"Ang batang malikot nakakadampot ng ipot."
Grade 2 ako noon ng mabasa ko 'to sa notebook ng kapatid ko na nasa daycare pa lang. Hagalpak ako ng tawa dahil salawikain daw 'to. Mukha lang kasing joke para sakin. Akala ko kasi literal yung malikot at ipot.
Ganyang edadan din ang mga batang ayaw matulog sa tanghali. Nunka!Kahit pa anong sarap ng pangakong merienda pagkagising, mas gusto pa rin naming magtatakbo sa initan. Nakakaburyot kasi ang pagtulog sa tanghali, e bilang bata may obligasyon kaming i-burn ang di nauubos na calories ng katawan. Pero wala rin kaming magagawa sa bangis ng sinturon, tambo, uyo, buntot page, at iba pang sandatang pamalo ay hihiga rin kami at magpupumilit matulog. Bakit kasi kailangang matulog sa tanghali? Para daw lumaki. E sadya naman kaming lalaki paglipas ng madaming madaming tanghali. Mga nanay kasi natin, echusera.
Sa panahong nasusupil ako ng pamalo, maaari; maaari ngang nakahiga ako pero ang puso ko naglalaro sa labas. Tangha-tanghali, walang paltos na nagdarasal ako na sana may dumating na bisita para kwentuhin ang tagabantay [si Mama]. Isang araw nga, dala ng maigting kong panalangin; sinagot ako ng mahabaging langit. May dumating na kamag-anak mula Maynila at may dala pang pasalubong. Nakaalagwa kami. Pero hindi laging ex machina ang mga tanghali, na may laging darating na tagapagligtas. Madalas, tragic ang mga tanghali dahil kailangan ko talagang magtulog-tulugan at alas-kwatro ng hapon naman ako mag-gigising-gisingan. Nakakatulog ang kapatid ko pero ako, bihirang-bihira ko makatulugan ang pagka-countdown. Kung makatulog man ako, gising ang puso ko at tinitibok pa rin ang paglalaro sa labas.
Isang tanghali, lalabagin na naman ni Mama ang batas ng kalikasan. Daiurnal ang pagkakadisenyo sa tao, so nangangahulugang dapat gising tayo kapag me araw, pero pinapatulog na naman kami ng kapatid ko. Susundin ko sana ang puso ko this time kaya lang kukunin na naman ng tagabantay ang kanyang latigo. Ayokong malatayan. Ayoko ring matulog.
Padabog akong pumunta sa higaan at
Breek!
May nabasag.
Nakita kong nagkapira-piraso yung piguring elepante na ginawa kong kalaban nina Woody, Champ, at Hetty. Nabasag ko pala siya sa paghiga ko, pero di ko ramdam kung san tumama. Mas nararamdaman ko yung rebolusyon sa dibdib ko. Hanggang sa nakita ko ang kudlit saking kaliwang paa na bahagya lang na malaki kesa butas ng alkansya. Kulay puti, tinitingnan ko. Mga 2 segundo pa, dumugo na. Bumukal ang dugo.
Ang sikip sa dibdib habang nakikita kong umaagos ang dugo. Masakit din sa pakiramdam na kagagawan ko ito sa sarili. Hindi ako umiyak. Ngumal-ngal ako lalo na ng kumukuha na ng alkohol ang nanay ko habang inaampat ko ang pagdurugo.
Sana makatulog nako para diko maramdaman ang kirot ng sugat na noo'y nababalutan na ng panyo. Ngayon, pinapaalala ng peklat na naiwan ng elepanteng pigurin na may sanhi ang bawat bunga. May ipot ang bawat likot.