Friday, June 27, 2014

Babay Buknoy!

   Nasa simbahan ako nang malaman ko ang balita, humihingi ako ng pambili ng burger kay Mudra; patay na raw si Buknoy. 

"Ha? Sinong Buknoy?" tanong ko kahit iisang Buknoy lang ang kakilala ko. 

Si Buknoy ay kapit-bahay namin, isang bahay lang ang pagitan. Pren-pren to ng kapatid ko, kasamang magbasketbol at kasamang magbulakbol. Sanggang putik sila kahit na may mga ilang beses silang nagpanuntok. Kaya hindi rin nga makapaniwala ang kapatid kong si Bernunang. Ninong pa siya ng anak ni Bernunang. Magkasama pa nga raw sila kagabi sa palabas sa bayan. 

Tinatayang alas-tres ng madaling araw namatay si Buknoy. Aksidente sa motorsiklo ang dahilan.Bumangga sa kotse. Bukas ang bungo. Walang lisensya, walang helmet, walang ligtas. Sa edad na 18, deadz. Pati ang ka-angkas na babae. 

Wala atang balita na namatay na hindi kagulat-gulat. Palaging pinapa-ulit kung sinung namatay sa pagbabaka sakaling mali ang dinig at di kilala ang namatay. Yung may sakit kasi may clue ka na na pwedeng isang araw ma-deadz pero kapag aksidente palaging shocking. 


Mabilis daw talaga magpatakbo ng motor si Buknoy. Nakasakay na rin ako minsan. Sabi ni Pudra mabait daw si Buknoy sa kanya. Sabi nh Mudra, nakakuwentuhan pa raw niya ito kahapon sa may ilog kung saan kami naglalaba. Nakita ko pa ngang nililinisan niya ang magdadala sa kanya sa kabilang buhay. Lahat kami wala sa hinagap ng diwa naming made-deadz siya kinabukasan. Ang buhay nga naman, asan na kaya si Buknoy? Nasa kabilang buhay nga ba siya? 

Pag-uwi ko, doon ako dumaan sa likod ng bahay nina Buknoy. Dama mo agad ang ispirito ng dalamhati. Nasalubong ako ni Beybi, ang bunsong kapatid ni Buknoy. 

"Kuya Jors, nasa ospital si Kuya Uknoy, nabalita mo?" masaya pa si Beybi. Buong akala niya huhugasan na lang daw ng paa si Buknoy at uuwi na sa kanila ito.

No comments: