Friday, October 4, 2013

Nakaka-Mens na Panayam Kay Bebang! (Editor’s Uncut+Behind the Scenes)



     Si Beverly Wico Siy ay ipinanganak noong Disyembre 10, 1979 at nakatira sa 128 K-8th Street, Kamias, QC 1102 kung saan may sumbungera siyang kapitbahay. Isa sa apat na anak nina Resurreccion Magat Wico at Roberto Ho Siy at kapatid nina Columbia, Kimberly, Charisse Ann, Erres. Nag-aral Si Beverly o mas kilala sa palayaw n’yang Bebang sa Philippine Christian University Union Elementary School (Malate) at Philippine Christian University Integrated Science High School (Malate). Sa University of the Philippines (Diliman) nag-kolehiyo at kumukuha ng kanyang graduate studies.

     Siya ang may pakana ng mga aklat na Mingaw, Philsprint Publishing (novel), It’s A Mens World, Anvil Publishing (creative non-fiction), It’s Raining Mens, Anvil Publishing (autobiographical collage), Nuno sa Puso, Visprint (collected advice columns) at ng Marne Marino,  Vibal Publishing (children’s book).


          Briefing Muna:

Paboritong lugar at sitsirya:

Lugar? gusto kong laging puntahan? Mga museo. Kahit anong museo. Saka mahilig ako sa dagat. Favorite ko rin ‘yong mga lugar kung saan nakakapanood ako ng sunset.

Sitsirya? Chippy na sinasawsaw sa cheez whiz. Mahilig din ako sa Boy Bawang lately. ‘Yong BBQ flavor. Saka Clover. Ang laki-laki, mura lang! sawsaw din sa cheez whiz!

Trav:  Ate Beb Ang, bumati ka muna sa mga mambabasa ng panayam na ito.

Beb.: Hello! Kumusta kayo? Magandang araw! Ahahhaha feeling ko talaga, radyo ito, ano? Haha!






     Interview Proper:

Trav: Kailan mo nalamang may panawagan ka sa pagsusulat?

Beb: Naku, hindi ako conscious. Nag-umpisa kasi ako, high school. Gumagawa ako ng spoof ng paper namin sa school. Ako sumusulat ng mga joke, ng mga kuwentong nakakatawa tungkol sa mga terror na teacher, ganyan. Tapos pagdating ko ng kolehiyo, pinili ko ang kursong BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino kasi tipid siya hahaha wala kasi akong pera at walang magpapaaral sa akin noong kolehiyo ako. Kaya hindi puwedeng magastos ang pipiliin kong kurso. Ayun, nagtuloy-tuloy na ang pagsusulat ko ever since.

Trav: Paano ka ba kasi nag-umpisa?

Beb: Ayan, nasagot ko yata agad ‘yong tanong hahaha!

Trav: Anong reaksiyon/motibasyon/pang-alo mo sa sarili sa tuwing may hindi nakaka-appreciate ng sining mo?

Beb: Sport ako. Dati pa man, alam kong meron talagang hindi makaka-appreciate ng akda ko. Okey lang sa akin ‘yon. As in.

Hindi ko na lang iniisip ang mga taong hindi maka-appreciate sa akda ko. Sayang ang energy ko sa kanila hahaha! Kahit saang larangan naman, hindi ka dapat magtagal sa isang sitwasyon kung saan hindi ka naa-appreciate. Eventually, bababa ang morale mo, maaapektuhan ang pagiging produktibo mo. Kaya the best na ‘yong ikaw na mismo, magsara ng pinto sa ganitong sitwasyon.

Isa pa pala, galing ako sa hirap. Galing ako sa pinakamahihirap na trabaho. Para sa akin, napakasuwerte kong tao dahil tinatamasa ko ang kung anong mayroon ako ngayon sa pamamagitan ng pagsusulat, isang propesyon na sobra kong mahal. Kaya ang mindset ko, wah, hindi ako dapat panghinaan kung may hindi maka-appreciate ng akda ko. Para ‘yan lang, e. Lahat ng nararanasan ko ngayon, blessing talaga, e. Sino ako para magreklamo? Kahit marami pa silang hindi maka-appreciate, wala akong K para magreklamo or mag-inarte. Sobra-sobra-sobra pa rin akong blessed, hello! Baka bigla akong batukan ng Diyos kung mang-away ako ng mga di nakaka-appreciate. “Hoy, Bebang, ang arts mo lang!” sisinghalan ako ni God. Tipong ganyan.

Trav: Bukod sa Dada Isda, anong akda mo pa ang paborito mo?

Beb: Ang Lugaw, Bow. Nasa It’s A Mens World. Favorite ko ito kasi parang pakiramdam ko, naipakita ko dito kung gaano kami kamahal ng tatay ko kahit na medyo bad siyang uri ng tatay. Kasi ganon ang ibang mga tatay. May gago, may tarantado. At higit sa lahat, may kanya-kanyang weird na paraan ng pagpapakita  ng pagmamahal.

Marami pa akong paboritong trabaho. ‘Yong buong Mens World na aklat. Kasi ‘yong kuwento sa likod no’n, maganda. It was just a requirement sa isang penalty course sa masters. Imagine, penalty course? Di ba, negative siya sa buhay ng isang mag-aaral? Pero ‘wag ka, ito pala ‘yong maghahatid sa akin ng ibayong biyaya. Hay. Ang saya lang talaga.

Isa pa ay ‘yong Marne Marino. It was a loser! Sa isang contest. Pero kahit hindi siya nanalo, pinilit ko pa rin na malathala siya. Idinugtong ko siya sa isang sanaysay ko sa Mens World kahit na hindi naman siya bagay doon. Kasi Ingles! E, ‘yong buong aklat, Filipino. Sabi ko, sayang kasi kung hindi mababasa ng iba. Kahit natalo ito sa kontes, parang me alindog naman ito kahit papaano. Me asim. Hahahaha!

Ngayon, isa na siyang napakagandang aklat. At ang nag-publish ay isa sa pinakamalaking publishers sa Pilipinas! Wah. Ang saya uli, di ba?

Sobrang mahal ko ang mga akda na ito. Kasi parang mga anak na puro palpak, panget, abnormal sa paningin ng ibang tao. At ako bilang nanay, hindi ako nag-give up. Hindi talaga ako sumuko. Hindi ako palasuko sa kahit anong bagay. So, patuloy kong inalagaan, pinagyaman ang mga akda kong ito. Ayan, nagbinata at nagdalaga na! hahahaha! Parang rags to riches ‘yong kuwento ng mga akda na ‘yan, di ba? Kaya paborito ko sila.

Trav: May ritwal ka ba bago magsulat? May oras ba na mas feel mong magsulat?

Beb: Wala. Hahahaha! Sa pelikula lang yata ang mga ganyan, ritwal-ritwal.

Wala rin akong oras na itinatakda. Pero ako ‘yong tipo ng manunulat na kapag nakaisip ng isusulat at nabigyan ng deadline, hindi muna magsusulat hangga’t hindi dumarating ang bingit ng kamatayan este ang deadline.

Pero by that time, alam ko na ang isusulat ko. Kasi iniisip ko na ang isusulat ko. Kahit ano pa ang ginagawa ko, iniisip ko na ito. Naliligo, kumakain, namamasyal, naglalakad, pumapasok sa trabaho, nagtatrabaho, nakikipag-usap sa ibang tao, nasa loob ng dyip, ng tricycle, ng pedikab, nakatayo sa LRT. Kasabay ng lahat ng iyan ang pag-iisip ko sa isusulat ko.

Kaya pag ako umupo para magsulat, wala nang baklasan sa upuan ‘yon. Nagagalit ako kapag may pinagagawa sa aking iba, halimbawa, kapag pinapakain na ako, ako pa ang galit, hahahaha! Kasi nasisira ‘yong pag-iisip ko, e, napuputol! Momentum ba. So ayun. Kadalasan din, hindi ako naliligo. Maliligo ako either bago ako umupo o kapag natapos ko na ‘yong akda. Kung mahaba ‘yong akda, maliligo lang ako kapag sobrang pagod na ako sa kakasulat. Pero dahil pagod na ako, wala, hindi na ligo, wisik-wisik na lang.  Yerk. Kaya hindi ako dapat tabihan kapag nagsusulat ako. Bukod sa nagsusungit ako, ambaho ko pa. Amoy kili-kiling stagnant.

Trav: Gumagamit ka ba ng Panda o HBW? (hindi ito kasama sa i-pu-publish:)

Beb: Hahahaha Kahit anong ballpen, ginagamit ko. Netong nakaraan, nakakabili na ako ng gusto kong ballpen. Me konti nang pera, e. Hahaha! Dati kasi, laging hingi lang. Or free lang. Ngayon,  bumibili na ako, madalas green at violet na ballpen. Kasi gusto ko, madaling makita ‘yong isinulat ko. Noong bata ako, ang ballpen ko ay Panda. Ngayon, bihira na ang Panda, kaya paminsan-minsan, HBW ang ginagamit ko. Ang mura kasi.

Trav: Nagbabasa ka ba ng mga bestsellers ng mga banyagang manunulat? (Kung oo, nabasa mo na yung Narnia at Hunger Games? Hindi rin kasama sa i-pupublish yung sagot dito:)

Beb: Bihira. Hindi ko pa nabasa ang mga sinabi mo. Pero pareho kong napanood ang pelikula ng mga ‘yan. Sinubukan kong basahin ang Twilight, after a few chapter, napapangiti lang ako. Parang Precious Pages naman. Mas magagaling pa ang writers natin dito ng romance novels! Mas mahaba lang itong Twilight. E, kailangan kasi makapal ang libro nila para maibenta nila nang mahal, di ba? Pero content wise, hindi naman nalalayo sa galing ng Filipino writers ang mga manunulat ng banyagang librong bestsellers tulad ng Twilight.

Nabasa ko ang complete set ng Spiderwick Chronicles. Anim na aklat ito. Pero very YA ito. Young adult. Mas pambata kaysa sa mga binanggit mo.

Trav: Sinong paboritong mong manunulat?

Beb: Marami. Rio Alma, Rene Villanueva, Luna Sicat Cleto, Abdon Balde, Jr., Mayette Bayuga, Rosario Cruz-Lucero,

Foreign: Raymond Carver, Anna Quindlen

Sa mga bata: Russell Mendoza, Eliza Victoria, Ferdinand Jarin, Vladimeir Gonzales, Adam David, Anna Ishikawa, Mykel Andrada, Sarah Grutas, Ronald Verzo (boyfriend ko ‘to, at taga-Quezon din, sa Alabat. Magaling siya sa poetry at criticism.)

Iyan pa lang ang naiisip ko ngayon hahaha marami pa iyan.

Trav: Kung may pagkakataon ka, kanino mo gustong makipag-collaborate?

Ang ganda ng tanong! Kay Bob Ong! Hahahaha! It’s my honor!

Trav: Inaabangan namin (kasama ni Pusa) ang It’s Raining Mens. Matagal pa po ba?

Hopefully sa Manila International Book Fair. Sa September iyon. Kailangan mai-release siya bago kami ikasal hahaha para mas may dating! Sa Disyembre na ang kasal namin, e. Baka wala nang bumili kapag tapos na ang kasal, haha!

By the way, hindi ito pang-18 and below. I’m sorry. May malupit na malupit na piyesa sa loob na palagay ko e talagang di puwede sa 18 and below.





          Isang Tanong, Isang Sagot Portion:

Panuto: Sagutan ng buong katapatan ang sumusunod na tanong: 
Beb.: Parang exam talaga! Hahaha!

1. Bilang Tsinay, kanino talaga ang Panatag Shoal?

Beb: Hahahaha hindi ko iyan masasagot. Pero ang akin, alamin ang kultura ng mga taong nakatira sa isang pulo, kung Pinoy ang kultura (lalo na ang wika), atin ang pulong iyon. Obvious ba? Pero kung hindi, hindi. Kung mixed, paghatian na lang ng dalawang bansa! Bakit, imposible ba iyon? Hahaha!

2. Bilang nanay, pabor ka ba sa RH Law?

Beb: Pabor ako sa lahat ng batas na mag-e-empower sa mas mahihina at sinasamantalang uri.

3. Bilang manunulat, ang sining ay ______?

Beb.:  Isang joke. Joke lang!

4. Bilang taga-hanga, nakita mo na ba si Bob Ong?

Beb: Hindi pa po! how I wish.

5. Bilang mabuting tao, pauunlakan mo ba kami kung kukumbidahin ka naming sa gaganapin naming Mini-Con/Writing Camp?

Beb.: Wow! Oo naman! Hahaha ako nga ang nagsabi kay Jord. Sabi ko kaya kong pumunta sa inyo kasi malapit lang pala at mura ang pamasahe! Kayang kaya ko abonohan! Hehe kung mag-eeroplano, ‘yon ang good luck. Kapos ang beauty ng bulsa ko haha!

Yey! Gusto ko ‘yan, ha? See you!




          Final Words:

Sa lahat ng interesadong magsulat, sana sumulat kayo nang sumulat. Lagi ninyong iisipin, walang ibang magsusulat ng mga bagay na naiisip ninyo kundi kayo lamang. Kasi ang imahinasyon ng tao ay parang thumbmark, walang magkaparehas. As in talagang unique sa bawat isa sa atin.

Uleeeeet! Walang ibang magsusulat ng naiisip ninyo kundi KAYO LAMANG.

Yown.

Sulat lang nang sulat!

Trav:  Ate , Imbitahan mo sila na magbasa ng akdang Pilipino/sumulat  sa wikang Filipino/tumagkilik ng mga manunulat na Pinoy

Beb.: Kailangan nating magbasa ng mga akdang gawa dito sa atin. Ng mga akdang nakaka-relate tayo. Ng mga akdang tungkol sa karaniwang Filipino. Sa ganitong paraan, natututo tayong magproseso ng ating sariling danas at sariling kaisipan. Mas nae-empower tayo pag dumadaan tayo sa nasabing proseso. At eventually, mas yumayabong tayo bilang mga tao.

Importante ring makabasa ng mga akda tungkol sa ibang lahi, tungkol sa ibang kultura. Pero ang napapayabong lamang nito ay ang dunong natin tungkol sa iba, ang dunong natin tungkol sa kung paano tayong makikisama sa kanila.

Pero ang dunong tungkol sa ating mga selfie, matatagpuan lamang iyan sa mga akdang gawa sa sariling bansa.

Amen.

Para sa panitikan, para sa bayan.





          Behind the Scenes:


Jord: Ate Bebs, Ung personal na datos balak kong gawing bionote mu yun na maigsi tas’ yung interbyu ayan na yun.

Beb.: Ok sa akin! Ang saya ng interbyu na ito hahaha para akong nasa radyo!

Jord: Kung meron po kayong suggestions para mapaganda to. Go!

Beb.: Lagyan mo ng mga larawan. Kuha ka sa fb ko tapos pakita mo sa akin para masabi ko sayo kung sino ang kumuha ng larawan (for credit). Hatawin sa lay out yung artik. Yung parang sa mga magazine na pambabae, candy magazine ganyan, para medyo hip at medyo cool ang dating hahahaha!

Jord: Tas’ gagawa ako ng book review n’yo pwedeng sa English naman yun? Or sa Filipino? Sa tingin nyo po?

Beb.: Sa Filipino na lang. Ikaw talaga!

Jord: Thank you po! 

Beb.: Thank you rin sa iyo. SUPER! Cyber hugs, Jord!


No comments: