at hindi pa rin pala tayo tapos,
kahit kailangan nang lumabas,
Bawal lumabas noong isang taon. Mabanas ang umpisa ng Marso dahil sa mababa naming bubong. Nanlilimahid sa pawis kahit kaliligo lang pero nagpupumilit magdokumento ng araw-araw na nangyayari sa hindi lalagpas ng sandaang metro na layo mula sa’kin. Kahit na paulit-ulit lang ang nangyayari ay idokumento, pansinin ang araw-araw na takbo at itala kung gaano kaiba ang isang gawain na hindi nagawa sa nakalipas na mga araw gaya kunwari ng pagligo. Kasabay ng kawalang ligo ay naglaho rin ang mga bilang sa kalendaryo at pangalan ng mga araw.
Nagkulong ako, ang nilabas ko lang ay mga pagtula sa pulyeto (digital poetry zines), na pinamigay ko sa mga kaibigan bilang ayuda. Ano namang aasahang tugon mula sa mga kaibigan mo tungkol sa tula mo kundi maganda lang. Kailangan ba natin ng maganda sa panahon ng ligalig? Pruweba ng paghinga ang makaupo at makapagsulat kahit pangit. Sa’kin lang naman, sa gitna ng gulo hindi masamang maghanap, kumakapit lang kahit sa gawa-gawaang rikit.
Pinagtagpi-tagping Paggawa
Ginawa ko ‘yung akollab: mga tula ko kasama ng isang solo exhibit ng sa iba’t ibang bahagi ng bahay ng isang kaibigan. ginawa ko rin ‘yung New Normal My Ass na ilang poetry pieces kasama ng ilang flying human community architectural designs. Kinulong ko lang muna lahat ng gusto, galit at gana ko sa digital space. Ang ginawa ng ilang araw ay kayang ikonsumo ng isang upo.
Nag-isolate ako, walang social media. Hanggang ngayon maraming kaibigan at kakilala ang hindi alam kung buhay pa ako. Inawat lang ang sarili na makipagbalyahan sa nakakahawang mundo. “Walang makakaabot” ang sabi ng airplane mode. Nakakarating naman sa’kin ang mga balita sa mga maiikling usap-usapan ng mga mamimili-manininda sa palengke.
Wala namang sigurado sa ginagawa kong mga tula. Wala rin namang sigurado sa mga pinasok kong mga trabaho sa probinsya, parang artista rin lang na may ilang gabing pagtatanghal at hindi na rin sa’yo ang kuwento. Sapat lang ang mga inipong palakpak para itawid ka sa susunod na entablado. Walong taon nang dapat sana’y nagsisigurado ng sarili pero naglalaboy pa rin. Nagtapos ng agriculture. Nagtrabaho sa journ. Sumawsaw sa research rakets. Lumipad sa malalaking kalamidad. Gumawa ng community projects. Alanganing blogger; alanganing makata. Naglaylayan works sa dswd. Naging environment advocate. Kung maka-advocacy akala mo may safety net kaya kada bibitaw ako o binitawan ng institusyon, babagsak akong plakda. Palagi. May pagtatanong pero walang panghihinayang.
Hindi naman sa pinagkaitan ng pribilehiyo ng pagiging permanente, may ilang pagkakataon na pinalampas muna dahil ayokong makasal sa mga bagay na hindi ko pa sigurado kung gusto ko nga bang gawin araw-araw. Hindi naman ako nagising isang araw na halu-halo na ang resume ko. Curated halu-halo: pinili ko ang bawat sahog at pasalamat nga tayo dahil hindi lahat may pagpipilian.
Ginagawa ko ngayon ng magkasabay ang mga pulyetong ‘Bahay’ at ‘Kung Paano Maging Babaylan’ tuwing wala akong maramdaman o pakiramdam ko kailangan ko lang huminga o kahit magpaantok lang. Pagsilbihan ang sarili.
Sa sariling bayan, wala akong makinarya, walang ganap at walang makikinig. Kaya siguro uli ako umuupo para magsulat-sulat para pakinggan ko naman ang sarili kong mga hiyaw. Para muna sa sarili, habang wala pang ginagawa paghahanda hanggang sa may gawin uli. Kung ang paggawa ang ibig sabihin ng buhay, maraming araw na patay ako. Kung ang buhay ay paghinga nang walang paghihirap, buhay ako pitong beses isang linggo. Nangyayari naman ang buhay mailarawan man o hindi.
Pagbalik at Pagkahiwalay
Naging malaking isolation facility ko ang maliit na bayan ng Tiaong sa Quezon na uwian ko lang at kailanman ay hindi ko naging komunidad; hindi ko naging lunan ng paggawa. Wala munang pagtawid-tawid sa mga probinsya at paminsan-minsang Maynila. Walang mabawang na mani, Nova at softdrinks, buko pie at bibingka habang nakatingin sa bintana ng bus.
Tanging Tiaong lang iniikutan ko ngayon, naglalakad-lakad para sa katinuan. Ngayon ko na lang napansin ang hindi pantay-pantay na aspalto ng Maharlika Highway, ang buhol-buhol na kable ng Meralco, ang mga tiwangwang na lupa sa may Diversion road na siguro’y ang mga namumugad na munting buhay ay walang pag-iisip kung kailan maitutulak ng agresibong pag-unlad.
“Mag-volunteer ka kaya sa’min,” aya ni Mama sa kanilang relief efforts kasama ng isang maliit na nonprofit sa bayan at isang malamig na ayoko lang ang isinagot ko kay Mama. Gusto ko lang iligtas muna ang sarili na makakita pa ng mga mahihirap na pamilyang may kasama pang may kapansanan sa panahong ito. Hindi naman kami may kaya, siguro lower income household, alam ko dahil nag-aassess ako ng mahihirap na pamilya noon sa social welfare; pero kaya naman. Nagsasara ng tindahan si Mama kung may ganap sa bayan, hindi s’ya nawalan ng makinarya. Sagana kami sa mga balik-pasasalamat ng komunidad: mga bagong aning gulay, karneng manok, pugo at minsan gatas ng baka; mga malalaking pagpapahayag ng pagiging tao ngayong panahon.
Hindi ko itinatangging tinatanong ko rin ang sarili kung paano kaya kung hindi ako tumalon agad sa bintana ng korporasyon o kaya tiniis ko lang ng ilang taon pa ang apoy ng gobyerno? Gawaing mortal naman talaga ang magtanong ng alternatibong mga realidad. Nagsisisi, oo sobra, sa ekonomikal na kasiguraduhan pero hindi naman pinanghihinayangan ang pagtaya sa sarili.
Isang taon na pala akong nakahiwalay. Mas nararamdaman ko ngayon ang mga aksidenteng pangungumusta sa daan kapag may makakasalubong na lumang kakilala. Buong giting ko ring sinasagot ang mga “nasaan ka ngayon” ng isang malaking gesture ng “wala e” kasabay minsan ng pag-iling. Mas madaling sabihing walang trabaho kesa nagsusulat ng tula.
Madaling Makabalik
Tinawagan ko ang kaibigan sa dating trabaho matapos ang isang taon, at nagsalubungan kami ng mahabang tawa kahit wala pa kaming sinasabi. Plakda rin ‘to dahil walang sasalo gintong lambat sa pagtalon sa di siguradong panahon. That is to say she resigned her work during a crisis and she’s not well off. Ang lundo’y wala pa rin kaming mapiling gawin, nakakapili pa rin kami; kung bakit hindi namin malunok na wala kaming masyadong pagpipilian. Tatanggi sa mga alok at tatawang akala mo’y makapangyarihan.
Sinubukan naming bulatlatin kung anong ugat ng pagmamadaling makabalik at nahugot naming baka napapag-iwanan kami at hindi na kami kailanganin ng daigdig dahil matagal na kaming nakahiwalay. Naiinip kami sa kabila ng isang taong pagbubumagal. Sinubukan naming kantiin ang natutulog na lawa at nakakalikha pa kami ng maliit na mga alon at lagaslas. Naghihintay nang kumawala ang mga posibilidad na kaya naming gawin. Pero hintay pa, kaunting hintay pa. At tatawanan lang uli ang mga sarili’t maghihiwalay sa ginawang sariling mga kulungan.
Minsan ‘yung simpleng siyensyang natutunan ko sa Tiaong East Elementary School ang nagbibigay ng kapangyarihan sa’kin. Ilusyon ang paghinto. Hindi totoong wala akong nararating sa kabila ng mga pagkahiwalay at pagkakakulong. Hindi ako sinisikatan ng araw o inaabutan ng mga bituin, nakasakay ako sa tuloy-tuloy na inog ng daigdig.
Isang taon na pala,
Astropisikal na paikot-ikot
Walang piho saan ang punta.
No comments:
Post a Comment