Monday, October 28, 2013

Bakasyon



“Nahan na ang graphics?”“Nahan ang devcoms?”“Anong petsa na?!”“Magpapa-imprenta na tayo.”“Subrang huli na tayo sa timetable natin.” Ririndihin ka ng mga ganitong ngal-ngal sa publication ng aming unibersiti. Buti na lang may pamilya kang uuwian: “Blag! Boom! You give love... Bam! Bang! a bad name! Yeah! Rakenrol!”salubong sayo ng 80’s na playlist ng tatay mo. Pero buti na lang andiyan ang nanay mo: “O, ‘yung aso paliguan mo.” “Yung mga hugasin” “Yung lalabhan mo, anlawan ng husay” “Yung harapan natin wala pang nagwawalis” parang si Moises lang na nagbabasang sampung utos. Minsan, kinakabog pa niya si Moises pagdating sa pagpapaalala. Hindi gaya ng mga pamilya sa commercials ang meron ako. Kung garne ang pumupulupot sa buhay mo sa araw-araw, masama bang kumagat ka ng break?

JJJ

“Oh kuya, ok ka lang? Naho-homesick ka ba?”Ngumiti lang ako.

Si Dave (David ata ang pangalan niya), kulot, kayumanggi, at singkit; ay isang mag-aaral ng Bibliya na nakapanayam ko sa aking 3 araw na pagtakas sa ‘realidad’. Galing siya sa isang simbahan sa Laguna kung saan siya ay naglilingkod sa creative media.Taga-gawa ng presentation slides at taga-pindot ng right arrow key kung may pagtitipon. Malamang taga-dausdos din siya ng acetate nung hindi pa uso ang LCDs dahil bata pa lang ay nahaya na siya sa pag miminesteryo bilang anak ng isang manggagawa. Gaya ko, nakakilala rin siya sa Panginoon sa murang edad.“Nakakasawa rin” aniya habang inaalala ang karanasan. Napabarkada, naadik sa DOTA gaya ni [insert your friend name here], at tuluyang namatay ang kanyang panlasa sa mga makalangit na gawain. “Kapag may mga youth fellowship, tinatakasan ko yon lagi at nagdodota lang ako.”kwento niya. Mahirap nga namang hindi maimpluwensiyahan ngayong sa gan’tong panahon tayo naghahanap ng pagtanggap mula sa mga nakapaligid satin. “Ay, wag na nating isama yan. Anak ng pastor yan!” isa sa mga persekusyong natanggap niya. Pero dumating sa kanya na hindi pinakamahalaga ang pagtanggap ng mga tao kundi ang mas higit na mahalaga maging katanggap-tanggap sa Diyos. Amen! Kaya yun nagpasya siyang pumasok sa pag-aaral Bibliya, kung saan wala siyang kahit anong gadget/electronic devices upang mulig kumonek sa dating na-hibernate niyang relasyon sa kanyang Tagapagligtas. “Sa una parang wala lang, peo nong ikatlo na, umiyak nako sa homesick, pero pag nagtagal ka hindi mo na namimiss ‘yung pamilya mo. Parang ayaw mo na ngang umuwi eh.”Pangitang-pangita na online na muli siya sa Strongest connection.

JJJ

Sabi ko magbubuwis dangal ako dun pagdating sa mga games at pakikipag-socials, pero cheering competition pa lang tinamaan nako ng hiya sa ka-cornihan, hindi ko pa rin pala kayang isuko ang pinaghirapan kong dignidad. Bakit kapag cheering competition, lahat lumalabas ang ka-cornihan kahit ano pang prestihiyoso ng propesyon nila. Nahiya nga ako sa isang hayskul na camper, tumabi siya sakin at inabot ang kamay-“You are?” Tanong niya. “the light of the world?” sana ang isasagot ko kaya lang waley kaya di ko na tinuloy. “Jord” ang sinagot ko kahit “J.E.” ang nakalagay sa nametag ko para hindi naman maitsapwera ang second name ko na “Earving” pero kahit ako ay sanay na rin sa “Jord” lang. Maganda ang social skills nung bata, kalaunan nalaman ko na PK(Pastor’s Kid) siya at kapwa gamer. Matatagalan pa ata ang pag-unlad ng social skills ko, pero nagkaron naman ako ng mga konting kaibigan sa maigsing panahon. Nakikipagkilala na sa mga kapatid mula sa iba pang mga lugar. Hindi na’ko ang dating mailap na pusa. 

JJJ
Siga
Lagitik ng mga tuyong kahoy
Mga nabaling buto, sakit ng kalamnan.
Kaalinsabay ng koro ng kuliglig
Sa kumpas ng kwerdas
Humihimig sa hangin
Ibsan ang halumigig
Nakatingala sa mga tanglaw
Lumalagablab na awit, agos ng batis
Sunugin at anurin ang pagal na manlalakbay.
Naglaro ako na parang batang may pasok na kinabukasan. Nag-volleyball at Frisbee hanggang manakit ang katawan para lang sa isang ice cream na natalo lang din ako ng isang mala-Asong kaibigan. Maganda naman ang laban sa iskor na 4-5. Nag-modified bato-bola (tatlong base, tapos pwede kaming umikot-ikot habang bumabato) hanggang lumawit ang dila. Nakakahigop ng pagod ang pakiramdam habang tumatama sa paa ang mga mahamog na carabao grass at paminsang-minsang kumayod sa malambot na lupa para bumwelo sa pag-agaw sa lumilipad na pinggan. Nag-modified patintero rin (tatlong-kadena ng manlalaro sa opensa at limang-kadena ng mga tao sa depensa) hanggang lumabas ang isopagus sa kapapaparoo’t parito. Lahat halos sinubukan maliban sa zip line at 360-degree swing, kolonyal kasi masyado ang konsepto nito. Di sumasalamin sa katutubong kultura kaya di ko sinubukan. Pananamantala ng pagkakataong wala pa ang mga presyur ng mga ekspektasyon ng mga taong nakapaligid sayo. ‘Yan ang depinisyon ko ng bakasyon.

 JJJ

Kada gising sa umaga, parang hinahanap ko agad ang mga sermon ni ‘Moises’ukol sa paghuhugas ng pinggan; pero nasa bundok nga pala ako. Maglalakad ako sa mahamog na soccer field habang humihimig upang marating ang isang kubo kung saan makikipagniig ka kay Boss. Tinig naman niya ang diringgin sa kapayapaan ng umaga. Sana ganito araw-araw, gabi-gabi. Yung hindi ka inuunahan ng nagsususmigaw na mga gawain pagkagising sa umaga. Reconnected at updated, muling pagkonek sa Strongest connection. Pero siyempre lahat ng‘to matatapos rin at babalik rin sa dati ang lahat. Pero hindi, hindi lahat babalik sa dati. May mga hindi na babalik sa dati.

No comments: