napanood ko kanina 'yung The Prom. wala nag-click lang ako sa comedy matapos kong mapanood 'yung Seaspiracy na kalunos-lunos na kalagayan ng marine biodiversity, sabi ko kailangan kong sumaya.
tungkol ang The Prom sa isang school sa Indiana na nagkansela ng prom dahil may isang babae na gustong dal'hin ang jowa n'yang kapwa babae sa prom. kesyo usapin na raw ito ng civil rights. kesyo may pangangailangan ng inclusive na prom. kesyo ang preference ni Emma, ang bidang babae, ay nakaka-"offend" sa mga miyembro ng Kristyanong komunidad.
bubuhol ito sa mga karakter nina Meryl Streep, Nicole Kidman at James Corden (hindi ko kilala 'yung isa pa pero mahusay din at tinatamad akong mag-research dahil gabi na) na mga pabulusok ang theater career at nag-astang aktor-aktibista at napiling ipaglaban na matuloy ang Prom sa school sa Indiana. nag-gate crash sila sa isang PTA meeting para sa isang publicity stunt/ production number. isang musical-coming (out/) of age na pelikula at pinupunan nito ang kakulangan ng representasyon ng mga kuwentong lesbiana/ girl queer love (di ko sure kung anong tawag, sori) sa mga streaming platform.
maganda 'yung pelikula kahit na masyado ring preachy at educational na hindi tungkol sa moralidad o relihiyon ng komunidad ang kuwento. kundi tungkol sa kung paano magiging ligtas at hindi nagtutulak sa iba ang mga espasyo sa komunidad. marami na nga ang naitulak palabas ng sariling bahay, tinakwil ng pamilya. ano ba naman ang isang dinekorasyunang basketball court sa isang gabi para isayaw ang napiling isayaw regardless kung anong nasa pagitan ng mga hita nila. tungkol ito sa mga hindi maisayaw ang gustong isayaw dahil lang pinipigilan sila ng korte ng lipunan, ng mga kinalakhang institusyon, ng walang pinag-uugatang galit.
iniisip ko kung kaya ba may mga big stars-middle age people characters ay para lang makahatak ng malaking viewership sa pelikula? kung wala ba 'yun ay tatayo rin ang kuwento? pero esensyal ngang abutin ang mas nakatatandang henerasyon at sila ang mga nasa kapangyarihan sa paaralan, simbahan, kalsada, trabaho at iba pang mga pangkomunidad na espasyo. madalas ring manunupil ng mga karapatan. at ang pagbubukas nila ng pagtanggap ay malaking bagay.
nakailang Meryl Streep na akong pelikula ngayong taon at palagi akong naapektuhan. sumaya naman ako sa pelikula. nakaka-miss manood ng musicals sa teatro.
#
No comments:
Post a Comment