Sunday, April 4, 2021

mahal na araw

kakagising ko lang at Linggo na ng Pagkabuhay. ilang araw na rin akong nasa opisina ni Edison, ay opisina pala ng principal nila. salamat DepEd sa paerkon sa tag-araw na mabanas. dito ko tinapos ang isang raket at maghihintay na lang ng sweldo. dito ko tinapos ang maraming pelikula't palabas. dito ko tinapos ang maraming quests sa genshin impact. ang dami kong pinatay na oras. dito ako nagbabasa ng maiikling kuwento pero hindi ko naman tinatapos. 

hindi namin namamalayan ni song na kakain na pala ulit kaya sumasala sa oras ang pagkain. kada mag-iinat ay isasabay namin sa hikab ang "sana ganito na lang palagi" at matatawa dahil bumalik nga tayo sa dati. palpak pa rin ang pamahalaang ito sa pagpapahupa ng pandemya. iniiisip ko na luge naman 'yung matiyagang naghulog sa mga health insurance nila tapos hindi ka naman maoospital dahil umaapaw na naman ang mga ospital at hirapan ang buong health care system sa tumataas pa ring bilang ng mga kaso. 

sabi ni song gusto n'ya raw makabili ng bagong smartphone "bago bumalik sa normal ang lahat". kahit dalawa naman ang phone n'ya. kung hindi rin daw ba ako bibili kahit 'yung tigte-ten K lang? naalala ko na ilang buwan nang patay ang laptop ko at sinabi ko na lang na wala akong pera. umismid lang si song. maya-maya pa'y pinakita n'ya sa'kin ang bagong biling fighter jets ng kung saang bansa. 

wala akong gustong bil'hing anuman lately. wala na rin akong gustong panooring pelikula. wala nang maisip na games. walang mapiling buklating libro. kumakatas na ako sa aliw, pero may di pa rin makitil-kitil na inip. subukan ko lang inipin ang sarili ngayong buong linggo. baka sakaling may makitang bago sa bagot. 

hindi lahat may ganitong klaseng luho. hindi lahat maaaring tumunganga buong linggo at ulit-uliting tanungin ang sarili kung anong gustong gawin sa buhay. dati ikinaiinis ko 'yun, hanggang nasanay na lang ako. mahal ang aking araw-araw na pamumuhay. 

#


Dyord
Donya Concha H. Umali Elementary School
Brgy, Lalig, Tiaong, Quezon
Abril 4, 2021




No comments: