapalit-dahon ng balitbitan. Nag-umpisa namang mag-apoy ang talisay. May mga binhing di sumibol. May natuyo nang di pa namumukadkad. May mga namumunga nang di mo naman tinanim.

 Ako'y isay na humahapay-hapay at kumakaway.


#
Dyord
Mayo 2, 2019