dahan-dahang dumadaloy ang dugo
sa ibang bahagi na nga ang paghinga
ni ungol ng sikmura'y hinahanap
tila nawalan ng rekusitos para gumalaw
alanganing taga lupa
serye lamang ng mga aksidente:
karambola ng mga sinaunang enerhiya
may bahaging bituin, hindi maaarok
may bahagi ring buwan, hindi masuntok
batak-tulak ng puwersa ng mga planeta
lumulutang sa kalawakan
sumasaksi sa mga alamat
pinagtagpi-tagping mga karne
pinaandar ng sanlibo't isang mga proseso
kailanma'y di hinihintay matapos
kalimot na rin kung kailan nga ba nag-umpisa
daanan ng kanin, prutas at iba pang mga laman
namumuhay sa salitang pagkalam at pangangasim
lagusan ng parehong polusyon at pataba
alanganing lupa,
malatubig
ginagaya kung ano lang ang sisidlan
walang pag-aatubili: ang layun ay umayon
ang s'yang dumidilig ay s'ya ring lumulunod
ako
ang bawat patak ng sanlaksang ambon
ang lumot sa likod ng matandang pagong
ang laway na iniiwan ng galang suso
at marami pang anyo
minsan pakiramdam ko
isa akong walang kahulugang panaginip
habang nabubuklat ang mga pangyayari'y inuulan
ng mga bulalakaw ng bakit at paano
dinadaluyong ng mga sana'y totoo
at mga katotohanang sana'y gumising
...
No comments:
Post a Comment