"Ma! May pagong!" sigaw ko. Sa loob ng bahay namin. Hindi nako nagulat, natuwa lang.
"Ma, may pagong!" ulit ko, kukuha nako ng tabo para paglanguy-languyin ang pagong nang biglang sagot ni Mama. "Galing yan sa bag ko. Keychain yan!"
Lately kasi napansin kong dumadami na ang namamataan kong animal species sa bahay. Bukod sa 2 official species na inaalagaan namin, isang aso at ilang manok, ay marami pang ibang wildlife ang mai-spotan sa bahay. May mga resident species sa bahay, yung di naman inaalagaan pero samin nakatira. Gaya ng mga butiking harot na harot habang nanunuod ako ng balita. May mga langgam na mahirap pa ata sa mga daga dahil pati kape ay nilu-loot. May ilan ding gapalad na anlalawa, yung gagamba na mahahaba ang kalis na minsa'y may dala-dalang 'lucky egg' sa may tiyan na yung itlog na yun ay tinatapat naman sa araw para silipin ang tatamang numero sa jueteng; ay malimit gumulantang sakin kapag naglilikom ng sinampay o di kaya'y nagsasapatos. Naging hobby na nila ang gawin akong hysterical.
Nagiging malapit na nga rin ata ako sa isa pang resident species, ang brontispa. Tuwing kalaliman ng gabi kung kailan ko pinipiling magsulat dahil tahimik ang lahat at utak ko lang ang maingay, doon sila sikal na sikal magparoo't parito. Nakakatakot at nakakadiri, nung una. Pero nasanay na rin ako sa pagdaan ng madaming gabi. Meron lang akong isang batas na pinapairal: Mahigpit na ipinagbabawal ang paglipad-lipad. Oks lang tumakbo-takbo basta walang lilipad dahil sa oras na ikampay nila ang mga brown nilang pakpak, matitikman nila ang bangis ng tsinelas.
At sa kaparehong timeslot ng mga kaibigang ipis, mararamdaman kong may nakatingin sakin, isang visiting species. Pusang may orange at black ang nakatitig sakin at humihingi ng permiso sakin kung maari ba siyang mag-inspect ng tira-tira. "Pangkain lang Ser." sabi ng mga ngiyaw niya. Pag ako, hinahayaan ko lang pero pag si Mama o Papa ang maabutan niya ay piho na sasalubungin niya ang bangis ng flying dragon-tsinelas din. Kaya inalam niya ang timeslot na ako ang nasa kusina. Ngayon, samin na siya nakatira.
Nariyan din ang mga lulumbong lupa, hakot-hakot, tuko, alitaptap, salagubang, alupihan, at paru-paro bilang mga occasional species.
Nakakakilabot minsan yung mga bombadiers o atangya, insect pest yun sa palayan na nagbubuga ng mabahong amoy, sa dami nila sa kurtina kailangan pa silang walisin. Malamang nasa milking stage na ang palay sa kalapit naming tubigan. Seasonal species ang tawag ko rito gaya ng mga gamu-gamong nagpaparty-like-2012 sa ilaw kung tag-ulan. Simple lang ang solusyon dito: patayin lahat ang ilaw at iwanang bukas ang t.v.; maglagay ng isang batya o palangganitang tubig. Magmimistula silang nagkakandarapang K-Pop fans tapos yung source ng liwanag tuloy lang ang kislap, walang pakialam sa kanila; habang ang iba ay nalalaglag at nalulunod na. At kung may gamu-gamo ay may kasunod 'tong mga palaka dahil fiesta ito para sa mga ito. Pero hindi pa nakakapraning ang palaka sa sahig, kundi ang palaka sa lababo. Yes! kaibigan sa mismong lababo. E kataas-taas ng lababo namin, kaya hanggang ngayon ay nagreresearch pako kung pano niya narating ang ganung kataas na posisyon. Isang misteryo gaya ng maraming mayayaman sa gobyernong may kwestiyonableng yaman.
Gustong gusto ko yung Envi.Sci. Kahit na 21 times akong may pulang marka sa likod ng classcard. Minsan pinagawa niya kami ng 3-day journal tungkol sa environment na ginagalawan namin sa araw-araw. Isang obserbasyon sa mga buhay at relasyon nito sa kapwa may buhay at mga bagay na nakapaligid dito. No problemo, ang lawak kaya ng biodiversity sa loob pa lang ng bahay namin. Isang hindi napapansing ecosystem. Malupit pala ang kalikasan. Malupit ang tsinelas sa ipis. Ang walis sa atangya. Ang batyang lumulunod sa gamu-gamo. Sa kumikislap na walang pakiakam. Ang abusadong pusa. Ang palaka sa lababo.Masisi mo ba sila kung ito lang ang paraan nilang maisalba at maipagpatuloy ang maigsing buhay? May maliit pa lang salamin ng buhay sa mga maliliit na mga nilalang na kailangan din nating masilip.
No comments:
Post a Comment