Friday, June 27, 2014

Bertdey Boy: E-Boy


   Bertdey ni E-boy noong ika-14 ng Hunyo at labing-siyam na taong gulang na siya. Single; ang alam namin. Kaya naman sa bertdey niya wala siyang ka-date kundi kami. Nina Alquin, Roy, Ako, at si Alvin. Umaura kami buong araw. 

   Noong gabi ng ika-13 ng Hunyo, Biyernes, galing pa kami sa funeral service para kay Nanay Gaya, kaya gabi na kami naka-uwi. Naka-uwi sa kanila. Sinamahan namin si Jeuel na salubungin ang kaniyang bertdey. Nag-alarm pa ako ng recorded song na "hapi bertdey Jeuel" pero hindi ko naman narinig. Wala rin. 

   Ang plano talaga ay magsisine ng How to train your Dragon 2. Inaabangan kasi talaga ni Jeuel ito. Astig na astig siya kay Toothless, isang dragon na may lightning speed at retractable teeth. Hindi ko masyadong bet yung pelikula dahil sa mga misconceptions nito ukol sa mga Vikings. Ito ang ilan: 

a. Hindi sungayan ang kanilang mga helmet. Plain lang ang mga ito at may face covering pa. Late 19th Century na ng lumabas ang image ng Vikings na may horned helmets. Parang nalalaos na artistang bigla na lang nagpaseksi; repackaging. 


b. Hindi sila matatabang mandirigma. Lumulusob sila ng mga nayon-nayon tapos mga matataba sila? Sabi ng mga historians mas malaki ang posibilidad na slim ang kanilang pangangatawan dahil kapos sila sa pagkain. Mahaba ang tag-yelo sa northern hemisphere kaya kaunti lang ang oras para magtanim ng kakanin. Wala pang hydroponics at greenhouse technology noon. Kaya nga sa panahon ng tag-araw, lumulusob sila sa iba't-ibang nayon, kadalasan sa mga coastal areas, para manguha ng pagkain, kayamanan, at mga alipin. Kulang sila sa pagkain, tapos i-po-portray na obese? Lokohan. 

c. Sa HTTYD 1, ang mga Vikings ang biktima ng paninira at pagnanakaw ng mga dragon. Ano na lang ang pakiramdam ng mga kaanak ng mga kanununuang mga biniktima ng mga Vikings ngayon? 

   Sa bagay, fiction nga di ga? Walang maling fiction. Kaya lang hindi naman nagsusuri ang maraming manunood, kaya nagkakaroon ng mga buktot na konsepto. Anong problema ko? Bertdey ko ga? HTTYD2 ang gusto ng bertdey boy.

   Ang bertdey boy ang makapangyarihan. Siya ang nasusunod. Siya ang Alpha.Kaya lang nang tignan namin ang presyo ng tiket, Php 220. Hindi namin afford lahat. May hindi makakasama, pag may naiwan, hindi na masaya. 

   Kaya binago ang plano: Sampalok lake na lang ang aura. Viking pa rin naman, yung de pedal. Tapos manghuhuli kami ng tutubi; How to train your dragon -fly. Papangalanan din namin, dahil tagalog version, si Toothless ay si Bungal. Masaya rin naman ang magbisikleta sa Sampalok lake at matagal na rin ng huli naming magawa 'yon. 

   Dahil may mga gawain pa kami bago ang pagdiriwang, nag-almusal lang kami kena Jeuel, tapos kanya-kanyang aktibiti muna. Sina Alquin at Roy, may praktis tapos ako mag-assist pa ng pagtuturo sa mga bata. Alas-dose ang tagpuan sa SM, Booksale muna bago mag-Sampalok lake. 

   Nag-imbentaryo lang kami sa Booksale, wala kaming binili. Pero halos isang oras din kaming nagtingin-tingin ng mga rolibs. Therapy na sa mga pagod namin katawan. Tapos nagkayayaang silipin ang presyo ng HTTYD2. Sisilipin lang? Paano kung Php 150 lang? Gora na? Basta silipin lang, ang request ng bertdey boy. Pagdating namin sa may ticketbooth. Php 155 - HTTYD2 sabi ng overhead monitor. 

   Nagkaroon pa ng mumunting deliberasyon, pero gaano man kahaba ang prusisyon, sa sinehan pa rin ang tuloy. Naabutan pa namin ang mga trailers. 

   Maganda yung atake ng pelikula. May ilang eksenang talagang pumukaw ng damdamin ko. Ito ang ilang spoiler points: 

a. Yung pagtatagpo ni Hiccup at ng Mama niya. Na kahit sanggol pa lang si Hiccup ng makuha ng dragon ang nanay niya ay nakilala pa rin niya ito. Lukso ng dugo, parang pinoy teleserya sa dreamworks. 

b. Yung adbokasiya ng Nanay ni Hiccup na pangalagaan at pag-aralan ang mga dragon sa isang safe sanctuary ng nilikha ng Alpha; ang punong dragon. Kaya hindi na ito bumalik sa nayon nila dahil walang naniniwala sa teorya niyang may isip at napapaamo ang mga dragon. Si Hiccup kasi ipinaglaban niya ang teorya niya, youth angst ang drive nung part 1 e, at maganda ang resulta.

c. Yung nagtagpong muli yung nanay at tatay ni Hiccup sa safe sanctuary. Andami-dami pang sinasabi ng nanay ni Hiccup kung bakit hindi na siya bumalik, hindi na nagpakita pero pinatahimik siya ng isang halik ng pagtanggap at pangungulila. Sa lumipas ng 20 taon ay maganda pa rin daw ito. Nakakaiyak itong parteng ito grabe. Love conquers all. hart. hart. 

d. Yung namatay ang tatay ni Hiccup at binigyan ito ng nordic chief's burial. Napakarangal na libing. At kailangang saluhin ni Hiccup ang responsibilidad ng isang chief. Nahaharap pa naman sila sa isang krisis dahil kinuha lahat sa kanila ang kanilang dragon at may nakakakontrol sa isang itim na Alpha. 

   Ayoko nang i-spoil pa ang mga ibang eksena. Puso ang atake ng pelikula at kung paanong kailangang hanapin ang sarili at harapin ang responsibilidad na kabalikat ng mga pagtuklas.

   Ang alam ko napaiyak si Jeuel. Inspiring at makabagbag damdamin naman talaga, pusong bato lang talaga ang hindi maluluha. 

   Lumabas kami ng masaya at gutom. Pasal na pasal na. Kumain kami sa bayan ng San Pablo sa isang maliit at tagong kainan. Masarap kasi talaga ang siomai nila rito. Tapos naglakad patungong Sampalok Lake, nagkwek-kwek at pinagsayaw sa ibabaw ng upuan si Alvin. Para sa ikakasiya ng may bertdey. 

   Naglakad papuntang bayan. Para sa banchetta, andami-daming pagkain sa night food market. Tapos naglakad na papuntang terminal ng dyip pauwi. 

   Ramdam na namin na halos kalos na kalos na ang aming mga katawan. Tinanong namin si Jeuel kung masaya ito. 

   Tumango siya.


No comments: