kung dati ang sita ng pulis ay tungkol lang sa mga manininda sa palengke na hindi nakasuot o nakababa ang face mask, ngayon kadugsong na rin sa sita ang mga face shield na nakataas. bumalik uli ang probinsya sa General Community Quarantine samantalang ang katabing probinsya ng Laguna ay kabilang sa NCR+ bubble na Enhanced Community Quarantine at required na uli ang magsuot ng face shield ang mga tao lalo na sa pampublikong lugar gaya ng palengke.
itinataas naman ng mga manininda ang face shield dahil hirapang makahinga, sa banas at may nakapatong pang face mask. kahit ako nasisilaw sa mumurahin kong face shield. dati ang bili pa namin ay 65 pero ngayon at may tag 15 na lang. kaya saway nang saway ang gumagalang mga pulis na asar na asar na rin, "kung alin po ang dapat itaas (face mask) ay binababa, kung alin po ang dapat binababa (face shiled) ay tinataas!" paulit-ulit na pasaway at matigas ang ulo ng mga tao.
kuwento ni Mama, "overacting" naman na 'yung isang pulis. hindi naman siguro o.a. talaga ang ibig sabihin ni Mama kundi "sobra naman". may nasitang mamimili, pagkatanong kung taga saan ay taga kabilang probinsya pala, pero boundarihan lang naman kasi ng San Pablo at bihasa talagang sa Tiaong namamalengke. kung pupunta siguro s'ya sa palengke ng bayan nila ay mas malayo't mas mahal ang pamasahe. "walang pong trabaho," ang sagot ng mamimili sa pulis nang tanungin kung anong hanap-buhay ng nasita. "walang hanap-buhay pero namamalengke!?" urirat ng pulis. "bigay lang po ng anak," sabi uli ng mamimili.
"Mabuti nga nakakapamalengke, oh e ano palang gusto n'ya, pumila kay meyor 'yung tao at manghingi?" kuwento ni Mama. iniisod pa ng isang linggo ang mas mahigpit na bubble ng katabing probinsya dahil sa kasiping nito ang kabisera sa ekonomiya. walang pag-uusap kung may ayuda pa sa mahihirap, lahat na yata ngayon ay mahirap na. walang piho kung isang linggo lang talaga maiisod ang paghihigpit sinturon. ang bulungan ay may pagdadagdag ng ayuda sa mga tanggapan ng kongresista.
patakbo-takbo si Tokeng sa palengke, walang face mask at face shield palagi. itinutok ni Tokeng ang kamay na nakahugis baril sa loob ng mobil ng pulis at sumigaw ng bang! tatawa-tawa lang ang pulis.
lately, walang masyadong pulis sa palengke. maraming naka-quarantine dahil may nagpositibo sa istasyon. pasaway din kaya 'yung pulis?
No comments:
Post a Comment