Wednesday, December 11, 2013

Bato-bato sa Langit.

   Nagdo-doctrinal class kami nina Kuya Joey, isang Huwebes ng pagabi; nang magbitaw ng tanong si Kuya ng isang makabulabog pananampalatayang tanong:

"Kaya bang gumawa ng Diyos ng bato na hindi Niya kayang buhatin?"

   Omnipotence o ang Kapangyarihang Gawin Lahat ang pinag-uusapan. Alam ko hindi binitawan ang tanong para maghasik ng pagdududa o pagkalito. Lalong hindi katuwaang palaisipan bagkos ay para maunawaan ng mas malalim ang abstraktong kaisipan na wala naman talagang lubusang makakasukat-unawa. Mind boggling talaga

"Hindi."
   "Kaya siyempre."
"Pwede na Hindi pwede."

  Bawat sagot maingat na binitawan. Aba, mahirap na.

  Grabe naman. Parang ang busy naman ng Diyos para gumawa Siya ng bato. Andaming dapat gawin: Pwedeng gumawa ng pagkain para sa mga nasalanta ni Yolanda. Di ba? Pwedeng hindi na nga rektahang umulan ng tinapay pero galing pa rin ang ayuda sa langit mula sa mga airdrops ng mga choppers. Pero hindi naman siguro bato. Pwedeng pagbatiin Niya ang 2 senador na nagbabangayan, bumabaha ng 'unparliamentary words', pano naman ang mga batang nanunuod ng balita? Atsaka isa pa magpapasko na, hindi lang dahil panahon ng pagpapatawaran; magbabakasyon na ulit at na-outstage na ng privelege speeches na siya namang advantage ni Janet na matigas ang visage.

  Ayan, kagaya nyan. Pwede namang palambutin Niya ang mga pusong bato ng mga kawatan ng kaban kesa gumawa lang ng bato. Hindi po ako nagdidikta, nagsa-suggest lang. Ito pa ang pwedeng magandang gawin: Bigyan Niya ng malikhaing pag-iisip yung maraming screen/scriptwriter para naman hindi laging habulan sa airport ang eksena sa mga romantikong palabas sa t.v.. Andami-andami pang pwedeng gawin, maraming emergency, sandamakmak na urgency, at kailangang aksyunan tapos gagawa pa ng bato? Bored lang? Siyempre hindi naiinip ang Diyos dahil labas Siya sa saklaw ng oras.

  Isang kapatid ang hindi nakatiis, ibinulalas niya:

  "...contradict na yung all powerful at hindi Niya kaya... Mali yung tanong!"

  Natumbok niya ang tamang sagot na mali yung tanong. Illogical.

  Kaya pala hindi ko masagot. 

No comments: