nahuli raw si Rr ng sundalo na nakababa ang face mask at walang face shield. wala si Mama sa puwesto. ipinapasulat daw ang pangalan. "naku, hindi po marunong" sabi ni Rr. itinanong ng sundalo ang birthday. "august 100" daw ang isinagot ng kapatid ko. wala nang nagawa ang sundalo't umalis na lang. ngayon pala'y inililista na ang mga walang face shield at face mask. parang noong elementary lang kami, inililista ang maingay to maintain social order sa klasrum.
wala naman kaming naririnig o nakikitang pagtatangka ng gobyerno na magpaliwanag ng basic health standards sa non-verbals o simpleng pag-iingat sa mga hindi nakakaintindi ng salita lalo na ng siyensiya.
pasasalamat pala sa dalagang lector para sa pagpapadala kay Rr ng isang tray na itlog at ilang groseri. naglagay na rin ito ng paminggalan ng pamayanan kung saan maaaring mag-iwan ng ayon sa kakayahan at kumuha ayon sa pangangailangan na gaya ng maraming nagsusulputang community pantry sa iba't ibang bahagi ng bansa.
hindi ko lang malunok ay kung bakit nire-redtag ang ganitong klaseng pagtatangkang magpakita ng pagiging tao ng komunidad. paaano makakarekrut ng komunista ang kamatis? may fill up form sa loob? sign up link sa easy open can na sardinas? magkasing halaga ang takip sa bibig at panglaman sa bibig sa panahon ngayon. bakit kinukulayan? sa bagay, ang sambayanang nagugutom ay walang lakas para pumalag.
#
No comments:
Post a Comment