Sunday, April 25, 2021

Abril 25, 2021

natulog lang maghapon. nanood ng pelikula. nakinig ng podcast tungkol sa pag-ibig na malayo naman sa bituka ko sa ngayon. nagkape habang bumisita ng isang digital arts exhibit. bukas, hindi ko alam kung anong puwedeng pag-ubusan ng kalahating araw bukod sa pagtulog. 


#

Donya Concha H Umali Elemntary School
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon
Abril 25, 2021

Saturday, April 24, 2021

Napanood ko 'yung 'Death by Nintendo'

Coming of age film ng ilang subdivision kids na sina Paulo, Giligan, Kachi at Mimaw. 'yung ilaw at tunog ng pelikula ay parang isang malaking flashback para sa mga batang 90's kahit na kapapanganak ko lang ng '93 pero maraming pop culture references ang uso pa rin nung kabataan ko. Hindi naman kasi ganun kabilis mawala sa uso ang mga bagay-bagay gaya ng pogs, kisses na parang tanga, frostee na lasang gamot, manananggal at Shake Rattle and Roll, at mga papremyo sa tansan ng sopdrinks na never naman akong nanalo. Wala nga lang akong Nintendo at Zelda dahil hindi naman kami rich kids. Masaya na malungkot 'yung tindi ng nostalgia ng pelikula tungkol sa pagpapatuli, pasalamat at sa kuwento lang ng iba ko naalala ang karanasan nila sa lukaw na may nginunguyang bayabas. Ang sakit lang din panoorin ang mga unang halik kahit smak, unang unrequited love, unang crush at unang takas ng mga bata; sana ganun na lang uli tayo katapang at kaulol na kumikilos tayo na akala natin ang dami na nating nalalaman sa daigdig. 

Friday, April 23, 2021

walang tulog

ngayon na lang ulit ako hindi nakatulog hanggang umagahin na. hindi namanako malungkot. hindi rin naman manhid. masaya nga dapat dahil nakasulat hanggang umaga pero ilang araw nang inaabot nang madaling araw. kailangan ko na ulit uminom ng anti-histamine. mga tatlong gabi lang para mapabalik ko lang sa ayos ang tulog ko. 

hinihintay ko lang lumiwanag ang daan at lalakad na ako pauwi. nasa bagong linis na bodega ako ng klasrum ni Song ngayon. siguro dahil naiba ang puwesto ng sofa. siguro dahil nasa ibang bahagi ako ng silid. siguro, nanibago lang ako sa tulugan.

baka mamayang umaga na lang ako matulog. nagugutom na uli ako. masaya pa nga dahil mortal na uli ako: nangangailangan ng mga de-oras na pisikal na proseso. baka naman nanibago lang ang katawan ko sa pagiging masaya kaya nagulo ang buo kong sistema. 


#


Wednesday, April 21, 2021

lolo peping sa pagitan ng balayan at taal.mp3 (interview transcript)

Nang matuyo ang ilog ng Pansipit sa bayan ng Taal, si Lolo Peping (Jose Ortillaz) ang nakahuntahan ko. Ito ang transcription ng recording ng panayam sa kanya:


"dati makakuha ka ng dalawang kilo ay may pambili ka na ng bigas, ay ngayon wala na. haha

lalampas pa sa Taal Lake, San Nicolas, tawilis, biya, dalag tilapia, bangus,
taniman ng gulay, okra at talong,  gabi
'pag wala akong huli ay di pipitas na laang ako ang gulaying talong

ang ginagawa ko kada umaga pinapaandar ko at baka kalawangin ang makina. Talagang stranded na. Ay aywan kung are'y magkakatubig pa, pag may awa ang Diyos ay baka are'y magkatubig.

ayun ay naobserbahan ko, dati ang mga migratory bird, dun nagpupuntahan doon may tubig, sa paparon, ngayon, nang makaputok ang bulkan ang mga migratory bird puro papagay'on. Talagang kawan-kawan at naghahanap ng tubig, sa may Palanas, Lemery. Noong araw, nariyan (sa Pansipit).

Minsan akoy nakakahuli ng 2-5kilo kada labas. bingwit at pana. wala akong lambat eh. 200 pirasong kawil. tamban,don pilas, galunggong, nadayo ako ng anilao. doon ko na ibinibenta, sa pantalan doon, may bilihan doon eh, may fish port doon,"

Me: hindi naman kayo nakakapunta ng pacific ocean? ay may bandila ang inyong bangka eh.
Lolo Peping: hindi naman
Me: ay baka kayo'y maano ng coast guard ng mga Intsik ha.

Doon ako namimingwit, sapol pagkaputok ay hindi na ako nakakapangisda.

Wala pa akong ayuda sa kabuhayan.

Ang kasama ko sa bahay ay anim kami. Nang sila'y nagpunta sa Mabini akoy nagpaiwan. Doon sila lumikas, sa may beach ni Gabby Concepcion. Lumikas din ako. Natatakot din ako.  Kapag wala akong pangisda ay nagkakarpentero ako.

Sa Butong, sa Wawa, ang mga mangingisda, nakakalabas. 

Sumalangit

Nagpasimuno ako noon ng unahan 

Sa rambutanan do'n sa likod ng kantin ni Ate Gilay
Di natin alam bakit tayo nagsipag-adyo
Hindi natin alam o sigurado
At biglang nagpalit tayo ng mga pangalan
Habang nakatayo sa mga matitibay na sanga
Kung bakit mas trip ni Richie ang shorts kaysa palda
Kung bakit gusto n'yang baliktad ang shorts nya:
Nasa harapan ang nag-iisang bulsa imbes na nasa puwetan
Wala naman tayong mga pagtatanong noon masyado ng bakit
Hanggang ipinatawag tayo ng lintik na tiktik ni Mam Abaraquez
Sumalangit nawa.

Pumila tayo noon na tila tatanggap ng basbas
Mas kahoy pala kaysa sanga, ang patpat ni Mam Abaraquez
Sumalangit nawa.

Mas matibay naman ang mga mukha nating magpipigil ng luha
Habang isa-isang lumalagapak ang patpat sa mga demonyong
Nasa mga pahat pa nating mga puwet
Sumalangit nawa.

Ang mga nagbubulung-bulungang anak ni San Agustin
Na pumaligid sa ating prusisyon, marahil ito ang sinusulat na balita:
Ang honor roll kasunod ang bagong transfer kiddo, sentensyado!
Sumalangit nawa.

May mga napagdiskitahang mga batibot na nananahimik sa lungga
Nang unang hapong hindi ako tumingala sa watawat' bumigkas ng panata
Matagal nang inanay ang patpat. Inuuod na si Mam Abarquez.
Sumalangit nawa.
An'tanda

Monday, April 19, 2021

lista

nahuli raw si Rr ng sundalo na nakababa ang face mask at walang face shield. wala si Mama sa puwesto. ipinapasulat daw ang pangalan. "naku, hindi po marunong" sabi ni Rr. itinanong ng sundalo ang birthday. "august 100" daw ang isinagot ng kapatid ko. wala nang nagawa ang sundalo't umalis na lang. ngayon pala'y inililista na ang mga walang face shield at face mask. parang noong elementary lang kami, inililista ang maingay to maintain social order sa klasrum.

wala naman kaming naririnig o nakikitang pagtatangka ng gobyerno na magpaliwanag ng basic health standards sa non-verbals o simpleng pag-iingat sa mga hindi nakakaintindi ng salita lalo na ng siyensiya. 

pasasalamat pala sa dalagang lector para sa pagpapadala kay Rr ng isang tray na itlog at ilang groseri. naglagay na rin ito ng paminggalan ng pamayanan kung saan maaaring mag-iwan ng ayon sa kakayahan at kumuha ayon sa pangangailangan na gaya ng maraming nagsusulputang community pantry sa iba't ibang bahagi ng bansa.

hindi ko lang malunok ay kung bakit nire-redtag ang ganitong klaseng pagtatangkang magpakita ng pagiging tao ng komunidad. paaano makakarekrut ng komunista ang kamatis? may fill up form sa loob? sign up link sa easy open can na sardinas? magkasing halaga ang takip sa bibig at panglaman sa bibig sa panahon ngayon. bakit kinukulayan? sa bagay, ang sambayanang nagugutom ay walang lakas para pumalag.


#

Saturday, April 17, 2021

Isang Taon na Pala

Isang taon na pala,
at hindi pa rin pala tayo tapos,
kahit kailangan nang lumabas,

Bawal lumabas noong isang taon. Mabanas ang umpisa ng Marso dahil sa mababa naming bubong. Nanlilimahid sa pawis kahit kaliligo lang pero nagpupumilit magdokumento ng araw-araw na nangyayari sa hindi lalagpas ng sandaang metro na layo mula sa’kin. Kahit na paulit-ulit lang ang nangyayari ay idokumento, pansinin ang araw-araw na takbo at itala kung gaano kaiba ang isang gawain na hindi nagawa sa nakalipas na mga araw gaya kunwari ng pagligo. Kasabay ng kawalang ligo ay naglaho rin ang mga bilang sa kalendaryo at pangalan ng mga araw. 


Nagkulong ako, ang nilabas ko lang ay mga pagtula sa pulyeto (digital poetry zines), na pinamigay ko sa mga kaibigan bilang ayuda. Ano namang aasahang tugon mula sa mga kaibigan mo tungkol sa tula mo kundi maganda lang. Kailangan ba natin ng maganda sa panahon ng ligalig? Pruweba ng paghinga ang makaupo at makapagsulat kahit pangit. Sa’kin lang naman, sa gitna ng gulo hindi masamang maghanap, kumakapit lang kahit sa gawa-gawaang rikit.



Pinagtagpi-tagping Paggawa


Ginawa ko ‘yung akollab: mga tula ko kasama ng isang solo exhibit ng sa iba’t ibang bahagi ng bahay ng isang kaibigan. ginawa ko rin ‘yung New Normal My Ass na ilang poetry pieces kasama ng ilang flying human community architectural designs. Kinulong ko lang muna lahat ng gusto, galit at gana ko sa digital space. Ang ginawa ng ilang araw ay kayang ikonsumo ng isang upo.


Nag-isolate ako, walang social media. Hanggang ngayon maraming kaibigan at kakilala ang hindi alam kung buhay pa ako. Inawat lang ang sarili na makipagbalyahan sa nakakahawang mundo. “Walang makakaabot” ang sabi ng airplane mode. Nakakarating naman sa’kin ang mga balita sa mga maiikling usap-usapan ng mga mamimili-manininda sa palengke. 


Wala namang sigurado sa ginagawa kong mga tula. Wala rin namang sigurado sa mga pinasok kong mga trabaho sa probinsya, parang artista rin lang na may ilang gabing pagtatanghal at hindi na rin sa’yo ang kuwento. Sapat lang ang mga inipong palakpak para itawid ka sa susunod na entablado. Walong taon nang dapat sana’y nagsisigurado ng sarili pero naglalaboy pa rin. Nagtapos ng agriculture. Nagtrabaho sa journ. Sumawsaw sa research rakets. Lumipad sa malalaking kalamidad. Gumawa ng community projects. Alanganing blogger; alanganing makata. Naglaylayan works sa dswd. Naging environment advocate. Kung maka-advocacy akala mo may safety net kaya kada bibitaw ako o binitawan ng institusyon, babagsak akong plakda. Palagi. May pagtatanong pero walang panghihinayang. 


Hindi naman sa pinagkaitan ng pribilehiyo ng pagiging permanente, may ilang pagkakataon na pinalampas muna dahil ayokong makasal sa mga bagay na hindi ko pa sigurado kung gusto ko nga bang gawin araw-araw. Hindi naman ako nagising isang araw na halu-halo na ang resume ko. Curated halu-halo: pinili ko ang bawat sahog at pasalamat nga tayo dahil hindi lahat may pagpipilian.


Ginagawa ko ngayon ng magkasabay ang mga pulyetong ‘Bahay’ at ‘Kung Paano Maging Babaylan’ tuwing wala akong maramdaman o pakiramdam ko kailangan ko lang huminga o kahit magpaantok lang. Pagsilbihan ang sarili.


Sa sariling bayan, wala akong makinarya, walang ganap at walang makikinig. Kaya siguro uli ako umuupo para magsulat-sulat para pakinggan ko naman ang sarili kong mga hiyaw. Para muna sa sarili, habang wala pang ginagawa paghahanda hanggang sa may gawin uli. Kung ang paggawa ang ibig sabihin ng buhay, maraming araw na patay ako. Kung ang buhay ay paghinga nang walang paghihirap, buhay ako pitong beses isang linggo. Nangyayari naman ang buhay mailarawan man o hindi. 



Pagbalik at Pagkahiwalay


Naging malaking isolation facility ko ang maliit na bayan ng Tiaong sa Quezon na uwian ko lang at kailanman ay hindi ko naging komunidad; hindi ko naging lunan ng paggawa. Wala munang pagtawid-tawid sa mga probinsya at paminsan-minsang Maynila. Walang mabawang na mani, Nova at softdrinks, buko pie at bibingka habang nakatingin sa bintana ng bus. 


Tanging Tiaong lang iniikutan ko ngayon, naglalakad-lakad para sa katinuan. Ngayon ko na lang napansin ang hindi pantay-pantay na aspalto ng Maharlika Highway, ang buhol-buhol na kable ng Meralco, ang mga tiwangwang na lupa sa may Diversion road na siguro’y ang mga namumugad na munting buhay ay walang pag-iisip kung kailan maitutulak ng agresibong pag-unlad. 


“Mag-volunteer ka kaya sa’min,” aya ni Mama sa kanilang relief efforts kasama ng isang maliit na nonprofit sa bayan at isang malamig na ayoko lang ang isinagot ko kay Mama. Gusto ko lang iligtas muna ang sarili na makakita pa ng mga mahihirap na pamilyang may kasama pang may kapansanan sa panahong ito. Hindi naman kami may kaya, siguro lower income household, alam ko dahil nag-aassess ako ng mahihirap na pamilya noon sa social welfare; pero kaya naman. Nagsasara ng tindahan si Mama kung may ganap sa bayan, hindi s’ya nawalan ng makinarya. Sagana kami sa mga balik-pasasalamat ng komunidad: mga bagong aning gulay, karneng manok, pugo at minsan gatas ng baka; mga malalaking pagpapahayag ng pagiging tao ngayong panahon.


Hindi ko itinatangging tinatanong ko rin ang sarili kung paano kaya kung hindi ako tumalon agad sa bintana ng korporasyon o kaya tiniis ko lang ng ilang taon pa ang apoy ng gobyerno? Gawaing mortal naman talaga ang magtanong ng alternatibong mga realidad. Nagsisisi, oo sobra, sa ekonomikal na kasiguraduhan pero hindi naman pinanghihinayangan ang pagtaya sa sarili.


Isang taon na pala akong nakahiwalay. Mas nararamdaman ko ngayon ang mga aksidenteng pangungumusta sa daan kapag may makakasalubong na lumang kakilala. Buong giting ko ring sinasagot ang mga “nasaan ka ngayon” ng isang malaking gesture ng “wala e” kasabay minsan ng pag-iling. Mas madaling sabihing walang trabaho kesa nagsusulat ng tula.


Madaling Makabalik


Tinawagan ko ang kaibigan sa dating trabaho matapos ang isang taon, at nagsalubungan kami ng mahabang tawa kahit wala pa kaming sinasabi. Plakda rin ‘to dahil walang sasalo gintong lambat sa pagtalon sa di siguradong panahon. That is to say she resigned her work during a crisis and she’s not well off. Ang lundo’y wala pa rin kaming mapiling gawin, nakakapili pa rin kami; kung bakit hindi namin malunok na wala kaming masyadong pagpipilian. Tatanggi sa mga alok at tatawang akala mo’y makapangyarihan. 


Sinubukan naming bulatlatin kung anong ugat ng pagmamadaling makabalik at nahugot naming baka napapag-iwanan kami at hindi na kami kailanganin ng daigdig dahil matagal na kaming nakahiwalay. Naiinip kami sa kabila ng isang taong pagbubumagal. Sinubukan naming kantiin ang natutulog na lawa at nakakalikha pa kami ng maliit na mga alon at lagaslas. Naghihintay nang kumawala ang mga posibilidad na kaya naming gawin. Pero hintay pa, kaunting hintay pa. At tatawanan lang uli ang mga sarili’t maghihiwalay sa ginawang sariling mga kulungan.


Minsan ‘yung simpleng siyensyang natutunan ko sa Tiaong East Elementary School ang nagbibigay ng kapangyarihan sa’kin. Ilusyon ang paghinto. Hindi totoong wala akong nararating sa kabila ng mga pagkahiwalay at pagkakakulong. Hindi ako sinisikatan ng araw o inaabutan ng mga bituin, nakasakay ako sa tuloy-tuloy na inog ng daigdig. 


Isang taon na pala,

Astropisikal na paikot-ikot

Walang piho saan ang punta.


Wednesday, April 14, 2021

rakets2.c

tinawagan ako ng dating kaopisina, sabi ko applyan mo na 'yung tinanggihan kong trabaho. bago pa ako ma-reject ay tinanggihan ko na. hindi rin naman n'ya gusto. sabi n'ya kasi sa'kin ay naghahanap ng ibang aplikante at tinawagan s'ya, kaya hindi pa siguro ako nare-reject kasi ako na 'yung kukunin kapag walang-wala. siguro ay fair employer naman si non-profit pero naghahanap lang din s'ya ng mas mataas na scorer na applicant. inaoust na ako bago pa man ako ma-hire. so nag-plot kami ng great revenge, applyan mo kahit ayaw mo, then when you got into the interview, dump it. 

tinawagan n'ya ko kanina, she did exactly as told. ayun, p'rehas kaming walang work. 

mortal

minsan hindi ako tao

dahan-dahang dumadaloy ang dugo
sa ibang bahagi na nga ang paghinga
ni ungol ng sikmura'y hinahanap
tila nawalan ng rekusitos para gumalaw

alanganing taga lupa
serye lamang ng  mga aksidente:
karambola ng mga sinaunang enerhiya
may bahaging bituin, hindi maaarok
may bahagi ring buwan, hindi masuntok
batak-tulak ng puwersa ng mga planeta
lumulutang sa kalawakan
sumasaksi sa mga alamat

pinagtagpi-tagping mga karne 
pinaandar ng sanlibo't isang mga proseso
kailanma'y di hinihintay matapos
kalimot na rin kung kailan nga ba nag-umpisa
daanan ng kanin, prutas at iba pang mga laman
namumuhay sa salitang pagkalam at pangangasim
lagusan ng parehong polusyon at pataba
alanganing lupa, 

malatubig
ginagaya kung ano lang ang sisidlan
walang pag-aatubili: ang layun ay umayon
ang s'yang dumidilig ay s'ya ring lumulunod
ako 
ang bawat patak ng sanlaksang ambon
ang lumot sa likod ng matandang pagong
ang laway na iniiwan ng galang suso
at marami pang anyo

minsan pakiramdam ko
isa akong walang kahulugang panaginip
habang nabubuklat ang mga pangyayari'y inuulan
ng mga bulalakaw ng bakit at paano
dinadaluyong ng mga sana'y totoo 
at mga katotohanang sana'y gumising

...








Napanood namin 'yung The Boy Foretold by the Stars

pinanood lang namin 'yung pelikula, una, dahil mukhang maliwanag 'yung pagkakailaw. mukhang masaya at hindi namin kailangang mag-isip masyado. tinaasan namin ng kilay 'yung mga patutsada sa loob ng catholic school, na klasik namang masyadong atrasado pero napatanong din pala kami kung paaano ang lagay ng mga teen queer sa loob ng mga relihiyosong paaralan? pinag-uusapan ba o hindi na lang pinag-uusapan? kung pinag-uusapan, seksuwalidad ba kaagad o identidad? parang ang dating nito sa'kin ay kung walang nag-uusap, edi 'etong sa inyo PELIKULA! pak! kasi may teenager din sa eskuwelahan na hindi pasok sa kung ano lang ang nakalagay sa mga banyo. hindi naman tungkol sa kasari-kasarian talaga 'yung pelikula, gusto ko lang i-appreciate na "uyy 'yung kathryn bernardo moments ay walang pinipiling kasarian." 

noong pinapanood ko si Dominic at si Luke parang gusto ko na umiikot 'yung camera, parang gusto ko s'yang tumingala at maghanap ng ilaw. lakas maka- teatro nung ilang eksena, masyado kong binili. kapag kinokontra nung kaibigan ko 'yung mga eksena, ako na ang nagtatanggol, "hayskul yan, hayaan mo lang ang mga batang matuto, experiential learning approach!" though kahit ako ay humahanap ng kakapitan kapag sobrang nakakakilig 'yung eksena. kasi alam mo mananakit 'yung direktor somewhere e, pero mapapabitaw ka pa rin e, kasi wala na, parang sige na go, danasin mo rin 'yung ligaya ni Dominic at hayaan mo na 'yung sakit, sa dulo pa naman 'yun. 

gustong-gusto ko rin 'yung mga bata sa catholic school pero kumonsulta sa manghuhula sa may Quiapo church kahit na baduy 'yung desti-destiny "hayaan na lang, hayskul e". tsaka, hindi naman tayo na mga approaching 30s na young professionals ang target audience ng pelikula, nakikinood nga lang tayo kung tutuusin dami pa nating hinahanap. tawang-tawa ako sa pagkanta ni Dominic sa retreat na nado-double meaning na kung para kay Jesus o para kay Luke. ginulat ako, binigla, ninerbiyos, sana 'wag maubos ang mga krus. "hindi 'yan magkakatuluyan," sasabihin ng kaibigan ko dahil patapos na 'yung pelikula at ang tanga na ng mga desisyon ni Dominic pero nakakapit na ko sa Pasko o, Paskong-pasko, MMFF 'to, may pandemya, krisis, walang trabaho, bigyan nyo naman po kami ng happy ending. kahit iformula na basta happy. deep inside nanlimos talaga ako ng pag-asa (kay Direk). 


Thursday, April 8, 2021

pulis! ayan na ang pulis!

kung dati ang sita ng pulis ay tungkol lang sa mga manininda sa palengke na hindi nakasuot o nakababa ang face mask, ngayon kadugsong na rin sa sita ang mga face shield na nakataas. bumalik uli ang probinsya sa General Community Quarantine samantalang ang katabing probinsya ng Laguna ay kabilang sa NCR+ bubble na Enhanced Community Quarantine at required na uli ang magsuot ng face shield ang mga tao lalo na sa pampublikong lugar gaya ng palengke. 

itinataas naman ng mga manininda ang face shield dahil hirapang makahinga, sa banas at may nakapatong pang face mask. kahit ako nasisilaw sa mumurahin kong face shield. dati ang bili pa namin ay 65 pero ngayon at may tag 15 na lang. kaya saway nang saway ang gumagalang mga pulis na asar na asar na rin, "kung alin po ang dapat itaas (face mask) ay binababa, kung alin po ang dapat binababa (face shiled) ay tinataas!" paulit-ulit na pasaway at matigas ang ulo ng mga tao.


kuwento ni Mama, "overacting" naman na 'yung isang pulis. hindi naman siguro o.a. talaga ang ibig sabihin ni Mama kundi "sobra naman". may nasitang mamimili, pagkatanong kung taga saan ay taga kabilang probinsya pala, pero boundarihan lang naman kasi ng San Pablo at bihasa talagang sa Tiaong namamalengke. kung pupunta siguro s'ya sa palengke ng bayan nila ay mas malayo't mas mahal ang pamasahe. "walang pong trabaho," ang sagot ng mamimili sa pulis nang tanungin kung anong hanap-buhay ng nasita. "walang hanap-buhay pero namamalengke!?" urirat ng pulis. "bigay lang po ng anak," sabi uli ng mamimili.

"Mabuti nga nakakapamalengke, oh e ano palang gusto n'ya, pumila kay meyor 'yung tao at manghingi?" kuwento ni Mama. iniisod pa ng isang linggo ang mas mahigpit na bubble ng katabing probinsya dahil sa kasiping nito ang kabisera sa ekonomiya. walang pag-uusap kung may ayuda pa sa mahihirap, lahat na yata ngayon ay mahirap na. walang piho kung isang linggo lang talaga maiisod ang paghihigpit sinturon. ang bulungan ay may pagdadagdag ng ayuda sa mga tanggapan ng kongresista. 

patakbo-takbo si Tokeng sa palengke, walang face mask at face shield palagi. itinutok ni Tokeng ang kamay na nakahugis baril sa loob ng mobil ng pulis at sumigaw ng bang! tatawa-tawa lang ang pulis.


lately, walang masyadong pulis sa palengke. maraming naka-quarantine dahil may nagpositibo sa istasyon. pasaway din kaya 'yung pulis?

Monday, April 5, 2021

riles2

nagising na lang ako na parang may lumagabog sa ulunan ko. malakas, dinig na dinig ko dahil ding-ding lang ng yero't trapal ang pagitan. bumangon ako, ang bungad sa'kin ni Papa ay "baka kaya mong bumili ng singkwenta piraso ng haloblaks, kay Mama mo na ang limang sakong semento." hinagilap ko ang tasa at kapihan nang mumukat-mukat. nagpahakot pala s'ya ng sako-sakong buhangin na itinambak sa gilid ng bahay, siguro inusap n'ya lang sa inuman. kung kailan naman pandemya, kung kailan naman nagsusukat na ang Perokaril at papalayasin na kami pero wala akong sinabi.

ang tagal-tagal na diumanong papalyasin pero hindi naman natutuloy kaya hindi na s'ya naniniwala't ipapagawa na n'ya raw ang ding-ding at ang kubeta sa Sabado; may inusap na s'yang kumpare. ilang linggo na ang nakalipas, ayun nakatambak pa rin ang nangauubos nang buhangin.

wala pang lumalayas, wala ring nagagawa.

Sunday, April 4, 2021

mahal na araw

kakagising ko lang at Linggo na ng Pagkabuhay. ilang araw na rin akong nasa opisina ni Edison, ay opisina pala ng principal nila. salamat DepEd sa paerkon sa tag-araw na mabanas. dito ko tinapos ang isang raket at maghihintay na lang ng sweldo. dito ko tinapos ang maraming pelikula't palabas. dito ko tinapos ang maraming quests sa genshin impact. ang dami kong pinatay na oras. dito ako nagbabasa ng maiikling kuwento pero hindi ko naman tinatapos. 

hindi namin namamalayan ni song na kakain na pala ulit kaya sumasala sa oras ang pagkain. kada mag-iinat ay isasabay namin sa hikab ang "sana ganito na lang palagi" at matatawa dahil bumalik nga tayo sa dati. palpak pa rin ang pamahalaang ito sa pagpapahupa ng pandemya. iniiisip ko na luge naman 'yung matiyagang naghulog sa mga health insurance nila tapos hindi ka naman maoospital dahil umaapaw na naman ang mga ospital at hirapan ang buong health care system sa tumataas pa ring bilang ng mga kaso. 

sabi ni song gusto n'ya raw makabili ng bagong smartphone "bago bumalik sa normal ang lahat". kahit dalawa naman ang phone n'ya. kung hindi rin daw ba ako bibili kahit 'yung tigte-ten K lang? naalala ko na ilang buwan nang patay ang laptop ko at sinabi ko na lang na wala akong pera. umismid lang si song. maya-maya pa'y pinakita n'ya sa'kin ang bagong biling fighter jets ng kung saang bansa. 

wala akong gustong bil'hing anuman lately. wala na rin akong gustong panooring pelikula. wala nang maisip na games. walang mapiling buklating libro. kumakatas na ako sa aliw, pero may di pa rin makitil-kitil na inip. subukan ko lang inipin ang sarili ngayong buong linggo. baka sakaling may makitang bago sa bagot. 

hindi lahat may ganitong klaseng luho. hindi lahat maaaring tumunganga buong linggo at ulit-uliting tanungin ang sarili kung anong gustong gawin sa buhay. dati ikinaiinis ko 'yun, hanggang nasanay na lang ako. mahal ang aking araw-araw na pamumuhay. 

#


Dyord
Donya Concha H. Umali Elementary School
Brgy, Lalig, Tiaong, Quezon
Abril 4, 2021




Thursday, April 1, 2021

Napanood ko 'yung The Prom

napanood ko kanina 'yung The Prom. wala nag-click lang ako sa comedy matapos kong mapanood 'yung Seaspiracy na kalunos-lunos na kalagayan ng marine biodiversity, sabi ko kailangan kong sumaya.

tungkol ang The Prom sa isang school sa Indiana na nagkansela ng prom dahil may isang babae na gustong dal'hin ang jowa n'yang kapwa babae sa prom. kesyo usapin na raw ito ng civil rights. kesyo may pangangailangan ng inclusive na prom. kesyo ang preference ni Emma, ang bidang babae, ay nakaka-"offend" sa mga miyembro ng Kristyanong komunidad.

bubuhol ito sa mga karakter nina Meryl Streep, Nicole Kidman at James Corden (hindi ko kilala 'yung isa pa pero mahusay din at tinatamad akong mag-research dahil gabi na)  na mga pabulusok ang theater career at nag-astang aktor-aktibista at napiling ipaglaban na matuloy ang Prom sa school sa Indiana. nag-gate crash sila sa isang PTA meeting para sa isang publicity stunt/ production number. isang musical-coming (out/) of age na pelikula at pinupunan nito ang kakulangan ng representasyon ng mga kuwentong lesbiana/ girl queer love (di ko sure kung anong tawag, sori) sa mga streaming platform. 

maganda 'yung pelikula kahit na masyado ring preachy at educational na hindi tungkol sa moralidad o relihiyon ng komunidad ang kuwento. kundi tungkol sa kung paano magiging ligtas at hindi nagtutulak sa iba ang mga espasyo sa komunidad. marami na nga ang naitulak palabas ng sariling bahay, tinakwil ng pamilya. ano ba naman ang isang dinekorasyunang basketball court sa isang gabi para isayaw ang napiling isayaw regardless kung anong nasa pagitan ng mga hita nila. tungkol ito sa mga hindi maisayaw ang gustong isayaw dahil lang pinipigilan sila ng korte ng lipunan, ng mga kinalakhang institusyon, ng walang pinag-uugatang galit. 

iniisip ko kung kaya ba may mga big stars-middle age people characters ay para lang makahatak ng malaking viewership sa pelikula? kung wala ba 'yun ay tatayo rin ang kuwento? pero esensyal ngang abutin ang mas nakatatandang henerasyon at sila ang mga nasa kapangyarihan sa paaralan, simbahan, kalsada, trabaho at iba pang mga pangkomunidad na espasyo. madalas ring manunupil ng mga karapatan. at ang pagbubukas nila ng pagtanggap ay malaking bagay.

nakailang Meryl Streep na akong pelikula ngayong taon at palagi akong naapektuhan.  sumaya naman ako sa pelikula. nakaka-miss manood ng musicals sa teatro. 


#


rakets1.g

maniningil na lang ako at tatlong araw na akong tinatamad. pera na 'yun oh, ipoproseso na lang tapos tapos na tapos na. makakabayad ng utang, may instant ipon at makakabayad ng insurance uli. makakapagpadentista ang pamilya, makakabili ng cake at makakatikim uli ng organic salad. aayusin ko na lang 'yung mga rekusitos, umpisahan mo na, pera na 'yun. gumalaw-galaw ka, di 'yang kung ano-anong gusto mong gawin at di mo naman inuumpisahan.