WDDWM
We Don't Die We Multiply
Nito lang Dis. 1, Linggo ay nagdiwang ng ika-23 taong anibersaryo ang TBC (Tiaong Baptist Church) kung san ako kabilang. Hindi dahil dun ako nagka-isip. Hindi para maiba lang sa marami. Bagkos ay dulot ito ng personal na pagtitimbang at pagpapasya.
Ika-23 sabi ni ganto. Ika-22 pa lang daw sabi naman ni ganyan. May dibisyon pa kahit sa edad ng lokal na iglesya. Big deal ba kung kulang o labis ng 1 taon ang pagkakalagay sa tarp at invitations? Hindi dahil nagpapabata o nagpapa-mature ang simbahang ito, ang mahalagang pagtuunan ng pansin ay ang pagpapasalamat sa Panginoon ng Ani sa biyaya Niya sa nasimulang gawain. Sa usaping ito makikita ang kahalagahan ng kasaysayan. Wala kasing history commitee sa maraming simbahan.
"Shall we lose the Harvest?" ang tema ng nasabing okasyon. Hindi ang masasarap na putahe ni Chef Mimay o ang makikintab na palamuti ang highlight ng araw na yon kundi ang pagbibigay hamon muli sa paghahasik at pag-aani. Malawak ang anihin pero kakaunti ang manggagawa. Si Ptr. Don Altura, Missionary sa India; ang kinasangkapan sa pagbibigay hamon sa mga tao.
May ilang pakulo din. Gaya ng musical-dula ng mga batang mag-aaral ng TCA (Tiaong Christian Academy) na nagpakita ng mga buhay ng mga tao ng Diyos gaya ni David at Moses.
Ang cu-cute ng mga bata, parang ako lang nung nag-aaral pa rin ako sa TCA.
Naghanda rin kami, mga miyembro ng The Fortress (youth club, paayos ng bigkas) ng national costumes. At dahil sa taglay kong suaveng bigote at balbas, Kingdom of Saudi Arabia natoka sakin.
Ilang araw nga bago ang anibersari ay wala pa akong costume kaya nagmadaling nag-ukay ang nanay ko. Itinawag pa niya sakin na may maliliit daw na bulaklak na disenyo yung nakita niya, wala na daw iba kaya yun na raw ang bibilhin niya. Umo-o naman ako at patatagpian na lang. Pag-uwi ko ng bahay agad kong inusisa ang biniling balabal at robe, nasa malayo pa lang ako kita ko na sa sampayan. "Hindi ko isusuot yan!" Hindi ito may bulaklak bagkos ay bulaklakan. Floral, hindi pwedeng tagpian. Hindi naman daw yun mapapansin pero ambilis ko ngang nakita. Isang suot lang naman at hindi naman daw yun paligsahan. So, babastahin na lang ba dapat? Baluktot na katwiran yun.
Matapos ang sparring namin ng nanay ko, ako ang nagwagi! Binigyan niya ko ng 200 para mag-ukay. Nagpray ako na tutal para naman to sa Lord, e bigyan na Niya ko ng costume na kering suotin. Pumasok ako ng isang ukayan, at tila dinala talaga ako ng mga paa ko sa nakasabit na robe; hindi nako nakapaghawi ng hanger. Mas modernong Arabo ang dating ko dito kumpara sa nabili ng nanay ko na para akong maliligo lang. At ang presyo- 2o pesos lang. Taliwas sa patalastas, may mararating pa ang bente pesos natin.
Pero tungkol talaga to sa anibersari namin at hindi sa kung paano ko nabili ang costume ko.
Sa loob ng dalawang dekada, marami na ring napagdaanan ang TBC. Mga krisis at bagyong. Na-Yolanda rin kami ng mga pag-uusig, persikusyon, panunukso, tsismis, paksyon, lahat ng ito umulan at humampas sa loob ng 23 na taon. Pero nanatili pa rin ang gawain. Going strong.
Ayon sa isang pioneering na miyembro, kung wala daw mga umalis o humiwalay baka raw nasa 500 na ang miyembro. Ngayon kasi ay nasa kulang-kulang 80 ang populasyon namin. Pero datapwat subalit, ang gawain ng pag-aani ay hindi paramihan ng miyembro, hindi palakihan ng gusali, hindi pataasan ng weekly giving, kundi patapatan. Kaya sa mga susunod pang mga taon mananatiling magdidiwang ng marami pang anibersaryo ang TBC kasama ang mga bagong ani at mga nagpapatuloy na kapatiran!
Kaya't isang tagay para sa tagumpay!!!
(gatas lang bro.)
Pasasalamat:
Kay Boss! Wooh! Kaw na! Da best ka!
Kay Ptr. David na mitiyagang nagtiyatiyagang mangalaga sa ipinagkatiwala sa kanyang kawan.
No comments:
Post a Comment