Tuesday, June 10, 2014

Tinuhog

   Si Ate Balma, isa sa mga nanay na nakilala ko sa pagbisita ko sa Guiuan, Eastern Samar. Halos dulo na ng Samar ang bayan nila. At halos dulo na rin ng Guiuan ang Brgy. Pagnamitan kung saan sila nakatira. Ito ang unang landfall ng World's Strongest Typhoon - Yolanda mula sa Pacific Ocean. 

Bago pa man humagupit ang Yolanda, ay dalawang taon ng pumanaw ang kanyang asawa. Sakit sa puso raw. At naiwan siyang mag-isang nagtataguyod ng walong anak. Na-Yolanda pa sila. 

Si Nikki, yung kasama kong volunteer writer ang naka-pick-up ng story niya during the medical mission. Sumama lang ako sa follow-up, para makalubog na rin sa komunidad. Habang kinakausap namin siya tungkol sa pinagdaanan nila ay nakangiti siya at walang nang bakas ng awa sa sarili o takot dulot ng dilubyo. Para lang kaming nangangahanggan kung sa termino samin sa katagalugan. 

Gaya ng madaming kwento, giniba ni Yolanda ang bahay nila. Nagpulot nga raw sila ng mapuputik na damit may maipampalit lang. At nakipagsapalaran sa reliefs. Buhay pa rin siya pati walo niyang anak. 
Isa sa mga pinagpapasalamat niya. 

Sa ngayon, meron siyang maayos naman na nasisilungan. Nadatnan namin siyang may kinukutkot, tinuhog o shell crafts ang tawag nila dito. Pinuri ko siya dahil masining at matiyaga ang pagtuhog-tuhog ng mga maliliit na shells gamit ang nylon na pisi, yung ibang kwintas may mga scallops din na kasama. Ito raw ang isa sa mga ikinabubuhay niya noon pa bago pa man mag-Yolanda.


Naibebenta ang mga tinuhog ng Php 45 kada dosena sa bayan. Yung mga materyales gaya ng nylon ay mura lang na nabibili at yung mga shells pwedeng pulutin sa may dalampasigan. Namulot nga ako kahapon doon. Pagtutuhog din daw ang kabuhayan ng mga kananayan sa Pagnamitan. 

Nagtatanim-tanim din siya ng mga gulay-gulay sa kanilang paligid. Nakakatulong rin ang pagpipinta ng kanyang anak sa kanilang mga gastusin. Napansin kong mahusay ang mga pinta sa kanilang ding-ding. 

Bago kami umalis, inabutan kami ni Ate Balma ng tatlong dosenang tinuhog. Sa amin na raw, pero siempre binayaran namin bilang tulong na rin sa kanyang pagsisimulang muli.


Bago kami umalis, ipinalangin namin ang kanyang kabuhayan at pagbangon. 

Kahanga-hanga si Ate Balma dahil kahit tinuhog sila ng mga delubyo ay hindi siya nawawalan ng pag-asa sa buhay. 



Makakapagtanong ka nga sa sarili, paano kung sakin nangyari 'yun? Magsimulang muli mula sa suot kong damit ngayon? Grabe. Ang alwan-alwan ng buhay ko ngayon, gigising s umaga, magkakape, magbabasa, magsusulat, kakain, and repeat from the start. All is well.

Kahit sunod sunod pang matuhog ng mga dilubyo ng buhay, sa huli ay lalabas tayong isang obra.
... 



   Bago kami ulit tumulak pabalik ng Tacloban, nakasalubong namin si Ate Balma. Galing daw siya ng meeting at nakasama sa housing grant ng isang humanitarian arm. 

Yip-yip!

No comments: